“Lunch break na. Kain na tayo,” untag ni Domeng kay Ara. Tinapos lang niya ang mga ginagawa at sumunod na siya rito sa pantry. Ganoon ang lahat ng station sa ospital na iyon. Ang maliit na silid sa loob ng station nila ay inilaan talaga para sa mga ganoong pagkakataon. Apat sila sa first break: si Nida, siya at ang dalawang Domeng. Ang pagkakataon nga naman. Bunutan na ang nangyari pero nakasama pa niya ang dakilang flirt.
Napabuntong hininga siya. Sa tuwing may pagkakataon si Doms—nakasanayan na rin niya itong tawaging ganoon—ay binibiro siya nito. Umaarya ito kapag naiiwan silang dalawa sa station. Nagpapanggap na lamang siyang walang naririnig minsan at nauuwi iyon sa marahang pagtawa nito. Pinakikita na lang niya ang distansya nila kahit pa sabihing namamangha siya sa kinikilos nito. Para talagang nagpapapansin ang herodes sa kanya.
“Kanino itong apritadang manok?” tanong ni Nida, ang kasamahan nilang nurse doon na nauna sa kanya ng dalawang taon.
“Akin,”
Nagkatinginan pa sila ni Doms ng sabay na sumagot. Pinilit niyang huwag mapasimangot kahit paborito niya pa iyon. Ngumiti na lang siya ng tipid dito. “Sige, sir. Iba na lang ang kakainin ko,” aniya sabay halungkat sa mga styrofoam na naglalaman ng pagkain.
In fairness, galante si Doms sa pagkain. Halos araw-araw itong nagpapabili ng tanghalian nila sa labas dahil nakakaumay daw ang pagkain sa canteen.Mayaman daw talaga ang angkan ni Doms. Bukod sa ospital na iyon, pag-aari din daw ng pamilya nito ang unibersidad na pinasukan ni Domeng, ang Saint Matther University. Ang Saint Matthew Hospital ang home based hospital ng unibersidad. Bukod doon, mayroon sariling pharmaceutical company pa ang mga ito na pinamamahalaan naman ng tiyuhin nito. Ang unibersidad naman ay pinamamahalaan naman ng isang pinsan ni Doms. Si Doms at ang kuya nitong doctor ay sa ospital na iyon nagta-trabaho. Ang ama naman ni Doms ang namamahala doon. Boluntaryong sinabi ni Domeng iyon sa kanya at napansin niyang bilib ito sa lalaki.
“Sa’yo na ito.” Ani Doms at bago pa siya makatanggi ay nagkunwang busy na ito sa pagaayos ng mesa. Mukhang na-technique-an siya nito para hindi na siya makatanggi. Gayunman, aaminin niyang natuwa siya dahil naging gentleman pa rin ito para pagbigyan siya.
“Pareho kayo ng paborito, sir,” basag ni Domeng sa katahimikan habang kumakain sila. “Mahilig din si Ara sa mga seafoods bukod sa apritadang manok.”
Gusto niyang sipain ang paa ni Domeng para awatin ito. May pagkamadaldal din ito kapag kampante ito sa kausap pero hindi niya magawa. Baka makatunog ito at ayaw niyang lumalim iyon para mauuwi sa pagkakatiklo niya. Napatingin siya kay Doms. Namula ang pisngi niya. Hindi nga ito nakangiti pero sparkling in delight ang mga mata nito!
“May allergy din siya sa gata. Natatandaan mo noong kumain ka ng laing? Namula ang bibig mo? Naku, pareho ang effect sa inyo ni Ara,” dagdag pa ni Domeng na napailing.
“So, siya ang sinasabi mo sa aking kaibigan mo noon na kapareho kong may allergy?” marahang paniniyak ni Doms habang nakatitig sa kanya.
Hindi na tuloy siya mapakali. Parang may sinasabi ang mga mata nito at natatakot siyang basahin. Tumikhim siya. “Nagkataon lang ‘yon.”
Napalatak si Nida. “Nagkataon… baka destiny!” biro nito.
Natawa si Domeng. Siya naman ay parang kinidlatan. Nangilabot siya sa ideyang iyon pero agad niyang sinuway ang sarili. Hindi iyon destiny! Ano ang destiny sa dalawang taong pareho ang paborito at allergy? Waley! Kaya hindi siya dapat nagpapaapekto sa biruang iyon.
“Siya nga sir.” Kumpirma ni Domeng. “Hindi ko na siya naipakilala sa’yo dahil wala namang pagkakataon. Kapag nagpupunta ka sa bahay, lagi siyang wala. Hindi naman magkakatugma ang shift namin sa mga pinapasukang ospital. Kapag night shift ako, day shift siya. Hindi ko na nabanggit ang pangalan niya sa’yo dahil hindi mo rin naman siya kilala. Hindi ko rin sinabi kay Ara dahil hindi ka rin naman niya kilala.” Paliwanag ni Domeng saka maganang kumain.
Bigla siyang kinabahan. “N-nagpupunta siya sa inyo?” hindi mapigilang usisa niya kay Domeng.
Tumango si Domeng. Lumunok muna ito bago nagsalita. “Oo. Huling punta ni sir, noong Party of Destiny. Hindi na ako nakasama dahil sumama ang tyan ko noon.”
Nanikip ang dibdib niya. “S-siya ang gumamit sa sasakyan mo?” paniniyak niya. Hindi na niya maawat ang puso sa pagwawala.
Dahan-dahan natigil sa pagnguya si Domeng. Napakunot ang noo nito at tila nagtatakang nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa ni Doms. “Oo. Nasa kasa ang sasakyan niya noon kaya hiniram niya. May… problema?” nanantyang tanong nito.
Hindi na niya nakuha pang magpaliwanag kay Domeng dahil napa-s**t siya ng maraming beses sa isip! Si Doms ang nakita niya mula simula. Si Doms ang hinahanap niya at sinundan! Umiikot ang sikmura niya sa natuklasan. Tumayo ang mga balahibo niya. Bigla niyang naalala ang mga sinabi ni Doms sa kanya…
Isa itong malaking pagkakamali… bakit nagkakaganito? Nanlulumong isip niya. Hindi na siya makakain. Hanggang sa matapos ang mga ito ay lutang na naman siya.
Was it really meant to happen? Na hindi talaga si Domeng ang makikilala niya sa party na iyon kundi ibang lalaki? Iyon ba ang gustong ipaunawa ng destiny sa kanya? The idea made her mind raced all over again.
“E-excuse me,” aniya at tila wala sa sariling kinuha ang pouch saka nagtungo sa lababo. Para siyang robot na nagsepilyo. Apektado na talaga siya sa ideyang iyon! Naghilamos na rin siya ng mukha para kumalma. Pagharap niya ay napamulagat na lamang siya dahil sisila na lamang ni Doms ang nasa loob ng pantry. Nakatayo ito sa likod ng pintong nakapinid at nakasandal habang nakahalukipkip.
Nakaramdam siya ng matinding tensyon pero pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Huminga siya ng malalim at lakas-loob na nilapitan ito. “Excuse me, sir.” Pormal na saad niya.
Tumaas ang isang sulok ng labi nito. Ang pogi nito kapag ganoon ito. Parang nangaakit… nakapanlalambot iyon ng tuhod. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit umiiwas siyang makatitigan ito. Dahil alam niyang mayroong mahika ang mga mata nito upang lunurin siya.
Napaigtad pa siya ng tumabi ito ngunit bago pa niya magawang ihawak ang kamay sa seradura ay inilapat na nito ang kamay sa pinto upang hindi iyon mabuksan. Yumukod ito. Todo kabog ang puso niya at tigas ang kanyang leeg para huwag itong lingunin.
“Are you okay?” anas nito.
Ngumiti siya ng tipid dito. Dahil tao naman itong nakikipagusap, dapat lang na makipagusap siya ng maayos dito. Head pa rin niya ito kung tutuusin. “Yes, sir,”
“Hindi ka masyadong nakakain kanina. Hindi mo ba nagustuhan ang pagkakaluto?” tanong nito at tinitigan siya nitong maigi. God… titig lang, hindi na siya mapakali! Lalo siyang pinagpawisang maigi.
“Wala lang talaga akong gana, sir. Excuse me,” Taas-baba ang dibdib niya. Hinagod niya ang sentido para kumalma at makapagsalita ng matino. Paano siya magkakaroon ng gana sa mga naririnig niya? Apektado siya kahit pigilan niya.
He chuckled. “Wala pa akong ginagawa, hindi ka na mapakali,”
Dahil hindi ako mapakali sa naiisip! Hayan pa ang isang rason. Bakit ang caring mo? Bakit mo inaalam ang nararamdaman ko?Titingin ka pa! Bakit ka biniyayaan ng diyos ng ganyan kagandang mga mata? Diyos ko… tama na… baka bigla akong magkagusto sa’yo!
Hindi na siya nito nagawang pigilan nang dali-dali na siyang lumabas ng silid. Agad niyang isinara iyon ngunit hindi niya magawang bitawan ang doorknob. Salamat at hindi ito agad lumabas. Hindi niya ito kayang harapin. Unti-unti niyang naitukod ang ulo sa pinto at napahagod sa mukha. Damn it really… she was so affected. Katunayan ang puso niyang ayaw humupa. He and his stupid destiny made her act that way. Damn it really.She needed to act before it’s too late.