Ako ay tumayo at nagmadaling lumabas sa kuwarto. Si Jerome ay hindi nakapagsalita sa kanyang mga narinig at nakita. Sumakay kami sa kotse ni Jerome. Nararamdaman kong ayaw niya akong dalhin muli sa mall ngunit alam niyang hindi niya ako mapipigilan. Kung dati, ako ay tumatakbong papalayo at umiiwas sa babaeng iyon, pero ngayon, ako naman ang buong loob na susugod sa kanya upang matapos na itong mga kababalaghang ito.
Ang mall ay punong-puno na tao noong Sabadong iyon. Napakaraming tatay, nanay at mga bata ang gumagala, sumunod na araw pagkatapos ng suweldo. Naghahalo ang malakas na tugtog mula sa iba’t ibang mga tindahan na tila nakikipagpaligsahan ng palakasan, sinasabayan pa ng promo jingle ng mall. Marami ng nakapila sa mga fast food. Napakakapal ng tao, nagsisiksikan, nagkuwekwentuhan, halo-halo ang tunog at iba-iba ang pinupuntahan. Hindi ako kayang sabayan ni Jerome habang ako ay sumisingit sa daloy ng mga tao.
Ang aking paglalakad papunta sa ladies room ay hindi gaya ng dati na tila takot at nag-aalinlangan. Ako ay sumusugod na parang mandirigmang sigurado sa sarili at matapang. Ngunit kahit buo and aking loob, ang aking bawat hakbang ay mabigat. Pero tulad noong ako ay nalulunod, nakikipaglaban ako sa aking takot. Ang aking bawat hakbang ay tagumpay laban sa sunod-sunod na pagsubok na tumitindi habang ako ay papalapit ng papalapit sa ladies room.
Nakikita ko ang babaeng nasa salamin na susumusod sa akin, tumutulay sa bawat salamin ng tindahan, habang nakatutok ang kanyang mga mata sa akin. Meron akong nakatapat na mamang naka sun glasses, nakita ko rin ang babae sa kanyang salamin.
Naiwan ko na si Jerome ng tuluyan at ako’y buong tapang na pumasok sa ladies room. May mga babaeng nakahilera sa harap ng salamin, nag-aayos ng kanilang mga mukha at buhok.
Pinilit kong isiniksik ang aking sarili upang aking harapin ang babaeng nasa salamin. Hinahampas niya ang salamin mula sa loob. Ibig niyang makalabas. Ibig niyang makalaya. Inabot ko ang kanyang mga kamay. Lumusot ang aking mga kamay sa salamin at nahawakan ko ang kanyang mga kamay, basa, madulas, ngunit ang babae ay kumapit ng mabuti sa aking mga kamay.
Mayroong pumipigil sa kanyang makalabas, kaya’t ginamit ko ang aking buong lakas sa paghatak ko sa kanya. Napasigaw ang babae ng siya’y aking mahugot mula sa salamin. Bigla na lamang dumilim nang ako ay mahulog at tumama ang aking ulo sa sahig.
Napakadilim, ngunit may ilaw na nanggagaling mula sa salamin. Nang ako ay sumilip sa salamin, nakita ko ang babae na nakahiga sa sahig ng ladies room. Walang lumalapit sa kanya. Ang mga babaeng kanina lang ay masayang nag-aayos ng kanilang sarili ay tahimik na nakatayo sa dalawang gilid ng ladies room. Ang babae ay hindi gumagalaw at parang hindi na rin humihinga.
Bigla kong nakitang pumasok si Jerome sa ladies room at lumuhod sa tabi ng babae. Pinakiramdaman ni Jerome kung may pulso pa ang babae. Biglang, niyakap ni Jerome ang babae at siya’y nagsimulang umiyak.
Aking hinampas ang salamin ngunit ito’y hindi ko kayang basagin. Sinisigaw ko ang pangalan ni Jerome ngunit hindi niya ako naririnig.
Pumasok ang dalawang security guard at pinalabas ang lahat ng nasa ladies room. Makailang sandali, may mga pumasok na pulis at iba pang nakaputi upang ilabas ang bangkay ng babae.
Ang pinakahuling lumabas ay isang pulis na sumilip sa bawat toilet. Siya ay humarap sa salamin. Ako ay umasang baka nakita niya ako, ngunit nagsuklay lamang siya ng buhok. Hindi niya man lang ako napansin. Paglabas ng pulis bigla na lamang dumilim.
Kapag laging madilim, bale wala ang oras. Hindi ko alam kung gabi o araw, wala akong panukat sa haba ng panahon. Nagkakaroon ako ng pagkakataong mag-isip, ngunit naubusan din ako ng iisipin. Ilang ulit ko na ring isinasalaysay ang kuwentong ito sa aking isip.
Bigla na lang akong ginising ng biglang pagliwanag sa ladies room. Nag-umpisa na namang magsipasok ang mga kababaihan na walang tigil sa pag-aayos ng kanilang mga mukha at buhok, mga bagay na perpekto at hindi na kailangang ayusin. Napakababaw ng kanilang iniintindi, ngunit kahit iyon man lamang ay hindi ko na kayang intindihin o gawin, liliwanag, didilim.
Nariti ako ngayon sa likod ng salamin, pinagdadaanan lamang ng mga tingin. Isang babae na dati’y nililingon at tinititigan. Ngunit ngayon, ay uhaw na uhaw sa pansin. Liliwanag…, Didilim…, Ako ay natatakot na dumating ang pagkakataong lagi na lamang madilim at ako ay naririto pa rin.
Ngunit sandali, ito na ang pagkakataon aking pinakahihintay…., ang batang babae na iyon ay tila nakatitig sa akin.