CHAPTER TEN

3466 Words
"Good afternoon po, Pres." Napalingon si Dianne sa likurang bahagi ng classroom nila ng marinig iyon. Naghahanda na silang umuwi noon ni Carla at nagliligpit nalang ng mga gamit habang ang iba nilang kaklase ay nagkukumahog ng makalabas upang makauwi. Nalingunan niya roon si Luis na nakaantabay sa pinto nila na gumanti ng ngiti sa kaklase niyang bumati rito na nagpataas ng sulok ng labi niya. Kung mapagalitan sila nito kanina ay ganoon nalang tapos ngayon ay ngingiti-ngiti ito. Umirap siya sa gawi nito na sakto namang lumingon sa gawi niya. Nang magtama ang mga mata nila ay agad siyang nagbawi ng tingin at ibinalik sa ginagawa ang tingin pagkatapos ay narinig na niya ang pagtawag ng ilan nilang kaklase. "Dianne, si President. Tawag ka." "Andiyan si Pres?" Usyoso ni Carla na tumayo na. Isinukbit na nito sa balikat ang bag. "Nandiyan nga siya Dianne. Halika na. Tapos ka na ba?" Patamad niyang isinuot ang bag bago tumayo at sumunod kay Carla papunta sa pinto. Sinalubong sila ng nakasimangot na si Luis. "Makairap ka diyan." Salubong nito sa kanya. "E ikaw nga kung makasigaw ka sa amin kanina e." Nguso niya rito. "Ang iingay niyo kaya." Depensa ng binatilyo. "Napeperwisyo niyo yung ibang klase." "Napeperwisyo. E bakit ka nandito?" Si Carla na napailing ay natawa sa kanilang dalawa. "Tigilan niyo nga yan. Para kayong mga bata. Nakatingin na yung ibang estudyante o." Sabay silang napalingon ni Luis sa paligid nila at nang makitang pinagtitinginan na nga sila ay patay-malisya silang lumakad paalis sa building na iyon at pagdating sa dulo ng hallway ay pinigil sila nito. "Antayin niyo ako ha. May tatapusin lang ako sa room namin. Saglit lang ako." Diin nito. Nagmadali itong umalis at tinakbo ang building papasok sa classroom nito. Halos limang minuto rin silang nakatayo lang sa labas ni Carla bago ito lumabas sukbit ang bag. "Halina kayo." Nagpatiuna ito sa kanilang tatlo hanggang sa nakalabas sila ng gate ng school. Sa labas ay nadaanan nila si Mang Fred na kumaway sa kanilang tatlo mula sa guard post at pagkarating nila sa unang kanto ay humiwalay na si Carla para tunguhin ang inang nagtuturo sa elementarya habang silang dalawa ni Luis ay walang kibuan habang naglalakad hanggang sa nakarating sila sa bahay. "O, bakit nakabusangot yang mga mukha niyo?" Tanong ni Aling Celing pagkabukas nito ng pinto. Sa likuran nito ay nakasunod si Ate Mercy na matiim ang pagkakatitig sa daawang bagong dating. Umiling siya. "Wala ho." Marahas na paghinga ang narinig niya galing kay Luis bago ito lumagpas ng lakad sa kanila at nagtuloy-tuloy sa pag-akyat sa taas. Sinundan nilang tatlo ng tingin ang binatilyo bago siya nagpaalam sa dalawang kaharap na papasok naman ng silid at magbibihis. "Anong nangyari kaya sa dalawang iyon?" Narinig niyang tanong ni Aling Celing na sinagot naman ni Ate Mercy. "Masama ang tingin ko, Nana. Masama." Pagkatapos niyang magbihis ng pambahay ay agad siyang lumabas ng silid at tinungo ang dalawang kasama sa kusina. Nagsasalang ng kung ano si Ate Mercy sa kalan habang si Aling Celing naman ay nakaupo at nakadulog sa lamesa at abala sa paghihiwa ng karne. Nag-angat kaagad ng mukha ang matanda pagkakita sa kanya bagama't hindi ito nagsalita pero nakikiramdam. "Ano po ang gagawin ko, Aling Celing?" Masigla niyang tanong dito sabay dulog din sa lamesa. Hindi halatang kani-kanina lang ay nakabusangot ang mukha niya pagkarating niya galing ng paaralan. "Kumain ka na muna ng merienda. May ginataang gabi doon sa kaldero." "Talaga ho?" Aniya na agad napatayo. "Wow, sarap naman." "Oo. Masarap iyon. Maraming saging kaming isinahog doon." Napangiti siya ng malapad dito. "Thank you, po." Agad siyang lumapit sa kalderong tinutukoy ng matanda at binuksan iyon. Sumalubong sa kanya ang amoy ng ginataang yaon na nagpakalam sa sikmura niya. "Hmmm. Sarap nito." Lumapit din sa likuran niya si Ate Mercy na nakisilip din sa kalderong tinitingnan niya. "Masarap talaga yan. Ako ang nagbalat ng saging niyan." Malapad ang ngiting lumingon siya rito. "Salamat Ate." "Sige na, kain ka na. Doon ka na sa malaking mesa ha." Tukoy nito sa mesang kinakainan ng mga amo nila. "Ayaw ko ho. Diyan lang ako." Nguso niya sa mesang kainan nilang tatlo s***h pinaghahandaan nila ng pagkain. "Mercy, ano bang ginagawa mo diyan? Huwag mo ngang guluhin si Dianne." Saway ni Aling Celing. "Doon ka na muna kumain Dianne sa kabilang mesa. Naghihiwa ako dito ng karne o." "Sabi ko sayo e." Bulong ni Ate Mercy bago umalis sa likuran niya. Wala siyang nagawa kung hindi sundin ang matanda. Pagkatapos niyang kumuha ng ginataan sa mangkok ay umupo siya doon sa malaking lamesa. Hindi pa man umiinit ang puwet niya sa kanyang kinauupuan ay namataan naman niyang pababa si Luis sa hagdanan kasunod si Ate Mercy. IIsa lang ang ibig sabihin niyon, bumaba ito upang kumain rin katulad niya. Iniwas niya ang paningin dito hanggang sa naupo ito sa harapan niya. Sandali itong naghintay roon hanggang sa inilapag ni Ate Mercy ang pagkain sa harapan nito. "Bakit masama ang hitsura mo diyan?" Walang anu-ano'y tanong ni Luis kahit na nakatutok sa pagkain ang tingin nito. Tiningnan niya ito ng masama. "Hindi ah." Inirapan niya ito. "Anong hindi? Kahit hindi ako nakatingin alam kong nang-iirap ka ngayon." "Ewan ko sa'yo." "Isusumbong kita kay Nana." Babala nito sabay tingin sa kanya. "Na ano?" Tinaasan siya nito ng kilay bago sumigaw. "Nana! Hindi daw masarap ang luto mo sabi ni Dianne!" Nakagat niya ang ibabang labi dahil sa gigil sa sinabi nito. Naipalo niya sa lamesa ang isang kamay. "Aling Celing hindi po totoo. Nagsisinungaling lang po si...!" Hindi niya maituloy na banggitin ang pangalan nito dahil sa sobrang inis. "Sino?" Dagdag nitong pang-aasar sa kanya na sinabayan pa ng ngisi. "Totoo po ang sabi ko Nana! Sabi ni Dianne hindi daw po masarap ang luto niyo!" Tuluyan na niyang binitawan ang kutsarang hawak at tumayo. Lumapit siya rito at inundayan ito ng palo na agad naman niyang napigilan. Anak pa rin ito ng amo niya at baka mapalayas pa siya kapag nasaktan niya ito. "Luis!!!!!" Sa halip ay sigaw niya na ikinatulig ng tainga nito na agad nitong tinakpan ng dalawang palad. Napatakbo sina Aling Celing at Ate Mercy na patagong nakamasid lang sa kanila kani-kanina at dinaluhan si Dianne na noon ay nakatayo sa may likuran ng binatilyo. "Ano bang nangyari sa inyo?" Bulalas ni Aling Celing. "Siya po kasi." Galit niyang turo kay Luis na naluluha na. Sobra-sobrang inis ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. "Wala ho akong ginawa." Patay-malisyang sagot ni Luis na bakas pa sa mukha ang kapilyuhan at gulat sa sigaw ni Dianne ngunit ng malingunan nitong naluluha siya ay nagbago ang ekspresyon nito. "Kayong dalawa tumigil na kayo." Saway ni Aling Celing sa kanilang dalawa na nagpalipat-lipat ng tingin. "Para kayong mga bata. Ikaw Luis, tumigil ka na. Sa hilatsa ng mukha mo ay alam kong inaasar mo itong si Dianne." Hindi ito sumagot at tumingin lang sa kanya. Masama naman ang tingin na iginanti niya rito bago siya bumalik sa kanyang inuupuan kanina bagama't ang mga mata ay nanatiling nakapako sa binatilyo. Kung may lumalabas lang na patalim roon ay siguradong luray-luray na ito noon. "Humingi ka ng paumanhin, Luis." Nakita niya ang pagguhit muli ng ngiti sa mata ng binatilyo ng makita nito ang galit sa mukha niya pero ng tumingin ito sa gawi ni Aling Celing at Ate Mercy na matamang nakatingin rito ay dagli rin nito iyong sinupil sabay hinga ng malalim. "Sorry." Wala sa loob na sabi nito. "Yung totoo." Mando dito ng ale. "Nana naman. Hindi po kasi yan nangangausap kaya inasar ko." "Ako pa ang sinisi mo?" Asik niya rito. "Totoo naman a, hindi ka talaga nangangausap." Pinandilatan siya nito. "At saka tinawag mo lang ako sa pangalan ko. Di ba sabi ko sayo kukutusan kita pag narinig kong Luis lang ang itinawag mo sa akin. Halika dito, kukutusan talaga kita." Iniamba nito sa kanya ang kamao nito na naging dahilan naman para lapitan ito ni Aling Celing at paluin sa braso. "Aba't ikaw na bata ka. Parang hindi babae yang kausap mo a tapos kukutusan mo pa? Ikaw kaya ang kutusan ko." "Aray ko naman, Nana." Reklamo nito ng makatanggap ng mahinang kutos galing sa ale. "Bagay lang yan sa'yo. Aba at hindi ko akalain na ganyan pala ang pagpapalaki namin sayo." Benilatan niya ito saka muling inirapan. "Buti nga." Pabulong niyang wika na umabot rin pala sa pandinig nito. "Tingnan niyo Nana si Dianne, iniirapan ako. Narinig niyo rin ba ang sabi niya?" Umiling ang matanda sa tanong nito. "Ate Mercy narinig mo si Dianne?" Katulad ni Aling Celing ay umiling rin ito. "Pinagtutulungan niyo ako e." Muli ay isang palo sa braso ang natanggap nito mula sa matanda. "Husto ka na. At sabi ko manghingi ka ng tawad kay Dianne." Ginagad nito ang pang-iirap niya rito at humugot ng malalim na hininga. "Sorry." Walang sinseridad na muling sabi nito. Muli ay pinalo ito ni Aling Mercy sa braso na sa pagkakataong iyon ay naging dahilan upang humulagpos ang isang tawa sa bibig niya sabay turo rito. "Buti nga sa'yo." Magkapanabay na tawag nina Aling Celing at Ate Mercy sa pangalan niya ang nagpalingon sa kanya kaya agad niyang naitakip sa kanyang bibig ang dalawang kamay. "Sorry po." "Kayong dalawa kapag hindi kayo umayos, dalawa kayong papaluin ko." Banta ng matanda sa kanila. Nagbaba siya ng tingin ng makitang nakatitig si Luis sa kanya. Sa uri ng pagkakatitig nito ay bigla niyang naisip na kasambahay lang siya sa bahay na iyon at ito ay anak ng amo niya. Panliliit ba ang nararamdaman niya? "Ituloy niyo na yang pagkain niyo." Tumango siya sa utos ni Aling Celing sabay sagot ng opo habang si Luis ay hindi na niya narinig na nagsalita mula sa kinauupuan nito. Pagkaalis ng dalawa ay agad niyang kinain ang natitira pang laman ng mangkok niya at nang maubos iyon ay walang lingong tumayo siya at iniwanan si Luis. Kung galit ito sa kanya ay hindi niya alam. Ang tanging alam lang niya ay kailangan na siguro niyang umiwas-iwas rito simula sa araw na iyon. Bantulot na naglakad si Dianne sa pasilyo patungo sa library. Araw iyon ng linggo at nasa tahanan noon ang mag-asawang Ignacio na ayon kay Ate Mercy ay ipinapatawag siya kaya agad siyang napaisip kung ano ba ang mga nagawa niyang mali nitong mga nakaraang araw hanggang sa maisip si Luis. Nang sinabi ni Ate Mercy na pinapapunta siya ng mag-asawa sa library ay bigla siyang kinabahan dahil sa pag-aalalang palalayasin na siya ng mga ito. Maaaring nagsumbong si Luis sa mga ito dahil sa nagawa niya kaya siya kakausapin ngayon ng mag-asawa. Umiling-iling siya bago nagpasyang kumatok. Huwag naman sana, piping hiling ng isip niya. "Pasok." Narinig niyang wika ni Misis Ignacio mula sa kabilang dahon ng pinto. Dahan-dahan nyang binuksan iyon at tumambad sa kanya ang mag-asawang nakaupo magkaharap sa lamesa. "Magandang umaga po. Pinapatawag niyo raw ho ako." Magalang niyang bati sa mag-asawa. "Halika hija. Maupo ka muna." Ikinampay ni Misis Ignacio ang kamay sa kanya at iminuwestra ang upuang nasa gilid nito. Si Mayor Ignacio naman ay bahagyang ngumiti sa kanya bago muling ibinalik sa papel na hawak ang tingin. Tahimik siyang umupo sa itinurong upuan ng ginang. "Kumusta ka, Dianne?" "Okay lang po ako." "Kinakabahan ka ba?" "Opo." "Bakit naman? May nagawa ka bang mali?" "Opo, siguro." "Ano 'yun?" Bahagyang ngiti ang nakita niya sa mukha ng ginang na parang ini-engganyo siyang magsabi rito ng totoo. "N-nagalit po sa akin ang anak niyo ho." Nagbaba kaagad siya ng tingin pagkasabi niyon sa pag-aalalang galit ang rumihistro sa mukha ng kaharap pero sa halip ay malakas na tawa ang narinig niya mula rito. "Naikwento nga ni Nana Celing. Nag-away raw kayo ni Luis?" Umiling-iling siya. "Hindi ko po siya inaaway pero nang-aasar po siya kaya napasigaw ako. Pasensya na po." Natatawang naiiling ang ginang habang si Mayor naman ay tumigil sa ginagawa nito at matamang nakinig sa kanila. "Hindi naman kita pagagalitan kaya huwag kang mag-alala. Natutuwa lang akong marinig na may nakaaway ang batang iyon. Unang beses kong narinig na nang-asar 'yun." Napaawang siya ng bibig sa sinabi ng ginang. Natutuwa ito na may nakaaway ang anak? "Huwag kang mag-isip ng masama sa akin, Dianne." Sabi ng ginang na tila nabasa ang naiisip niya. "Hindi ko gustong mapaaway ang anak ko pero ngayon lang nangyari ito. Hindi yata normal na wala kang makaaway pero ngayon gusto ko ng isipin na talagang normal nga ang pagpapalaki namin sa batang iyon. Naiintindihan mo ba ang ibig kong sabihin?" Hindi siya sumagot sa tanong nito dahil talagang hindi niya ito maintindihan. "Hayaan mo na nga." Saway nito sabay kampay ng kamay at tumingin sa asawa. "Kaya ka namin pinapunta rito para tanungin kung anong gusto mong kuhaning kurso pag-college mo. May naisip ka na ba?" "Wala pa ho, e." "Pero gusto mo bang mag-aral ng kolehiyo?" Si Mayor naman ang nagtanong sa kanya. "Opo." "May pinagpipilian ka bang kurso na gusto mong aralin?" Paninigurado ni Misis Ignacio. "Nursing po o di kaya ay maging teacher. Kaso di ko po sigurado kung alin sa dalawa po e." Noon ay parang nakahinga ang ginang sa isinagot niya. "Okay lang yan. Third year ka pa lang naman. Hanggang sa fourth year high school mo ay siguradong makakapag-decide ka na niyan. Saan mo gustong mag-aral ng kolehiyo? Gusto mo ba sa Maynila o dito?" Biglang nanlaki ang mata niya ng marinig ang salitang Maynila. "Ayaw ko ho, dito lang po ako." "Sige, sige. Huwag kang mag-alala at tutulungan ka namin para sa kolehiyo mo. Di ba?" Tumingin ang ginang sa asawa nito na parang nanghihingi ng kompirmasyon. Tumango naman ang Mayor sa tanong na iyon ng asawa. "Marami hong salamat. Magta-trabaho po ako ng maayos at hindi na rin po ako magagalit sa anak ninyo." Muling natawa ang mag-asawa sa huli niyang sinabi. "Huwag mo kaming alalahanin Dianne. Mabuti na rin na kahit papaano ay nalalaman ni Luis na hindi laging siya ang masusunod. Kung kailangan mo siyang pagalitan, okay lang iyon." Hindi niya alam kung tatawa rin ba siya sa sinabi ng ginang o hindi. Sa huli ay pilit na ngiti ang naisukli niya sa mga ito. "O sige, Dianne. Pakisabi nalang kay Ate Mercy mo na pababain na kamo para sa almusal si Luis. Hindi pa yata nag-aalmusal ang batang iyon, anong oras na." "Sige po." Tumayo siya at huamarap sa mga ito. "Marami hong salamat. Lalabas na po ako." Ngiti ang isinukli ng mga ito sa kanya pagkatapos ay lumabas na siya upang sabihan si Ate Mercy ngunit sa halip na sumunod ito ay siya ang inutusan nitong umakyat para puntahan si Luis habang ito ay ihahanda nalang daw ang pagkain ng binatilyo. Wala siyang nagawa kung hindi ang sundin ito. Huminga muna siya ng malalim bago umakyat ng hagdanan. Hindi pa sila nagkakausap muli ni Luis simula noong araw na nag-away sila at kahit sa school ay hindi na rin siya nito kinakausap at kung hindi man siya nito kakausapin ngayon ay hindi iyon kataka-taka. Kumatok siya sa pintuan nito. "Bakit po?" Tanong ng binatilyo mula sa loob. Hindi niya ito sinagot at sa halip ay muli siyang kumatok sa pinto. Narinig niya ang yabag ng paa nito palapit sa pinto hanggang sa tumambad ito sa kanya. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya ng makitang maliban sa suot nitong shorts ay wala na itong iba pang suot sa katawan kaya kaagad siyang napatalikod dito. Nang makita ang reaksyon niya ay nagmadali naman nitong isinarado ang pintuan at ilang segundo muna ang lumipas bago niya narinig ang muling pagbubukas niyon. "Bakit?" Parang naiinis na tanong nito. "Sabi ng mama mo ay bumaba ka na daw para sa almusal." Aniya rito sabay talikod. Gusto niyang itakip ang kamay niya sa mukha dahil sa nararamdaman niyang pag-iinit niyon pero pinigilan niya ang sarili. Nagmadali nalang siyang bumaba ng hagdanan para itago ang pamumula. Pagkaapak niya sa landingan ng hagdan ay tinakbo na niya ang silid nila habang si Ate Mercy na noon ay nasa may lamesa ay nagtatakang sumunod ng tingin sa kanya. Doon ay pabagsak siyang tumaob upang itago ang kahihiyang nararamdaman. "Dianne, punta tayo ng canteen." Aya ni Carla sa kanya isang umaga habang recess. Kakatapos lang nito noon sa C.R at agad na nag-aya pagkabalik. "Ayoko." Maagap niyang tanggi. Ayaw niyang magkatagpo pa sila roon ni Luis na ilang araw na rin niyang hindi nakakausap dahil sa nangyaring sagutan nila maliban pa sa nangyari noong pinuntahan niya ito sa kwarto nito noong nakaraang linggo. Upang hindi ito makasabay ay inaagahan na niya ang pagpasok niya at ang kanyang pag-uwi at maging sa bahay ay hindi na niya hinahayaang mag-krus ang paningin nila. Kung nahihiya siya sa kanyang nakita o nagagalit siya dito ay hindi niya alam. Ang alam niya lang ay ayaw niyang makausap ito. "Umamin ka nga, nag-away ba kayo ni Pres?" Biglang tanong ng kaibigan na tumayo pa sa harap ng upuan niya. "Hindi no." Iwas niya at sinundan ng tingin ang iba nilang kaklase na palabas ng room. Namaywang ito at siningkitan siya ng mata. "Hindi ako naniniwala. Noong nakaraan ay pumupunta yun dito a bakit ngayon hindi na naman. Parang isang linggo na rin yata." "Baka may ginagawa." Balewala niyang sagot pagkatapos ay umiwas ng tingin rito. "Malabo. Pinupuntahan ka niyon dito kapag uwian kahit may ginagawa siya e, pero nitong mga nakaraang araw ay hindi na. Parang may nangyari talaga e." Tumayo siya at hinawakan ang kaibigan sa isang braso. "Huwag mo na nga siyang alalahanin. Halika, doon tayo sa labas bumili." Aya niya rito. Marami rin kasing tindahan ng pagkain sa labas ng paaralan nila. "Bakit hindi sa canteen? Lalayo pa tuloy tayo." "Mahal diyan. Bente lang ang baon ko." Pangangatwiran niya habang hila-hila na ito palabas ng room. "Iyan din naman ang baon mo noong nakaraan kapag bumibili tayo sa canteen a." Paano ba niya sasabihin sa kaibigan na ayaw niyang makatagpo ang binatilyo sa canteen? Dahil alam niyang sa mga oras na iyon ay naroon marahil ito at kasama ang iba nitong mga kaklase. "Sige na, sa labas nalang tayo bumili." Pakiusap nalang niya rito at pinungayan ito ng mata. Muli siya nitong siningkitan ng tingin bago ito pumayag. "Sige na nga. Pero huwag tayong magtagal ha, baka ma-late tayo." "Oo naman. Halika na." Magka-abrisiyete silang naglakad palabas ng eskwelahan nila. Habang naglalakad ay nakakasalubong pa nila ang ibang mga estudyanteng may mga bitbit na iba't-ibang klase ng meryenda katulad ng banana cue, nilagang mais, nilagang saging at iba pa. Pagkalapit nila sa gate ay napansin nilang may mga estudyanteng nakabantay roon at ganoon nalang ang iwas niya ng makitang isa ang binatilyong pinaka-iniiwasan sa mga naka-poste sa isang bahagi ng gate. "Pres!" Malakas na tawag ni Carla na agad na nagpalingon sa binatilyo. Kinawayan ito ng kaibigan niya na paglaon ay dinaanan rin nila na naging dahilan upang mag-init ang tainga niya. "Recess na Pres. Di ka pa kakain?" "Maya-maya pa siguro." Tumingin ito sa orasan nito. "Bakit nandito kayo?" Paningin niya lang ba iyon o talagang dumilim ang tingin nito ng mapatingin sa kanya? "E ito kasing si Dianne e, ayaw sa canteen." "Lalabas kayo?" "Oo. Diyan lang kami, Pres." Turo ng kaibigan niya sa hilera ng tindahan. "Bilisan niyo ha." Utos nito bago siya tinapunan muli ng tingin. "Baka mag-cutting class kayo." Sinimangutan niya ito at pagkarinig sa huli nitong sinabi ay hinila niya kaagad ang kaibigan upang makalabas. Unti-unti na namang nabuhay ang inis niya rito. Mukha ba siyang nagka-cutting class? "Dianne, teka lang naman." Sawata ng kaibigan niya. "Di nga natin natanong si Pres kung anong gusto niya." "Hayaan mo siya. Halika na." Nagpatiuna na siyang maglakad palabas sa pagtataka ni Carla. Pagkatapos niyang bumili ng banana cue ay hinanap niya kaagad ang kaibigan na noon ay bumibili ng nilagang mais sa katabing tindahan. Pagkakita nito sa kanya ay nagmadali naman itong lumapit. "Halika na?" Aya niya rito. "Wait lang. May bibilhin pa ako." Pumunta ito sa ibang tindahan habang siya'y nanatiling nakatayo sa kinaroroonan niya. Nang lumapit ito sa kanya ay may dala itong binatog na nakalagay sa isang plastic cup. Sabay silang naglakad paalis roon. "Ang dami mo namang pagkain." Puna niya rito. "Ito? Kay Pres 'tong buo. Ito lang sa akin." Turo nito sa hawak na baso. "Ahh." Kunwari niyang hindi napansin ang pagtigil ng kaibigan pagtapat nila sa pwesto ni Luis nang iabot nito ang meryenda sa binatilyo. Paglingon niya ay humahabol na sa kanya si Carla habang napansin naman niya ang magkasalubong na kilay ni Luis ng makita siya. Bilang ganti ay sumimangot siya dito bago tumalikod. Kung galit ito sa kanya ay mas lalong galit siya. Kaya naman niyang hindi ito kausapin e. Mas maganda nga iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD