KABANATA II - SIYAM NA BUHAY

1941 Words
ANG babaeng ‘to ang tumulong sa akin noong hindi ko na matandaan kung pang ilang  beses na akong nag-agaw buhay. Simulan ko noong bata pa ako. Kasama ko ang kapatid ko sa ilog. Nahulog sa ilog ang isang kapares ng bagong biling tsinelas niya na pinagyayabang niya pa sa akin dahil siya meron at ako wala. Wala rin lang naman kasi sa akin iyon, mahal ko ang kapatid ko kaya kung ang ikasasaya niya ay ang inggitin ako, isumbong ako sa mga magulang namin kahit wala naman akong ginagawang masama sa kaniya o sirain ang mga gamit ko ay bukal sa loob kong tanggapin iyon. Pilit niyang inaabot ang tsinelas niya sa tubig, biglang bumigay ang kinakapitan niya kaya naman nahulog siya sa tubig. Tumalon kaagad ako sa ilog kahit hindi pa ako marunong lumangoy. Nagawa ko siyang mapakapit sa ugat pero biglang bumilis ang daloy na tubig kaya naman nadala ako nito. Hindi ko na matandaan ang mga sumunod na pangyayari kasi nag-black out ako at napakarami kong nainom na tubig, sa madali’t salita totoong nalunod talaga ako. Nagkataon na meron napadaan na bangkero kaya nabuhay pa ko. Pinagalitan pa ako ng mga magulang namin dahil paano raw kung nalunod ang kapatid ko. Sunod naman, kasalanan pa rin talaga ng kapatid ko, pero hindi ko siya sinisisi nagkataon lang na siya ang dahilan kung bakit ako nabunggo ng sasakyan na ikinatilapon ko talaga. May inagaw kasi siyang laruan sa kaklase niya at nagtatakbo papunta sa labas ng school, ako naman nakatingin sa kaniya nagmadaling habulin siya dahil didiretso siya sa kabilang kalsada. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niya pang huminto sa gitna noong binubusinahan na siya gayunpman bago pa siya mabunggo, naitulak ko siya at ako ang nasapol. Hinding hindi ko makakalimutan iyong sandaling iyon na para akong anghel na lumipad talaga at muling bumulagta paikot ikot sa kalsada. Nawalan ako ulit ng malay, isang linggo raw akong tulog sa hospital. Ang laki kaya ng sugat ko sa binti at braso ko, na hindi na makikita ngayon dahil tinabunan ko na ng mga tattoo. Ulit, pinagalitan ako dahil hindi ko raw binabantayan ang kapatid ko. Sa mga pagkakataon na iyon, naisip ko na, paano pala kung wala ako? Sino ang sisisihin nila sa tuwing mapapahamak ang kapatid ko na ako ang nagliligtas sa kaniya. Ang tingin nila sa akin ay pabayang kapatid. Kung minsan nga naiisip ko na baka hindi nila ako anak. Hanggang sa mawala ang kapatid ko na sa akin pa rin nila sinisisi. Umalis sa amin habang hinahanap ko ang kapatid ko. Ikatlo, noong pumasok ako sa Sindikato ni Tony Boy Rodriguez. Pumasok ako dahil nagbakasakaling makita ko ang kapatid ko. Kilalang kilala si Tony Boy rito sa San Pedro, walang mayayamang tao na hindi nakakakilala sa pangalan niya, walang politika ang gustong kumalaban sa kaniya. Isa ang  grupo ni Tony Boy sa limang naglalakihang Sindikato rito sa San Pedro. Kaya naman kahit ang maliliit na negosyo ay gustong magkaroon ng koneksyon sa kaniya. Unang pinagawa sa akin ni boss ay ang kolektahin ang lahat ng pera ng mga nakikinabang sa kapangyarihan niya, iyong mga taong ginagamit ang pangalan niya upang magpatuloy sila sa operasyon ng mga gawain nila. Meron isang grupo na nagmatigas at nanlaban. Nakipagbarilan at tinamaan ako ng tatlong beses. Alam ko naman sistema ng pinasok ko pero hindi ko inaasahang mapapasabak ako kaagad sa ganoong sitwasyon. Naging kritikal ang kondisyon ko at noong naibalik ko ang lakas ko, babalikan ko sana pero tinapos na ni boss ang koneksyon niya sa taong iyon. Kapag sinabing tinapos ang koneksyon, ibig sabihin, pinatay na niya. Tumagal pa ako ng ilang taon sa Sindikato hanggang sa natutunan ko na kung paano ito kumikilos, kung paano ito tumatakbo, kung ano bang uri ng organisasyon ang pinasok ko. Naging isa ako sa pinagkakatiwalaan ni Tony Boy. Pero syempre