“Ano, buntis si Jillian?” gulat na tanong ng kaniyang ina sa kanilang dalawa. Hindi lang ito ang nagulat kundi pati ang kapatid ni Nathan.
“Ibig sabihin ay may nangyari sa inyong dalawa noong na-stranded kayo sa isla? Ibig sabihin kung hindi pa ako pumunta rito ay hindi ko pa ito malalaman, ganoon ba?”
“Ma, wala naman kaming intensiyon na itago sa inyo. Naghahanap lang kami ng tamang tiyempo kung kailan namin sasabihin.”
Mabilis na hinawakan ng ginang ang kamay ni Jillian.
“Naging mabait ba ang anak ko sa iyo noong kayo lang dalawa ang magkasama?” nag-aalalang tanong nito.
Alanganing tumango si Jillian.
“Medyo masungit po pero naging mabait naman siya habang tumatagal.”
“Sabi ko na nga ba ikaw lang ang makakakuha sa loob ng anak kong ito. Mabuti nalang talaga at kinuha kita bilang sekretarya niya.”
Halos magsalubong ang kilay ni Nathan sa kaniyang narinig.
“Huwag mong sabihing pinlano mo ang lahat ng ito, Mama?”
“Wala naman akong pinaplano, anak. Ipinasok ko lang si Jillian bilang sekretarya mo dahil malaki ang tiwala ko sa kaniya na magtatagal siya bilang kasama mo sa trabaho. Kita mo nga naman kung paano maglaro ang tadhana.”
Imbes na mainis siya sa kaniyang ina, ay natawa nalang si Nathan. Akala niya kasi ay magiging hadlang ang mga ito sa relasyon nila ni Jillian.
“Naku, kailangan kong ipaalam agad ang bagay na ito sa Papa mo. Sigurado akong siya ang pinakamatutuwa kapag nalaman niyang buntis si Jillian at magkakaapo na siya.”
Hindi nagtagal ang mga ito. Inihatid lang ng ina at kapatid ni Nathan ang pagkain na niluto nito.
“Paano ba iyan, mukhang okay na sa’yo ang pamilya ko. Pamilya mo nalang ang kailangan nating problemahin. Matutuloy ba tayo sa pagpunta sa probinsiya niyo sa susunod na linggo?”
“Ang tanong, sigurado ka bang kaya mong harapin ang Tatay ko?”
Ngumiti si Nathan.
“Handa akong harapin lahat para sa’yo.”
“Paano kapag hindi ka niya magustuhan?”
“Edi gagawa ako ng paraan para magustuhan niya ako. Magsisibak ako ng kahoy, ipag-iigib ko kayo ng tubig. Lahat ng utos ng mga magulang mo, susundin ko.”
“Hindi mo iyon kaya.”
“Paano mo naman nasabi?”
“Lumaki kang rich kid. Kaya alam kong hindi ka sanay sa mga mabibigat na gawain.”
“Masyado mo naman akong ina-underestimate, Jillian. Baka nakakalimutan mong mabibigat din ang naging trabaho ko noong nasa isla tayo.”
Tinawanan lang siya ng dalaga saka ito bumalik sa kanilang silid para ayusin ang mga nakakalat.
Sa bus sila sumakay patungong probinsiya. Ilang beses nag-offer si Nathan na mag-kotse nalang sila para mas maging madali ang kanilang biyahe pero tinanggihan iyon ni Jillian. Hirap na hirap tuloy si Nathan sa kanilang buong biyahe. Hindi naman ito nagre-reklamo. Hinihintay na nga lang ni Jillian na magsalita ito pero nanatiling tikom ang bibig ni Nathan.
Pagkababa nila ng sasakyan ay natanaw agad nila ang nakaabang na pamilya nito sa gate ng kanilang bahay.
“Ang sabi mo ay kubo lang ang bahay niyo. Saan banda ang kubo riyan?” tanong nito habang nakaturo sa bahay nilang gawa sa konkretong materyales.
