"Kumusta ang eskwela?" Habang nakatungo sa lamesa at nagbabalat ng kalabasa ay nagtaas ng tingin si Dianne at tiningnan si Aling Celing na nakaupo sa upuang kaharap niya. "Kumusta ang test niyo?"
Mabini siyang ngumiti rito. "Okay naman po, Aling Celing. Mas matataas po ang gradong nakuha ko ngayon kaysa noong mga nakaraan."
"Talaga ba?" Inilapag nito ang hawak na gulay at interesadong tumutok ang tingin sa kanya. "Nakuha mo na ang mga test paper mo?"
"Opo."
"Ku, ang batang ito. Kagaling naman. Sabi ko na nga ba e."
"Hindi naman ho. Salamat ho sa inyo dahil hinayaan niyo akong mag-review ng mag-review. Minsan nga di ko na kayo natutulungan sa gawain dito."
Ikinampay nito sa hangin ang isang kamay. "Huwag mong isipin ang mga iyon. Pag-aaral mo ang mahalaga dito."
"Pero salamat pa rin ho sa inyo ni Ate Mercy."
"Walang anuman iyon sa amin." Anito pero matiim pa rin na nakatingin sa kanya. "E, kay Luis nagpasalamat ka na ba?"
Ilang sandali siyang hindi kumibo at pagkatapos ay umiling-iling siya. Mahigit isang linggo na silang hindi nagkikibuan nito sa bahay man o sa eskwela kaya hindi pa niya ito mapasalamatan sa ginawa nitong pagtulong sa kanya sa kanyang pag-re-review na kung saan ay ginawan pa siya nito ng mga sample questions and answers hindi lang sa Math at Science kung hindi maging sa ibang subjects na malaki naman talaga ang naging tulong dahil karamihan sa mga iyon ay lumabas sa kanilang exam. Iyon nga lang ay mukhang malabong magkausap sila muli dahil sa nangyari.
"Bakit ano ba ang nangyari sa inyong dalawa? Hindi ba at magkaibigan naman kayo? Bakit nitong mga huling araw ay napapansin kong hindi yata kayo magkasabay na sa pagpasok at pag-uwi at kapag nagkikita naman kayo dito sa bahay ay nag-iiwasan kayo?"
Umiwas siya ng tingin kay Aling Celing. "Wala lang ho iyon."
"Ku, ano bang wala. E si Mercy nga din ay napapansin iyon e. Katulad ngayon na Sabado, dati-rati naman ay lumalabas iyong batang iyon para makipag-kwentuhan sa atin o di kaya ay nanonood iyon ng T.V. diyan sa salas pero ngayon parang di ko pa napapansin na lumabas simula nang pumasok siya pagkatapos niyang kumain ng almusal kanina."
Sa sulok ng utak niya'y alam niyang walang kasalanan si Luis sa iringan nila ngayon. Nitong mga nakaraang araw ay paunti-unti niyang naisip na baka siya ang nagpalaki ng away nila. Sumama ang loob niya nang mapagalitan nito ang buong section niya at tiningnan siya nito ng masama na nadagdagan pa ng pagkapahiya niya nang makita itong walang baro noong kumatok siya sa kwarto nito na kung tutuusin ay hindi naman nito kasalanan. Napalaki nga ba niya ang gusot nila?
"Medyo nami-miss ko na rin ang batang iyon." Muling ungkat ng ale. "Di na kasi nangungulit sa akin nitong mga nakaraang araw e."
"Pasensya na po, Aling Celing." Bahagya niya itong nginitian at muling ibinalik ang tingin sa binabalatang kalabasa. Nakonsensya siya sa sinabi nito. Habang nagbabalat ay pinlano niya kung paano niya kakausapin ang binatilyo at kung paano siya hihingi ng pasensya rito.
"Ate Mercy!" Tawag niya sa kasama nang makita niyang paakyat ito ng hagdanan. Kakatapos lang nilang magluto nina Aling Celing at ipinapatawag na nito ang mag-anak upang kumain ng hapunan. Mabilis siyang lumakad palapit dito at bahgyang tumingin sa itaas ng hagdan. "Tatawagin niyo na po sila?"
"Oo. Bakit?"
"Ako nalang po."
Mataman siya nitong tiningnan. "Sigurado ka?"
"Opo." Mabilis niyang sagot. Ikinondisyon niya kanina ang sarili na siya na ang unang lalapit kay Luis at habang hindi pa siya pinanghihinaan ng loob ay gusto niyang gawin na iyon ngayon.
"O sige."
Pilit siyang ngumiti dito bago niya ihinakbang ang namimigat niyang mga paa. Una niyang kinatok ang kwarto nina Misis Ignacio na agad namang sumungaw sa pinto.
"Dianne." Masayang wika ng ginang. "May kailangan ka, hija?"
"Wala po Ma'am. Ipinapatawag na po kayo ni Manang Celing para kumain. Nakahanda na po ang hapunan."
"Ganoon ba? O sige. Bababa nalang kami. May binabasa pa itong isa."
"Sige po." Paalam niya at humakbang na patalikod nang tawagin siya nito. "Opo?"
"Puntahan mo si Luis. Kausapin mo."
"Po?"
Pinag-krus nito ang dalawang braso sa harap at nilakihan ang pagbukas ng pinto. "Napapansin ko kasi na nitong nakaraan parang hindi kayo nag-uusap. Kausapin mo na siya, ha?"
Hindi niya tuloy alam kung anong reaksyon ang gagawin niya sa harap ng ginang dahil sa sinabi nito. Lumapit ito sa kanya at hinawakan nito ang dalawa niyang kamay. "Ikaw lang ang tanging naging kaibigan ni Luis na kilala namin. Kung mayroon kayong hindi napagkaintindihan, sana ay maayos niyo na 'yun. Puntahan mo siya at kausapin mo, ha?"
Tumango-tango siya rito bago sumagot. "Sige po. Salamat po."
Nang bitawan nito ang magkabilaan niyang kamay ay saka siya lumakad patalikod rito at agad na tinungo ang pangatlong silid. Wala na si Misis Ignacio sa pinto ng kwartong pinanggalingan pagtapat niya sa silid na iyon. Huminga muna siya ng malalim bago niya itinaas ang isang kamay at kumatok roon. Lumipas ang ilang minuto bago siya nakarinig ng yabag ng paa palapit sa pinto hanggang sa bumukas iyon at sumilip ang ulo ni Luis.
Blangkong nitong mukha ang bumungad sa kanya na agad na nagpahina ng kanyang loob. Gusto niya nalang sanang sabihin na bumaba na ito para sa hapunan pero walang salitang namutawi sa bibig niya. Ito nama'y mula sa blangkong ekspresyon ay nangunot ang noo sa paghihintay ng sasabihin niya.
"Anong sasabihin mo?" Walang emosyong wika nito.
"A-ano." Putol niyang wika at nag-isip ng sasabihin.
Mula sa maliit na siwang sa pinto ay nilakihan nito ang bukas niyon kaya di man niya sinasadya ay napaiwas siya ng tingin dito. Pagtingin niya rito ulit ay tuluyan ng nagtagpo ang dalawang kilay nito. "Anong akala mo? Na wala na naman akong damit?"
"Hindi." Tanggi niya kahit na iyon talaga ang dahilan kung bakit siya nag-iwas ng tingin. "Kakain na daw. Baba ka na sabi ni Aling Celing."
Suminyas lang ito ng tango sabay talikod sa kanya. Tatalikod na sana siya ng maalala ang sinabi ng mama nito at ni Aling Celing. Kapag hindi sila nagkabati nito ay kargo de konsensya niya pa. Agaran niyang itinulak pabukas ang pinto nang makitang isasara na nito iyon sa pagtataka nito.
"Mag-usap tayo." Aniya at pumasok sa silid nito.
"Anong ginagawa mo? Kwarto ko to, hoy."
"Alam ko." Pilit niyang inalis ang hiyang nararamdaman niya. Ngayon lang siya nakapasok sa silid na iyon at nakita niya kung gaano iyon kalaki. Walang siyang nakitang mga muwebles o anumang kagamitan maliban sa dalawang malalaking kabinet, malaking kamang nakalagay sa pinakagitna ng silid, at isang mahabang upuan na nasa paanan ng higaan gayunpaman ay nanatili siya sa kanyang kinatatayuan.
Narinig niya ang malakas na pagsasara nito ng pinto na parang sadyang pinarinig sa kanya bago ito mabilis na lumakad at sumampa sa kama nito at umupo roon.
"Anong kailangan mo?" Walang interes na wika nito.
"Sorry na." Nagbaba siya ng tingin. Kahit na hindi niya alam kung ano ang eksaktong nagawa niyang mali ay nanulas iyon sa labi niya. Hindi man niya aminin ay hindi rin siya komportable na galit ito sa kanya.
"Para saan?"
"Hindi ko rin alam." Noon siya tumingin rito. "Dahil galit ka?" Hindi siguradong sagot niya sa tanong nito.
Tumawa ito ng pagak. "Anong galit? Ikaw nga itong di nangangausap diyan tapos sasabihin mo na ako ang galit?"
"Kasi naman e." Tumaas ang boses niya rito.
"Kasi ano?" Nag-isang guhit na ang kilay nito
"Pinagalitan mo kami doon sa room namin tapos ang sama pa ng tingin mo sa akin na parang ako lang 'yung tao dun tapos noong kinatok kita dito sa kwarto mo wala kang..."
