Chapter 25
Kanina pa kami nakaupo ni Chuck dito sa loob ng bar. Hawak niya ang kamay ko habang nakikipag-usap sa mga kaibigan ko na tila walang problema dahil todo ngiti pa siya. Nakamasid lang ako sa mga kilos niya at paminsan-minsan ay pasimpe kong tinatanggal ang kamay niya pero mas lalo niyang hinihigpitan ang pagkakahawak.
"Thanks sa gift mo, friend," wika ni Eden. "In fairness, nawala na 'yong pagiging kuripot mo simula nang dumistansiya ka kay Patrick." Tumawa sina Vivienne at Kaye.
"Bruha ka," saad naman ni Patrick. "Ikaw na nga itong niregaluhan, nakuha mo pang manlait. Hoy, for your info, bumalik na si Ligaya sa dati niyang buhay kaya nakatikim ka ng ganyan."
"Ang sabihin mo," sabad naman ni Kaye. "First time magregalo ni Ligs ng mamahaling bag."
"Halur." Binato ni Patrick ng kinumuyos na tissue si Kaye. "Isa ka pa, Kaye, ha. Palagay mo kay Ligaya? Poor?"
"Yup!" Tumawa si Vivienne. "Kaya nga hindi 'yan makauwi ng Pinas noon dahil walang budget. Kaya hayun, tiniis ang demonyong si Fern."
Napasimangot ako sa narinig. Nakakahiya lalo na't narito sina Chuck at Jude. Bakit kailangan pa nilang ipaalala ang nakaraan?
Nag-init ang pisngi ko sa sobrang hiya. Sa aming magbabarkada, ako lang ang nakaranas na maubusan ng pera. Hindi naman ako makalapit sa mga magulang ko dala na rin ng pride ko kaya nagtiis ako noon sa Amerika.
Nahagip ng paningin ko ang pagsiko ni Eden kay Viv. Mahina lang ang musika sa gawi namin, medyo madilim pero naaaninag ko ang paglapit ng labi ni Jude kay Viv na tila ba may ibinubulong. Si Chuck ay mas lalo namang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko na para bang ipinapahiwatig na ayos lang ang lahat.
"Kaunting respeto naman, Viv," saway ni Patrick kaya nawala ang ingay sa aming mesa. "Andito si Chuck, o. Bawal pag-usapan ang walanghiyang iyon."
Kaagad naman silang nag-sorry kaya muli na namang umingay sa gawi namin. Uminom ako ng juice dahil pinagbawalan ako ni Chuck na uminom ng alak.
"Anyway," saad ni Eden mayamaya. "Kailan nga pala ang kasal ninyo ni Chuck, Ligs?"
"It's your birthday, Eden kaya bawal magtanong ng mga bagay tungkol sa akin, right guys?" Pinilit kong ngumiti kahit alam kong naiinis si Chuck sa sinabi kong iyon.
"It's long overdue, Sweetheart," bulong sa akin ni Chuck. "We need to get married as soon as possible." Kinuha niya ang baso na may lamang alak at sinaid ang laman.
Nang mag-aya si Eden sa dance floor ay tumanggi ako. Nawala na ako sa mood dahil dama ko na naiinis na si Chuck. Panay na lang ang inom niya ng alak nang kaming dalawa na lang ang naiwan sa mesa.
"That's enough, Chuck." Kinuha ko ang baso sa kamay niya. "Magda-drive ka pauwi."
Hindi siya sumagot bagkus ay hinawakan ang kamay ko at pinakatitigan ang aking mga mata. Nakita ko sa mga mata niya ang takot nang mahagip siya ng ilaw. Para na namang pinipiga ang puso ko. Ako ang may gawa niyon sa kaniya. Dahil sa akin kaya siya nasasaktan.
Inilihis ko na lang ang aking paningin. Hindi ko kayang salubungin ang mga titig niya. Nababasa niya ang nasa loob ko at alam kong alam na niya na wala pa sa plano ko ang pagpapakasal.
"What's holding you back?" muli niyang bulong. "We already planned our wedding, Ligs. Pero lately napapansin ko na tila umiiwas ka na pag-usapan ang kasal. Why?"
Hinawakan ko ang kamay niya at isinandal ang aking ulo sa kaniyang balikat. "This is not the right place to talk about it, Chuck. Birthday ngayon ni Eden. Why don't we join them?" Tukoy ko sa mga kaibigan ko na naroon na sa dance floor.
Tumawa siya. "Sure. Ngayon magkakaalaman kung parehong kaliwa ang paa mo."
Tumawa na rin ako lalo na nang ilagay niya ang kaniyang kamay sa baywang ko. "No need to be possessive, Chuck. Walang magkakagusto sa akin dito."
"I doubt it, Sweetheart. You're such a seductress. Kung bakit pa kasi pinayagan kita na magsuot ng ganyan. Mapapaaway ako nito 'pag nagkataon."
Tinaasan ko siya ng kilay. Hindi ko nga alam kung ano ang nakain niya kanina at pumayag siya na magsuot ako ng sleeveless na may plunging neckline. Kitang-kita ang hita ko dahil napakaiksi niyon at dahil medyo hapit sa katawan ko ay mapapansin kaagad ang malusog kong hinaharap. Dama ko ang iilang pares ng mga mata na nakatingin sa gawi namin ni Chuck habang papunta kami sa dance floor.
"Mukhang may mapapaaway ngayong gabi," palatak ni Jude habang nagsasayaw kami. May ilang lalaki kasi sa gawi namin na panay ang dikit sa akin kaya isiniksik ko ang aking sarili sa katawan ni Chuck.
Napayakap ako kay Chuck nang maramdaman kong may humawak sa pang-upo ko at pinisil iyon. Siksikan sa parteng iyon ng dance floor kaya hindi ko alam kung sino sa mga lalaking naroon ang gumawa niyon. Niyaya ko na lang si Chuck na maupo dahil ayokong magkagulo.
"Not bad, Sweetheart. I can say na parehas kanan ang paa mo." Tumawa siya saka hinubad ang suot na jacket at ibinalabal sa akin. Inakbayan niya ako saka hinalikan sa sentido.
"Sus. Binobola mo lang ako." Mahinang suntok ang iginawad ko sa dibdib niya ngunit nahuli na naman niya ang kamao ko. At gaya ng dati niyang ginagawa ay dinala niya iyon sa labi niya para halikan.
"I'm just telling the truth, Sweetheart." Tatawa-tawa na naman siya saka inilapit ang labi sa tainga ko. "Pero mas gusto ko pa ring kasayaw ka sa kama. Can't wait to get home and make you wet."
Kinurot ko siya sa tagiliran. "Kahit kailan talaga wala kang kasawa-sawa."
"Bakit ako magsasawa kung iyon ang pinakamarasap na natikman ko?"
Parang gusto kong bumuka na lang ang lupa at lamunin ako dahil narinig ni Jude ang sinabi ni Chuck. Sh*t talaga! Ang sarap busalan ng bibig niya para hindi na makapagsalita.
"Naman, pare!" malakas na saad ni Jude na ngayon ay nakaupo na sa tabi ni Chuck. Tawang-tawa siya sa narinig kaya nagtaka si Vivienne. "I told you, pare, iuwi mo na 'yan si Ligs nang matikman mo na ang pinakamasarap na sinasabi mo."
Tumili si Vivienne gano'n din ang iba pa naming kaibigan. Pumalakpak pa si Patrick at itinaas ang baso.
"Para sa susunod kong inaanak," wika niya at tumingin kay Chuck na nagtaas din ng baso. "Sana mabuo ka na para hindi na magdalawang-isip pa si Ligaya na ituloy ang kasal."
Nagsalita rin ang iba ko pang mga kaibigan pero iisa lang ang gusto nilang lahat at iyon ay magpakasal na kami ni Chuck. Pilit akong ngumiti lalo na nang halikan na naman ako ni Chuck sa sentido kaya lalong umingay sina Patrick.
Mayamaya ay tumayo ako para pumunta sa ladies room nang mahagip ng aking paningin ang taong nakaupo sa katapat namin na mesa na walang iba kundi si Fern. Nakatingin siya sa akin na para bang ipinangangalandakan niya ang dalawang babaing nakayapos sa kaniya. Itinaas niya pa ang hawak na baso saka ininom ang laman niyon.
"Let's go, Ligs." Hinatak ni Vivienne ang kamay ko kaya nagpatianod na lang ako. Nakipagsiksikan kami sa mga tao patungo sa ladies room.
"So, kumusta ang puso mo, Ligs?" tanong niya matapos mahugas ng kamay.
"Ayos naman." Nagsuklay ako ng buhok saka naglagay ng lipstick.
"Alam mo bang kanina pa nagagalit si Chuck, Ligs? Kanina pa kasi pasulyap-sulyap si Fern sa mesa natin. Don't tell me hindi mo napansin?"
"Uhmmm. Kung hindi ako tumayo para pumunta rito, hindi ko siya mapapansin, Viv."
"Mag-ingat ka, Ligs. Mukhang said na said na si Chuck diyan sa ex mo. Kapag hindi 'yan nakapagpigil, ewan ko lang sa Fern na 'yan kung saan siya pupulutin."
"I don't care about him anymore. He is my past na hindi ko na babalikan pa."
"Really, Ligaya?" Tumitig siya sa mukha ko. "Bakit parang iba ang sinasabi ng mga mata mo?"
"Guni-guni mo lang 'yan, Viv."
"Siguro nga. Pero iba ang pakiramdam ni Chuck, Ligs. Ang sabi sa akin ni Patrick, umiyak si Chuck kanina sa bahay ninyo."
Napakunot ang noo ko. "Umiyak? At bakit naman siya iiyak?"
"Kung ibalik ko kaya sa 'yo ang tanong mo?" mataray niyang saad. "Ano ba ang problema ninyo at gano'n na lang si Chuck kung magmakaawa sa amin na kumbinsihin ka na ituloy ang kasal ninyo? Dahil kung tungkol na naman ito kay Fern, Ligs, sinasabi ko sa 'yo, maghahalo ang balat sa tinalupan. Hinding-hindi 'yan papayag si Chuck na magkabalikan kayo ni Fern. Kaya kung ano man ang nararamdaman mo o kung mayroon ka pang nararamdaman sa pesteng Fern na 'yan, makabubuting patayin mo na kung ayaw mong makipagpatayan 'yang si Chuck."
"Dami mo ng sinabi, Viv. Wala akong balak makipagbalikan kay Fern. Kunteno na ako sa buhay ko ngayon."
"What about the wedding? Don't tell me na pinapaasa mo lang si Chuck?"
"Viv..."
"So pinapaasa mo nga?" nanlulumong saad niya. "My god, Ligaya, malaking gulo ito. Mapapahiya si Chuck sa mga tao."
Hindi pa man ako nakakasagot ay narinig ko na ang komosyon sa labas. Tila may nag-aaway dahil wala na ang malakas na musika, napalitan iyon ng mga sigaw na parang galit na galit. Bigla ang pagragasa ng kaba sa dibdib ko kaya agad akong lumabas ng ladies room para puntahan si Chuck.
Makapal na tao ang bumungad sa akin kaya hindi ko matanaw ang kinaroroonan ng mga kaibigan ko. Nakipagsiksikan ako dahil alalang-alala ako kay Chuck nang maulinigan ko ang boses niya.
"D*mn you, Andy! Wala kang karapatan!" sigaw ni Chuck.
"Chuck!" Itinulak ko ang isang lalaki para makadaan ako. Kitang-kita ko nang suntukin ni Chuck si Fern sa panga. Humandusay ang huli kaya naghiyawan ang mga tao.
"Leave her alone," saad pa ni Chuck sa tatawa-tawa pang si Fern.
"We'll see, Chuckie boy."
"Enough, Chuck!" Pigil ko nang akmang uundayan na naman niya ng suntok si Fern. Hindi pa nakakabangon ang huli pero tila ayos lang sa kaniya at nakuha pang ngumiti sa akin. HIndi ko siya pinansin, hinawakan ko na lang ang braso ni Chuck at hinila palabas ng bar na iyon. Hindi ko na nagawa pang makapagpaalam sa mga kaibigan ko.
"Sh*t!" mura ko nang buksan ko ang ilaw sa loob ng kotse at napansin ko ang duguang mukha ni Chuck. "Ano bang ginawa mo?"
Wala siyang imik, nakakuyom lang ang mga kamao at nagtatagis ang mga bagang. Kinuha ko na lang sa bulsa niya ang susi at nag-drive paalis ng bar. At dahil malapit lang ang condo niya ay doon ko na napagpasyahang umuwi para magamot ang sugat niya.
"Ano ang ginawa mo?" muli kong tanong habang dinadampian ng yelo ang bukol niya. "Bakit ka nakipag-away? Hindi na ba matitigil ang iringan ninyong dalawa, ha, Chuck?"
"Siya ang nauna, hindi ako." Tumingala siya at isinandal ang ulo sa sopa. Nang pumikit siya ay napansin ko ang luhang kumawala sa magkabila niyang mata.
"Hindi ako nagtatanong kung sino ang nauna. Ang tanong ay kung ano ang ginawa mo? Bakit ba sa tuwing magkikita kayo ni Fern ay palagi na lang nauuwi sa suntukan, ha? Hindi ba pwedeng maging civil kayo sa isa't isa?"
"I'm trying to be civil, but that bastard provoked me." Iminulat niya ang kaniyang mga mata at tinitigan ako. "Nakakalalaki na ang lintik na iyon! Sa palagay mo, basta na lang ako titiklop sa bawat sabihin niya? Kung noon nagagawa ko iyon, pwes hindi na ngayon. Punong-puno na ako sa kaniya. Kung gusto niya ng away, ibibigay ko sa kaniya."
"Chuck..." sambit ko sa nakikitang paghihirap niya. "Hayaan mo na siya."
"What? Hayaan?" Umayos siya ng upo matapos punasan ang mga mata. "Tama ba ang naririnig ko? O ayaw mo lang na nasasaktan ang lintik na iyon?" Tumayo siya at iniwan ako sa salas.
Susundan ko sana siya pero tumunog ang cellphone ko. Nang sagutin ko iyon ay boses ni Kaye ang bumungad sa akin.
"Kaye...?"
"Pinagtulungan nina Jude at Patrick si Fern, Ligs. Mabuti na lang at inawat ng mga bouncer."
"What? How's Fern?"
"What?" galit niyang tanong. "Nasaktan na si Chuck, si Fern pa rin ang inaalala mo? Ligs naman."
"Hindi naman sa gano'n, Kaye. Kaya lang... kaya lang..." Wala akong maapuhap na isasagot.
"Ligaya!" sigaw niya sa kabilang linya. "Don't tell me may nararamdaman ka pa sa gagong iyon kaya hindi mo magawang pakasalan si Chuck?"
"Kaye, you don't understand..."
"Alam mo ba kanina nang nasa loob kayo ni Viv ng ladies room, nilapitan kami ni Fern at marami siyang sinabi kay Chuck kaya nauwi sila sa suntukan. Kahit kailan talaga, gulo ang dala ng Fern na 'yan."
Hindi mawala ang kaba sa dibdib ko. Maraming alam si Fern sa buhay ko lalong-lalo na sa kompanya. Papaano ko ipaliliwanag kay Chuck ang lahat kapag nalaman niya ang totoong dahilan kaya hindi matuloy-tuloy ang kasal namin?