Chapter 15 The Most Outrageous Truth

2073 Words
Pagkatapos naming kumain ay wala na ulit siyang binanggit tungkol sa pinag-uusapan namin kanina. Pero sa totoo lang, gustong-gusto ko ring malaman ang totoong nangyari kay Jemson. At sa totoo lang din, gusto kong marinig ang paliwanag niya. Bakit ganoon na lang kadali para sa kaniya na iwan ako. “Teka, saan tayo pupunta?” tanong ko. Bigla ko kasing napansin na parang liblib na lugar itong tinatahak ng sasakyan niya. Isa pa, nagtataka ako kung bakit siya ang nagmamaneho at hindi niya isinama ang driver niya. “You’ll see! You miss your friends, right? Magkikita-kita na kayo ngayon.” Napangiti naman ako sa sinabi niya. “Talaga? Is this a surprise?” hindi ko mapigilan ang excitement sa boses ko. “Kind of! I think my wife deserves to know the truth,” nakangising sagot niya. Pero nabura ang ngiti ko dahil parang may ibang ibig sabihin ang binanggit niya. Isang lumang bahay ang hinintuan namin. Hindi ko na hinintay na ipagbukas niya ako ng pintuan dahil kusa na akong bumaba. Napatingin pa ako sa kaniya nang mahigpit niyang hawakan ang kamay ko at hilahin upang pumasok sa itim na gate. Ang bandang ibaba niyon ay may kalawang na. “Magandang hapon, Sir! Kumpleto na sila sa likod,” nakangiting salubong ng isang lalaki sa amin. Tumango at ngumiti lang din iyong isa pang lalaking kasama nito. Pero nang tumingin sila sa akin ay para akong biglang kinilabutan. “Good! I want the whole place to be really secured. Naiintindihan ninyo?” maawtoridad na utos naman ni Vinz. “No problem, Sir. Kontrolado na namin ang lahat,” sagot nito saka bumaling sa akin. “You can do whatever you want at walang sinumang mang-iistorbo sa inyo,” dagdag pa nito pero sa akin lang nakatingin. Nanlamig ako at wala sa sariling napakapit sa braso ni Vinzon. Tumingin naman siya sa akin na kunot ang noo. Hindi ko maintindihan pero may kakaibang kaba akong nararamdaman ngayon. Kung ano man iyon, hindi ko talaga mapangalanan. Akala ko nga ay sa loob ng bahay kami tutuloy pero dumiretso kami sa may likuran. Naglakad pa kami hanggang sa mamataan na namin ang isa pang mas maliit na bahay. “Familiar?” Huminto kami sa paglalakad at hinarap niya ako. Madilim ang awra niya habang nakatitig sa mukha ko. “Pamilyar ang alin?” tanong ko at iginala ang paningin sa paligid. Hindi ko kasi matagalan ang mga titig niya. “Oh, come on, Kishree. Don’t tell me hindi mo natatandaan ang lugar na ito? It took me so much time to find this f*****g place, but I still did,” nang-iinsultong pahayag niya kaya muli akong napatingin sa kaniya. Nakaramdam na naman ako ng inis dahil naririto na naman iyong pananalita niya na parang laging kailangang mag-solve ng puzzle. “Alam mo, ewan ko sa iyo. Sabihin mo na lang kung bakit tayo nandito dahil mayroon pa tayong pag-uusapang ibang bagay,” pabalewalang sagot ko. Wala akong balak makipaglaro sa kaniya. Besides, I am still not feeling well. Kunot-noo naman siyang tumingin sa akin na tila ba hindi niya mapaniwalaan ang reaksyon ko. “Fine! Your friends are here. Maybe they will help you remember.” Muli niyang hinawakan ang kamay ko at hinila na ako papunta sa bahay na iyon. Noong nasa loob na kami ay ang weird ng nadatnan namin. Maalikabok at halatang walang tumitira rito. “Ang dumi naman. Ano bang ginagawa natin dito?” tanong ko pero hindi siya sumagot at dire-diretso lang hanggang sa lumabas kami sa may pintuan ng kusina sa bandang likuran ng bahay. Malakas akong napasinghap nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga kaibigan ko. Nakatali ang mga kamay at paa nila sa bakod na interlinks. Sina Gabby at Byron ay may mga galos sa mukha at katawan. Maging ang mga dugo sa suot nila ay halatang bago lang. “Kishree? Kish, please help us! We were kidnapped!” Mabilis na tawag sa akin nina Stella at Mariella. Lalapitan ko sana sila ngunit hawak ni Vinz ang kamay ko. “Bitiwan mo ako! Ano’ng ginawa mo sa mga kaibigan ko? Bakit sila nandito? Saka bakit ganiyan ang lagay nila?” naiiyak kong sunod-sunod na tanong. Ngunit namilog ang mga mata ko nang ngumisi lang siya sa akin. Kasabay din noon ay ang pagdating ng ilang mga kalalakihan na nakakatakot ang mga hilatsa at karakas ng pagmumukha. “Ipararanas ko sa inyo ang lahat ng dinanas ko sa mga kamay ninyo. Ito ang eksaktong lugar, hindi ba? Sayang nga lang at nauna na si Denzo. Mayabang lang ang hayup na iyon pero mahina pala ang loob!” ani Vinz na lalong nagpatindi ng pagkalito sa isip ko. “Ano ba, Vinz! Kanina ka pa, ah! Ano ba talagang gimik mo? At bakit bigla mong binabanggit si Denzo dito?!” pabulyaw kong tanong sa kaniya. Pero napatda ako nang bigla niya hilahin ang buhok ko para ilapit ako sa kaniya. “Huwag ka nang magmaang-maangan pa, Kishree. Nandito ka nang gabing pahirapan ako ng mga demonyong kaibigan mo. Ngayon, nasaan ang mga yabang nila? Ni wala silang pambayad sa lahat ng mga problemang kinakaharap nila ngayon!” parang demonyong asik ni Vinzon saka tumawa nang malakas. Muntik pa akong matumba nang bitawan niya ang buhok ko. “Ano’ng ibig mong sabihin?” biglang tanong ni Gabby, kaya matalim ang mga matang nilingon siya ni Vinzon. Bigla naman akong kinabahan. “Tingnan ninyo akong mabuti,” lumapit siya sa mga kaibigan ko kaya napasunod ako dahil sa takot na baka kung anong gawin niya sa kanila. “Hindi ni’yo na ba nakikilala ang kaharap ninyo ngayon? Hindi ba? Iyon ay dahil ipinatanggal ko na ang malaking balat sa mukha ko. Ipinagamot ko na ang sunog na ginawa ninyo sa mukha ko!” muli ay malakas at mataas ang boses na sigaw ni Vinz saka ako sinampal ng malakas. Bumagsak ako sa lupa na nagpatili naman sa mga kaibigan ko. Akala ko nga ay mawawalan na ako ng malay sa lakas ng sampal niya. “J-Jemson? Ikaw s-si J-Jemson?” may nginig ang boses na tanong ni Mariella. Napatingin naman ako sa kaibigan ko bago nilingon si Vinz. Ngumisi ito at lumapit kay Mariella. “Huwag!” malakas kong hiyaw pero huli na ang lahat. Nasampal na siya ni Vinz na ikinadugo naman ng mga labi nito. “Vinz, tama na! Huwag mo silang saktan!” umiiyak ko nang pakiusap. Muntik pa akong sumuray nang tumayo ako. Ramdam ko pa rin ang hapdi sa pisngi ko. “Yes, b***h! Ako nga si Jemson… Jemson De Guzman o ang tinatawag ninyong balat! I can still remember every pain, every insult and every misery you gave me!” para siyang nababaliw na sumisigaw habang binabanggit iyon at binigyan ng tig-iisang suntok sina Byron at Gabby. Maging si Stella ay hindi nakaligtas sa mapanakit niyang kamay. Ako naman ay natulala at hindi agad nakagalaw sa kinatatayuan. Mabilis na mabilis ang t***k ng puso ko at nakatitig lang ako sa galit na galit at nagwawalang si Vinzon. “J-Jemson…” wala sa sariling nausal ko, kasabay nang pagdaloy ng mga luha ko. Huminto naman siya sa pagwawala at nanlilisik ang mga matang lumingon sa akin. “I-ikaw si Jemson? Paanong? Bakit?” Tuliro ako. Hindi ko alam kung ano’ng mararamdaman sa pagkakataong ito. Ngunit mas hindi ko maunawaan kung ano ang ikinagagalit niya. Bakit ganito na lamang katindi ang pagkamuhing nakikita ko sa mukha niya? “Ako nga! Ako nga ito. Ako nga si Jemson! Ang lalaking pinaglaruan ninyo, sinaktan, pinahirapan at pinalamon ng lahat ng uri ng pangmamaliit at pang-iinsulto. Now, it’s payback time!” mariing pahayag niya kaya napamaang ako. “T-Teka, kung ikaw si Jemson, ano’ng ikinagagalit mo? Oo, totoong binu-bully at nilalait ka ng mga kaibigan ko noon. Pero hindi naman yata tamang saktan mo kami ng ganito ngayon? At bakit pati mga negosyo at trabaho nila idinamay mo? Ikaw ang nang-iwan sa akin. Ikaw ang nanakit sa damdamin ko, tapos ikaw pa ang may ganang maghiganti?” hindi ko na napigilan ang sariling sumbatan siya. Ilang segundong bumalatay ang pagkabigla sa mukha niya. Nagtitigan kami at parehong nagtataas-baba ang dibdib. Ngunit siya ang unang nag-iwas ng tingin at muling binalingan ang mga kaibigan ko. “Kishree, we’re very