"Dahil wala akong damit? Uy, may suot akong pambaba 'nun, damit lang ang wala." Umalis ito sa pagkakasampa sa kama at itinuro ang sarili. "At saka, bakit? Alam ko bang ikaw ang kumakatok 'nun? At saka ako nga ang dapat na magalit sayo dahil binusuhan mo ako."
Umusok bigla ang tainga niya sa narinig. Pagbibintangan pa siya nito. "Anong binusuhan? Neknek mo. Akala mo naman ang ganda ng nakita ko."
"Maganda naman talaga a at saka totoo yung sinabi ko. Ako ang dapat na sumama ang loob sa ating dalawa dahil nakita mo yung katawan ko at saka 'yung sa school, hindi lang ikaw yung pinagalitan ko doon ha. Lahat kayo ng mga kaklase mo dahil sa ingay niyo tapos ikaw, nakikipaghabulan ka pa. Anong akala mo sa classroom niyo, beach na kung saan ay pwede kang makipag-habulan sa kahit na sino?" Mas galit nitong sagot sa kanya.
"Anong kahit na sino? Si Carla yung humahabol sa akin 'nun a. Huwag mong sabihing di mo siya nakita?"
Bahagya itong nanahimik na tila nag-iisip pero maya-maya ay kunot ang noo pa rin itong tumingin sa kanya. "Si Carla?" Tila di naniniwalang gagad sa kanya.
"Si Carla nga." Paglilinaw niya at muli siyang huminga ng malalim. Kahit na naiinis pa siya dito ay nagbaba nalang siya ng tingin."Sige na. Sorry."
"Labas sa ilong." Pang-iinsulto nito pero mabagal itong naglakad palapit sa kanya. Nang makalapit ay ipinatong nito ang isang palad sa kanyang ulo. "Galingan mo ang paghingi mo ng sorry kung gusto mong mapatawad kita."
Sumimangot siya rito at pilit na inalis ang kamay sa ulo niya pero dahil sa matangkad ito ay nagmukhang nakikipag-buno siya ng walang kalaban-laban dahil mas lalo lang nitong idiniin ang kamay nito roon. "Alisin mo na yang kamay mo. Gulong-gulo na ang buhok ko."
"Magulo naman talaga tong buhok mo e at saka hindi ka pa nagso-sorry ng maayos." Kung kanina ay magkatagpo na ang kilay nito dahil sa galit ngayon naman ay halatang nang-aasar nalang ito dahil may guhit na ng ngiti ang gilid ng dalawa nitong mata.
Ininsulto pa nito ang buhok niya. Inirapan niya muna ito bago siya nanghingi ng sorry ng maayos. "Sorry."
Ginulo-gulo muna nito ang buhok niya bago nito iyon tuluyang binitawan saka ito bahagyang yumukod upang magpantay ang mukha nilang dalawa. "Pinapatawad na rin kita." Sagot nito sabay ngiti. "Pinapatawad na kita sa pangbubuso mo sa akin."
Iniangat niya ang isang paa upang isipa rito na kagyat naman nitong iniwasan. "Hindi na. Sige na." Itinaas nito ang dalawang kamay na anyong sumusuko. "Sorry din. Sorry kung nasigawan kita."
"Totoong ako yung sinisigawan mo?"
"Sabi mo kasi kaya ka nagalit dahil pinagalitan ko kayo ng mga kaklase mo at ikaw lalo na dahil sa pakikipaghabulan mo kaya iyon 'yung hinihingi ko ng sorry." Pangangatwiran nito. "Paano, bati na tayo?"
"Oo."
"Parag galit ka pa yata?"
Umiling siya. "Sige na. Bumaba ka na. Kain na daw kayo sabi ni Aling Celing."
Nanlaki ang mga mata nito. "Hala. Baka kung ano ang isipin ng mga iyon na wala ka pa."
"Anong isipin?" Bigla siyang kinabahan sa sinabi at sa hitsura nito sabay atras papunta sa pintuan.
Ngumiti ito ng nakakaloko. "Nandito ka sa kwarto ko. Nakasarado ang pinto at dalawa lang-"
Gigil niya itong tiningnan na noon ay bigla nalang tumawa ng malakas. "Nakakainis ka." Aniya sabay bukas ng pinto ng silid at mula doon ay nagtatakbo pababa at agad na nagtungo sa kanilang silid. Hindi na niya nakita ang pagdulog sa lamesa ng tumatawang si Luis ganoon din ang tinginan nina Aling Celing at Misis Ignacio maging ang nagtatakang tingin ni Mayor na nakasunod ang tingin sa anak at ang nakataas na kilay ni Ate Mercy na kanina pa inutusan si Dianne na pababain si Luis para sa hapunan.
Habang nagbibihis ay sunod-sunod na katok ang narinig ni Dianne mula sa pintuan ng kanilang silid. Alam niyang hindi iyon ang dalawang kasama dahil alam ng mga itong naghahanda na siya sa pagpasok kaya hindi niya iyon pinansin. Hindi man niya nakikita ang likod ng pinto ay nakikini-kinita na niyang si Luis iyon. Hinayaan niyang kumatok iyon ng kumatok hanggang sa nakatapos siya sa pagbibihis.
Hindi nga siya nagkamali. Nakasandal ang binatilyo sa pader kaharap ng pintuan pagkabukas niya. Hindi niya ito pinansin at bumalik siya sa kanyang higaan upang kuhanin ang kanyang bag.
"Di mo manlang ako babatiin?" Madilim ang anyo nito paglingon niya.
"Anong kailangan niyo?" Tanong niya habang palapit sa pinto sukbit ang bag.
"Hindi ba halata?" Pilosopo nitong sagot sabay tingin sa suot nitong uniform at sa sukbit nitong bag.
"Mauna na po kayo." Inis niyang sagot dito at inilahad ang palad sa daanan na hindi naman binigyang pansin ng kausap. Naiinis pa rin siya sa mga sinabi nito kagabi bago siya lumabas ng silid nito tapos ngayon makikipagsabay ito sa kanya? Tumaas ang sulok ng labi niya dahil sa disguto rito.
"Anong hitsura yan? Akala ko ba bati na tayo?"
Tiningnan niya ito ng masama bago ito tinalikuran.
"Dianne!" Malakas nitong banggit sa pangalan niya. "Bumalik ka dito."
"Bahala ka diyan." Hindi niya ito pinansin bagkus ay nagpapadyak siyang iniwanan ito roon.
"At talagang hindi ka na nakikinig sa akin ha. Humanda ka lang." Banta nito pero hindi niya pa rin pinansin.
Tuloy-tuloy siyang lumabas ng pasilyo hanggang sa dumating siya sa may pinto ng bahay. Doon siya naabutan nito at hinila ang hawakan ng bag niya paikot na naging dahilan upang mahila siya nito at bumunggo rito.
"Aray ko." Sinapo niya ang kanyang noong bumangga sa baba nito na naging dahilan naman para lumambot ang ekspresyon nito.
"Masakit?" Hinawakan nito ng kabilang kamay ang ulo niya.
"Siyempre. Ang tigas kaya ng baba mo."
"Sorry." Tiningnan nito ng maigi ang noo niya at nang makitang may namumula roon ay hinawakan nito iyon.
"Bakit mo kasi ako hinila?" Sita niya rito.
"Kasi ang tigas ng ulo mo e. Nang-aaway ka na naman."
"Ang salbahe mo kasi. Inasar mo ako kagabi di ba?"
"Sorry na. Natutuwa lang ako sa hitsura mo kapag galit ka."
Iningusan niya ito saka pinagpag ang kamay nitong nakapatong sa ulo niya. "Sasabay ka ba sa akin?"
"Hindi. Ikaw ang sasabay sa akin."
"Ewan ko sayo. Ganoon din 'yun e." Tinalikuran niya ito ngunit wala pang dalawang hakbang ay muli na naman siyang napaikot paharap rito dahil sa paghila nito sa bag na hindi pa rin nito binibitawan kanina pa. "Ano ba?"
"Nakalimutan ko." Seryoso nitong wika. "Parang masyado ka ng casual sa akin ha. Di ko na naririnig na tinatawag mo akong kuya. Baka nakakalimutan mo lang."
"Hindi naman a." Iwas niya.
"Oo kaya."
"Hindi." Muli siyang tumalikod pero hinila rin nito kaagad ang bag niya. "Hindi ko to bibitawan hanggat hindi ko yun naririnig."
Inikot niya ang paningin dahil sa tigas ng ulo ng kaharap niya. "Sige na po. Halika ka na, Kuya Luis." Sarkastiko niyang wika rito.
"Yan." Noon nito pinakawalan ang bag niya bago ito nagpatiuna sa paglabas ng pinto. "Kung kanina mo pa sana sinabi e di sana nasa school na tayo ngayon."
Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa tuluyan na itong nakalabas ng bahay.
"Ano? Hindi ka ba sasabay sa akin?" Sigaw nito na nagpatakbo sa kanya palabas. Doon ay nadaanan niya sina Aling Celing at Ate Mercy na parehong nagwawalis sa labas ng pintuan. Pagkatapos niyang magpaalam sa mga ito ay tinakbo niya ang gate at hinabol ang binatilyo.