Chapter 5
Ang Paksa
|ANDRASTE|
NAGISING ako sa malakas na kalampag ng pintuan ng apartment ko. Napatingin pa ako sa wall clock ko at nakita kong five-thirty pa lang ng umaga.
Napapakamot ako ng ulo habang nakapikit na bumangon sa kama. Hindi ko na naalalang ayusin ang sarili dahil inaantok pa ako at parang nagmamadali iyong taong katok ng katok. Pasuray suray akong lumabas ng kwarto na iika ika sa paglalakad.
Halos masira ang pintuan sa sobrang lakas ng kalampag nito. Kung sino man ang taong ito ay paniguradong may sapak sa utak na sabi ni Carmine. Kasi sino ba naman ang dadalaw sa ganito kaaga at wala naman akong inaasahan din na bisita.
Kung si Carmine man ito ay panigurado akong hindi ganito kalakas ang magiging pagkatok sa pintuan. Kung si Crimson naman ay hindi din magiging ganito kalakas dahil hindi naman siya bayolenteng tao. Biglang pumasok sa isip ko si Haylal pero napakaimposible namang pumunta yun dito. Humikab pa ako nang minsan bago tuluyang binuksan ang pintuan.
Binukas ko nang bahagya ang mga mata upang makita kung sino iyon at sa tingin ko ay nananaginip ako nang gising ngayon. Para kasing nakikita ko si Haylal na nakatayo sa tapat ng aking pintuan. Kinusot kusot ko pa ang mga mata ko baka may namuong muta lang sa mata ko kaya nakikita ko ang mukha ni Haylal na may malapad na ngiti sa kanyang mga labi.
"MAGANDANG UMAGA!" Halos masira ang eardrums ko sa sobrang lakas ng boses niya sa pagbati kaya medyo napatakip ako ng tainga. Nang magmulat ako ay nasa harapan ko pa din ang mukha ni Haylal na nakangiting parang baliw.
"Nananaginip ba ako?" Tanong ko sa sarili at nanliit pa ang mga mata ko para kilalanin ang taong nasa harapan ko.
"Ang tanga mo naman. Hindi ka nananaginip uy! Totoong nasa harapan mo si Haylal the great!" Itinaas pa nito ang kanyang kamay upang marecognize ko ang presence niya. Napaigtad ako sa gulat nung maipatong niya sa balikat ko ang kanyang mabigat na kamay.
Hindi talaga ako nananaginip?
Nanlaki talaga ang mga mata ko nang mapagtanto kong totoo siya. Nagising ang buo kong pagkatao dahil sa presensya niya. Dire-diretso itong pumasok sa loob ng apartment kahit hindi ko pa siya pinapapasok. Kinabahan ako dahil baka mamaya magwala siya tapos atakihin niya ako at sunggaban. Namuo ang butil ng pawis sa aking noo at nanginig ang buo kong katawan. Parang ayaw kumilos ng katawan ko at nanatili lang akong nakatingin sa likuran ng taong bagong dating. Nililibot nito ang paningin sa loob ng apartment ko saka niya ako muling nilingon na ikinagulat ko. Masyado akong nagiging nerbyosa kapag kaharap ko siya.
"Ano pang ginagawa mo dyan? Hindi ka ba nangangalay sa pagtayo? O baka hindi mo maihakbang 'yang paa mong pilay?" Napapakamot sa ulong tanong niya. Ngumiti siya ng napakalapad tapos nag-umpisa siyang maglakad palapit sa akin. Hindi ako makagalaw kahit gusto kong umalis sa kinatatayuan ko. Napapikit ako ng mariin nang i-angat niya ang kanyang braso nang makalapit sa pwesto ko. Nagulat na lang ako nung bumigat ang balikat ko, nagmulat ako ng mata at tiningnan siya na nakatayo sa gilid ko habang nakaakbay sa akin. Para akong na-estatwa sa ginawa niya.
"Ano ka ba? Masyadong matigas ang katawan mo. Relax ka lang. O baka natatakot ka sa akin?" Halos mamutla ako nung ilapit niya ang mukha niya sa akin na may nanlilisik na mga mata. Para ata akong hihimatayin sa nerbyos.
"Tss. Takot ka nga. Relax lang, hindi ako nangangagat..." tumawa siya ng nakakaloko saka ako binitawan at naglakad palayo sa akin.
"...kapag mabait ka." So kailangan kami ang mag-aadjust para sa kanya. Naloloka ako sa lalaking 'to. Gusto ko na siyang paalisin pero kabastusan naman ang gagawin ko kung ganun. Isa pa din siyang bisita kahit na hindi ko gustong bumisita siya.
"Halika, lumapit ka sa akin." Kinawayan niya ako para imwestra na lumapit ako pero ayaw gumalaw ng katawan ko. Nagpamewang siya at bumuntong hininga nang hindi ako gumagalaw.
"Tsk. Mukhang nahihirapan ka talagang maglakad," nakangiti na naman siyang naglakad palapit sa akin. Para na naman akong aatakihin sa puso dahil wala akong ideya kung ano ang gagawin niya. Pero nagulat ako nung lampasan niya ako. May narinig akong kinuha siya sa likuran ko saka mabilis na nagpunta sa harapan ko.
"Ta-da!" Nagulat ako sa inilabas niya. Hindi ko ito inaasahan. Sobrang saya ng kanyang mukha nang ilahad niya ang kanyang mga palad sa akin na may hawak na isang pares ng saklay.
"Gamitin mo 'to ah. Mukha ka na kasing uugud-ugod sa paglalakad e. Hahahaha." Iniabot niya sa akin iyong saklay at pilit na ipinagagamit sa akin. Hindi niya naman ako kailangan laitin. Pwede namang ibigay niya lang ng maayos at sabihin ng maayos kung gusto niya akong tulungan. Hayy.
"Dalian mo, subukan mo na. Gusto ko makita kung paano gamitin yan ng mga pilay." Para siyang batang excited na makakita ng bagong bagay. Pero napaka-prangka niya. At dahil ayaw kong magkagulo kami dito ay sinunod ko na lang ang kanyang sinabi. Inilagay ko ang pares ng saklay sa kili-kili ko. Sinulyapan ko siya at gusto kong matawa sa itsura niya pero pinipigilan ko baka makita niya ako at bigla niya akong sunggaban dito. Nakangiti siya ng sobrang lapad at chini-cheer ako sa pagsubok ko ng magsaklay. Napalundag pa siya sa sobrang tuwa nang makahakbang ako ng isa palapit sa kanya.
"Ang galing! Sana hindi ka na gumaling. Ang saya mo panuorin. Ganyan ka na lang." napapalakpak pa siya. Iyon ang pinakamalalang narinig ko sa buong buhay ko. Ngayon lang ako nakaengkwentro ng tao na hihilingin na hindi ka na gumaling. Nabigla ako nang lumapit siya sa akin. Hinawakan niya ako sa ulo at ginulo gulo ang magulo kong buhok. Hindi ko inasahan yun kaya natigilan ako.
Matapos niyang gawin yun ay tinalikuran na niya ako at naglakad papunta sa kusina ng apartment. Samantalang hindi na naman ako makakilos dito sa kung nasaan ako. Nagtungo siya sa ref at binuksan iyon.
"Ako na ang magluluto ah, maligo ka na dun. Amoy panis na laway ka pa e." Ngumiti na naman ito ng malapad na kasabay ng pagtaas ng tray ng half-dozen na itlog galing sa ref saka muling tumalikod. Biglang nag-init ang aking pisngi dahil sa kahihiyan sa sinabi niya. Na-conscious tuloy ako. Mabaho ba hininga ko? Nakakahiya talaga. Pero sana naman, sabihin niya sa mas maayos na paraan para hindi nakaka-offend. Grabe siya. Tumango na lang ako kahit hindi niya nakikita.
Bigla kong naalala yung sinabi ni Carmine kahapon. Ito ba ang sinasabi niya na mabuting tao si Haylal kahit na hindi maganda ang tabas ng dila? Kung isasantabi ang prangkang pananalita ni Haylal, pwede siguro akong makumbinsi. Napangiti ako nang bahagya dahil kung iisipin mo na ganito ang paraan niya upang ipakita ang mabuting side niya ay nakakatuwa naman. Naiintindihan ko na ang sinasabi ni Carmine ngayon.
Nag-umpisa na akong maglakad papunta sa kwarto ko nang biglang magsalita si Haylal.
"Nga pala, huwag mong babanggitin sa dalawa na pumunta ako dito ah. Pati 'yang saklay. Wag mo sasabihin na sa akin galing. Kundi babalian kita ng buto. Hehe." At nagawa niya pang tumawa habang binabantaan ako. Tinanguan ko siya bilang tugon. Natakot ako ng panandalian sa banta niya pero kalaunan ay nawala din at napalitan ng pagtataka. Bakit kaya ayaw niyang ipaalam sa dalawa, kaibigan niya naman sila diba? Nagkibit balikat na lang ako sa naisip at tuluyan nang pumasok sa kwarto na nakasaklay.
Bente minutos ata ang nagugol ko sa aking pagligo hanggang sa pagpapalit ng aking damit. Matapos kong makapag-ayos ay lumabas na ako sa kwarto na nakasaklay pa din. Medyo napapabilis na nito ang aking paglalakad. Malaking tulong din ang saklay na binigay sa akin ni Haylal. Napangiti ako sa kabaitan ng taong yun kahit na bayolente siya.
Pagkalabas ko ay kaagad ko siya hinanap pero nalibot ko na ng tingin ang buong apartment ay wala akong makitang anino niya.
"Nasaan na yun?" Tanong ko sa aking sarili kahit wala namang sasagot. Napalapit ako sa lamesa at nakitang handa na ang almusal. Sinangag at itlog ang nakahain, may gatas din at saging na nahiwa hiwa ng maliit. Hindi ko naalalang may saging akong stock. Baka sa kanya galing.
Bigla naman akong napalingon sa sala dahil may nararamdaman akong presensya na hindi pamilyar sa akin. Halos ikagulat ko na parang aatakihin sa puso nang may makita akong hindi pamilyar doon. Bakit hindi ko napansin iyon nang libutin ko ng tingin ang buong apartment?
"Aah, sino po sila? Paano po kayo nakapasok dito?" Nag-aalangan at kinakabahang tanong ko. Baka mamaya kasi isa siyang magnanakaw o anuman. Wala naman akong pera o anumang mamahaling kagamitan para makuha niya. At saka hindi akin ang apartment na ito kaya wala talaga siyang mahihita sa akin.
"Kasama po ba kayo ni Haylal?" Hindi pa din sumasagot ang lalaki. Nakatayo siya malapit sa pintuan at bigla na lang itong nag-bow na ikinapagtaka ko. Nakasuot siya ng amerikana at may nakakonekta sa kanyang tainga na parang puting wire na galing sa loob ng kanyang damit. Malaki siyang lalaki pero hindi naman malaki ang katawan. Napalilibutan din siya ng kulay dilaw na liwanag. Ibig sabihin ay demon slayer siya.
"Sorry for the sudden intrusion, Miss. I am here on behalf of Miss Jean to give you this." Naglakad siya palapit sa akin at doon niya iniabot ang isang kulay brown na mini envelop. Binuksan ko ito at inilabas ang nilalaman nun. Nagulat ako nang makitang pera ang laman. Hindi lang basta pera dahil makapal ito at tig-iisang libo pa ang laman.
"Scam po ba ito? Naku pasensya na po, hindi ko po maibibigay ang laman loob ko sa inyo mister. Kahit po mahirap lang ako ay hindi ko po kayang magbenta ng laman loob ko." Natatakot na sabi ko sa kanya. Nandun na din siguro na nagmamakaawa ako dahil ayoko talaga.
Bigla niyang inilabas ang isang telepono sa loob nung amerikana niya at may pinindot tapos mabilis niyang ibinigay sa akin. Sinilip ko pa kung ano ang meron sa screen ng telepono.
"Miss Jean wants to talk to you." Magalang kong kinuha ang telepono mula sa lalaki saka siya lumayo at bumalik sa kinatatayuan niya malapit pa din sa pintuan. Inilagay ko sa aking kanang tainga ang telepono at pinakikiramdaman iyon.
"Good morning, Andraste." Muntik ko na mabitawan ang telepono nung marinig ang isang pamilyar na boses sa kabilang linya. Uso pala talaga ang telepono na wala ng wire? Kasi madami akong nakikita sa school na gumagamit nito e. Kasi ang gamit lang namin sa ampunan ay iyong may nakakabit na wire kaya bago ito sa akin.
"Magandang umaga--"
"This is Jean. Huwag kang matakot kay Jacob, he is one of my underlings. Pinapunta ko siya diyan para ibigay ang sahod mo."
"Sahod po? Pero hindi ko pa po nakikita iyong taong pinapabantayan niyo." Nalilito kong sabi dahil wala akong maintindihan sa mga sinasabi niya ngayon.
"You're smart but you easily forget things. Anyway, just continue in what you are doing. Don't take your eyes off of him. Bantayan mo siyang maigi. Ciao." Biglang namatay ang tawag. Tiningnan ko pa ang telepono at umiilaw na ito. Mabilis na lumapit sa akin yung lalaki at kinuha sa akin yung telepono. Magalang siyang nagpaalam sa akin at iniwan na yung brown enevelop na naglalaman ng makapal na pera. Aayain ko pa sana siyang kumain ng agahan dahil baka hindi pa siya kumakain pero mabilis naman siyang umalis.
Iyong pera. Napakalaking halaga nun para sa isang batang katulad ko. Hindi ko kayang hawakan ang ganyan kalaking pera. Siguro ay ibibigay ko na lang kila sister iyon at kukuha lang ako nang kaunti, iyong kasya lang na gagastusin sa araw araw. Libre naman daw ang tirahan ko kaya pagkain lang ang pagkakagastusan ko.
Naupo na ako sa hapag kainan nang makaalis ang lalaking bigla na lang nagpakita dito sa apartment. Nagdasal muna ako bago nag-umpisang kumain, habang kumakain ay naglalaro pa din sa isip ko iyong sinabi ni miss Jean sa akin. Hindi ko pa naman nakikita iyong pinababantayan niya pero sinasahuran na niya ako? Napailing na lang ako dahil nalilito pa din ako hanggang ngayon. Tsaka bakit sa akin niya papabantayan e hamak na bata lang ako. Pwede namang yung Jacob ang magbantay hindi ba? Ang dami ko talagang katanungan sa aking isip na hindi pa nasasagot hanggang ngayon.
Mabilis kong tinapos ang pagkain ko para makapasok na din ako sa school dahil maglalakad pa ako. Pumasok ako sa kwarto ko para kunin ang aking bag nang mapalingon ako sa study table ko na hindi kalakihan. Nakita ko iyong short brown envelop na ibinigay sa akin ni miss Jean sa kanyang opisina nung araw na kunin niya din ako sa ampunan.
Kinuha ko ito at muling tiningnan ang nilalaman. Kahit pa nakita ko na ito dati ay mas nagulat ako ngayong nakita ko sa pangalawang pagkakataon ang nilalaman nito. Isang litrato at mga impormasyon tungkol sa kung sino ang nasa litrato.
Ngayon pa lang nagkakaroon ng sense sa akin 'to. Kaya pala napakapamilyar ng kanyang mukha at pangalan. Siya pala iyong taong gustong ipabantay sa akin ni miss Jean. Pero hindi niya sinasabi sa akin kung bakit at ano ang dahilan. Isa ba siyang takas sa kulungan o dating inmate kaya niya pinababantayan? Pero hindi ko makita na isa siyang ganun. May kaso ba siya? Hindi ko mapagtagpi tagpi ang mga kaunting nalalaman ko ngayon kung ano ang dahilan kung bakit.
Rex Haylal Hernandez,
Ano ba ang meron ka at kailangan kang bantayan ng bente-kwatro oras?