Pagkatunog ng bell na hudyat ng recess ay nagmamadaling lumabas si Dianne sukbit ang bag sa classroom sa pagtataka ng kaibigan na hindi manlang nito niyaya. Hindi niya napansin na sumunod pala ito sa kanya habang patungo siya sa room ni Luis sa kabilang building. Kung hindi sa pagmamadali sa pagpasok ay hindi sana nakalimutan ng binatilyo ang notebook nitong hiniram niya kahapon dahil nagkataong may aralin itong kapareha sa aralin nila kaya nakiusap siya kahapon kung pwede siyang manghiram para lang may iba pa siyang makuhanan ng lesson na ngayon ay isasauli niya.
Pagpasok niya sa hilera ng silid aralan sa building ng iyon ay sinipat niya muna ang labas ng room nito kung naroon ba ang binatilyo na agad din naman niyang nakita na palabas sa pinto at humalo sa ilang kaklase nito. Kinuha niya ang atensyon nito sa pamamagitan sa pagkaway dito na hindi naman naging matagumpay dahil hindi ito tumingin sa gawi niya.
Ayaw niya sanang lumapit sa kumpulang iyon dahil kilala ang grupo sa pagiging matatalino at magagaling sa klase na siyempre ay pinangingilagan niya. Ilang hakbang ang ginawa niya palapit bago siya siya napansin ng isa sa mga kaklase ni Luis na agad kumalabit dito. Alanganin siyang ngumiti sa grupo.
Tumaas ang kilay nito pagkakita sa kanya na parang nagtatanong kung anong ginagawa niya roon. Kinuha niya kaagad ang notebook nito sa bag niya at agad na iniabot rito pagkuwa'y agad na tumalikod.
"Aalis ka na?"
Bahagya siyang luminga at tumango.
"Nag-recess ka na?"
Tumigil siya at tuluyang humarap sa grupo. "Di pa."
"Antayin mo ako." May sinabi ito sa mga kasama pagkatapos ay saglit na pumasok ng room. Paglabas nito ay wala na ang notebook sa kamay nito. "Di mo kasama si Carla?" Tanong nito agad pagkalapit sa kanya.
Pumihit siya at sabay silang humakbang palabas ng building. "Babalik ako sa room para puntahan siya."
"Halika. Sabay na tayo."
Nagulat pa siya nang sa paglabas nila ay mukha ng nanliliit na mata ni Carla ang bumungad sa kanila habang nakahalukipkip. "Balak niyo akong iwanan, ganun?"
"Carla. Mabuti at nandito ka. Di na ako babalik sa room. Halika, bili tayo sa canteen." Yakag niya kaagad dito at hindi pinansin ang mistulang pagsusungit nito.
"Teka lang. Nagagalit pa nga ako e." Pigil nito sa braso niyang humila dito. "Balak niyo akong iwan dalawa no?"
"Hindi. Ano ka ba? May ibinalik lang ako sa kanya." Luminga siya kay Luis na noon naman ay bahagyang nagtagpo ang dalawang kilay.
"Sino ako?" Sita nito sa kanya.
"Ibinalik ko lang yung notebook ni Kuya Luis kaya nandito ako." Paliwanag niya kay Carla bago nakataas ang kilay na luminga naman sa binatilyo. "Okay na ba tayo?"
Inisang hakbang nito ang pagitan nilang dalawa at iniakbay ang isa nitong braso sa kanyang leeg sabay pitik ng mahina sa kanyang noo. "Opo. Okay na tayo."
"Aray ko."
"Hindi kita bibitawan."
Pilit niyang hinaklit ang braso nito sa leeg niya pero dahil hindi naman hamak na mas malakas ito ay hindi niya iyon naalis sa halip ay ibinaba nalang niya sa tagiliran nito ang kamay niya at pasimple itong kinurot ng pino na nagpapihit rito.
"Ano, hindi mo ako bibitiwan?"
"Aray ko. Bibitaw na." Parang kinagat ng langgam ang hitsura nito nang bumitaw sa pagkakaakbay sa kanya at lumayo ng ilang hakbang. "Haissst."
Inungusan niya ito at lumapit kay Carla na noon ay napapakamot nalang sa ulo. "Halika na."
Humawak ito sa braso niya at sabay silang lumakad patungo sa canteen habang si Luis ay nakasunod sa may likuran ilang hakbang ang layo sa kanila.
"Bakit mo naman kinurot 'yun? Lumingon ka. Di ka ba nasasaktan sa hitsura ng taong iyon?" Sermon ni Carla na hinigpitan ang kapit sa kanya.
Sa halip na lumingon ay pinanatili niya sa harap ang kanyang tingin. "Ako nga sinakal niya e."
"Ewan ko sa inyong dalawa. Para talaga kayong mga bata."
"Siya ang nauna e. Gumanti lang ako. Ang sakit kaya ng pagkakapitik niya sa noo ko. Tingnan mo." Iniumang niya dito ang parteng pinitik ni Luis.
Umiling-iling ito. "Dati-rati, sinisilip mo lang 'yan sa room nila tapos ngayon inaaway mo na." Nanlaki ang mata niya sa ibinulong nito na umabot pa rin sa pandinig niya. Kaagad niyang tinakpan ang bibig ng kaibigan.
"Tumigil ka nga. Mamaya may makarinig sayo akalain na totoo 'yan."
"Hindi ba?" Tanong nito ng makawala sa pagkakahawak niya.
"Hindi."
"Totoo?"
"Oo nga. Totoo. Hindi talaga." Malakas niyang iling na sinabayan pa ng pagtaas ng kanang kamay. "Peksman."
Noon naman sumulpot si Luis sa likuran nila ni Carla na halos ikatalon niya. "Alin ang totoo?" Binilisan nito ang lakad at humarang sa daraanan nilang magkaibigan.
Tumingin siya sa kaibigan na noon ay nangingiti sa pag-aalalang nakikita sa mukha niya. "Wala." Ito ang sumagot sa tanong na iyon ng binatilyo. "Nagugutom na daw talaga siya." Turo nito sa kanya.
Lumabi si Luis habang matamang nakatingin sa kanilang dalawa. Maya-maya ay tumalikod ito at mabilis na iniwanan sila. "Bilisan niyo kasing maglakad! Ang bagal niyo!" Sigaw nito bago ito tuluyang nawala sa paningin nila ni Carla.
Natatawang hinawakan siya sa kamay ng kaibigan at patakbo nilang tinungo ang canteen na ilang metro na lang ang layo mula sa kanila.
Habang nakaupo sa harap ng lamesa ay matamang nakatingin si Dianne sa kisame ng kusina at nag-iisip ng sumulpot at gumaya sa kanya sina Aling Celing at Ate Mercy. Napakamot siya sa ulo nang walang maisip sabay bura ng sulat sa kanyang kaharap na papel.
"Ano bang ginagawa mo, Ineng?"
Gulat siyang napatakit sa papel ng marinig ang tanong na iyon sa tagiliran niya. Nang luminga siya ay nakita niyang nasa kabilang gilid niya rin pala si Ate Mercy.
"Kanina pa kayo dito?"
"Medyo." Sagot ni Ate Mercy. "Ano ba kasi yan?"
Itinupi niya ang papel na hawak at bumaling sa dalawang nakapagitan sa kanya. "Wala ho ito."
"E, bakit mo itinatago kung wala?" Makulit na tanong ni Ate Mercy kaya sumiksik siya kay Aling Celing.
"Wala lang ho."
"Meron e. Nana, agawin mo nga yung hawak niya."
"Tssk. Tumigil ka nga diyan, Mercy. Idadamay mo pa ako. Hayaan mo ang bata kung ayaw niyang ipakita."
Lumabi siya kay Ate Mercy at yumakap kay Aling Celing. "Thank you, po."
"Ano ba kasi talaga yan?" Napatawa ng malakas si Ate Mercy ng marinig ang sunod na sinabi ng matanda.
"Aling Celing naman e."
"Sus, ito naman. Tayo-tayo lang naman ang nandito e."
Kagat ang labing ibinigay niya kay Aling Celing ang hawak na papel na itinupi niya kanina. "Ayan po."
Binuksan nito ang papel at nangiti nang mabasa iyon. Si Ate Mercy na nakaupo sa kabilang gilid niya ay umalis sa kanyang tabi at gumawi sa pagitan nila ni Aling Celing para makibasa. "Wow. Listahan pala ng regalo. Nandiyan tayo, Nana?"
Tumango si Aling Celing at ibinalik sa kanya ang papel. "Halika na Mercy, punta tayo doon sa sala. Ku, nabulilyaso pa tuloy natin ang plano ni Dianne."
"Nana. Tulungan niyo na lang ako. Di ko po alam kung anong ireregalo ko sa inyo e. Dalawang linggo nalang ho at pasko na."
"Asus, itong batang ito. Huwag kang mag-alala. Kahit ano ang iabot mo sa akin tatanggapin ko."
"Ako din, Dianne." Ani ni Ate Mercy. "Pero mas gusto ko kung damit ang ibibigay mo sa akin."
Tumango siya sa tinuran ni Ate Mercy at saglit na nagsulat sa papel. " E kayo po, Aling Celing? Kahit clue lang po."
Umiling ito. "Kahit ano. Bahala ka na." Kasunod ni Aling Celing ay lumabas rin si Ate Mercy at nagtuloy sa sala. Nakalabing sumunod nalang siya sa mga ito ng tingin at muling bumalik sa pagtitig sa kisame hanggang sa tawagin siya ng dalawa upang matulog na. Kahit oras ay hindi na niya namalayan sa kakaisip sa mga ireregalo sa mga kasama, kaibigan, at mga amo niya. Dagdagan pa na limitado lang din ang kanyang budget para sa nasabing okasyon kaya hirap na hirap siya. Bantulot siyang tumayo at sumunod sa dalawang kasama patungo sa kanilang silid. Doon ay itinuloy niya ang pag-iisip hanggang sa nakatulugan nalang niya iyon.
"Dianne, anong gusto mong regalo?" Tanong kaagad ni Carla sa kanya kinabukasan pagkakitang-pagkakita nito sa kanya doon sa bench na tambayan nila.
"Di ko alam e." Malungkot na sagot niya rito. Ganoon din siguro ang pakiramdam ni Aling Celing kagabi noong tinanong niya ito sa regalong nais nito para sa parating na pasko.
"Sige na. Nahihirapan akong mag-isip sa ibibigay ko sa'yo e. Gusto mo ba ng damit?"
Umiling siya.
"Sapatos?"
Muli ay umiling siya.
"Ang hirap naman mag-isip." Lumabi ito at tumabi sa kanya. "Sige na. Kahit clue lang. May gusto ka bang gamit? O pagkain kaya?"
Katulad nito ay lumabi rin siya. "Sige na nga. Kahi ano nalang. Yung pwede kong magamit. Bag, sapatos, damit. Ikaw na ang bahala. Kahit ano tatanggapin ko."
"Sigurado ka ha. Kahit ano tatanggapin mo?"
Tumango siya. "E ikaw? Ano bang gusto mong regalo?"
Tumingin ito sa malayo at idinuyan ang dalawang nakalaylay na paa. "Ganoon din siguro. Bag, sapatos, damit o kahit na ano na magagamit ko."
"Okay. Sige. Mabuti naman." Mula sa bulsa ng kanyang bag ay kinuha niya ang papel na pinagsusulatan ng mga regalo at isinulat roon ang gusto ng kaibigan pagkatapos ay ibinalik iyon.
Luminga ito sa kanya. "Christmas party na natin sa biyernes. May regalo ka na sa monita mo?"
"Wala pa nga e."
"Ako din wala pa. Gusto mo punta tayo sa sentro mamayang hapon bago tayo umuwi?"
"Sige ba." Luminga-linga siya sa paligid hanggang sa dumako ang paningin niya sa classroom ng section ni Luis. Ilang saglit siyang nakatingin lang doon at inaaninag ang loob hanggang sa sumulpot sa pinto niyon si Luis at nakataas ang kilay na nakatingin sa gawi nila.
Kaagad niyang iniiwas ang paningin at itinutok iyon sa gawi ng gate ng school. Noon naman siya kinalabit ng kaibigan at itinuro ang kinaroroonan ng binatilyo. Pagtingin niya dito muli ay naka-turo na ito sa relo nito at isinenyas ang kanilang covered court para sa flag ceremony. Muli siyang umiwas ng tingin dito at tumayo saka siya umabay sa kaibigan na nagmadaling lumakad papunta sa pila ng section nila.
"Nakita mo ba yung hinahanap mo doon sa classroom nila President?" Pabulong na tanong ni Carla ng makarating sila sa kanilang pila.
Kinunutan niya ito ng noo bago ito sinagot. "Sino?"
"Yung sinisilip mo doon sa room nila."
"Shhhh." Bulong niya sabay lagay ng hintuturo sa kanyang labi. "Huwag ka ngang maingay."
"Totoo nga?"
"Siyempre hindi." Iwas niya sabay tutok ng mata sa unahang bahagi ng pila ng fourt year kung nasaan si Luis. Sinundan ni Carla ang tingin niya sabay sundot sa kanyang tagiliran.
"Akala ko ba, wala?" Panunukso nito na humarap pa sa kanya.
Luminga-linga siya. "Wala naman talaga a."
Tumawa ito at bumalik sa kinatatayuan kanina. "Sige na nga. Wala nalang."
"Ayun na si Ma'am." Iwas niya rito at itnuro ang guro na umakyat ng stage upang mag-facilitate ng kanilang flag ceremony. Mabuti nalang at hindi na muling inungkat ng kaibigan ang tungkol sa binaggit nito noong umaga hanggang sa natapos ang kanilang klase at nagpunta sila sa sentro para sa maghanap ng kani-kanilang pang-regalo sa parating na christmas party at pasko.
Doon ay nakahanap siya ng mga damit. Tinahian nalang niya ang mga iyon ng design na aangkop sa kaniyang pagbibigyan.
Dumating ang araw ng kanilang Christmas party at abalang naghanda si Dianne upang umabot sa oras. Alas-sais hanggang alas diyes ng gabi ang programa na gaganapin din sa covered court ng kanilang paaralan.
Isang kulay dilaw na jumper dress na inilaliman niya ng puting blouse at pinarisan ng puting rubber shoes na nabili niya rin kasabay ng mga regalo niya ang kanyang isinuot. Ang kulot-kulot niyang buhok ay iniba niya ang pagkakatali. Kung kadalasan ay tama lang na nakatali iyon sa may bandang batok niya, sa okasyong iyon ay itinaas niya ang kanyang tali. Naglagay siya ng kaunting pulbos sa mukha at pinahiran rin siya ni Ate Mercy na noon ay kasama niya sa kwarto ng manipis na lipstick sa labi.
"Ayan, ang ganda mo na." Bulalas nito pagkatapos siyang maayusan. Inabot niya ang pabilog na salamin na nasa kutson at sinipat ang sarili. Napangiti siya ng mabistahan ang mukha na tila nag-iba dahil sa mga inilagay ng kasama roon. "O, di ba?"
Napangiti siya sa eksaheradong pagkakatanong nito.
"Tingin ka doon sa malaking salamin para makita mo yung suot mo."
Tumalima siya at humarap sa malaking salamin sa pinto ng gamit niyang kabinet. Ganoon pa rin naman ang hitsura niya pero nagmukhang maayos lang. "Ganoon pa rin naman Ate e. Mukhang Dianne pa rin."
"Maganda kaya." Lumapit ito at inayos ang pagkakatali ng buhok niya. "Sige na. Lumabas ka na at ng makita ka na ni Nana. Baka mahuli din kayo ni Luis sa Christmas party niyo. Mamaya di na kayo papasukin sa gate ng school."
"Sige po." Dinampot niya ang katamtamang laki ng sling bag at ang paper bag na may lamang tatlong balot ng regalo na dadalhin sa school. "Labas na po ako."
"Oo halika. Sama ako diyan sa labas."
Magkasunod silang lumabas hanggang sa nakarating sila sa kusina kung saan naroon si Aling Celing at naghahanda ng panghapunan. Nagliwanag ang ngiti nito ng mabistahan siya.
"Kumusta po?" Tanong niya rito na umikot pa sa harap nito.
"Maganda." Lumapit ito sa kanya at pasimpleng iniangat ang suot niyang jumper. "Hindi na ba to naaangat?" Puna nito sa mababang hakab ng suot niya.
Umiling siya at sinubukang itaas iyon.
"Nana, ganyan lang talaga yan." Sansala ni Ate Mercy na lumapit din sa kanila. "Wala ng adjust e. At saka, may ilalim naman na damit kaya okay lang."
"Hindi ba mababa sa dibdib?" Baling nito kay Ate Mercy.
"E hanggang diyan lang po talaga yan e."
"O hala, sige na nga." Bumalik ito sa kinauupuan kanina. "Mag-iingat ka Dianne. Maraming mga loko ngayon."
Ngumiti siya. "Opo."
"E, Nana. Bumaba na ba si Luis?" Singit ni Ate Mercy.
"Oo. Nasa labas na yata."
Pumihit siya palabas ng kusina. "Aalis na po ako, Aling Celing, Ate Mercy."
"Teka, teka." Pigil ng ale sa kanya. Muli itong lumapit at palakad siyang hinawakan sa braso. Sa likuran nila ay nakasunod si Ate Mercy. "Kakausapin ko si Luis."
Paglabas nila ng bahay ay naabutan nilang nakaupo sa garden seat si Luis at nilalaro ang hawakan ng paper bag na nakapatong sa lamesa. Agad itong tumayo pagkakita sa kanilang tatlo.
"Anong oras matatapos ang programa niyo?" Paunang tanong ni Aling Celing dito.
"Alas-diyes po."
"Paano kayo uuwi mamaya?"
"Sasakay po kami ng tricycle."
"Hala. Umalis na kayo at baka mahuli pa kayo." Bilin nito at lumingon sa kanya. "Dianne, bantayan mo itong si Luis ha."
Kumunot ang noo niya sa narinig habang tumaas naman ang kilay ni Luis sa sinabi ni Aling Celing. "Nana, Wala ba kayong tiwala sa akin? Sino ho ba ang alaga niyo sa amin?"
Pinandilatan ito ng matanda. "Alam kong ikaw kaya huwag mo akong pilosopohin. Ang sinasabi ko lang ay kailangan mo ng bantay at baka kung ano ang gawin mo doon. O maaari din namang si Dianne ang bantayan mo."
Siya naman ang tiningnan ni Luis na agad na umismid ng makita ang bihis niya. "Hindi ho niyan kailangan ng bantay. Magaling po 'yan manipa."
Sinimangutan niya ito.
"Luis." Matigas na tawag ni Aling Celing sa pangalan nito na agad nagpabalik ng atensyon nito dito. Lalo nitong pinanlakihan ng mata ang binatilyo.
"Opo Nana. Biro lang ho." Maagap nitong sagot sabay kindat dito. "O, narinig mo si Nana. Bantayan mo daw ako."
Tila siya nanghihingi ng saklolo ng tumingin kay Ate Mercy na umiling lang din pagkuwa'y lumingon siya kay Aling Celing. "Aling Celing naman e, malaki na ho 'yan e. Di na niyan kailangan ng bantay."
Umiling ang matanda. "Baka uminom yan ng kung anu-ano doon, sabihin mo sa akin para maisumbong ko sa Papa niya. Sige na. Umalis na kayo at baka mahuli pa kayo."
"Aling Celing, wala hong alak doon sa school. Bawal ho. May mga guro kami roon e."
"A basta. Bantayan mo at baka lumusot."
"Pero paano ho..."
"Sige na." Putol ni Ate Mercy sa sasabihin niya. "Umalis na kayo at maglalakad pa kayo papunta roon."
"Sige na nga ho." Mabigat ang loob na sagot niya at nagpatiuna sa paglabas ng gate.
"Antayin mo ako! Di mo ba narinig si Nana? Bantayan mo daw ako!" Sigaw ni Luis sa may likuran niya na nagmamadaling humabol bitbit ang paper bag na kinalalagyan din ng dala nitong regalo.
Huminto siya hanggang sa mauna ito sa paglalakad. Lugo-lugo nalang siyang sumunod ng lakad dito ngunit habang daan ay tila hindi Christmas party ang dadaluhan niya. Maya-maya siya nitong tinatawag upang umabay dito pero maya-maya din naman ay binibilisan nito ang lakad upang iwanan siya. Dumating sila sa gate ng school na inis na inis na siya.
"Hi Dianne." Masiglang salubong ni Carla na himalang sa pagkakataong iyon ay nadatnan niya sa isa sa mga lamesang nakalaan para sa section nila. Maganda ito sa suot nitong baloon dress na kulay itim at puti na hanggang tuhod ang haba na binagayan ng mataas nitong tali ng buhok. Tumangkad rin ito dahil sa suot nitong sandals na may takong at sa mga estudyanteng nakita niya kanina habang papasok siya ng school, sa tantiya niya ay ang kaibigan niya ang pinakamaganda sa lahat.
Gayunpaman ay nakasimangot siyang dumiritso sa lamesang pinanggalingan nito kaya sumunod rin ito kaagad.
"Bakit ganyan ang mukha mo?"
"'Yun kasi." Turo niya ng tingin kay Luis na nasa di-kalayuan at nakikipaghuntahan sa mga kaklase nito sa isang lamesa. "Bantayan ko daw sabi ni Aling Celing."
"Ano namang masama?"
"Di naman na niyan kailangan ng bantay e. Ang laki-laki na niyan." Pasalampak siyang naupo sa upuan at inilagay sa ilalim ng mesa ang hawak na paper bag.
"E di 'wag mong bantayan." Tumingin ito sa ibang direksyon na nakapagpaliwanag sa mga mata niya. "Mag-enjoy tayo."
"Tama." Bulalas niya na akala mo ay naka-diskobre ng isang napaka-importanteng bagay. "Hindi naman yan mawawala." Tinapunan niya muna ng masamang tingin ang gawi ng binatilyo bago siya tumalikod rito at itinuon ang atensyon sa mga estudyanteng unti-unting pumupuno sa covered court nila. "Grabe, ang daming ilaw. Ang gaganda."
"Ayan. Mag-enjoy ka ha." Ani ng kaibigan sa tabi niya.
"Di pa ba tayo magsisimula?"
Tiningnan muna ng kaibigan ang relo nito bago sumagot sa kanya. "Wala pang alas-sais e. Maya-maya yan."
Nagdatingan na rin ang ilan nilang kaklase na lumapit sa kanila. "Magandang gabi, Carla. Magandang gabi, Dianne." Bati ng tatlong bagong dating na umupo sa mga bakanteng upuan sa lamesa nila.
"Magandang gabi din sa inyo." Masiglang bati dito ni Carla habang siya'y bahagyang ngiti lang ang ibinigay sa mga ito.
"Ang gaganda natin ngayon a." Ani ng isa.
"Salamat. Kayo din naman. Kay gagandang lalaki niyo ngayong gabi na ito." Muling sagot ng kaibigan sa patulang tono na ikinatawa nilang lahat. Kung kanina ay nahihiya siyang makipag-usap sa mga bagong dating ngayon ay mas komportable na siya lalo at maya-maya din ay nagbibiro ang kaibigan niya.
Ilang minuto pa ang lumipas at puno na ang pabilog na lamesa na okupado nila ganoon din ang iba pang mga lamesa sa tabi nila. Kung anu-ano muna ang napag-usapan nilang magkaka-klase bago may umakyat na guro sa stage na magsisilbing emcee ng party na iyon. Sinimulan nila ang gabing iyon ng isang panalangin hanggang sa magbigay ng paunang tugtugin ang DJ na hudyat na pwede na silang sumayaw.
Nagtayuan ang mga kasama nila sa lamesa maliban sa kanilang dalawa ni Carla.
"Ayaw mong sumayaw?" Tanong niya rito.
"Gusto."
"Bakit di ka sumayaw?"
"Mag-isa ka lang dito e."
"Huwag mo akong alalahanin. Sige na punta ka na dun sa kanila."
"Mamaya nalang. Samahan mo ako. Sayaw tayo."
Tumango siya dito at sumasayaw ang ulong nanood ng mga sumasayaw sa nakakaindak na tugtugin. Nang sumunod na tugtog ay sabay silang tumayong magkaibigan at dumako sa pinaka-dance floor kasama ang iba pa nilang kaklase at kahit hindi siya marunong sumayaw ay sumasabay nalang siya sa galaw ng mga ito. Hindi nila alintana kung nagkakabanggaan na ba sila o nagkakauntugan na. Iyon ang pinaka-unang party na nadaluhan niya at gusto niyang sulitin ang pagkakataong iyon.
Nang matapos ang tugtugin na iyon ay nagsalita muna ang ilang guro ukol sa mga pwede at hindi nila pwedeng gawin. Binanggit rin ng mga ito ang program ng party nila, kung anong oras ang kainan gayundin ang kanilang pinakahihintay na monito monita. Matapos magsalita ang mga ito ay sunod-sunod na tugtog ang ibinigay ng DJ na halos lahat ay sinayawan nilang magkaibigan.
Sa isang panig ng covered court ay hindi na niya napansin ang paglabas ni Luis kasama ang ilan pang estudyante na kalaunan niya lang naalala.