Chapter 1
Chapter 1
Paglisan
“NOONG unang panahon, may magkapatid na sobrang magkaibang-magkaiba ang ugali. ‘Yong isa, mabait at ‘yong isa naman ay sobrang sama ng ugali. Sa sobrang sama ng ugali niya, natipuhan siya ng hari ng mga demonyo at kinuha. Tapos iyong mabait na kapatid, gusto niyang bawiin ang kapatid niya sa demonyong kumuha rito. Pero isa lang siyang ordinaryong tao kaya naisip niya na para bawiin ang kapatid niya ay kailangang niyang mag-practice sa pakikipag-away,”
“Di ba po, bawal ang makipag-away? ‘Yan po ang sabi ni Sister Emerald.” Napakamot ako sa tuktok ko nang magtanong si Dahlia. Isa siya sa mga batang nakaupo at nakaharap sa akin ngayon para makinig ng kuwento ko.
“Hindi naman sa masamang paraan, Dahlia. Ang ibig kong sabihin, ‘yong magpapalakas siya ng abilidad niya sa pakikipaglaban. Syempre di ba, para mabawi niya ang kapatid niyang sobrang sama ng ugali.”
“E di ba, dapat po hayaan niya na lang ‘yong kapatid niya kasi masama naman po ang ugali?” tanong pa ni Toto, isa rin siya sa mga batang mahilig makinig sa mga kuwento kong kusang lumalabas sa bibig ko. Ang totoo niyan, ang mga kinukuwento ko kasi sa kanila ay yung mga napapanaginipan ko kaya araw-araw, palaging iba-iba ang kuwento ko. Minsan din, series kaya gustong-gusto nilang makinig.
“Bad ‘yan, Toto. Hindi maganda ang nagwi-wish ng masama sa kapwa kahit sa kapatid o kung sino man siya. Kapag narinig ka ni Sister, pagagalitan ka.”
“Andraste?” Mabilis akong napatayo sa kinauupuan ko nang tawagin ako sa pangalan ko. Lumingon ako at nakita si Sister Emerald.
“Sister.” Mabilis akong lumapit at nagmano sa kanya. Ganoon din ang ginawa ng mga batang nakaupo kanina sa palibot ko.
“Sige na, mga bata. Magsipunta na kayo sa silid-aralan. Papunta na roon si Sister Ruby.” Mabilis na nagsitakbuhan ang mga bata papunta sa direksyon ng silid-aralan dito sa bahay-ampunan na pinaglalagian namin.
Nasa pitong taon pa lang ako noong mapunta ako rito. At hanggang ngayon na fourteen years old na ako ay nandito pa din ako. Iyon din kasi ang panahon na naulila ako sa mga magulang ko. Kinuha ako nina Sister dahil wala naman akong kamag-anak na gustong kumuha sa akin. Lahat kasi ng kamag-anak ng mga magulang ko, ang tingin sa akin ay salot, malas.
Hindi naman ako nagtanim ng sama ng loob dahil sumasang-ayon din naman ako sa kanila. Simula pagkabata kasi, iminulat ako ng mga kamag-anak ng mga magulang ko na naging sunud-sunod daw ang malas ng mama at papa ko noong mapunta ako sa puder nila. Doon din nila ni-reveal na isa akong ampon. Galit na galit si mama at papa noong sabihin iyon ng mga pinsan kong mas matanda sa akin.
Pero kahit ganoon, hindi ako itinuring ng mga tumayong magulang ko na iba. Hindi sila nagkulang sa pagmamahal. Pero naglaho ang lahat ng iyon noong namatay sila. Pinatay sila. Sa harapan ko mismo, mga nilalang na hindi ko mawari ang itsura at kung saan nanggaling. Sabi ng mga kamag-anak nila na demonyo daw. At ako daw ang may kagagawan kung bakit sila namatay.
Gusto kong ipagtanggol ang sarili ko sa mga panahong iyon pero wala akong magawa noon dahil hamak na bata lamang ako na ang tanging kayang gawin ay umiyak sa isang sulok kahit nasasaktan na.
Hinding hindi ko iyon malilimutan. Ang mga demonyong pumatay sa mga magulang ko. Gusto nila akong kunin ngunit hindi sila nagtagumpay dahil dumating ang mga pumupuksa sa kanila. Ang mga demon slayer na hindi masyadong naririnig sa komunidad. Isa silang organisasyon na hindi kinikilala ng gobyerno pero patuloy pa din silang pumupuksa ng mga demonyo.
Wala na akong masyadong alam sa kanila bukod doon. Gusto nilang pumuksa ng mga demonyo na gustong sakupin ang mundo at gustong kumain ng tao.
Bihira lang din ang nakakaalam sa existence ng mga demon slayer dahil ayaw nilang mangamba ang mga tao kapag nalaman nilang may mga slayer pa ding nag-eexist sa panahon ngayon at nagmamatyag sa kapaligiran. Dahil oras na malaman ng mga tao, iisipin nilang may mga demonyong naglilipana na naman sa mundo.
Ang kwento nga nila Sister, noong unang panahon lang daw iyon at wala na daw ngayon. Pero sa akin ay hindi nila iyon maitatago dahil alam ko ang katotohanan na mayroon at maraming demonyong naglipana sa panahon ngayon. Dahil nakakita na ako noong seven pa lang ako. Unang beses kong makakita ng isa. Hanggang ngayon ay madami na akong nakikitang hindi nakikita ng normal na tao kapag nasa labas kami ng kombento at namamasyal. Kapag nasa loob ng kombento ay wala akong nakikitang mga kakaibang nilalang na umaaligid.
“Sandali lang Andraste,” pigil ni Sister Emerald sa akin kaya natigilan ako at nilingon siya.
“Bakit po Sister?”
“Sumunod ka sa akin,”
“Pero di ba po, papunta na si Sister Ruby?” Ngumiti siya sa akin.
“Napakabuti mong bata, Andraste. Sumama ka muna sa akin.” Napakamot ako sa ulo dahil sa inasta ni Sister. Tumalikod na siya at nauna nang maglakad sa akin. Base sa direksyon nang nilalakaran namin, papunta kami sa office niya. Siya kasi ang punong madre dito sa kombento kung saan siya din ang namamahala sa House of Angels Orphanage.
Binuksan na niya ang pintuan at pinapasok muna ako. Dumiretso ako sa loob, natigil ako nang may makitang isang babaeng hindi pamilyar sa akin at nakaupo sa isa sa mahabang sofa sa gitna ng kwartong iyon. Nakaupo siya at nakapandekwatrong pambabae habang umiinom sa kanyang tasa.
Mahaba ang unat na buhok, hanggang baywang. Nakaipit pa ang kaliwang bahagi no’n sa kaliwang tenga niya.
“Maupo ka Andraste,” hindi ko namalayan na nasa gilid ko na pala si Sister at naglakad na papunta sa sofa kung saan nakaupo ang babae. Napatingin sa direksyon ko ang babae pagkalapag niya nung tasa niya sa lamesa.
Iyong matalim niyang mga tingin na nagbigay lalo ng lamig sa buong kwarto kung saan malamig na nga dahil sa air-con. Hindi ko siya gustong tumingin at may iba din akong nararamdaman sa kanya. Hindi naman masama pero kakaiba lang talaga.
Hindi ko alam kung espesyal bang kakayahan na matatawag ang nakakakita kung may masamang intensyon sa iyo ang isang tao. Dahil nakikita ko kung isa kang normal na tao, isang demon slayer o isang demonyo. Para kasing may mga liwanag na bumabalot sa kanila kapag nakita ko sila. Pero para sa akin ay isa siyang sumpa. Ito siguro ang dahilan kung bakit malas ako.
Ang babaeng iyon ay napaliligiran ng kulay dilaw na liwanag. Ibig sabihin, isa siyang demon slayer. Ang mga demonyo ay kulay itim ang bumabalot sa kanila, samantalang ang sa tao naman ay kulay puti.
“May problema ba, Andraste?” Nabalik ako sa ulirat noong tawagin ni Sister ang pangalan ko. Umiling lang ako saka naupo sa katapat nilang upuan. Magkatabi kasi sila nung babae sa mahabang sofa.
“Andraste, siya si Jean. Isa siyang--”
“Demon Slayer,” putol ko sa sinasabi ni Sister. Natigilan silang dalawa at nanatiling nakatitig lang sa akin. Nagulat din ako sa naging pagsabad ko kay sister kaya mabilis akong humingi ng pasensya sa inasal ko.
Hindi kasi madaling malaman kung ano ang pagkatao ng isang individual kapag tinitingnan mo lang sila kaya kaylangan nilang sabihin sa iba na iyon ang pagkatao nila. Pero ako, isang tingin lang alam ko na kaagad. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit ganyan ang itsura nila sister ngayon. Gulat na hindi maintindihan. Pero bumalik din sa pagiging kalmado iyong babae.
“As I thought Sister Emerald,” napasandal ang babaeng nagngangalang Jean sa sandalan ng sofa, nakakrus ang mga braso habang ang kaliwang kamay ay nakatutop sa kanyang bibig, tipong nag-iisip.
Na-conscious naman ako sa ginawa niya dahil titig na titig siya sa akin.
“Jean, sigurado ka ba sa sinasabi mo hija?” Nag-aalalang tanong ni Sister sa kanya.
Nagtataka naman ako sa sinasabi ni sister kaya nanatili lang akong nakatingin sa kanya. Hindi ako makatingin ng deretso dun kay Miss Jean. Kasi naman, titig na titig siya sa akin. Feeling ko tuloy napakalaki ng kasalanan ko sa paraan ng pagtitig niya.
“My intincts never failed me, sister. And besides, siya iyong batang pinatay ng demonyo ang magulang seven years ago.”
“Jean,” tawag ni sister para warningan siya pero mukhang hindi niya iyon naramdaman dahil wala pa ding pagbabago sa reaksyon ni Miss Jean.
Para akong bumalik sa nakaraan nang marinig muli ang mga sinabi niya. Nakita kong muli ang senaryo kung saan kitang kita ko kung paano pinaslang ang mga magulang ko.
“Andraste,” nagulat na lang ako nang lapitan ako ni sister at ikinulong sa kanyang bisig habang hinahaplos ang aking ulo. Doon ko napagtantong dire-diretso na pala ang naging pag-agos ng luha ko galing sa mga mata na parang sirang gripo.
Walang nagsasalita sa loob, nakita ko din na natigilan si Miss Jean dahil sa hindi niya siguro inaasahang mangyayari ngayon.
“Lalabas muna ako upang maglibot sa lugar sister. Pagbalik ko, dapat handa na ang mga gamit mo sa pag-alis natin, Andraste Andrada.” Hindi pa man ako nakakahupa sa mga sinabi niya ay may sumunod na naman siyang sinabi na lalong hindi ko naintindihan. Narinig ko na lang ang pagsara ng pintuan.
“Sister, ano po ang sinasabi niya?” Humiwalay si sister sa akin habang hawak ako sa magkabilang pisngi at pinupunasan ng kanyang hinlalaki ang mga luha sa aking mga pisngi na hindi pa din tumitigil sa pag-agos.
“Anak, Andraste. Patawarin mo kami nina sister.” Saka niya ako niyakap muli. Narinig ko ang paghikbi niya sa likuran ko, marahil ay umiiyak siya.
“Sister, wala po akong maintindihan. Ano po ang nangyayari? Bakit po gusto niya akong kunin? Di ba po hindi na ako aalis dito tsaka hindi niyo naman po ako ipinapa-ampon diba?” Mas humigpit lang ang yakap niya sa akin at mas lumakas ang hagulgol niya. Ilang minuto pa kaming nanatiling ganon na hindi niya sinagot ni isa sa mga tanong na gumugulo sa isip ko.
“Sige na, hija. Ayusin mo na ang mga gamit mo.” Humiwalay na siya sa pagkakayakap sa akin at tumayo. Tiningala ko siya, nakita ko ang nakangiti niyang mukha ngunit makikitaan ng pamumugto ng mga mata dahil sa pag-iyak.
“Sister,” muli kong pagtawag sa kanya at tango lang ang isinagot niya sa akin.
“Magiging maayos din ang lahat. Alam kong matalino kang bata. Si Jean na ang magpapaliwanag sa ‘yo.” Marahan niya akong iginiya palabas na ng pintuan. Nang maisara ang pinto ay napaikot ako paharap dito. Naiwan si Sister Emerald sa loob.
Wala akong ibang nagawa kundi ang titigan lang ang kulay brown na pinto’ng kahoy. Masakit sa pakiramadam na hindi niya ipinaliwanag sa akin kung ano ang nangyayari at kung sino ba talaga si miss Jean. Bakit ba kukunin niya ako dito sa ampunan? Masaya naman ako dito. At hindi ko kailangan ang mag-aampon sa akin.
Napabuntong hininga na lang ako at napayuko. Pinunasan ko na din ang mga luhang natuyo kanina pa sa mga pisngi ko. Bago ako maglakad papunta sa kwarto namin ay sinulyapan ko pa ang pintuan ng office ni Sister. Nagbabakasakaling bubukas iyon at lalabas si Sister tapos sasabihing hindi totoo ang lahat ng sinabi ni miss Jean.
♤♤♤
Habang kinukuha ko ang mga gamit ko sa cabinet ay may nalaglag na maliit na kahon sa mga gamit ko. Bumukas ito at lumabas ang isang kwintas na kulay asul. Isang kwintas na may kulay asul na pendant. Isang maliit na crystal na korteng pahaba. Para siyang umiilaw, glow in the dark kaya? Pero umaga ngayon, kaya imposibleng glow in the dark siya.
Naupo ako sa aking mga sakong at pinulot ito. Iniangat kapantay ng aking mga mata para makita nang malapitan. Napakurap ako ng dalawang beses nung parang may nakitang apoy sa loob nito. Kinusot ko pa ang mga mata dahil para akong namalikmata.
“Ate Andra?” Mabilis akong napalingon sa matining na boses na narinig ko mula sa aking likuran. Nakita ko si Ella, siya ang pinakabata sa amin dito sa bahay ampunan dahil nasa limang taon lamang siya at ako naman ang pinakamatanda.
“Totoo po bang aalis ka na?” Nakita ko ang namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata at nagpipigil umiyak. Nakasilip siya sa pintuan, ngumiti muna ako bago tumayo nang tuluyan. Ibinulsa ko muna ang kwintas na nakita ko saka ako lumapit sa kanya. Lumuhod ako para makapantay sa kanya saka ko siya niyakap.
Pagkayakap ko sa kanya ay doon na siya pumalahaw nang iyak. Pati tuloy ako ay nahawa sa kanyang iyak. Naririnig ko na din ang pagsinghot singhot niya, marahil ay tumutulo na ang kanyang sipon na kasabay ng mga luha niya. Hinagod ko ang likuran ng ulo niya hanggang sa kanyang likuran mismo para patahanin siya sa pag-iyak.
“Ate Andra?” Narinig ko ang boses ni Toto sa tabi ko kaya ako napalingon dito. Doon ko nakita na lahat ng mga batang kasama ko dito ay nakapalibot na pala sa amin ni Ella. Narinig ko ang mumunti nilang mga hikbi. Lalo na ang mga batang babae na hindi magkamayaw sa pagpunas ng kanilang mga luha. Lalong nanikip ang dibdib ko dahil sa nakikita ko ngayon. Nasasaktan ako dahil umiiyak sila at ako ang dahilan ng pag-iyak nila. Nagpigil ako ng luha upang huwag ipakita ang nararamdaman ko. Kailangan kong magmukhang malakas para sa kanila.
“Hindi ba may klase kayo kay Sister Ruby ngayon? Bakit nandito kayong lahat? Baka pagalitan kayo no’n.” Halos mag-c***k ang boses ko sa huli kong sinabi pero napigilan ko naman.
“Sabi niya po na puntahan ka daw muna namin at magpaalam,” nakikita ko ang pag-eeffort ni Toto na pigilan ang mga luha niya. Sa kanilang lahat, siya ang pinakamatanda at sumusunod sa akin pero nasa siyam na taon pa lang siya.
“Totoo po bang aalis ka na, ate?” Si Dahlia iyon. Nagpupunas ito ng luha gamit ang kanyang damit na puti. Pati ang sipon ay humalo na. Natawa ako sa itsura niya pero at the same time nalulungkot. Sobra ko kasi silang mamimiss.
Tumango pa ako sa tanong ni Dahlia at lalong pumalahaw ang iyak ng labing-pitong batang narito sa harapan ko ngayon. Hindi ko magawang magsalita, dahil pakiramdam ko ay lalo akong maiiyak kapag nagsalita ako.
“Iiwan mo na po kami?” Napatingin ako kay Toto. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng mga luha noong makita kong mag-umpisa na din siyang umiyak. Umiling ako habanag dire-diretso pa din ang pag-agos ng aking mga luha. Nakahahawa ang kanyang pag-iyak dahil siya iyong bata na hindi iyakin at matapang sa paningin mo.
“Hindi. Hindi ko kayo iiwan.”
“Pero aalis ka na po, ibig sabihin no’n iiwan mo na kami.” Palahaw ni Reya na katabi ni Dahlia.
“Aalis ako pero hindi ibig sabihin iiwan ko kayo. Titira lang ako sa ibang bahay pero promise, dadalawin ko kayo dito.” Nakataas ang kanang kamay ko upang ipakita ang kasiguraduhan sa kanila.
“Hindi mo na po kami makukwentuhan ng mga fantasy story mo ate?”
“Syempre kukwentuhan ko kayo kapag dumalaw ako dito. Pero sa ngayon, iyong mga libro ko muna ang basahin niyo habang wala ako ha? Magpapakabait kayong lahat. Wag niyong pasasakitin ang ulo nila sister.” Nakangiti ngunit umiiyak pa din na sabi ko. Walang sumagot sa kanila. Tanging pagtangis ng mga batang maiiwan ko ang naririnig sa buong building ngayon.
“Promise mo din po na magpapakasal tayo kapag bumalik ka na?” Humihikbi ang tinig ng isang batang nagsalita sa kabilang gilid ko kaya napalingon ako doon at alam ko na kung sino iyon. Panandaliang nawala ang bigat sa dibdib ko dahil sa sinabi ni Kyle. Siya iyong batang laging nagsasabing papakasalan niya daw ako kapag malaki na siya kaya hintayin ko daw siya. Nasa walong taon pa lamang siya kaya sinasakyan ko na lang ang mga sinasabi niya.
“Kapag lumaki ka na, Kyle. Kaya bilisan mong lumaki, ha?” Hinawakan ko ito sa ulo at ginulo ang kanyang buhok habang yakap pa din si Ella sa aking kaliwang bisig.
“Mga bata, hayaan niyo muna ang ate Andra niyo na makapag-ayos ng gamit niya.” Lumapit na si Sister Saphira sa amin at kinuha si Ella na ayaw bumitaw sa akin. Halos magwala na ito nang kunin siya ni sister sa akin.
“Sige na hija, ituloy mo na ang pag-aayos ng mga gamit mo. Naghihintay na si Jean sa ‘yo sa labas.” Nakahawak si Sister Emerald sa balikat ni Toto na patuloy pa din ang pag-iyak. Lahat sila ay humihikbi na sa tagal ng kanilang pag-iyak. Maging ako ay humihikbi na din. Pinunasan ko pa ang mga luha bago tuluyang pumasok muli sa kwarto at inayos ang mga gamit.
Nasa labas na ang lahat nang datnan ko sila pagkalabas ko at nakahilera habang patuloy pa din sa pag-iyak ang mga batang itinuring ko nang kapatid.
Lahat sila ay tumakbo palapit sa akin nang makatayo ako sa harapan nila hawak ang isang malaking bag na dala ko. Nag-abot sila ng kanya kanya nilang mahahalagang gamit upang gawin ko daw remembrance sa kanila. Si Toto ay ibinigay sa akin ang pinakapaborito niyang kulay pulang sumbrero na may tatak na letter ‘T’. Si Dahlia naman ay binigyan ako ng bracelet na gawa sa kulay asul na beads na ginawa niya para dapat sa kanyang nanay kapag nagkita daw sila. Si Kyle na nagbigay ng singsing na gawa sa straw. Engagement ring daw namin, ke-bata bata pa lang alam na ang tungkol doon. May nagbigay din ng notebook at karamihan ay sulat. Pero ang mas nagpakirot sa dibdib ko ay ang bigay ni Ella na paborito niyang laruan.
“Kung ibibigay mo ‘to sa akin, paano ka makatutulog sa gabi niyan?” Tukoy ko sa hawak ko na kulay pink na teddy bear. Hindi kasi ito nakatutulog kapag hindi niya iyon katabi.
“Hindi ko na po ‘yan kailangan ate, big girl na po ako. Tsaka para hindi ka po malungkot doon sa malayo. Sasamahan ka po ni Pinky.” Sabay singhot sa biglang tulong sipon niya. Natawa ako ng kaunti sa ginawa niya. Pero hindi ko pa din napigilan ang pagtulo ng aking luha dahil sa sinabi niya at mabilis ko siyang niyakap ng mahigpit.
“Let’s go,” narinig ko ang tinig ni Miss Jean sa likuran ko kaya humiwalay na ako kay Ella. Tiningnan ko pa silang lahat. Tanging mga mukhang nakangiti kahit na lumuluha ang makikita sa mga batang ito. Lumapit pa sila sister sa akin at isa isa akong niyakap habang ibinibilin na magpakabait ako at huwag maging pasaway. Ang limang jewel sisters. Iyan ang tawag ko sa kanila dahil lahat sila ay sa pangalan ng jewels nakapangalan.
Si Sister Ruby na nagsisilbing guro sa loob ng silid-aralan namin.
Si Sister Saphira na palaging masasarap ang inihahain na pagkain sa amin. Si Sister Pearlie na nagtyatyagang magturo sa amin ng tamang kalinisan sa kapaligiran. Si Sister Amethisia na nagtuturo sa amin upang umawit kahit na wala nang pag-asa ang boses ko. At si Sister Emerald ang punong madre sa ampunan na walang sawang gumagabay sa amin at ang nagturong palaging magdasal at huwag makakalimot sa Diyos.
“Mag-iingat ka palagi hija. Lagi kang magdadasal, huwag mo Siyang kalilimutan kahit nasa malayo ka na.” Nakangiti akong tumango sa mga bilin nila at saka tuluyang nagpaalam sa lahat.
Masakit man na makita ang mga bata sa kanilang pag-iyak ay kailangan kong tiisin. Hindi na din ako lumingon pa nang tawagin nila ang pangalan ko dahil baka hindi ako matuloy sa pag-alis ko. Lumingon na lang ako noong nasa loob na ako ng sasakyan habang nakabukas ang bintana at kumaway doon. Nakita ko pa ang pagtakbo ni Ella nang magsimula nang umusad ang sasakyan. Unti unting sumara ang bintana ng kotse sa likuran kung saan ako nakaupo.
Umikot ako sa pagkakaupo mula sa harap patungong likod. Nagulat ako nang madapa si Ella ngunit mabilis siyang naitayo ni Sister Saphira.
Nagpipigil ako ng iyak nang maisaayos ko na ang aking pag-upo paharap at sumandal sa malambot na upuan ng sasakyan.
“Hindi makatutulong ang pagiging emosyonal mo sa magiging trabaho mo.” Agad akong napalingon at nagtataka dahil sa sinabi niya.
“Trabaho po?”