hindi pa roon natatapos ang listahan ng pag-aagaw buhay ko. Ikaapat, kagaya ngayon, lasing na lasing pa rin ako. Sa pagkakatanda ko, heart broken ako noon. Iyong binuhos ko lahat ng pagmamahal ko para sa babaeng pinangarap kong makasama ko habangbuhay kaso pinili pa ring iwanan ako. Walwal talaga ako at iyon ang huling natatandaan ko ng mabunggo naman ang minamaneho ko ng ten wheeler truck. Hindi ko rin alam kung paanong nabuhay pa ako. Bago ako mawalan ng malay noon, naliligo na ako sa dugo. Kaya naman, meron ng bakal sa loob ng kaliwang binti ko. Akala ko talaga hindi na ako makapaglalakad pa noon. Isang taon akong baldado. Simula noong araw na iyon, mas pinatigas ko na ang puso ko. Unti-unti kong pinuno ng tattoo ang buong katawan ko. Tinuon ko na lang ang sarili ko sa mga pinag-uutos sa akin ni Tony Boy. Sa loob ng ilang taon, wala siyang naging problema sa akin. Sa loob ng ilang taon, hindi pa rin ako sumusuko na isang araw, magkakaroon ako ng balita tungkol sa pagkawala ng kapatid ko. Ika-lima, hindi naman ako talaga napahamak pero kamuntikan lang kaya naman isasama ko na rin sa listahan. Kasama ako sa limang na-hostage sa loob ng bangko. Noong mga sandaling iyon, iniisip ko na sa dinami dami ng araw bakit iyong araw pa na iyon naisipan nilang pasukin ang bangko. Kung kailan na nandoon pa ako. Wala rin naman napahamak sa amin pero maraming sugatan kabilang na ako dahil sa granadang pinasabog ng mga hostage taker. Sa hospital ulit ang bagsak ko. Kung wala man ako nakaligtaan, ito ang pang-anim, meron isang miyembro ng sindikato na nag-frame up sa akin, ang dahilan niya, naiinggit siya sa akin dahil mas nauna nga naman siya sa akin pero mas ako ang laging pinatatawag ni boss. Hindi ko na masyadong idedetalye pero nahulog ako sa bitag niya at sinimulang i-torture sa loob ng isang linggo. Akala siguro niya ay patay na ako kaya pinatapon na niya ang katawan ko. Hinang hina na rin kasi talaga ako noon, ang nakakita sa akin ay si Angelica Cass. Siya ang nag-alaga sa akin hanggang sa bumalik ang lakas ko. Hindi ko sinabi kay boss ang tungkol sa ginawa sa akin ng isa sa mga miyembro niya, binalikan ko ito at natakot sa akin dahil akala niya isa na akong multo. Nakalimutan ko na kung anong ginagawa ko sa kaniya pero sigurado akong hindi niya nagustuhan iyon. Hindi ko ugaling maghiganti, binabalik ko lang kung anong ginawa sa akin. Kung naging mabait ang isang tao sa akin, pakikitaan ko ng kabaitan, pero kung pakikitaan ako ng kasamaan, wala akong pakialam basta huwag lang niyang haharangan ang dadaan ko. At sa kondisyon ko ngayon, itong Henry Cabral na iyon, akala niya kung sino siya. Magpasalamat siya, mabait na ako ngayon. At magpasalamat siya kasi… love ko siya. “What’s with that big smile?” Tanong sa akin ni Angelica. Napangiti kasi ako ng malaki ng mabanggit ko sa akin isipan na love ko siya. Hindi si Angelica, pero love ko pa rin naman siya pero hindi romantically. Love ko siya bilang kaibigan. At malaki nga ang utang na loob ko sa kaniya. Kung hindi niya ako natagpuan baka ginawa na akong hapunan ng mga asong naglalaway. Para kasi akong kinatay na karne sa kondisyon ko noon. “Natural lang na ngumiti ako ng ganito kasi nakita kita ulit. Tara rito.” Sabi ko at inalok ko bukas kong mga kamay. Lumapit siya sa akin ay kaagad ko siyang niyakap ng mahigpit. Medyo napapatagal ang pagkakayakap ko sa kaniya. Gusto ko lang kasi ng taong makakayakap ngayon, kailangan ko ng kayakap. Kung walang yayakap sa akin o kung wala akong mayayakap baka mamaya, maaksidente na naman ako.  Habang mahigpit ang pagkakayakap ko sa kaniya, ang tanging naiisip ko sa mga sandaling ito ay si Henry Cabral. Hindi naman niya kailangan na talikuran ako at umalis ng bahay. Hindi niya kailangan gawin iyon. Nasaktan ako sa ginawa niya. Ang dami dami ko ng pinagdaanan pero hindi ko kaya itong sakit na pinaramdaman niya sa puso ko. Durog na durog ako. Para na rin niya akong pinatay. Gagong bakla na iyon, lakas ng loob na i-basted ako! “Okay. Nasasakal na ako sa yakap mo. Masyado mo naman ata akong na-miss.” Marahang inilalayo ni Angelica ang sarili niya sa akin hanggang sa magkahiwalay kaming dalawa. Napatingin siya sa mukha ko, “…umiiyak ka ba?” “Ha? Ako iiyak? Bakit naman ako iiyak?” Sabi ko pa, sabay punas sa mata, “…napuwing lang ako, maingay kasi rito.” “Anong koneksyon ng ingay sa puwing?” Pagkalitong tanong niya na kahit ako nalito ako sa sinabi ko. Napatingin siya sa bartender, “…kanina pa ba umiinom itong lalaking ‘to?” Tinignan ko ng masama ulit ang bartender. Bigla akong tinapik ni Angelica sa braso ko, “…ano ka ba! Tigilan mo nga iyang scary look mo. Lahat na lang tinatakot mo.” “Ano bang masama sa itsura ko para katakutan niyo? Mukha ba akong demonyo?” “To be honest, mukha kang lasing na demonyo. Tama na sa kakainom. Baka mamaya maaksidente ka naman. Siyam lang ang buhay ng pusa, ilang buhay na ang nawawala sa iyo.” “Akala ko ba demonyo ako, ngayon pusa na? Ano ba talaga. Pero----alam mo, nandito ka na rin naman, sabayan mo na akong uminom. Birthday ko ngayon kaya umiinom ako.” Tumingin ako sa bartender, “…bigyan mo pa kami.” “Alam ko kung kailan ang birthday mo Prince.” “Ivan. Huwag mo akong tatawagin Prince. Hindi bagay sa akin.” “Whatever.” Sinalinan ulit ng alak ang baso ko at binigyan si Angelica. “Ikaw, anong ginagawa mo rito? Akala ko nasa ibang bansa ka? Hindi ko na matandaan kung kailan iyong huling kita natin.” Tanong ko sa kaniya na parang ang layo ng tingin. Hindi pala malayo, nakatingin siya sa isang partikular na grupo na narito ngayon. Hindi niya ako sinagot kaya naman nag-snap ako ng daliri sa harapan niya. “What are you saying?” Tanong niya na parang nasa outer space rin pala ang utak niya. “Sabi ko bakit ka nandito ngayon? At sino ba iyong tinitigan mo?” Tanong ko, nilingon ko ang gawi ng tinitignan niya, “…oh, hindi ko alam na nagiging babae ka na ngayon. Kailan pa?” “Baliw ka talaga. Hindi ka pa rin nagbabago, maloko ka pa rin.” “Sa iyo lang naman ako ganito.” Sagot ko kaagad. Napatingin siya sa akin. Hawak hawak lang niya ang baso niya. “Tibo pa rin naman ako. Hindi naman mababago iyon, pero nagkaroon ako ng boyfriend at nalaman kong nandito siya ngayon.” “Hmmm… hindi naman siguro ako ang tinutukoy mo no?” “Baliw. Hindi porket ikaw ang lalaking nakauna sa akin, may relasyon na tayo.” “Pero aminin mo, hinanap hanap mo no? Kaya ka nag boyfriend.” Tinaas-taas ko pa kilay ko. Umikot lang ang mata niya. Muli siyang tumingin sa grupo ng pinagmamasdan niya, “…hindi ko sila kilala pero sabi nitong bartender, kilala raw iyan si Nick. Huwag mong sabihin na dahil sa akin, nahilig ka na sa mga bad boy looking.” Pagpapatuloy ko at bigla niya akong kinurot sa tagiliran. Natapon tuloy ang alak sa baso ko at nabasa ang tshirt ko. “Alam mo siguro nga tama ka, ng dahil sa iyo kaya ako nahilig din sa mga kagaya mo. Nick was my ex. But I still love him that’s why I am here.” “Wow.” Nagkatinginan pa kami ng bartender pero natatawa ako sa binitawan salita ni Angelica. Boyish kasi siya, matapang, palaban at parang ngayon ko lang narinig sa kaniya ang salitang love. Bigla siyang tumayo. Nilagok niya muna ang alak sa baso niya. Inayos ayos niya pa ang sarili niya. Halos parehas lang kami ng suot. Puting t-shirt na pinatungan namin ng itim na leather jacket. Iyong pantalon niya, parang leather din at red booths. Nagsimula siyang maglakad papalapit sa mesa nila Nick. Inikot ko ang upuan ko at pinanuod ko siya ng biglang meron nagpaputok ng baril dahilan para magkagulo ang mga tao. “Hindi talaga mawawalan ng epal sa mundo.” Ang tanging nasabi ko na lang.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD