Chapter 14
"It's your first day," saad ni Chuck nang makalabas na ako sa banyo. Ngumiti siya nang pilit saka tumayo mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama at nagtungo sa walk-in closet.
"Si baby?" Humarap ako sa salamin at nagsimula ng magsuklay ng buhok matapos kong tanggalin ang towel na nakapulupot sa aking ulo.
"Pinapaarawan ni yaya. Don't worry about her. Yaya will take good care of her. Saka narito naman ako. Wala naman akong gagawin, bukas pa dadalhin ni Rina 'yong mga papeles na kailangan kong pirmahan."
Gusto ko sana siyang tanungin kung kailan siya babalik sa opisina pero nahihiya ako. Ayokong isipin niya na parang tinutulak ko siya na magtrabaho na gayong napupunan naman niya lahat ng mga materyal na pangangailangan namin. For almost six months, palagi kaming magkasama. May mga tampuhan sa pagitan namin pero hindi ko alam kung bakit ni minsan ay hindi ako nabagot kapag kasama siya. Ni minsan hindi ako nagsawa na makita siya araw-araw.
Uminit ang pisngi ko nang makita ko siyang lumabas mula sa walk-in closet dala ang bihisan ko. Sh*t! Hawak-hawak niya pa ang undergarments ko saka inilapag iyon sa kama. Baliktad na talaga ang panahon ngayon. Dapat ako ang gumagawa no'n sa kaniya.
"Chuck, don't do it again next time, okay?" saad ko dahil hiyang-hiya ako sa mga ginagawa niya. "I can do it myself. Kanina ko pa naihanda ang susuotin ko papuntang opisina."
"Hindi ko gusto 'yong napili mong damit. Masyadong mababa ang neckline ng blouse at napakaiksi ng skirt. Maraming manyak sa kompanyang iyon."
"Chuck naman." Tumayo na ako matapos patuyuin ang aking buhok. Kukunin ko na sana ang damit sa ibabaw ng kama dahil sa banyo ako magbibihis pero pinigilan niya ako. "Chuck, male-late na ako sa office."
"Dito ka na magbihis, Sweetheart," saad niya at tinanggal ang suot kong roba mula sa pagkakatali. "Bibihisan kita."
Mabilis kong ibinalik sa pagkakatali ang roba. Sh*t talaga! Pati ba naman iyon gagawin pa niya. Wala pa naman akong suot na panloob.
"Ang kulit mo, Sweetheart. Sabi ng bibihisan na kita, e," saad niya matapos akong yakapin para maiwasan ang tiyak na pagbagsak. Na-off balance kasi ako sa pagmamadaling makapasok sa banyo.
At para wala ng pagtalunan pa ay hinayaan ko na lang siya sa kagustuhan niya. Alam kong namumula na ang pisngi ko sa sobrang hiya dahil simula panloob hanggang sa business suit ay si Chuck ang nagbihis sa akin. Hindi ko alam kung nananadya ang lalaking ito dahil bawat saplot na ibibihis niya sa akin ay may kasamang paghagod ng mga mata kasabay ng himas at halik sa bawat sulok ng katawan ko. Sh*t talaga! Parang ayaw akong papasukin sa opisina.
"Chuck, enough..." ungol ko nang paghahalikan niya ang aking leeg matapos kong isuot ang blazer. "I have to go. Huwag pababayaan si baby."
Niyakap niya ako nang mahigpit at panay na naman ang buntong-hininga. Parang ayaw niya akong pakawalan. Kung hindi pa kumatok si yaya sa pinto ay hindi niya ako bibitiwan.
"Ma'am, nasa baba po si Attorney Irma," saad ni yaya dahilan para dumilim ang mukha ni Chuck.
"Bababa na ako, yaya."
"Akin na si baby." Kinuha ni Chuck si Charlen mula kay yaya dahil panay na naman ang turo ni baby sa ama. Mas close talaga siya sa tatay niya kaysa sa akin.
"Pa-pa-ap-pa," saad niya sabay turo kay Chuck kaya tumawa na lang kami. "Pa-pa-ap-pa."
"Mommy's going to work, Baby," saad ni Chuck kay Charlen. "Say goodbye, Mommy."
"Ba-ba-ba..." Tumawa kami ni Chuck nang sabihin iyon ni baby. Parang nagkakaintindihan sila ni baby. Bawat sabihin ni Chuck ay may sagot si baby at minsan may kasama pang tawa.
"Be cautious, Sweetheart," paalala ni Chuck habang pababa kami ng hagdan. Karga niya si baby sa kanang kamay habang nakahawak ang kaliwa niyang kamay sa kanang kamay ko. "Lalo na sa mga taong nakakasalamuha mo."
Napatingin ako sa kaniya. Parang may laman ang sinasabi niya lalo na nang mabungaran namin si Irma sa living room. Nakangiti ito sa akin subalit napawi rin iyon nang dumako ang paningin sa mag-ama ko. Tila may lihim silang iringan ni Chuck na ayaw ipaalam sa akin.
