“Magkikita kami ni Romina mamaya. Alam mo na? Nagpapalakas ako ulit sa kanya,” masayang untag ni Domeng kay Ara. Wala sa sariling tumango na lamang siya rito habang nakatingin pa rin kay Doms. Tahimik lamang itong nagsusulat sa chart at halatadong abala sa sariling trabaho.
Ilang linggo ng nakakalipas ang insidente sa Baclaran. In fairness naman, humingi ng sandamakmak na sorry si Domeng sa kanya pagkatapos ng ginawa nito.
Nagpasalamat pa ito dahil kundi daw niya ito inaya, hindi daw nito makikita si Romina at mare-realize na mahal pa rin nito ang babae. Doon nito nasabi ang dahilan kung bakit nagkahiwalay ang mga ito. Isang Medical Representative si Romina ng isang pharmaceutical company ng mga bakuna at nagkakaroon ng problema ang mga ito sa oras. Na-assign kasi ang babae sa malayo.
They talked about that and resolved everything. Pero siya ay hindi pa rin matahimik. Si Doms ang iniisip niya sa nakalipas na linggo at natutuwa siya dahil tinanggap nito ang sorry niya. Hindi siya pinatahimik ng kalamigan nito hanggang sa hindi na siya makatiis. Gumawa na siya ng hakbang para humingi ng paunmahin. Mas ininda niya iyon kaysa sa sinabi ni Domeng. Hindi niya maunawaan ang sarili na sa halip na magluksa sa kabiguan ay si Doms ang naging laman ng isip niya. Kung paano tutunawin ang sama ng loob nito. Doon niya napagtanto na hindi niya ito gustong saktan sa kahit na anong paraan. Pinagsisihan niya ang pagiging marahas dito.
Napahinga siya ng malalim at muli itong tiningnan. Napagalitan ito ng kuya nitong doktor dahil sa maling sumbong ng pasyente at nakadama siya ng simpatya dito. Gusto niya itong lapitan at kumustahin pero nahihiya siya.
“Pogi ni sir, ano? Lamang siya ng isang dosenang paligo sa akin,” untag na biro ni Domeng sa kanya.
Napatango siya. “Hawig niya si Zac Efron, ano?” wala sa sariling sagot niya at napahinga pa ng malalim. Totoo ang bagay na iyon at aaminin niyang nakakapanlambot ang kaguwapuhan nito.
Natawa ito. “May gusto ka sa kanya. Kanina mo pa tinitingnan si sir. Pero pansin ko, hindi lang ngayon. Nakikita kong madalas,” tudyo nito sa kanya.
“Hindi, ah!” depensa niya at biglang namula ang mukha niya sa pagkapahiya. Gusto niyang hawakan ang puso dahil sa kakapalag noon sa loob ng ribcage niya! Bigla siyang hindi mapakali.
“Napagalitan siya kanina ni Dr. Doniver Salvadore, eh.” Aniya saka muling napatingin ka Doms. “Nagreklamo ‘yung hawak niyang pasyente na nataon naman ang kuya niya ang attending physician. Hindi daw siya nagbigay ng pain reliever sa oras,” anito saka napailing.
Napalunok siya at nakaramdam ng awa kay Doms. Ang Dr. Doniver Salvadore na iyon ay kilalang magaling na surgeon sa Saint Matthew. Mahigpit, masungit at may pagkamatapobre ito. Snob pa ito sa kanilang mga nurse kaya ilag siya rito. Bagaman guwapo rin ito, damang-dama naman ang ere sa presensya nito.
“Pinagawan siya ng letter of explanation kanina.” Naiinis na saad niya at napailing. “Sobra talaga ang kuya niya.”
Muli siyang napatingin kay Doms. Parang mayroong mainit na palad na naglandas sa puso niya habang naiisip kung paano ito pagalitan kanina. Kahit napapahiya ito ay kalmado pa rin nitong hinarap ang lahat. Nakaramdam din siya ng inis sa ginawa ng kapatid nitong istrikto.
Kahit itinuon niya ang sarili sa trabaho nang hindi na nagsalita si Domeng ay hindi niya mapigilang isipin si Doms. Muli siyang napatingin dito at napakunot ang noo niya ng akma sana itong iinom ng kape ay ibinaba na nito ang tasa. Mukhang wala na iyong laman.
Napahinga siya ng malalim. Kumuha siya ng tyempo at tinimplahan ito ng kape. Kumuha din siya ng sticky note sa drawer nila at sinulatan iyon ng ‘cheer up!’ saka idinikit sa tasa. Napangiti siya habang idinidikit iyon. With matching prayers pa na sana ay makatulong iyon na mapagaan ang bigat sa dibdib nito. Kahit sa ganoong paraan ay makabawi man lang siya rito.
Lagi siyang bumabawi dito. Gusto niyang patunayan na sincere siya sa paghingi ng paunmahin. Hindi madaling salubungin ang mga mata nito na nakikitaan niya ng lungkot at tampo. Doon niya tinanggap sa sarili na hindi pa rin siya mapapanatag na hindi makabawi rito at gumawa ng hakbang para doon.
Nang damputin niya iyon at inilapag sa tabi nito ay agad na siyang umalis. Kabadong-kabado siyang nagkulong sa CR. Pawis na pawis sa ginawa. Ilang beses siyang nag-breathe in and out para pakalmahin ang damdamin.
Sumilip siya at napangiti siya ng makitang napangiti ito habang binabasa ang note doon. Napakagat siya sa ibabang labi ng makitang maingat nitong itiniklop iyon at itinago sa wallet nito. Nang makitang wala na ang gatla sa noo nito ay nakahinga siya ng maluwag. Kuntento na siya sa ganoon. At least ay dama niya at nakikita niyang nakatulong siya kung paano mapagaan ang damdamin nito.