MASAKIT na maiwanan ng taong naging mundo mo sa mahabang panahon. Mahirap kalimutan ang lahat ng masasaya at magaganda niyong alaala. Akala mo kasi noon, wala nang katapusan ang lahat, akala mo habangbuhay na kayong magsasama… Pero lahat pala ng iyon ay akala mo lang dahil hindi mo hawak ang mangyayari, wala kang kontrol sa isip ng tao kung ano ang gagawin nito. Ang tanging magagawa mo lang ay ang maging handa sa katapusan…
Umiyak nang umiyak si Martin sa harapan ng magulang niya habang hawak ng mommy niya ang mga gamit niya sa pagda-drugs. Sinubukan lang naman niya iyon dahil baka sa paraang iyon ay makalimot siya sa sakit. Namanhid na kasi siya sa alak, kahit lasing siya ay dama pa rin niya ang sakit ng pag-iwan sa kanya ni Jonas. Aaminin niya, naging dependent siya sa drugs sa mga nakalipas na araw. Masyado siyang nalulong sa epekto niyon sa kanya.
“M-mommy… a-akin na `yan… Kailangan ko ang mga iyan. Please…”
“No!” itinapon nito sa kung saan ang lighter at foil.
“Mommy!” Pupuntahan niya sana ang itinapon ito pero muli siyang sinuntok ng daddy niya. Malakas pa siya nitong itinulak na naging dahilan para mapaupo siya sa sahig.
“This time, kami na ang masusunod ng mommy mo, Martin! Sasama ka sa amin at ipapa-rehab ka namin! Hindi ka na pwedeng tumanggi!”
“Rehab? Hindi ako adik! Gumagamit lang ako pero hindi ako—”
“Stop!” Maawtoridad na sigaw ng daddy niya sa kanya.
Sa takot niya na saktan siya ulit nito ay napayuko na lang siya at nanahimik. Lumabas saglit ang daddy niya. Anito, tatawag ito ng taong magdadala sa kanya sa isang rehabilitation center.
Marahan siyang nilapitan ng mommy niya. Naramdaman niya ang panginginig ng kamay nito nang hawakan nito ang magkabila niyang pisngi para iangat iyon. May namumuong luha sa gilid ng mata nito. “M-martin, anak… A-anong nangyari sa iyo?” tanong ng mommy niya.
“Bakit hindi niyo tanungin ang sarili niyo, mommy? Anong ginawa niyo sa akin? Bakit inilayo niyo sa akin si Jonas kahit alam niyong isa siya sa malaki kong kaligayahan. Mommy, si Jonas ang buhay ko. Nawala siya sa akin kaya ako nagkakaganito! Kung hindi niyo siya sinilaw sa pera ay hindi siya lalayo sa akin. Ikakasal na sana kami…”
“Pero, tutol kami sa relasyon niyo dahil parehas kayong lalaki. Ano na lang ang magiging buhay mo sa kanya? Hindi kayo magkakaroon ng normal na pamilya. Ang kapakanan mo lang ang iniisip namin ng daddy mo. Mahal ka lang namin, anak.”
“Kapakanan? Tapos ilalayo niyo si Jonas? Sinilaw niyo sa pera!”
“Martin… I am so--”
Sa pagkakataon na iyon ay pumasok na ulit ang daddy niya. “Anytime ay darating na ang kumpare ko. Dadalhin ka na namin sa rehabilitation center, Martin!” anito.
“Hindi! A-ayoko! Dito lang ako.” tigas na tanggi niya.
“Fred, pwede bang lumabas ka muna…” ani ng mommy niya sa daddy niya. “M-may pag-uusapan lang kami ni Martin.”
Tumiim ang bagang ng tatay ni Martin pero lumabas din ito pagkatapos siyang bigyan ng isang matalim na tingin.
PAGKABABA ni Jonas ng eroplano ay pinuno niya ng hangin ang kanyang dibdib. May saya sa puso na nagpatuloy siya sa paglalakad. Pagkalabas niya ng airport ay sinalubong siya nina Summer, Benj at Dion na masayang niyakap siya. Makalipas ang isang taon sa Japan ay ipinaalam din niya sa mga kaibigan kung nasaan siya. May nasagap kasi siyang balita na nalulong sa droga si Martin at nasa rehab ito.
“Two years ka ring nawala, bakla ka!” Natatawa na naluluhang turan ni Summer sa kanya. “Ang laki ng inimprove mo, ha! Ang puti mo na at lalo kang gumwapo!”
Naging maganda naman ang kapalaran ni Jonas sa Japan. Nagtrabaho siya sa isang manufacturing company doon bilang factory worker pero dahil sa husay at dedikasyon niya sa trabaho ay naging supervisor siya matapos ang isa’t kalahating taon. Dahil din sa kanyang trabaho ay naging busy siya at bahagyang nakalimutan ang sakit ng pagkakalayo nila ni Martin.
“Alam mo, nambola ka pa! Don’t worry, Summer, kahit hindi mo ako bolahin ay may pasalubong ka pa rin sa akin! Lahat ng gusto mong skin care ay binili ko talaga!” aniya. Napatingin siya kina Benj at Dion na magka-holding hands. “Ano iyan? Bakit may paghawak sa kamay?” sabay turo niya sa dalawa.
Itinirik ni Summer ang mga mata. “Ang tagal mo kasing nawala kaya hindi mo na alam ang latest. Magjowa na ang dalawang iyan at palagi na lang akong third wheel kapag may date ang mga hitad! Naku! Kung hindi ko lang talaga love ang dalawang iyan ay hindi ako sasama sa mga date nila. Palagi na lang akong ginawang videographer para sa couple vlog nila sa Youtube!”
“Atleast, libre ka lagi namin, `no! Saka kapag kumikita na kami sa Youtube channel namin ay babahagian ka naman namin!” ani Benj sabay irap.
“O, baka mag-away na naman kayo, ha. Wala pa rin kayong pinagbago!”
“Ikaw lang naman yata ang nagbago!” sabi ni Summer. Siniko ito ni Dion.
Alam ni Jonas ang ibig sabihin ni Summer at ayaw niya munang pag-usapan ang bagay na iyon. “Tara na, gusto ko nang umuwi!” pag-iiba niya sa usapan.
Pansamantala ay doon muna siya kay Summer uuwi. Sa pagkakaalam niya kasi ay wala na si Martin sa dati nilang apartment at paniguradong may iba nang nakatira doon. Pero bukas ay babalik siya doon, malay ba naman niya kung wala pa. Kung wala pa, uupahan na lang muna niya ulit iyon. Hindi na kasi siya babalik sa Japan tutal ay may ipon na rin siya. Balak niyang magtayo kahit maliit na negosyo lang.
Malaki rin talaga ang naitulong ng pagtatrabaho niya sa Japan kung titingnan ang kaniyang financial status. Noong writer kasi siya ay sa tuwing may natatapos lamang siyang nobela saka siya kumikita. Ngunit nagsusulat pa rin siya kapag may libreng oras. Iniipon niya ang mga natatapos niyang nobela at balak na i-edit para ipasa sa mga publishing company dito sa bansa.
Habang sakay ng kotse na si Summer ang nagda-drive ay napag-usapan nila si Martin. Magkatabi sila nito sa unahan habang sina Benj at Dion ay sweet na sweet sa backseat.
“Alam mo bang sobrang nawasak si Martin when you left him? Kahit kami in-eject niya sa buhay niya! Grabe talaga!” Naiiling na turan ni Summer.
Nginatngat na naman si Jonas ng konsensiya niya. “Summer, alam niyo na naman ang reason kung bakit ko iyon ginawa…”
“Yeah, alam namin na kaya mo iyon ginawa kasi iyon ang hininging kapalit ng mommy ni Martin sa pagpapagamot nila sa anak nila. At ang alam ni Martin ay nasilaw ka sa pera ng mommy niya. Iyon kaya ang press release ng mommy ni Martin!”
Sinabi na ni Jonas sa tatlo ang totoong dahilan kung bakit niya iniwan si Martin. Panay kasi ang pilit ng mga ito sa tuwing magkakausap sila sa video call.
“Sana okay lang si Martin. At sana hindi niyo sabihin sa kanya ang mga nalalaman niyo, okay? Alam niyo naman na hanggang ngayon ay tumutupad pa rin ako sa kasunduan ng mommy ni Martin.”
“Naku, never na naming nakausap pa si Martin kasi nga nasa rehab siya. Hindi pa nga namin alam kung kailan siya makakalabas. Pero, teka… ikaw, kumusta ka naman?”
Huminga nang malalim si Jonas sa tanong na iyon. Ngumiti na lang siya at hindi sinagot si Summer. Sa totoo lang kasi ay hindi siya okay. Never siyang naging okay sa nakalipas na dalawang taon. Ikaw ba naman ang lumayo sa taong mahal mo kahit tutol ang buong pagkatao mo. Pero kailangan mo iyong gawin dahil iyon ang dapat.
Nakatingin sa labas ng bintana na sumagot siya. “`Eto, okay naman kahit papaano…”
“E, si Martin? Siya pa rin ba ang nandiyan sa puso mo?”
“Kahit kailan naman ay hindi siya nawala dito, Summer. Maraming gustong pumalit sa kanya noong nasa Japan ako pero walang makakapantay sa kanya. Baka nga tumanda na akong siya ang huli kong mamahalin.”
“Ganda naman! Sayang, `no? Kung hindi lang umeksena mommy ni Martin natuloy na sana ang kasal niyo noon. Okay na ang lahat, e. From venue hanggang sa--”
“Summer, ayoko nang pag-usapan, please…” Nag-c***k ang boses niya. Parang maiiyak na siya.
“Okay. Pero one last question about Martin… Kung bibigyan ka ba ng pagkakataon, papakasalan mo pa rin ba siya?”
“Oo naman. Wala akong ibang nais makasama kundi siya lang… si Martin lang.” Mabilis at nakangiti niyang sagot.
MALAPIT nang mag-gabi nang mapuntahan ni Jonas ang apartment na tinirhan nila ni Martin doon. Umaga na kasi nang makatulog siya at hapon na nang magising siya. Ayon sa landlady doon, simula nang umalis sila ni Martin doon ay wala nang sumunod na nag-rent. Tinanong niya kung bakit pero kahit ito ay hindi rin alam. Hinayaan siya nitong pumasok sa loob. Mukhang alaga naman sa linis kaya walang alikabok. Wala na ang gamit nila doon.
Hindi niya maiwasan ang hindi maging emosyonal nang nasa salas siya.
Parang nakikita pa niya doon ang paghaharutan nila ni Martin, iyong sabay silang nanonood ng TV habang kumakain at iyong mga away nila na nauuwi sa yakapan at pagbabati.
Kasunod na pinuntahan niya ang kwarto at doon ay binalikan din niya ang masasayang alaala nila ni Martin. Sayang… Nanghihinayang talaga siya sa kanila ni Martin. Kung naging mabait lang sana sa kanila ang tadhana, magkasama pa rin sana sila hanggang ngayon.
Nanatili pa siya ng ilang minuto doon. Hinayaan niya ang kanyang sarili na lunurin ng samo’t saring alaala nila ni Martin. Mga alaalang habangbuhay ay mananatili sa kanyang puso.
Ilang sandali pa’y lumabas na siya. Nagpaalam na siya sa landlady.
Paglabas niya ng gate ng apartment ay isang kulay itim na van ang huminto sa harapan niya. Nagulat siya nang mula doon ay dalawang lalaki na malalaki ang katawan ang lumabas at hinila siya paloob. Hindi na niya nagawa pang sumigaw dahil tinutukan agad siya ng b***l ng isa.
“S-sino kayo? A-anong gagawin niyo sa akin?” takot na takot na tanong niya.
Wala siyang nakuhang sagot. Piniringan siya at umandar na ang van.
Ramdam niya ang nakatutok na b***l sa ulo niya. Napaiyak na lang si Jonas sa takot.
“Bilisan niyo! Gawin niyo na ang inutos ko!” Isang boses ng babae ang narinig niyang nagsalita mula sa unahan.
Natigilan siya. Pamilyar sa kanya ang boses ng naturang babae. Hindi niya pwedeng makalimutan ang boses na iyon dahil boses iyon ng taong naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Martin…
“T-tita Mara?” bulalas niya. “Kayo po ba `yan? Bakit niyo po ito ginagawa? Ano pong kasalanan ko sa inyo?! Sumunod naman po ako sa usapan natin! Hindi na po ako nagpakita pa simula noon kay Martin!”
“Tumahimik ka!” Mas lalong pinagdiinan ng lalaki ang b***l sa ulo niya.
Nanginginig sa takot si Jonas. Taimtim na lang na nagdasal siya na sana ay walang masamang mangyari sa kanya. Kung bakit ito ginagawa ng mommy ni Martin ay wala siyang ideya. Hindi naman siya lumabag sa kasunduan nila noon. Hanggang ngayon ay sinusunod niya pa rin iyon.
“Maghubad ka!” utos ng katabi niyang lalaki.
“Po?”
“h***d sabi!”
“A-ano bang--”
“Maghuhubad ka ba o papasabugin ko ulo mo!”
Sa takot ni Jonas ay naghubad na lang siya. Tanging brief lang ang itinira niya. May ibinigay na damit ang lalaki at ipinasuot iyon sa kanya. Pati sapatos niya ay ipinahubad din at pinalitan. Lahat ng sinabi ng mga ito ay sinunod na lang niya sa takot na baka patayin siya kapag sumuway siya.
Matagal ang biyahe nila bago iyon huminto. Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng van at bumaba na sila. Pinakiramdaman niya ang paligid. Tahimik at medyo malamig. Nasaan na kaya sila?
Itinulak siya ng lalaki. “Lakad!” Pasigaw na utos nito.
Naglakad lang si Jonas hanggang sa maramdaman niya na parang naglalakad na sila sa buhangin at may naririnig na siyang hampas ng alon. Nasa dagat ba sila? Baka naman dito siya papatayin ng mga ito tapos isisilid ang bangkay niya sa drum at itatapon sa gitna ng dagat. Para hindi na siya matagpuan kahit kailan.
Nakakalungkot lang na mamamatay siyang hindi man lang nakapiling ang pamilya matapos niyang bumalik mula sa Japan. Kung alam lang sana niyang ganito ang gagawin sa kanya ng mommy ni Martin ay hindi na lang sana siya sumunod sa kasunduan nila noon.
“Hinto!”
Napapitlag si Jonas sabay tigil sa paglalakad.
“Huwag kang aalis diyan at huwag mong tatanggalin ang piring mo sa mata hangga’t hindi ko sinasabi. Nagkakaintindihan ba tayo?!”
“O-opo…” Umiiyak na sagot niya.
Diyos ko! Kayo na po ang bahala sa akin… bulong niya.
Nakatayo lang doon si Jonas ng halos kalahating oras. Maya maya ay may naramdaman siyang tao na nasa harapan niya.
“P-papatayin niyo na ba ako? Sige, patayin niyo na ako. Handa na ako! Pero, Tita Mara… kung naririnig niyo ako gusto ko sanang sabihin niyo kay Martin na mahal na mahal ko siya! Gawin niyo po sana iyan dahil gusto kong malaman niya na hanggang ngayon ay siya pa rin ang nasa puso ko. Please, tita!” Tuluyan na siyang napahagulhol ng iyak dahil tila nakikita na niya ang nalalapit na katapusan ng kanyang buhay.
“Tanggalin mo na ang piring mo…” utos ng isang lalaki na nasa harapan niya.
Marahan niyang tinanggal ang piring niya. Kinurap-kurap niya ang kanyang mata at sumalubong sa kanya ang isang mukha na kailanman ay hindi niya makakalimutan. Nakangiti ito sa kanya at medyo naluluha.
“M-martin?” hindi makapaniwalang bulalas niya. Parang nananaginip lang siya.
Kinusot ni Jonas ang kanyang mata dahil baka namamalik-mata lang siya pero matapos niyang gawin iyon ay nakatayo pa rin si Martin sa harapan niya. Napakagwapo nito sa suot nitong tuxedo. Nang tignan niya ang kanyang kasuotan ay doon lang niya nalaman na magkaparehas pala sila ng suot.
“Martin?” ulit niya. Hindi pa rin siya makapaniwala.
Parang panaginip lang na nasa harapan na niya ito!
“Ako nga… asawa ko.”
Gustong magtitili ni Jonas sa kilig nang muli niyang marinig mula kay Martin ang kanilang term of endearment na “asawa ko”.
“Akala ko ba…” Nag-init ang mata niya.
“Matagal na akong nakalabas ng rehab. Magaling na ako, Jonas. Ikaw na lang ang hinihintay ko…”
“A-ako? B-bakit?”
“Sinabi na sa akin ni mommy ang totoo bago pa man ako pumasok sa rehab. Alam ko na kung bakit ka lumayo. Ginawa mo iyon para sa akin. You are so selfless, Jonas! Kaya mahal na mahal kita, e!”
“P-pero… ano ito?” Hindi pa rin nagsi-sink in kay Jonas ang lahat. Lutang pa rin ang utak niya ng sandaling iyon. Nahihirapan siyang I-absorb lahat dahil kanina lang ay ang akala niya’y mamamatay na siya.
“Tumingin ka sa paligid mo…”
Ginawa nga iyon ni Jonas at ganoon na lang ang gulat at pagkamangha niya. Maliwanag ang buong paligid. Nasa dulo sila ng red carpet at sa gilid niyon ay nakaupo ang mga tao. Mga taong naging bahagi ng kwento nilang dalawa. Sina Summer, Benj, Dion, ang buong pamilya niya, buong pamilya ni Martin at si Tanya. Naroon din ang ilan sa mga kilala nilang tao. Lahat ay umiiyak habang pinapanood siya. ANg daming bulaklak sa buong paligid. Ngayon ay natatandaan na niya. Sa beach na ito rin nag-propose noon si Martin sa kanya.
Nagtataka na tumingin siya kay Martin.
Ngumiti ito. “O, nagtataka ka ba? Yes, payag na sina mommy at daddy na magpakasal tayo. Noong nalaman kasi ni mommy na nalulong ako sa drugs, sobrang naawa siya sa akin at nagkaroon kami ng kasunduan…”
“Kasunduan? Ano?”
“Na kapag nakalabas na ako ng rehab at magaling na ako, papayag na siyang magpakasal tayong dalawa. At sila ni daddy, sa ibang bansa na titira kasi doon na tayo titira sa bahay namin. Hindi pa rin kasi nila talaga tanggap kung ano tayo kaya sila na lang ang mag-a-adjust. Pero ita-try pa rin nila. Atleast, they’ll try.”
“So, iyong pagkidnap sa akin… palabas lang ang lahat ng iyon?”
“Yup! At ako ang nag-suggest na ganoon ang maging eksena!”
“Hayop ka!” aniya at pinagbabayo niya ang dibdib ni Martin. “Alam mo bang muntik na akong mamatay sa sobrang takot! Pwede namang iba na lang na paraan! Paano kung inatake ako sa puso?!”
“E, wala ka namang sakit sa puso, `di ba?”
“Kahit na—”
“Ah, e… Sisimulan na ba ang Holy Union?” dumating na pala ang magkakasal sa kanila.
“Tama na. `Andiyan na si father…” Niyakap siya ni Martin.
Tumigil na si Jonas dahil napahiya siya kay father. Pumwesto na ang father sa harapan nila at umayos na rin sila.
Hinawakan ni Martin ang kanyang kamay at pinisil iyon. Nang tumingin siya dito ay kinindatan siya nito. Napangiti si Jonas kasabay ng pagpatak ng kanyang luha. Luha iyon ng kaligayahan… Dahil sa wakas, matapos ang napakaraming pagsubok sa kanila ng tadhana, heto silang dalawa… magkasama pa rin, pinagtagpo pa rin. At sa pagkakataong ito, hinding-hindi na siya papayag na magkahiwalay pa silang dalawa.
Silang dalawa. Habangbuhay…
WAKAS