"Nice house, Miss Magtibay," komento niya. "Mukhang malaki-laking pera ang nagastos mo sa mansiyong ito." Diniinan pa niya ang salitang mo kaya medyo naasiwa ako. Akala siguro ni Irma galing sa sarili kong bulsa ang ipinatayo sa bahay na ito.
"Oh." Napangiti ako. "Actually, I really don't know kung magkano ang nagastos sa bahay na ito since si Chuck ang nagpatayo nito galing sa kita ng toy company."
"Oh, really?" Tumaas ang kanang kilay ni Irma. "Ikaw ang nag-design ng interior? I like the chandelier." Tiningala niya ang giant crystal chandelier. Naalala ko na naman na iyon ang pinakamahal na chandelier na napili ko at gusto ko sanang papalitan pero hindi pumayag si Chuck.
"Ay hindi. I hired Minerva." Tumingin ako kay Chuck na ngayon ay abala sa pakikipag-usap kay baby. Panay ang tawa nila kaya nawala ang atensiyon ko kay Irma. Parang ayaw ko na pumasok sa trabaho kung ganito palagi si baby. Ang sarap halikan. Nakakagigil.
"So shall we, Miss Magtibay?" saad ni Irma mayamaya. "The board is waiting for you." Tumingin siya sa mag-ama ko at muling nagsalita, "Surely having a house like this will put you into great debt. You really need to work hard."
Nagpanting ang tainga ko sa sinabi niya. Ang akala siguro niya ako ang gumagastos sa pamamahay na ito.
"To tell you, frankly," sabat ni Chuck. "It's better for her not to take that job. I don't want to brag, but my businesses are more than enough for the four of us to live a comfortable life."
"Defensive, huh," komento ni Irma.
Ipinagsawalang-bahala ko na lang ang sinabing iyon ni Irma kahit alam kong gigil na gigil na naman si Chuck sa galit. Ayokong magkasagutan na naman sila.
"We have to go, Chuck." Hinalikan ko siya sa labi matapos kong halikan si baby sa noo. "Take care of our baby. I love you."
"I love you too, Sweetheart." Hinalikan niya ako sa noo. "Take care."
******
"Nice decision, Miss Magtibay," saad ni Paul Saavedra matapos ang meeting. Nakatayo siya sa tabi ko habang nakikipagkamay ako sa mga miyembro ng board. Hanggang ngayon ay dama ko pa rin ang kaba sa aking dibdib. Hindi ko akalain na ganito kalaki ang kompanya ni dad. Nanginginig at nanlalamig pa ang mga kamay ko dahil sa mga napag-usapan sa meeting na iyon.
"I can tour you around," muli na namang saad niya nang hindi ako umimik. Nakalabas na ang lahat ng dumalo sa meeting. Ang sekretarya ni dad na si Miss Margie ay lumabas na rin matapos bigyan ni Irma ng instructions. Kaming tatlo na lang ang naiwan sa conference room at dama ko ang tila lihim na pag-uusap nila base sa mga tinginan ng kanilang mga mata.
"Mas mabuti pa nga, Mr. Saavedra," sabat ni Irma saka tumingin sa akin. "Isa siya sa mga pinagkakatiwalaan ng papa mo, Miss Magtibay, so rest assured that you're in good hands." Ngumiti siya matapos makipagkamay sa akin. "So, paano? I really have to go. Mr. Saavedra, ikaw na ang bahala kay Miss Magtibay, okay?"
"Of course, Attorney.
Hindi mawala ang ngiti sa mukha ni Paul nang makaalis na si Irma. Hinawakan niya ako sa baywang at iginiya papalabas ng conference room habang nagkukuwento ng kung anu-ano na wala namang koneksiyon sa kompanya. Kung narito lang si Chuck, kanina pa ito nasupalpal.
Pasimple kong tinanggal ang kamay niya na nakahawak sa baywang ko dahil naaasiwa ako. Nakatingin sa amin ang ilang mga empleyadong naroon at ayokong isipin nila na may namamagitan sa amin ng Paul na ito.
"...sales and marketing department is on fourth floor, human resources on fifth and..."
"I wanna see my father's office," pormal kong saad dahil naiirita akong makasama ang taong ito. Saka ko na bibisitahin ang bawat departamento dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsi-sink in sa utak ko na ako na ang mamamahala ng kompanyang ito. Wala akong kaalam-alam kung paano ito patakbuhin.
"Sure." Binalingan niya si Margie na kanina pa lumapit sa akin sa pag-aakalang may iuutos ako. "Bukas ba ang office ni Tito Victor?"
"Yes, Sir. This way, Miss Magtibay."
"Thank you," saad ko nang makapasok na kami sa office ni dad. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng kwartong iyon. Napabuntong-hininga ako. Siguro kung pumayag lang ako na magtrabaho sa kompanyang ito nang bumalik ako sa Pilipinas ay hindi ako mahihirapan nang ganito. Sana hindi ko pinairal noon ang pride ko at sumunod na lang kay dad.
"Shall I bring coffee or juice, Ma'am?"
"I'm okay, Miss Margie. I just need to be alone. Tatawagin na lang kita kapag may iuutos ako." Papaalis na sana siya nang may maalala akong itanong. "Ah, Miss Margie. Anong klaseng boss ang ama ko? Nakakasundo niya ba ang mga empleyado?"
"Margie na lang po ang itawag n'yo sa akin, Ma'am." Ngumiti siya. "Mabait po si Sir Victor. Sobrang bait po. Katunayan po ay isa ako sa mga binigyan niya ng scholarship noong nag-aaral pa ako kaya po minabuti kong dito na rin magtrabaho matapos akong maka-graduate ng college." Muli siyang ngumiti saka lumabas na ng pinto.
Pinasadahan ko ng tingin ang office desk ni dad. May nakita akong picture niya roon kasama si mom. Ako ang kumuha ng picture na iyon noong twenty fourth birthday ko. Nangungupahan pa ako noon dahil isang taon pa lang simula nang makauwi kami ni Clint sa Pilipinas.
May nalaglag na luha sa kabila kong pisngi nang makita ko si Clint sa pagitan nila. Bata pa roon ang anak ko, Almost four years old pa lang. Nakangiti siya subalit nababanaag sa mga mata niya ang iniindang sakit. Nang mga panahong iyon ay sakitin si Clint kaya naman sobrang payat niya.
Ibinalik ko ang picture sa ibabaw ng desk at tiningnan ang mga picture na naka-display sa likurang bahagi ng swivel chair. Hindi na ako nagulat nang makita ang picture doon ni Chuck. Magkasama sila ni dad, may hawak na golf club at parehas nakangiti.
Muli kong pinunasan ang kumawalang luha sa pisngi ko. Ni minsan ay hindi ko napagbigyan si dad na samahan siyang maglaro ng golf. Sa tuwing aayain niya ako ay palagi kong idinadahilan ang boutique.
"Ma'am?" dinig ko ang boses ni Margie sa may gawing likuran ko. "Nasa telepono po si Attorney Irma."
"Okay. Lalabas na ako."
Bitbit ang picture nina dad at Chuck ay lumabas ako ng silid na iyon at tinungo ang mesa ni Margie. Inilapag ko sa mesa ang picture habang nakikipag-usap sa telepono.
"Uhmm. Wala ako sa mood para tingnan isa-isa ang bawat departament, Irma." Napasimangot ako nang mapag-alaman kong nakarating kay Irma na hindi nangyari ang tour na sinasabi ni Paul. For sure ang lalaking iyon ang nagsumbong. Lintik! Ang laki ng problema nila. Unang araw ko pa lang sa trabaho, gusto na nila akong gawing robot.
"Sure. I'll do that," saad ko at nagpaalam na. Kung inaakala nilang madidiktahan nila ako, nagkakamali sila. Ako ang masusunod sa kompanyang ito. Isa lang naman ang kailangan kong gawin para manatili sa pagiging CEO.
Matapos ang tawag na iyon ay pumasok na ako sa aking opisina at inilagay sa ibabaw ng desk ang picture na kinuha ko sa office ni dad. Napangiti ako. Ang guwapo ni Chuck sa suot niyang puting polo shirt. Wala siyang suot na sunglass kaya kitang-kita ko ang kasiyahan sa mga mata niya.
Napangiwi ako nang bigla ko na lang maramdaman ang pananakit ng magkabila kong dibdib. Punong-puno na ng gatas iyon. Saka ko lang napansin ang orasan, eleven thirty na pala. Kanina pang alas singko ng umaga nang huli kong i-breastfeed si baby. Inabot ko ang aking bag at kinuha mula roon ang breast pump at feeding bottle. Hindi ako makakapagtrabaho nang maayos kung ganitong sumasakit ang dibdib ko.
"Ma'am, magpapa-deliver po ba ako ng lunch n'yo?" tanong ni Margie nang pumasok sa office kaya naantala ang plano kong pag-breast pump.
"No. Hindi pa naman ako nagugutom. Pakitawagan na lang ang head ng bawat department. Pakisabi mag-submit sila ng monthly report asap."
Nang lumabas si Margie ay siya namang pagpasok ni Paul at nag-aayang mag-lunch sa labas. Kahit anong tanggi ko ay nagpupumilit pa rin siya. Naiinis na ako. Ang sakit ng dibdib ko at iyon ang kailangan kong pagtuunan ng pansin sa mga oras na ito. Hindi ang lunch na 'yan.
"Ma'am," sabat ni Margie sa pag-uusap namin ni Paul. "Tumawag po ulit si Attorney Irma. Ang sa..." Hindi ko na maunawaan ang iba pang sinasabi niya dahil natawag ang pansin ko sa ingay na nanggagaling sa labas.
"Anong ingay na 'yon, Margie?" tanong ko.
"Ah, dumating po 'yong anak-anakan ng dad n'yo."
"Anak-anakan?" ulit ko. May anak-anakan si dad?
"Opo, Ma'am. May kasama pong baby. Ang cute po no'ng baby."