sorry…” bigla ay umiiyak na hinging paumanhin ni Mariella. “Sorry… please, Jemson, patawarin mo na kami. Matagal na iyon isa pa–” Nahinto siya nang mabilis na lumapit si Vinz sa kaniya at patikimin siyang muli ng isa pang sampal. “Vinz, tama na! Babae iyan!” umiiyak na ring pakiusap ko. “Don’t say sorry to me, Mariella. Ako dapat ang mag-sorry dahil nadadamay pa kayo sa galit niya sa akin,” saad ko naman. Napasinghap ako nang pumalakpak si Vinz at saka tumawa ng ubod lakas. “Wow, Kishree! I didn’t know that you’re a good actress. Pretending not to know anything, huh? Hindi mo na ako maloloko ulit! Did you see that iron?” nilingon ko ang sinasabi niya. Kitang-kita ko ang isang bakal na may hulma habang nakatapat sa apoy. “Mararamdaman mo mismo kung ano ang ginawa mo sa akin. Gayundin ang mga lintek na kaibigan mo!” pagpapatuloy niya. Lumunok ako dahil sa takot na gumapang sa dibdib ko. Kaya ba talaga ni Vinzon o Jemson na saktan ako ng ganoon? Susunugin niya ang mukha ko? Ganoon ba katindi ang galit niya sa akin? “Huwag mong idamay si Kishree dahil wala siyang kasalanan dito! Demonyo ka! Deserve mo ang lahat ng parusang ibinigay ni Denzo sa iyo noon. Kung babalikan ko lang ang araw na iyon, mas matindi pa sana ang ginawa namin sa iyo, letse ka!” Marahas naman akong napalingon nang biglang magsisigaw si Stella at pagmumurahin si Vinz. Si Mariella naman ay patuloy sa paghingi ng tawad sa akin kaya hindi ko maintindihan kung ano na ang nangyayari. “Ano’ng ibig mong sabihing walang kasalanan? Siya ang sumunog sa mukha ko at–” “What?” gulantang kong putol sa sasabihin sana niya. “Ano’ng pinagsasasabi mo? Bakit ko naman susunugin ang mukha mo?” dagdag ko pang tanong. I heard Gabby cursed. “Tama si Stella, Jemson. Hindi alam ni Kishree ang nangyari nang gabing iyon,” pakikisabad na ulit ni Mariella. Hindi pa rin siya humihinto sa kaiiyak. Tila naman matinding nagulat si Vinzon at napatitig sa mga kaibigan ko. “Wait guys, ano’ng gabi? Saka ano bang nangyayari?” naguguluhan na ring tanong ko. “Ipina-kidnap ni Denzo si Jemson noong gabi bago ang graduation. Tinorture namin siya dahil hindi namin matanggap na mas pinipili mo na siya kaysa sa amin. Ang gusto lang namin ay layuan ka niya kaya tinatakot namin siya kahit sa school na mag-transfer na lang. Pero matigas ang ulo niya kaya lalong nagalit si Denzo. Tinulungan namin siya at naging masaya ang lahat nang hindi na siya muli pang magpakita sa amin, sa atin, pagkatapos ng aming mga ginawa sa kaniya!” mahabang pagsasalaysay ni Byron na nagpanginig ng tuhod ko. Tila nanikip ang dibdib ko at hindi ko alam kung paano tutugon sa ipinagtapat niyang iyon. “Sorry, Kishree. Sorry, Jemson. Please pakawalan ni’yo na kami. Please!” patuloy na pagmamakaawa ni Mariella. Ngunit ako ay nanatiling tila wala sa tamang huwisyo. Mariin akong napapikit habang umiiling. “Hindi ako iniwan ni Jemson? Bagkus… bagkus pinahirapan ni’yo siya para tuluyang lumayo?” mabigat ang dibdib na nausal ko. Kusa akong napasalamapak sa lupa dahil parang biglang gumuho ang mundo ko. “Kishree was there. I heard her–” “Hindi siya iyon!” putol naman agad ni Mariella sa kaniya. “Nag-hire kami ng kayang gayahin ang boses niya para mas lalo kang masaktan. Sabi kasi ni Denzo, mas maigi kung si Kishree mismo ang aakalain mong nanakit sa iyo para tuluyan ka nang maglaho sa mga buhay namin!” sabi pa ni Mariella. Doon na talagang bumigay ang dibdib ko. At bigla na lang umikot ang lahat sa akin. Everything went black as my heart continued to constrict in extreme pain. ___________________________ Hi guys, Pa-add naman ang Wild Night with Marco, sisimulan ko na ring i-update iyon soon kasi malapit na rin itong matapos. Grabe ang taas ng reads at follows kahapon. Salamat po sa support. Update ko po kayo guys kapag okay na magpa-reserve ng Physical book nito. Sana hindi po magsawa iyong mga naghihintay...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD