“Aray ko, bakit ka nanunulak?” reklamo sa kaniya ni Nathan.
Sinamaan niya nang tingin ang binata na kauupo lang sa kaniyang tabi. Pinagpag nito ang suot likuran na nadumihan.
“Eh kasalanan mo. Bakit bigla-bigla mo kasing nilalapit ang mukha mo? Siguro gusto mo akong halikan ‘no?”
“What? Are you crazy? Bakit naman kita hahalikan?”
“Eh bakit mo nilalapit ang mukha mo sa akin?”
“Inaasar lang kita, Jillian. Affected ka naman masyado.”
Tumuwid sa pagkakaupo si Jillian at ipinag-krus ang kaniyang braso. Pinagtaasan niya ng kilay si Nathan. Talagang ang kapal din ng mukha nito.
“Hindi na kita yayakapin. Manigas ka diyan sa lamig.”
“Edi huwag, para namang ikamamatay ko kung hindi mo ako yayakapin,” sagot nito saka inirapan siya. Napanganga Nalang si Jillian sa inasal ng kaniyang boss. Talagang kahit saan sila makarating ay hindi ito nagpapatalo sa kaniya.
Nang tuluyang dumilim ay dinagdagan pa ni Jillian ng kahoy ang maliit na bonfire na nagsilbi nilang liwanag. Inihaw niya na rin ang saging na saba para mayroon silang kainin dalawa.
“Kinakain ba talaga iyan?” tanong ni Nathan sa kaniya.
“Oo naman, nakakain ito. Pero kung gusto mo, puwede ring panampal sa mukha mo. Ano, kukunin mo ba o hindi?” aniya habang inaabot ang nakatusok na saging kay Nathan.
Nag-aalangan man, kinuha pa rin ng boss niya ang saging.
“Walang tubig.”
“Nguyain mo nalang nang mabuti. Wala naman tayong magagawa. Wala tayong tubig. Bukas na tayo maghanap ng batis na puwedeng inuman.”
Hindi na nagreklamo si Nathan na bahagyang ipinagtaka ni Jillian. Gaya niya ay tahimik lang itong kumain. Marahil ay nagutom ito dahil sa layo rin ng kanilang nilakad. Sino ba naman kasing mag-aakala na mangyayari ito sa kanila? Ang plano nilang dalawa ay sumama sa kliyente ng kumpanya kung saan si Nathan ang CEO. Kailangan nilang makuha ang pirma ng kliyente. Ang kaso, nagkainitan ang mga ito habang nag-uusap. Binantaan sila nito na ihuhulog sila sa dagat kapag hindi pa tumigil si Nathan. But knowing Nathan, he will never stop until he was able to prove his point.
At ito nga ang resulta ng nangyari sa kanila. Gustong sisihin ni Jillian ang boss niya, pero wala namang mangyayari kung iyon ang gagawin niya. Mas mabuti nang magkasama sila ngayon kaysa maghiwalay silang dalawa. Hindi pa naman sanay sa ganitong buhay ang boss niyang ubod nang sungit.
Pagkatapos nilang kumain ay pumuwesto na sila sa kubo para matulog. Mabuti nalang talaga at mayroon siyang suot na sweater noong sumakay sila ng yate. Iyon ang gagamitin niya bilang kumot.
“Okay ka lang ba?” tanong niya kay Nathan nang mapansing tila nanginginig ang katawan nito.
Hindi sumagot ang binata. Ilang beses niya itong sinubukang kausapin ngunit wala siyang tugon na nakukuha rito. Sa mga oras na iyon, hindi niya na maiwasang kabahan. Madilim ang paligid at hindi niya gaanong makita ang hitsura nito. Kundi pa siya lumapit, at kung hindi pa niya hinawakan ang noo nito ay hindi pa niya malalamang inaapoy ito nang mataas na lagnat.
“Ang taas ng lagnat mo, Sir.”
Sinubukang ibangon ni Jillian si Nathan. Nang magkamalay ito ay mabilis itong yumapos sa kaniya.
“Ang lamig. Sobrang lamig dito, Jillian.”
Humugot nang malalim na hininga si Jillian saka umusod palapit sa kaniyang boss. Inayos niya ang posisyon nito. Nakaupo na silang dalawa ngayon dahil masyadong maliit ang espasyo para magkasya silang dalawa.
“Hindi malamig, masama lang talaga ang pakiramdam mo. Nilalagnat ka.”
Hindi na sumagot si Nathan sa kaniya. Ang ulo nito ay nakasandal sa kaniyang balikat at ang mukha ay nakaharap sa kaniyang leeg. Imbes na siya ang gumamit ng sweater niya, ikinumot niya nalang ito sa itaas na bahagi na katawan ng boss niya para mabawasan ang nararamdaman nitong ginaw sa katawan.
Kinabukasan ay nagising si Jillian nang wala na si Nathan sa kaniyang tabi. Mabilis niyang inayos ang kaniyang sarili at hinanap ito.
“Good morning.”
Mabilis niyang nilingon ang binata nang marinig niya ang boses nito.
“Saan ka galing?” tanong ni Jillian nang makita ang bitbit nitong buko.
“Sa banda roon, kumuha lang ako ng buko para may mainom tayo.”
Matamang tinitigan ni Jillian ang mukha ng binata. Parang kagabi lang ay may sakit ito tapos ngayon ay biglang umaliwalas ang hitsura nito.
“Okay ka lang ba? Wala bang masakit sa’yo?”
Umiling si Nathan at ngumiti sa kaniya.
“Wala. Sa tingin ko ay okay na ako. Nakatulong ang pag-aalaga mo sa akin kagabi. Salamat, Jillian.”
Hindi na halos mabilang ni Jillian kung ilang beses siyang napakurap ng kaniyang mga mata. Hindi siya makapaniwalang sa unang beses ay nakita niyang ngumiti ang boss niya at isa pa, nagpasalamat ito sa kaniya.
“May naidudulot din palang maganda kapag nagkakasakit ka ‘no?”
“Huh? Anong ibig mong sabihin?”
“Nagiging mabait ka. Sana lagi ka nalang may sakit.”
Humalakhak si Nathan nang marinig ang sinabi ni Jillian. Hanga rin talaga siya sa dalaga sa pagiging tapat nito sa pagsasabi ng totoong nararamdaman.
“Kaya mo lang naman ako gustong magkasakit kasi gusto mo akong yakapin eh. Sabi mo ‘di ba, hindi mo ako yayakapin? Oh, eh bakit hindi mo ako natiis?”
“Excuse me, nanginginig na ang katawan mo kagabi. Sabi mo pa nga “Jillian, ang lamig” saad nito at ginaya pa ang kaniyang boses.
“Kahit na, pinagsamantalahan mo pa rin ang kahinaan ko. Aminin mo na, Jillian, hindi mo ako natiis kasi crush mo ako.”
Nginisihan lang siya ng dalaga.
“Asa ka naman. Hindi porket guwapo ka ay iisipin mo nang crush kita.”
“Edi inamin mo na ring naguguwapuhan ka sa akin.”
Nameywang si Jillian sa harapan ng boss niya. Nagsisimula na siyang mainis dito.
“Ang hina naman ng comprehension mo. Ang sabi ko, guwapo ka. Hindi ko sinabing nagu-guwapuhan ako sa’yo.”
“Ikaw ang magulo, Jillian. Tanggapin mo nang naguguwapuhan ka sa akin. Okay lang. I understand.”
Mas lalong sumama ang hitsura ni Jillian nang makitang nakangisi pa ang binata. Inaasar talaga siya nito. Ngunit imbes na sumagot ay naglakad siya palapit dito para kunin ang isang buko. Nakakita si Jillian ng malaking bato sa hindi kalayuan kaya agad siyang nagtungo roon.
“Ano, Jillian? Bakit bigla kang nagwa-walk out?”
“Kasi hindi ko na kinakaya ang kahanginan mo. Pakiramdam ko ay tatangayin ako papuntang Pacific Ocean kapag hindi ka pa tumigil.”
“Bakit doon ka pa tatangayin kung puwede namang dito nalang sa puso ko.”
Halos masamid sa sariling laway niya si Jillian nang marinig ang banat ng kaniyang boss.
“Ginagantihan mo ba ako?”
“Bakit? Effective ba? Pakiramdam ko, epekto rin ito ng pagkakasakit ko eh. Nagkakagusto na yata ako sa’yo.”
Napangiwi si Jillian nang makita ang hitsura ng boss niya. Naninibago siya kapag nakikita niya itong nakangiti.
Iniwas niya ang tingin dito at itinuon nalang ang buong atensiyon sa buko na hawak niya. Akmang ipupukpok niya na sana ang buko sa bato nang bigla siyang makarinig ng boses sa hindi kalayuan. Kumunot ang noo ni Jillian nang mapansin niya ang ilang mga taong paparating.
Galak at pag-asa ang pumuno sa puso ni Jillian nang makita ang mga ito. Mukhang mga residente ito ng lugar.
May mga dalang bayong ang mga taong lumapit sa kanila. Tatlong lalaki at dalawang babae. Seryoso ang tingin ang binigay ng mga ito sa kanila.
Magsasalita na sana si Jillian para bumati nang bigla silang tinutukan ng mga ito ng hawak nitong sibat. Mabilis siyang napaatras hanggang sa marating niya ang kinatatayuan ni Nathan.
“Sino kayo? Bakit kayo nandito sa aming teritoryo? Mga magnanakaw kayo ano?”
“Po? Hindi po!”
Nang tumingin ang mga ito sa mga pagkaing nakuha nila ay mas lalong itinutok ng mga ito ang sibat sa kanilang leeg.
“Hindi po kami magnanakaw.”
“Kung ganoon, sino kayo at bakit niyo kinuha ang mga prutas dito sa aming gubat?” tanong ng isang babae.
“Pasensiya na po. Ang akala po kasi namin ay walang nagmamay-ari ng lugar na ito. Hindi po namin alam na sa inyo ito. Nagkaroon po kasi ng aksidente sa bangkang sinasakyan namin. Lumubog ito sa dagat at wala kaming mapagpipilian kundi lumangoy patungo sa mababaw na parte nito. Hanggang sa dito na kami nakarating. Hindi po talaga namin sinasadya,” pagmamakaawa ni Jillian sa mga ito.
Agad na sumenyas ang matandang babae na ibaba ng mga lalaki ang hawak na sibat.
“Anong aksidente ang nangyari? Kayo ba ay magkasintahan dalawa? Kayo lang dalawa ang napadpad dito?”
“Po? Magkasintahan po?”
Iiling na sana si Jillian ngunit agad na hinawakan ni Natahan ang kaniyang braso at mabilis itong sumagot.
“Ang totoo po niyan ay mag-asawa po kaming dalawa. Ang plano lang po namin ay mamasyal sana. Ang kaso, dahil sa nangyari ay hindi na namin alam ang gagawin. Nahulog sa dagat ang aming mga telepono. Wala kaming damit na pamalit, walang makain at higit sa lahat ay walang matutuluyan. Buntis pa naman po ang asawa ko.”
Nanlaki ang mga mata ni Jillian nang marinig ang tinuran ni Nathan sa mga ito. Aapila sana siya ngunit mahigpit na pinisil ni Nathan ang kaniyang braso at alam niya kung ano ang nais nitong iparating.
“Naku, hija, kumusta ang pakiramdam mo?” nag-aalalang tanong ng isa sa mga babae.
“Ilang buwan na ba ang bata sa tiyan mo?”
“Ah eh, isang buwan palang ho.”
Ang kamay ni Nathan na kanina ay nasa kaniyang braso ay umakyat patungo sa kaniyang balikat.
“Natatakot nga po ako dahil medyo maselan magbuntis itong asawa ko.”
Humarap ang isang babae sa matandang kasama nila.
“Naku, Nanang. Kawawa naman ang mag-asawang ito. Lalo na itong babae. Baka may masamang mangyari sa kaniya at dito pa siya bawian ng buhay sa isla. Siguradong hindi matutuwa ang pinuno ng pamayanan kapag ganoon ang nangyari.”
Humugot nang malalim na buntong-hininga ang matanda saka humakbang palapit sa kanilang dalawa.
“Talaga bang mag-asawa kayong dalawa?” naninigurado nitong tanong sa kanila.
Sandaling nagkatinginan sina Jillian at Nathan saka sabay na tumango sa matanda. Kabado si Jillian dahil sa pagsisinungaling na ginawa ni Nathan sa mga ito.
“Kung ganoon, sumunod kayo sa amin. Bibigyan namin kayo ng matutuluyan at pagkain habang narito kayo sa aming teritoryo.”
Habang naglalakad sila pabalik sa lugar na pinanggalingan ng mga ito ay panay ang tinginan nilang dalawa sa isa’t-isa. Nang makita nilang walang nakatingin sa kanila ay agad na lumapit si Jillian sa binata at nanggigigil na kinurot ito sa tagiliran.
“Nagsinungaling ka pa,” mahina ngunit mariin niyang sambit dito.
Masama ang tingin na binigay nito sa kaniya habang hinihimas ang nasaktang parte ng katawan.
“Kaysa naman saktan nila tayo.”
“Paano kapag nalaman nilang hindi talaga tayo mag-asawa?”
“Hindi naman nila malalaman kung hindi mo sasabihin.”
“Nakakainis ka talaga kahit kailan.”
“Bakit hindi ka nalang kasi makisama. Hindi naman tayo magtatagal dito.”
“Paano ka nakasisiguro? Hindi mo nga alam kung may susundo sa atin dito.”
Naningkit ang mga mata ni Nathan.
“Alam mo, ang nega mo. Kapag talaga may sumundo sa akin dito, hinding-hindi kita isasama pabalik.”
Inirapan niya ang binata. Nang lumingon sa kanila ang isa sa kanilang mga kasama ay agad na yumakap si Jillian sa braso ng binata at ngumiti nang ubod nang tamis sa lalaking nakatingin.
“Kung makahawak ka sa akin, akala mo naman talagang mag-asawa tayo.”
Natigil agad si Nathan sa pang-aasar sa kaniya nang muli niyang kurutin ang tagiliran nito.
Maayos naman silang nakarating sa payamanang tinutukoy ng mga kasama nila. Ang akala nila ay simpleng lugar lang iyon. Kaya hindi nila napigilang mamangha nang makita ang magagandang bahay na gawa sa mga punong-kahoy at ang bubong na gawa sa cogon leaves.
“Ito ang aming lugar. Matagal na kami ritong nakatira. Ilang beses na rin kaming pinapaalis dito ng mga dayo dahil ayon sa kanila ay nais nilang bilihin ang islang ito. Ngunit hindi kami pumayag kailanman.”
“Ang ganda po ng mga bahay rito.”
Ngumiti ang matanda sa kanilang dalawa.
“Maganda talaga. Lahat ng bahay na nakikita niyo ay disenyo ng anak ko na nakapag-aral sa siyudad. Siya mismo ang nag-asikaso habang ipinatatayo ang bawat bahay rito sa aming maliit na komunidad.”
Papalapit palang kami sa lugar pero lahat ng tao roon ay nakadungaw na sa kani-kanilang mga bintana. Sinalubong ng isang babae ang matanda at may ibinulong dito. Pasulyap-sulyap pa ito kina Nathan at Jillian. Nagpaliwanag naman ang matanda sa dalaga. Tumango ito at muling tumakbo pabalik sa bahay na pinanggalingan nito.
“Maligayang pagdating sa aming munting paraiso.”