“You lied to me?”
“Hindi ah, totoo namang kubo lang ang bahay namin noon. Pero magmula noong makapagtrabaho ako sa siyudad at nabigyan ng pagkakataong mag-ipon, inunti-unti ko na ang pagpapagawa ng bahay namin.”
Nathan can’t help but to be amazed by Jillian.
“Ang sabi mo uuwi ka, pero hindi mo binanggit sa akin na magsasama ka ng lalaki rito sa bahay.”
Ngumiti si Jillian sa kaniyang ama. Inabot niya ang kamay nito at nagmano roon. Ginaya ni Nathan ang kaniyang ginawa.
“Magandang araw po. Ako nga po pala si Nathan Castillo, boyfriend po ng anak niyo.”
“Boyfriend? Kailan ka pa nagka-boyfriend, Jillian?” Nakakatakot ang ama ni Jillian. Mukhang tama nga ang sinabi nito sa kaniya, na mahihirapan siya sa pakikipag-usap at pakikisama rito.
“Naku, Ismael, kung pagagalitan mo ang anak mo, hindi ba mas okay kung sa loob nalang tayo mag-usap. Huwag na ritoat baka marinig pa tayo ng ating mga kapit-bahay.”
Maganda ang interior ng bahay nina Jillian. Maganda rin ang kulay ng buong kabahayan. Ito nga lang ang natatanging bahay sa buong lugar na mayroong ganitong disenyo.
Hinawakan ni Jillian ang kamay ni Nathan at hinila ito patungo sa sofa.
“Papa, may gusto sana kaming ipaalam sa inyo.”
Kumunot noo ni Mang Ismael nang marinig ang sinabi ni Jillian. Siniko siya ng kaniyang asawa at sinabihang umupo sa katapat na sofa ng mga ito.
“Ano? Huwag mong sabihing buntis ka?”
Napalunok si Jillian at hindi agad nakaimik.
“Buntis ka nga? At ang lalaking ito ang ama?”
Mabilis na naglakad palapit si Mang Ismael kay Nathan at hinawakan ang magkabilang kuwelyo nito.
Agad na nagpanic si Jillian maging ang kaniyang ina dahil sa reaksiyon ni Mang Ismael.
“Ismael, huminahon ka nga. Puwede namang pag-usapan ang ganitong bagay.”
Hinila palayo ng kaniyang ina si Mang Ismael at pinakalma ito bago pinaupo muli sa sofa.
“Kaya mo bang buhayin ang anak ko? Kaya mo bang palakihin ang bata at mapaaral?”
Tumango naman agad si Nathan.
“Anong trabaho mo?”
“CEO po ako ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Jillian.”
“CEO? Ibig sabihin ay boss ka niya?”
“Opo. Ganoon nga po. May pera po ako para suportahan si Jillian sa pagbubuntis niya.”
“May plano ka bang pakasalan ang anak ko?”
Nilingon muna ni Nathan ang kaniyang kasintahan bago siya tumango sa matandang lalaki.
“Handa po akong pakasalan ang anak niyo.”
Ilang minuto ang lumipas ay kumalma si Mang Ismael. Samantala, ang ina naman ni Jillian ay lumapit sa dalaga para yayain itong magtungo sa kusina.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mong iyan, anak? Baka naman nabibigla ka lang.”
“Ma, mahal ko po si Nathan. Sigurado po ako sa kaniya. Alam kong nabibilisan kayo sa mga nangyayari sa akin. Pero gusto ko pong malaman niyo na masaya ako sa kaniya. Inaalagaan niya ako. Kahit magkaiba kami ng antas ng pamumuhay ay hindi naging hadlang iyon para sa aming dalawa.”
“Kung saan ka masaya anak, susuportahan kita.”
Tama ang hula ni Jillian, talagang pinahirapan nga ng kaniyang ama si Nathan. Sa mga sumunod na araw ay wala itong ginawa kundi magbuhat ng tubig na inigib sa poso para isalin sa malaking tumbler sa kanilang kusina.
Ito rin ang tumutulong sa kaniyang ama sa bukid nito kapag nag-aani ng mga gulay. Kapag nakikita sila nitong magkasama ay pinandidilatan sila nito ng mata.
“Sige na, bumalik ka na roon. Baka makita ka pa ni Tatay, paniguradong mapapagalitan ka na naman niyon.”
“Isang kiss lang. Para naman ganahan akong mag-pastol ng kambing mamaya,” saad nito at inginuso ang labi nito sa kaniya.
“Mamayang gabi, bibigyan kita ng maraming kiss.”
“Eh, ngayon na, dali. Habang wala pa ang tatay mo.”
Nanatili itong nakapikit at naghihintay na halikan siya ni Jillian nang bigla siyang hatakin ni Mang Ismael palabas ng silid ng anak nito.
“Mang Ismael naman eh,” reklamo ni Nathan.
“Hindi ba sinabi ko na hindi ka puwedeng lumapit kay Jillian hangga’t hindi ka natatapos sa mga pinagagawa ko sa’yo.”
Walang ganang tumango si Nathan sa matandang lalaki. Hindi naman mapigilan ni Jillian na matawa habang nakamasid sa kaniyang nobyo.
Sa ilang linggong pananatili nila sa probinsiya, alam ni Jillian na naging malapit na si Nathan sa kaniyang pamilya. Masungit lang talaga ang kaniyang ama pero nararamdaman niyang lumalambot na rin ang puso nito sa binata lalo na kapag nakikita niya kung paano ito tumingin kay Nathan kapag masigasig ito sa pagta-trabaho.
“Natitiyak kong magiging mabuting ama sa inyong magiging anak iyang si Nathan.”
“Naniniwala rin ako, Mama.”
“Hindi ko akalain na matatagalan niya ang Papa mo. Kahit ako nga ay naiinis diyan dahil palaging mainitin ang ulo pero siya, palaging nakangiti at akala mo ay hindi namomroblema.”
Ngumiti siya sa tinuran ng ina. Kung alam lang nito na hindi naman talaga ganito ang ugali ni Nathan dati. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin siya makapaniwala na malaki ang pinagbago nito magmula noong na-stranded sila sa isla.
“Puwede na po ba akong lumapit kay Jillian?” nakangiting tanong ni Nathan kay Mang Ismael nang gabing iyon.
Tipid na tango lang ang naging sagot nito. Dali-daling tumakbo si Nathan patungo sa kuwarto ni Jillian. Naabutan niya itong nagliligpit ng mga nakakalat na gamit.
“Pagod ka?”
“Sobra. Parang kailangan ko yata ng kiss para mawala ang pagod ko.”
Lumapit si Jillian sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Hahalikan palang sana niya si Jillian nang biglang bumukas ang pinto ng silid ng dalaga.
Naka-ekis ang braso ng matandang lalaki habang nakatingin sa kanila.
“Habang nandito kayo sa bahay na ito, hindi ako papayag na halikan mo ang anak ko.”
“Pa, naman!”
“Oo nga naman, Pa. Kiss lang naman eh. Hindi naman kami gagawa ng milagro.”
“Hangga’t nandito kayo sa bahay na ito, matuto kayong sumunod sa mga patakaran ko.”
“Sige na nga, yakap nalang.”
Mas lalong naningkit ang mga mata ni Mang Ismael.
“Tandaan niyo, nakikita ko kayo. Saka huwag mo akong tawaging Papa, hindi naman kita anak.”
“Magiging anak niyo rin naman po ako. Kaya nagpa-practice na ako ngayon pa lang.”
Mukhang hindi naman natuwa ang ama ni Jillian sa kaniyang sinabi.
“Biro lang po. Ito namang si Mang Ismael, parang ‘di alam kung ano ang joke.”
