Chapter 37 "Go, Clint!" sigaw ni Chuck. Tumayo pa siya saka sunod-sunod na pumalakpak na para bang hinihimok ang anak ko na bilisan ang pagtakbo para mai-shoot agad ang bola sa kabilang ring. "You can do it! Come on!" Naghiyawan ang mga manonood nang ipasa ni Clint ang bola sa kakampi at akmang iso-shoot na ang bola ngunit sa kasamaang palad ay naagaw ng kalaban dahilan para lalong umingay sa banda namin. "Naku! Sayang!" sigaw ng mga tao sa likuran namin. Nasa kamay na ng kalaban ang bola at mabilis iyong naipasa sa kanilang kakampi. At dahil mahina ang pagbabantay ng koponan nina Clint ay agad iyong nai-shoot sa ring. Nahagip ng paningin ko ang panghihinayang sa mga mata ni Chuck. Pantay na kasi ang score at kung hindi nila seseryosohin ang laro malamang matalo ang kanilang koponan.

