Titig na titig sa kanilang dalawa ang mga taong naimbitahan sa pagpupulong ng maliit na konseho ng pamayanan.
“Talaga bang mag-asawa kayong dalawa? Bakit wala kayong suot na singsing?”
“Sinadya ho talaga naming iwanan sa bahay namin dahil ayaw naming mawala ang mga iyon sakaling maisipan naming maligo sa dagat.”
Si Nathan ang sumagot. Mabilis mag-isip ang binata. Talagang aakalain mong mag-asawa silang dalawa sa paraan nang pagtingin nito kay Jillian. Samantalang si Jillian ay nakaupo lang sa kaniyang tabi.
“Nabanggit sa amin ni Nanang Rosa na buntis daw ang iyong asawa. Mabuti at naisipan nila kayong dal’hin dito. Kung hindi ay baka napaano na kayo roon sa gubat. May mga ligaw na hayop pa namang gumagala roon kahit umaga.”
Tumango ang mga naroon.
“Sa susunod na buwan pa naman babalik si Mang Kanor dito. Iyon lang ang bangka na pumupunta rito galing sa mainland para maghatid ng mga pangangailangan namin. Makakapaghintay naman siguro kayo ng ganoon katagal hindi ba?”
Nagkatinginan sina Jillian at Nathan bago sabay na tumango sa mga ito. Kung iisipin nila, hindi na rin masama ang pananatili ng isang buwan sa lugar na ito. Puwede nilang isipin na namamasyal lang sila o hindi kaya ay nagbabakasyon.
“Maraming salamat po sa pagtanggap niyo sa amin. Baka kung hindi niyo kami tinulungan ay kung ano na ang nangyari sa amin sa gubat,” sabi ni Jillian sa mga naroon.
Ngumiti sa kaniya ang mga babaeng naroon. Kung pagmamasdan ang mga ito ay para lang itong normal na mamayan. Pareho rin ng mga kasuotan katulad sa mga taong nakatira sa siyudad. Karamihan din sa mga babae rito ay may magaganda. Ngunit dahil laking isla ang mga ito, katulad din niyang morena ang kulay ang kulay ng mga balat nito.
“Gusto mo bang sumama sa amin sa bahay ni Maya?” tanong ng isang babae kay Jillian habang papalabas sila ng malaking kubo kung saan ginanap ang pagpupulong.
Lumingon si Jillian kay Nathan na ngayon ay napapalibutan ng mga kalalakihan.
“Ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ng isa sa mga babaeng mayroong mahaba at kulot na buhok.
“Jillian. Jillian ang pangalan ko.”
“Ako naman si Natalia. Itong tatlo kong kasama ay sina Amara, Maya, at Susan. Lahat kami rito ay may asawa na.”
Kumunot ang noo ni Jillian. Mukhang mga bata pa ito. Nakapagtataka na mayroon nang asawa ang mga ito.
“Puwede ko bang malaman kung ilang taon na kayo?”
Nang magtaas ng kamay si Maya ay bumaling siya rito.
“Disi-otso ako, itong sina Amara, Susan, at Natalia ay disi nuebe.”
“Pero lahat kayo may asawa na?”
Sabay-sabay na tumango ang mga ito.
“Hindi parang masyado kayong bata para magkaroon ng asawa?”
Mahinang natawa ang mga ito.
“Bakit ikaw, Jillian? Ilang taon ka na?”
“Ako? Bente-singko na ako.”
Nagkatinginan ang mga ito.
“Ibig sabihin ay mas matanda ka sa amin. Kailangan kayo naging mag-asawa ng guwapong lalaki na iyon?”
Nang ituro ni Amara si Nathan ay sumunod din nang tingin ang mga ito kabilang na siya. Nais sabihin ni Jillian na hindi naman talaga niya asawa si Nathan, pero alam niyang hindi niya iyon puwedeng gawin dahil alam niyang malalagay lamang sila sa alanganin kapag nagkataon.
“Noong nakaraang taon lang kami ikinasal.”
“Ang guwapo ng asawa mo, Jillian. Napakasuwerte mo dahil siguradong mabibigyan ka niya ng isang maganda at guwapong mga supling.”
Tipid na ngumiti si Jillian sa mga ito.
“Alam niyo, ang suwerte niyo dahil mamayang gabi ay may seremonya ang aming pamayanan.”
“Seremonya?”
Tumango si Amara.
“May seremonya ng pag-iinom mamaya. Lahat ng miyembro ng komunidad ay imbitado sa gaganaping seremonya na pangungunahan ng aming pinuno na si Banong. Iyong lalaking kausap niyo kanina.”
“Pati ba kami ay kasama roon?”
“Siyempre naman. Lalo na at kayo ay bisita. Hindi kayo maaaring umalis ng lugar na ito na hindi nakakaranas na malasing. Sigurado rin akong magugustuhan niyo ang lasa ng alak namin dito.”
Karamihan sa mga damit na pinahiram sa kaniya ng mga ito ay maluluwag. Iyon yata talaga ang nakasanayang kasuotan ng mga taong naninirahan doon. Kapag sinusuot niya ito at yumuyuko siya, kulang nalang ay makita ang kaniyang kaluluwa.
Hindi naman siya makapagreklamo dahil baka kung ano pa ang isipin ng mga ito.
“Okay ka lang ba?”
Napalingon siya kay Nathan nang pumasok ito sa maliit na bahay na ipinahiram sa kanila ng pinuno ng pamayanan. Nakapagpalit na siya ng kasuotan. Hindi nga lang siya makalabas dahil hindi siya kumportable sa kaniyang hitsura. Kinailangan pa niyang alisin sa pagkakatali ang kaniyang buhok para matakpan ang kaniyang balikat. Maya’t maya niya kasi hinihinila ito pataas dahil sa sobrang luwag ng damit ay panay ito bumababa.
“Mabuti pa yung damit mo, sakto lang sa’yo.”
“Okay rin naman ang damit mo ah.”
Sinimangutan niya si Nathan.
“Alin ang okay rito? Ang lalaki ng mga damit na pinahiram sa akin.”
“Huwag ka nang magreklamo, magpasalamat ka nalang dahil pinahiram ka. Kaysa naman ang suotin mo ay yung damit mo na basa ng tubig dagat.”
“Hindi talaga ako sanay sa ganito. Hindi tuloy ako makalabas.”
“Edi huwag ka nang lumabas. Ako nalang ang kukuha ng pagkain nating dalawa. Ayaw ko rin namang makita ka ng mga kalalakihan dito na ganiyan ang hitsura mo. Baka ma-inlove lang sila sa’yo.”
“Mai-in love? Sa hitsura kong ito? Eh mas maganda pa nga sa akin iyong mga taga-isla,” nakabusangot niyang sambit.
“That’s not true, Jillian. Maganda ka. Saka, ngayon ko lang napansin na sexy ka rin pala.”
Hindi maiwasan ni Jillian na mainis sa binata. Hindi niya mawari kung nagsasabi ito ng totoo o inaasar lang siya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinuri siya nito. Kinagat niya ang ibabang labi nang maramdamang bumilis ang t***k ng kaniyang puso sa tinuran ng binata.
“Puwede ba, Sir. Tigilan mo ako. Hindi na nga maayos ang pakiramdam ko ngayon eh, dadagdagan mo pa ng pang-aasar mo.”
“Hindi naman kita inaasar. Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Maganda ka. Teka nga, bakit Sir na ulit ang tawag mo sa akin? Akala ko ba, habang narito tayong dalawa ay pantay na ang social status nating dalawa?”
Napakurap nang ilang beses ang mga mata ni Jillian habang nakatingin siya sa boss niya. Gusto niyang maniwala sa mga sinasabi nito pero may parte sa kaniyang isipan na nagsasabing huwag dahil baka nagpapanggap lang ito na mabait sa kaniya. Hindi normal kay Nathan ang maging ganito kabait. Kaya himbis na masiyahan siya sa sinabi ng binata ay inirapan niya nalang ang binata.
“Alam mo, ewan ko sa’yo. Maging masungit ka nalang ulit baka sakaling ganahan pa akong makipag-usap sa’yo.”
“Labo mo naman, Jillian. Nagpapakabait na nga yung tao. Akala ko ba ayaw mo sa masungit? Tapos ngayon ikaw yung hindi makausap nang maayos kasi ang taray-taray mo.”
Niyakap nalang ni Jillian ang kaniyang sarili at nagmukmok sa isang tabi. Gusto niya lang naman ng maayos na damit para makasama siya sa gaganaping seremonya mamaya. Ang kaso, hindi siya makakalabas kapag ganitong pakiramdam niya ay mahuhubarahan siya.
“Hindi ka talaga lalabas?” tanong ni Nathan sa dalaga pagkatapos niya itong abutan ng pinggan na may lamang pagkain at isang basong tubig. Madilim ang kanilang silid, tanging maliit lamang na gasera ang nagsisilbing liwanag doon. Pero kapag dumungaw ka sa labas ay kitang-kita ang malaking bonfire na nagsisilbing ilaw ng pamayanan sa masayang gabing kanilang pinagsasaluhan.
“Ayoko, wala akong ganang lumabas. Kapag tinanong ka nila, sabihin mo nalang na masama ang pakiramdam ko. Sigurado naman akong maiintindihan nila.”
Humakbang palapit si Nathan kay Jillian at umupo siya sa tabi nito. Nagulat pa ang dalaga nang ilapat niya ang palad sa noo nito para i-check ang temperatura ng katawan ni Jillian.
“Anong ginagawa mo?”
“Huwag ka ngang masungit diyan, pinakikiramdaman ko lang kung may sakit ka. Baka kasi nahawa ka sa akin kagabi.”
“Nag-aalala ka na ngayon sa akin?” seryosong tanong sa kaniya ni Jillian.
“Anong nakain mo at bigla kang nagbago? Huwag mong sabihing nagpapanggap ka lang para maniwala ang mga tao?”
Tinitigan ni Nathan si Jillian sa mga mata nito. Sa labis na kaba ay napalunok ng sariling laway ang dalaga.
“Sa tingin mo ba pagpapanggap lang ang ginagawa kong ito?”
“Eh hindi ka naman ganito eh. Wala ka namang pakialam sa ibang tao hindi ba?”
“Sa ibang tao, wala akong pakialam. Pero sa’yo, meron.”
Iiwas sana nang tingin si Jillian ngunit mabilis na nahawakan ng binata ang kaniyang baba at marahang kinabig ang pisngi niya paharap sa mukha nito. Nararamdaman ni Jillian ang init ng hininga ng binata sa kaniyang mukha. Nang dumako ang kaniyang paningin sa labi nito na mamula-mula ay marahan siyang lumunok.
“Be honest, Jillian, gusto mo ba ako?”
Tila natauhan ang dalaga sa sinabi ni Nathan. Mabilis niyang hinawi ang kamay nito at umisod patalikod sa binata.
“Lumabas ka na roon, Nathan. Paniguradong hinahanap ka na nila.”
“Pero hindi mo sinagot ang tanong ko.”
“Hindi ko alam ang isasagot ko. Ilang buwan palang kitang kilala. At hindi ko naman gusto ang ugali mo. Kaya hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong mo.”
Humugot ng malalim na hininga ang binata saka tumayo. Bago siya lumabas ay muli pa niyang nilingon si Jillian na nakasiksik sa dingding ng kubo.
Nang makaalis si Nathan ay doon lang siya nagkaroon ng pagkakataon para kumalma. Sobrang lakas ng t***k ng puso niya. Hindi niya akalain na ganoon lang kabilis magbabago ang ugali nito. Talagang naninibago siya. Tumayo siya at dinala ang pinggan at baso sa lamesa. Hindi siya kakain dahil wala siyang gana. Inayos na lamang niya ang kaniyang sarili. Gusto niya sanang itali ang kaniyang buhok ngunit hindi niya mapigilan ang pagkaasiwa sa kaniyang kasuotan.
Samantala, pagkalabas ni Nathan ng kubo ay agad siyang sinalubong ng mga kalalakihan.
“Oh, nasaan ang asawa mo?”
“Nagpaiwan sa loob ng kubo dahil masama ang kaniyang pakiramdam.”
“Ah hayaan mo na, ganoon talaga ang mga nagdadalang-tao. Kundi mainitin ang mga ulo, eh masama naman ang pakiramdam.”
Mababait ang trato ng mga ito kay Nathan, kaya naman naging magaan ang unang gabing pananatili niya sa lugar na iyon.
“Oh, ito. Baunin mo. Napakasarap ng alak na ito. Espesyal na ginawa para sa ating mga lalaki. Pagdating mo sa bahay niyo, ayain mong uminom ang asawa mo. Huwag kang mag-alala, hindi naman makakasama sa bat ana nasa sinapupunan niya ang konting alak,” sabi ng isang lalaki at inabot sa kaniya ang maliit na bote.
Ngumiti si Nathan sa mga ito at nagpasalamat. Hindi naman siya lasing pero aminado siyang tinamaan siya ng ininom nilang alak. Pagpasok niya sa kubo ay agad niyang sinara ang pinto nito. Nakita niyang nakadungaw sa likurang bahagi ng bintana si Jillian.
“Akala ko ay tulog ka na.”
Umiling sa kaniya ang dalaga.
“Hindi ako inaantok.”
“Sakto, binigyan ako ng alak ng mga kalalakihan bago ako umuwi. Gusto mo bang tikman?”
Lumingon ito sa kaniya.
“Kapag ba uminom ako niyan, titigil ka na sa pakikipag-usap sa akin?”
“Bakit gusto mong tumigil ako sa pakikipag-usap sa’yo?”
“Dahil ayokong naririnig ang boses mo.”
“Oh, kita mo, sino kaya ang masungit sa atin ngayon?”
Padabog na naglakad palapit sa kaniya ang dalaga. Hinablot nito ang bote niyang hawak. Binuksan nito iyon at isinalin nito ang laman na kalahati sa basong walang laman saka mabilis nitong ininom ang laman niyon.
“Oh ayan, naubos ko na. Sana naman ay tumahimik ka na.”
Napatingin si Nathan sa boteng kalahati nalang ang laman. Kinuha nito iyon at ininom ang natitirang laman. Tila gumuhit ang alak sa kaniyang lalamunan at ilang minuto lang ang lumipas nang makaramdam siya ng kakaibang init sa kaniyang katawan.
“Jillian, galit ka ba sa akin?” tanong niya habang naglalakad palapit sa dalaga.
Muling lumingon sa kaniya si Jillian. Masama ang tingin na ibinibigay nito sa kaniya pero wala siyang pakialam. Nang makalapit siya rito ay mabilis na ipinulupot ni Nathan ang kaniyang braso sa beywang ni Jillian at hinapit niya ito palapit sa kaniya.
“Anong ginagawa mo?” gulat na tanong ng binata.
Aapila pa sana si Jillian ngunit mabilis siyang hinalikan ng binata. Hinalikan siya ng boss niya. Gusto niya itong awatin pero nararamdaman niya ang kagustuhan ng kaniyang katawan na umayon sa ginagawa ni Nathan sa kaniya. Anong nangyayari sa kaniya? Bakit pumapayag siyang magpahalik sa binata gayong alam niyang posibleng nagpapanggap lang ito na may gusto sa kaniya?
“Nathan, please…”
“Ngayon lang, Jillian. Kailangan kita.”
Wala nang nagawa si Jillian kundi magpaubaya kay Nathan nang gabing iyon. Alam niyang mali ang tugunin niya ang mga halik ng binata dahil alam niya kung saan patutungo ito. Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang lakas ng loob na isantabi ang mga pag-aalinlangan sa kaniyang isipan. Basta ang nasa isip niya, gusto niya kung anong nangyayari sa kanila.