Dahil sa matinding takot ay hindi ako nangahas na lumabas ng silid kahit nakatapos na akong maligo at magbihis. Alas-sais pa lang ng umaga ngunit hindi na ako muling nakatulog. Hindi pa rin mawala sa isip ko iyong hitsura ni Vinzon kanina.
Matindi at kakaibang pagkagalit iyong nakita ko. Para siyang isang halimaw na handang kunin na ang buhay ko kanina. Muntik na talaga iyon, mabuti na lang at nakapagpigil pa siya.
Bumangon ako para tingnan iyong mga naka-display sa malaking cabinet na salamin na naroroon. May iba’t ibang display at figurine ang naroroon at totoong magaganda.
Kung pagmamasdam ang kabuuan ng silid ay mapapahanga ka talaga sa ganda at rangya. Kaya lang hindi ko magawang maging masaya. Hanggang sa mapadako ang paningin ko sa isang maliit na bagay sa gilid ng gintong agila na figurine. Kamukhang-kamukha no’n ang music box na ibinigay sa akin ni Jemson noong high school.
Muli ay nanumbalik sa akin ang mga panahong iyon.
“Ano’ng ibig mong sabihing boyfriend mo na ang lalaking iyon?” galit na galit na tanong ni Denzo. Halos humingal na siya sa matinding galit.
“Denz, I really like him. Mabuti siyang tao. Isa pa nakita ni’yo naman kung gaano niya ako kamahal, ‘di ba? He’s taking great care of me, tapos sobrang sweet at maalalahanin pa niya,” katuwiran ko. Napapailing ang mga kaibigan ko at hindi pa rin mawala ang pagkabigla at pagkadismaya sa mga mukha nila.
“Kish, alam mo naman ang status mo sa school na ito, ‘di ba? You are our queen, and your boyfriend is a trash? Is this some kind of charity or a joke?” nang-iinsulto pang pahayag ni Byron kaya napatayo ako at tiningnan siya ng masama.
“You shouldn’t criticize him that way. Guys, alam ni’yong mahal ko kayo, kaya sana naman suportahan din ninyo ang desisyon kong ito. Mahalaga sa akin si Jemson, please…” pakiusap ko sa kanila. Hindi pa rin sila makapaniwalang tumingin sa akin at nagpalitan pa ng naguguluhang tingin.
“Kishree, nakapila ang napakaraming manliligaw mo. Mga guwapo, mayayaman at matatalino rin naman. Hindi nga siguro kasingtalino ng Jemson na iyon, pero bakit naman sa isang panget ka pa nagkagusto? Hindi kaya ginamitan ka ng gayuma ng lalaking iyon?” katuwiran pa ni Stella. Ako naman ang hindi makapaniwala sa mga iniisip nila.
“Hindi panget si Jemson. Kung titingnan ni’yo lang siya sa malapitan, makikita ni’yo kung gaano kaganda ang mga mata niya. Maging ang ilong niya, matangos at maganda rin ang mga labi niya. Above all, he is really a nice guy!” giit ko pa. Muli ay umiling lang sila habang sina Denzo at Gabby ay marahas na nagbuga ng hangin.
“Hindi panget? Bakit Kish? Hindi mo ba nakikita iyong malaki at nakakadiring balat sa mukha niya? Kahit nakapikit ako, nakikita ko ang kapangitan niya!” nanggigigil na pahayag pa ni Denzo. Umiinit na ang ulo ko sa kanila kaya nanahimik na lamang ako. Ngayon lang kami nagkasagutan ng ganito.
Bahagyang nahinto ang pagbabalik-tanaw ko dahil hindi ko namalayan ang pagdaloy ng luha mula sa mga mata ko. Hindi ko akalaing umiiyak na pala ako ngayon.
Bigla ay na-miss ko si Jemson. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung bakit bigla na lang niya akong iniwan ng walang paalam. Ipinaglaban ko siya sa mga kaibigan ko, sa pamilya ko at sa lahat ng mapanghusgang tao na nagpipilit na hindi kami bagay. I chose him over anyone else but he just left me without even saying goodbye. Hanggang ngayon ay marami pa ring katanungan sa isip ko.
Muli ay inalala ko ang huling araw na nagkita kami. Masaya pa kami noon dahil kinabukasan na ang graduation niya. Napagkasunduan naming dito rin siya sa university namin magka-college para mas madalas pa rin kaming magkikita at magkakasama dahil nasa kabilang compound lang naman ang high school department.
“What’s this?” nakangiting tanong niya nang iabot ko ang regalo ko sa kaniya.
“Open it! Congratulations, my bae,” bati ko sa kaniya at hinalikan pa siya sa pisngi. Natawa naman siya at hinalikan ang gilid ng ulo ko. Bae talaga ang tawag ko sa kaniya na ang ibig sabihin ay Before Anyone Else.
“Wow!” pabulalas niyang usal nang mabuksan na niya ang graduation gift ko. “Ree ree, parang ang mahal yata nito?” gulat pa niyang tanong sa akin. Natawa naman ako sa reaksyon niya. Yes, he’s calling me Ree ree (Riri)
“Mas mahal kita,” lambing ko naman. Lumapad pa ang ngiti ko nang makitang bahagyang namula ang mga mata niya at mangintab ang luha sa mga iyon.
“I will study really hard at magpapayaman ako. Ibibigay ko sa iyo ang lahat, Ree ree. Panoorin mo akong magtagumpay at ibibigay ko ang lahat-lahat sa iyo,” may pangangakong pahayag niya. Parang lumukso ang puso ko sa loob ng dibdib ko dahil sa sinabi niya.
“I will, bae. Pero hindi ko kailangan ang mundo, ikaw lang sapat na,” pagtatapat ko naman. Totoo naman iyon. I already have the luxury that anyone can have, all I need is him in my life.
“Ang suwerte ko talaga. Hindi ko pa rin maisip kung paano kong napaibig ang pinakamagandang babae sa campus. Kulang na lang mag-almusal ako araw-araw ng mga death threats mula sa mga manliligaw mo. Tapos iyong mga kaibigan mo parang nakakadiring insekto ang tingin palagi sa akin,” pabuntong-hiningang saad niya. Hinawakan ko ang isang kamay niya at idinikit sa pisngi ko.
“Don’t mind them, okay? Matatanggap din nila tayo. Ang mahalaga’y mahal mo ako at mahal din kita. We are happy, kaya iyon ang mas importante,” katuwiran ko naman. Muli siyang huminga ng malalim.
“Totoo iyon. Mahal na mahal na mahal kita. Bakit nga ba ipinanganak kasi akong may sumpa? Sa dinami-rami ng tutubuan ng lintek na balat na ito sa mukha ko pa,” maya-maya ay paghihimutok niya.
“You’re still the most handsome man for me,” sambit ko naman. Mahina siyang tumawa at banayad na inangkin ang mga labi ko. Tinugon ko naman agad iyon.
Yes! At the age of fourteen, I already had my first kiss from him.
Kinabukasan ay excited na ako. Pinili ko ang royal blue na Sunday dress at hinayaang nakalugay lang ang buhok ko.
Pagdating ko sa school ay tinawagan ko ulit si Jemson pero hindi ko siya matawagan. Siguro ay busy na iyon. Pero mag-aalas-diyes na at magsisimula na ang graduation rites pero wala pa rin siya.
Hanggang sa matapos na ang buong graduation ceremony ay wala ni anino ni Jemson. Nagtataka ang lahat lalo na at siya ang magde-deliver ng message sa batch niya dahil nga siya ang top one. Ang dami rin niyang awards kaya ang daming nanghihinayang na wala siya at isa na ako roon.
Sinubukan kong pumunta sa bahay nila para alamin ang kalagayan niya dahil hindi ko nga siya makontak.
“Hija, naku, wala na iyong mag-anak diyan. Madaling-araw yata noong umalis sila. Biglaan nga kaya maging kaming mag-asawa ay nagulat,” pagbibigay-alam sa akin noong kapitbahay nila. Lalong tumindi ang pagtataka ko.
At simula nga ng araw na iyon ay hindi ko na muli pang nakita si Jemson. Parang bula na bigla na lamang siyang naglaho at iniwan ako.
Hindi ko namalayang humagulgol na pala ako pagkatapos nang pagbabalik-tanaw na iyon. Dahil sa pag-iyak ko ay napasandal ako sa cabinet na nasa harapan ko.
Ngunit napasinghap ako nang hindi sinasadyang madiin ang kamay ko doon sa dragon na figurine at biglang gumalaw ang buong cabinet. Nahinto ako sa pag-iyak dahil umawang ang gilid ng cabinet na nakadikit sa dingding.
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang parang may daanan doon. Sinubukan kong iusog ang cabinet at lalo akong namangha na may pintuan nga sa likod nito.
Out of curiosity I went there. Napangiti ako nang pihitin ko ang seradura ng pintuan at bumukas iyon. Hindi naka-lock.
“May secret room?” usal ko sa sarili. Kinapa ko ang gilid at natagpuan ko ang switch. Napuno ng liwanag ang buong lugar.
Umawang muli ang mga labi ko dahil isa nga iyong maliit na kuwarto. Mayroon ding kama, malaking cabinet at–
Naagaw ang pansin ko sa isang malaking whiteboard sa dingding. May mga nakadikit doon. At nang lapitan ko ay malakas akong napasinghap sa pagkagimbal.
Nakadikit doon ang mga pictures naming mga magkakaibigan. Sa mga solo pictures namin ay may mga pulang arrows. Tapos iyong picture ni Denzo ay may malaking pulang ekis ang mukha.
May iba pang mga pinctures doon na magkakasama kaming magkakaibigan. Pero mas maraming pictures ko sa iba’t ibang lugar at anggulo.
“A-anong ibig sabihin nito?” muli ay pabulong na tanong ko sa sarili. Hindi ko namamalayang kanina pa pala napakabilis ng pintig ng puso ko.
Kumunot ang noo ko nang dumako ang paningin ko sa yearbook na nasa ibabaw ng lamesa sa baba ng white board kung saan nakadikit ang mga pictures naming mga magkakaibigan.
Nilapitan ko iyon at hindi ko alam kung bakit lalo akong kinabahan. Year 2013 ang nakalagay sa ibabaw ng yearbook. Napalunok ako. Iyon ang taon ng huling pagkikita namin ni Jemson. Bakit may yearbook ang school namin dito?
Binuklat ko iyon. Muling lumalim ang pagkakakunot ng noo ko nang makita ang mga larawang naroroon. Ang iba ay pamilyar kaya bumilis pa lalo ang pintig ng puso ko.
At nanginig ang buong katawan ko at halos huminto na sa pagtibok ang puso ko nang mapadako na ako sa pahina kung nasaan ang pangalan at picture ni Jemson.
Malapad ang ngiti niya rito habang nakasuot ng puting graduation gown at cap.
De Guzman, Jemson M.
Dream: To marry the girl I love the most.
Muli akong napalunok nang mabasa iyon. Tuluyan na naman akong naiyak. Mariin akong pumikit at niyakap ang yearbook. I suddenly miss him so much at hindi ko maintindihan kung bakit naririto ang librong ito.
Nang tumahan ay muli kong inilibot ang mga mata sa kabuuan ng silid. Sa gilid ng kama ay may maliit na lamesita kung saan may nakataob na dalawang picture frame. Agad ko iyong nilapitan para tingnan.
Muli ay nagimbal ako dahil picture namin ni Jemson ang nasa isang frame habang family picture naman nila ang nasa isa.
“Ano’ng ginagawa mo rito?!”
Napapitlag ako nang biglang dumagundong at umalingawngaw ang malakas at malalim na boses ni Vinzon sa buong silid. Nabitiwan ko ang hawak ko at nabasag iyon sa sahig. Bumagsak roon ang picture namin ni Jemson na parehong nakangiti habang nakayakap siya sa akin.
“Ano’ng ibig sabihin ng mga ito? Bakit mayroon ka ng mga ito?” pasigaw ko na ring tanong. Kahit anong gawin kong isip ay wala akong makuhang ideya sa lahat ng mga ito.
Hindi naman siya sumagot at matalim lang akong tinitigan. Humihingal siya at kitang-kita ko ang madilim na awra niya. Nanumbalik iyong nakakatakot na hitsura niya kaninang magising siya mula sa isang panaginip at bigla na lamang akong sakalin.
____________________________
POV ni Vinzon na tayo bukas guys. Malalaman na natin ang nangyari ten years ago huhuhu
Salamat po suporta sa story na ito. Sana marami rin ang mag-avail ng book soon. Love lots guys!!!