Chapter 2

1041 Words
CHARMAINE Sawang-sawa na ako makakita ng mga kaklase kong lalaki na walang ibang ginawa kundi istorbohin ang nananahimik kong buhay. Kaya umaaasa ako na sa pagkakataong ito, na mayroong panibagong kamag-aral ako, sana ay isa na ito sa magpapabago sa aking nakawawalang ganang buhay. "Miss Castro, you may now proceed inside," pag-aaya ni Ma'am Ariela sa panibagong estudyante. Base sa apelyido nito ay hindi ko rin maaaring hulaan kung isa ba itong lalaki o babae. Halos walang segundong nasayang nang dali-daling bumukas ang pintuan sa harapan kung saan iyon ang kadalasang ginagamit ng aming mga guro. Unang hakbang pa lang ng ginawa ng estudyanteng iyon ay alam ko na kaagad kung ano ang kanyang kasarian, na siyang agad din nakapagpalumo sa akin. Isang babae. "Magandang... araw sa inyo," bati nito sa amin nang makarating na siya sa mismong tabi ni Ma'am. "Ma'am naman, akala ko pa naman estudyante ang mag-transfer sa seksyon natin," nadidismaya ang tono ng pananalita ni Jack, isa sa mga magugulong lalaki. "Bakit naman kayo nagsama rito ng alaga niyong baboy?" Halata sa kanyang tinig ang labis na pagpipigil niya ng kanyang sariling tawa, ngunit, hindi rin nagtagal ay kusa na siyang napahalakhak kaya nakigaya na rin ang mga katabi niya sa kanyang pwesto. Bakas sa mukha ng babaeng iyon ang pagkakahiya, na tila ba'y gugustuhin na lang niyang biglaang maglaho sa kawalan. Hindi ko naman maipagkakaila ang sinabing iyon ni Jack kahit pa insulto talaga iyon sa babae. Kasi ba naman, matangkad nga siya, maputi rin naman at mahaba rin ang kanyang buhok. Sadyang mataba lang siya at puno ng tigyawat ang kanyang mukha, na sa tingin ko ay hindi naman masama dahil natural lang naman para sa kahit na sino ang dumaan sa ganito. Ewan ko lang kung bakit hindi ko iyon pinagdaanan o sadyang hindi ko pa panahon para roon. "Tigilan mo 'yan, Jack," pagpipigil ko sa lalaking nang-insulto sa bago naming kaklase. "Magpakilala ka lang, 'wag mong pansinin ang mga sasabihin sa 'yo ng mga 'to. Malalakas ang tama ng mga ito kaya kailangan mo na masanay agad sa amin." Tumango sa akin ang babae at marahang ngumiti. "I'm Yvonne Castro, matagal na ako sa paaralang ito pero hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nila akong ilipat ng seksyon kaya..." huminto siya ng ilang saglit para pasadahan kami ng tingin isa-isa. "Sana matanggap niyo nga ako gaya ng sabi ni Ma'am," pagtatapos niya sa kanyang introduction na sinamahan pa niya ng kanyang pagyuko. "Good," tinapik ni Ma'am sa likod si Yvonne. "Doon ka maupo sa tabi niya. Kapag may kailangan ka, kausapin at tanungin mo lang siya." Tinuro ni Ma'am ang upuan na nasa mismong kanan ko dahil bakante lang ito at pati na rin ang kaliwa at sa likod ko, sinadya ito ni Ma'am para walang manggulo masyado sa pag-aaral ko. Nang makapwesto na sa tabi ko si Yvonne ay nilingon niya agad ako. "Salamat sa ginawa mo kanina. Anong pangalan mo?" nahihiyang tanong pa niya sa akin. "Hindi ko kailangan ng pasalamat mo," pagmamataray ko sa kanya, pinaikot ko pa ang aking mata para mas lalo siyang masindak sa akin. Hindi ako papayag na mayroong magiging feeling close sa akin at mas lalong ayaw kong may mapalapit sa aking loob na hindi ko naman gusto. Nakita ko kung paano siyang paulit-ulit na napalunok dahil sa inakto ko sa kanya. "S-Sorry." Hindi ko na lang siya pinansin pa at nakinig na lang ako sa mga gustong sabihin ni Ma'am Ariela. "Bago ko pa makalimutan, may isa pa nga palang mapapabilang sa klase natin," aniya. Ang naramdaman ko noong unang beses na marinig ko ang papasok na transferee ay muli ko na namang nadama. Pakiusap, sana naman lalaki na oh. "Rhys, come in!" Utos niya at lumakad na papunta sa tabi ni Ma'am ang isang lalaki na mas matangkad kumpara sa akin. Medyo magulo 'yung maiksing buhok niya na bumabagay naman sa kanyang itsura. Makapal ang kanyang mga kilay, matangos ang ilong niya at medyo may bakas ng pula rin ang labi niya. Karaniwan sa mga lalaking naririto ay palaging nakangisi pero, ang isang ito ay hindi ko pa nasisilayang ngumiti man lang simula pa ng kanyang pagpasok sa kwarto. Ayos lang din naman iyon kasi mukhang kahit naman ano ang gawin niya ay babagay sa kanya. Nahuhulog na yata ako. Pwede naman siguro kaming magkasundo 'di ba? Parang parehas naman kaming masungit sa labas pero malambot ang puso sa loob eh. "Napatahimik ata kayo lahat d'yan?" pagbibiro ni Ma'am Ariela kaya ginalaw ko ang ulo ko at tumingin kung saan-saan para magpanggap na walang interes sa bago naming kaklase. "Rhys, magpakilala ka na para makapagsimula na ako ng unang lesson natin." Tumango ang lalaki habang nakatingin kay Ma'am Ariela at nang lingunin na niya kami ay para bang huminto ang paglipas ng oras at paggalaw ng mundo. "Caleb Rhys. 16. Good morning," maikling bati niya sa amin kasabay ng pagpapakilala niya sa sarili, na tanging ang pangalan lang ang sinabi niya at ang kanyang edad. Nanatili ang mga mata kong nakatitig sa bilugan niyang matang kulay itim. Halos tumalon na ang aking puso nang magtama ang aming paningin, napahawak ako ng mahigpit sa palda ko na siyang nagpakuyom sa parehas kong kamao at muntikan pa akong mapasinghap sa magkahalong gulat at kilig. Akma na sana akong ngingiti sa pagbabakasakaling makukuha ko rin agad ang loob niya kagaya ng karamihan sa lalaking nakilala ko, hindi ko ito nagawa nang alisin na niya ang tingin niya sa akin at naglakad lang na parang wala lang ang presensya ko. Nilagpasan niya ang bakanteng upuan sa tabi ko at mas piniling umupo sa dulo malapit sa lalagyanan ng mga libro, katapat ng bintana. Hindi ko mapigilang sundan siya ng tingin at nang tingnan ko siya ay nakapatong na ang kanyang ulo sa ibabaw ng mga braso niya, na nakapatong naman din sa itaas ng kanyang lamesa. Halos umakyat ang init ng dugo ko patungo sa ulo ko nang mamataan ko iyon. Wala sa aking isipan na babalewalain niya ang kagandahan ko. Hinding-hindi ako papayag na ganito na lang ang pakikitungo niya sa akin. Kung kailan pa naman ako nakatagpo ng matinong lalaki ay roon pa ako dededmahin. D'yos ko, ano ba naman 'tong buhay na 'to?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD