HINDI ako nahirapang tuntunin ang kinaroroonan ng bahay ni Jenny Sacramento. Sa isang bayan na kinalakihan ko, alam ko ang bawat sulok at ang mga kilalang pamilya. Lalo na’t ang bahay pala ng mga Sacramento ay katapat lang ng munisipyo—isang prominenteng lugar. Ang mabilis kong pagmamaneho ay nagtapos sa matalim na preno sa tapat ng malaking gate na gawa sa wrought iron. Halos durugin ko sa kakapindot ang doorbell na nasa labas ng gate ng bahay, hindi na inalintana ang pagiging disente. Ang tanging nasa isip ko ay ang galit at pag-aalala. "Kuya!" Si Katrina mismo ang nagbukas sa akin. Bahagyang nakabukas lang ang gate, at ang liwanag mula sa loob ay nagbigay-daan para makita ko ang mukha niya. Sa likuran niya ay ang mga kaklase niya, nagkukumpulan, tila mga ibong nagulat sa bigla kong pag