Halos dalawang buwan ang itinagal nila sa probinsiya. Ayaw pa nga sana silang payagan ng mga ito na umuwi ng siyudad pero hindi rin naman sila puwedeng manatili roon dahil sa dami ng trabahong naghihintay lalo na kay Nathan.
“Sorry ah, hindi mo yata na-enjoy ang pagpunta sa probinsiya namin dahil sa pagpapahirap sa’yo ni Papa.”
“Akala mo lang hindi ako nag-enjoy. Ang saya ko kaya dahil kahit paano, nakuha ko ang loob ng mga magulang mo. Akala ko noong una ay nagsisinungaling ka na pahihirapan nila ako. Totoo pala.”
Natawa nang mahina si Jillian.
“Mabuti nga at pumayag si Papa na tumira ka roon sa bahay. Yung ibang manliligaw ko dati, hindi pa nakakapasok ng gate ay sinisigawan na niya. Kaya ayun, imbes na tumuloy papasok, tumakbo nalang pauwi dahil sa takot sa kaniya.”
“Marahil naramdaman ng Papa mo na sincere ako sa pinapakita ko sa kanila at pakikitungo ko na rin sa’yo.”
“Salamat dahil hindi ka sumuko.”
“Wala naman talaga akong planong sukuan ka, Jillian.”
Sa kabila nang maraming trabaho na nakaabang sa kanila, nagawa pa rin nila nang paraan ang pag-aasikaso sa kanilang kasal. At ang naisip nilang lokasyon nito ay ang isla kung saan nila natutunang mahalin ang isa’t-isa.
“Gusto ko sana pagka-panganak mo saka tayo bumalik dito. Kaso, naisip ko na magandang lugar ito para sa kasal nating dalawa. Magkakaroon pa tayo ng pagkakataon na maimbita ang mga taong naging malapit sa atin,” sabi ni Nathan pagkababa nila ni Jillian ng bangka.
“Parang kailan lang. Hindi ko akalaing magkakaroon tayo ng ganoong karanasan. Hindi ko akalain na dito pala magsisimula ang ating pagmamahalan.”
Nathan smiled at her.
“You’re the most beautiful thing that ever happened to me, Jillian. Kahit na palagi mong pinasasakit ang ulo ko, ikaw lang ang mamahalin ko.”
Magkahawak-kamay silang naglakad patungo sa maliit na komunidad na siyang kumumkop sa kanila sa loob ng isang buwan at mahigit. At tulad nang ipinangako sa kanila ni Nathan, may mga dala silang pagkain at mga pangangailangan na makakatulong sa mga ito.
“Mabuti nalang ano, yung may aaphrodisiac na alak ang binigay natin sa kanila ano?” tumatawang sabi ni Eli sa kasama nitong si Raul.
Ang mga ito ang unang binisita nina Jillian at Nathan pagkarating nila roon.
“Kaya nga. Hindi nakakapangsisi ang ginawa natin. Tingnan mo at ikakasal na sila ngayon.”
Masaya silang tinanggap ng mga tao roon. Mas natuwa pa ang mga ito nang makita ang regalo na kanilang dala para sa mga ito.
“Masaya ako sa inyong pagbabalik sa lugar na ito. Palagi niyong tatandaan na palagi kayong mayroong espasyo sa aming lupain,” nagagalak na sambit ng matandang pinuno.
Nagpasalamat silang dalawa bago muling nagpaalam sa mga ito. Nang nasa dalampasigan na sila ay magkahawak kamay nilang pinagmasdan ang papalubog na araw.
“Kapag kinasal na tayo, kahit ilang beses pang lumubog ang araw, hinding-hindi ako matatakot dahil alam kong kailanman ay hindi na tayo maghihiwalay.”
Ngumiti si Jillian sa kaniyang kasintahan at yumakap sa braso nito.
“And I’ll be forever stuck with you, my beloved CEO.”