Hirap na bumangon si Ara ng umagang iyon. Halos mapaungol na lamang siya dahil nakita niyang huli na siya sa trabaho. Nitong nakaraang araw ay napapansin niyang mabigat na ang pakiramdam niya. At dahil alam niyang hindi na siya aabot pa sa schedule ay tumawag na lamang siya sa ospital para masabihan na ring masama ang kanyang pakiramdam at liliban ng araw na iyon.
Nagpadala na rin siya ng mensahe para kay Doms at muling natulog. Paggising niya ay umikot ang kanyang sikmura at patakbong nagtungo sa lababo at nagduduwal. Natutop niya ang sikmurang nangangasim at kahit anong pilit niya ay wala naman siyang nailabas.
Doon siya nakarinig ng katok sa pinto. Nanghihinang nagtungo siya roon. Nabungaran niya ang nagaalalang nobyo at nang makita nito ang itsura niya ay agad siya nitong sinuri.
“Bakit ka nag-absent?” takang tanong niya at natutop ang ulo. Nanghihinang napaupo na lamang siya sa sofa habang inaalalayan nito.
“Uwian na namin, hon… kagigising mo lang?” takang tanong nito.
Napangiwi siya. Hindi na niya namalayang napahaba ang tulog niya dahil sa sama ng pakiramdam. “Nahihilo kasi ako. Nitong mga huling araw nagbabago ang pakiramdam ko. Nahihilo ako at kanina bago ka dumating, naduwal ako pero wala naman akong malabas…”
Bigla niyang natutop ang bibig sa reyalisasyong iyon at napatitig dito. The signs were all over. Nurse sila at hindi mahirap unawain ang sintomas na nadarama. Napaisip siya kung kailan siya nagkaroon ng dalaw at nawindang siya. Mahigit dalawang buwan na siyang hindi dinadatnan. Irregular man ang kanyang cycle ay may posibilidad pa rin na mabuntis. Lalo siyang nawindang ng mapagtanto ang lahat: mukhang nagbunga ang nangyari sa kanila ni Doms noong Party of Destiny.
“Doms… buntis yata ako…” anas niya sa natulalang lalaki.
Naluha siya ng wala siyang makuhang sagot mula rito. Natulala na itong tuluyan! Pakiramdam tuloy niya ay hindi nito gustong magkaanak sila. Jusme…
“H-hindi naman kita pipilitin…” masamang loob na saad niya at napayuko.
“What!” nabibiglang sagot nito at agad nitong hinawakan ang mukha niya para titigan siya. Napalatak ito ng makita ang sobrang lungkot sa mukha niya. “Huwag mong sabihin ‘yan. I am so happy. At sa sobrang saya at pagkaturete ko, pangalan agad ng magiging anak natin ang naisip ko. I’m sorry if I hurt you on my reaction.” anito saka napapahiyang napahagod sa buhok.
Napantastikuhang napatitig siya rito. Naikurapkurap niya ang mga mata para makita itong maigi hanggang sa natatawang naiiyak na siya. Ganoon ito ka-excited! Pangalan agad ng magiging anak nila ang naisip nito!
“I’m so happy, Ara.” Anito at hinalikan siya nito sa noo. Masuyo itong ngumiti sa kanya. The love of this man was written on his eyes. Tuluyang naglaho ang walang kwenta niyang tampo dahil doon. “Magkakaanak na tayo, Ara. Is it amazing?”
“P-pero hindi pa ako sigurado…” amin niya rito dahil nagbase lang naman siya sa nadarama.
Napahagod ito sa buhok. “Okay. Dito ka lang, bibili ako ng pregnancy test. Ano ang gusto mong kainin?” lambing nito sa kanya.
“Gusto kong mainitan ang sikmura ko,”
Agad itong tumango at lumabas. Bigla siyang hindi mapakali. Nanalangin siya na sana ay magkatotoo iyon. Gusto na rin niyang magkaanak sila ni Doms. She wanted to carry his child, their chid. At alam niyang aalagaan siya nito sa lahat ng pagkakataon.
Nang dumating ito ay agad niyang sinubok ang pregnancy test. Hinanda naman nito ang pagkain niya sa kusina. Pagpasok sa loob ng banyo ay kabadong sinubok niya ang PT. Halos hindi na siya humihinga habang hinihintay ang resulta.
Nang magdalawang guhit iyon ay naluha siya sa galak. Positibong buntis siya! Magkakaanak na sila ni Doms!
“D-doms…” tawag niya rito at patuloy sa pagbukal ang mga luha.
“Hon,” anito saka kumatok sa pinto. “Ano’ng nangyari? Okay ka lang?”
Huminga siya ng malalim at pinagbuksan ito. Nahihiyang ipinakita niya ang resulta dito at natawa siya habang naluluha ng makita ang kaligayahan sa mukha ni Doms habang tinitingnan ang PT.
“I’m pregnant, hon,” anas niya.
“Yes!”
Nagulat na lamang siya ng bigla siya nitong buhatin! Panay ang thank you nito sa kanya at natunaw ang puso niya. She can see that this man really wanted to build a family with her.
“You made me happy again, Ara. God… I love you,” anas nito at siniil siya ng halik. Tinugon niya iyon. Mas mainit at mas malalim. Aakyat na sila nito sa ibang lebel ng relasyon nila. Dahil hindi na tungkol sa kanila ang lahat. Magkakaroon na sila nito ng anak at natutuwa siya. Hindi masusukat ang kaligayahang iyon sa puso niya.