PUPUNGAS-pungas nang magising si Hannah kinaumagahan. Halos sabay na tumunog ang alarm clock, telepono at ng kanyang cell phone. Tinatamad na inabot niya ang alarm clock na nakapatong sa bedside table at in-off ito.
Tumigil na rin sa pagtunog ang kanyang cell phone at telepono kaya muli siyang nagtalukbong ng kumot. Muli siyang hinila ng antok, ngunit muling tumunog ang kanyang cell phone.
"Hmp!" Inis na bumangon siya at inabot ang kanyang cell phone. Ang kaibigan niyang si Setti ang tumatawag. "Setti, napatawag ka?"
"Kumusta ka, friend?"
Napakunot-noo siya sa tanong na iyon ni Setti.
"Okay lang naman ako, why?"
"Kanina pa kami tumatawag sa 'yo ni Veronica. Nag-aalala lang naman kami sa 'yo."
Weird? hiyaw ng isang bahagi ng utak niya. Mahina siyang tumawa.
"Actually, natutulog pa ako nang tumawag ka. Saka ayos lang naman ako."
"Thanks, God!"
Narinig niya ang mahinang buntong hininga ni Setti na lalong ipinagtaka niya. "Ang weird mo," natatawang sabi pa niya.
"Eh, alam naman naming hanggang ngayon ay affected ka pa rin sa paghihiwalay n'yo ni Froilan. Nag-alala kami na baka lalo kang nasaktan dahil sa mga pinahayag ng lalaking 'yon sa interview kagabi."
"Interview?" Tuluyang nagising ang diwa niya.
"Yes," sagot ni Setti. "Alas nueve siguro ng gabi. Napanood ko ang interview ng magaling mong ex-boyfriend!"
Napabuga siya ng hangin. "Kung tungkol sa upcoming movie ang interview sa kanya ay hindi ako affected. Hindi na ako interesadong ituloy pa ang character ko bilang isang cast ng 'Summer Love.'"
"Hindi mo napanood ang interview niya kagabi, 'no?"
"No. Why?"
"Mag-open ka ng isa sa social media account mo."
"Bigla akong kinabahan sa 'yo, Setti," totoo ang sinabi niya. Dahil biglang may gumuhit na kaba sa kanyang dibdib.
"Sige, paalis kami ni kuya ngayon. Tawagan na lang kita mamaya," paalam sa kanya nito.
"Wait–" Subalit nawala na sa kabilang linya ang kaibigan.
Kinakabahan man si Hannah ay nagawa niyang mag-online sa Instafan account. Sunod-sunod ang datingan ng mga mensahe sa kanya mula sa kanilang fansclub ni Froilan.
"Manloloko!"
Nasapo ni Hannah ang tapat ng kanyang dibdib dahil sa nabasa. Maraming galit sa kanya sa hindi malamang dahilan.
"Hannah Lindsey, malandi!"
"Two timer!"
"Manloloko!"
"Laos!"
Nag-inhale at exhale siya. "What on earth is happening?"
Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng mga mensaheng natanggap. Lahat ng mga nabasa niya ay hindi maganda. Sinabihan pa siyang laos at deserving na hindi naging bida sa upcoming movie, 'Summer Love'.
Hindi niya tinapos ang pagbabasa ng mga mensahe. Mga pictures naman sa Instafan ang tinignan niya sa newsfeed. Puro mukha niya ang kanyang nakikita na ang iba'y pinagkatuwaan pang gawing memes.
Nakita niya ang video ng interview ni Froilan.
"No!" Hindi niya napigilan ang sariling maiyak sa napanood. Kaya pala kinumusta siya ni Setti hinggil sa interview na 'yon. Kaya pala maraming galit sa kanya dahil binaliktad siya ni Froilan. Pinalabas ng lalaki na niloko niya ito.
"How dare you, Froilan!" Gigil ibinato ni Hannah ang hawak na cell phone. Tumama iyon sa saradong pinto ng silid niya.
Hindi pa nga siya maka-move on sa ginawa nitong panloloko sa kanya, heto't nilagay na naman siya sa isang sitwasyong puro kasinungalingan.
Sobrang napakasakit! Hindi man lang niya naisip na magagawa sa kanya iyon ng lalaking minahal. Naging tikom ang bibig niya sa panloloko nito sa kanya dahil ayaw niyang madungisan ang pagkatao nito sa showbiz. Dahil kahit sinaktan siya ni Froilan, inalala pa rin niya ang career nito. Tapos ngayon ganito ang magiging kapalit sa pananahimik niya?
Hindi siya makakapayag!
AGAD in-off ni Amor ang telebisyon nang makita ang anak na pababa ng hagdan. Ayaw nitong makita ng anak ang mga nasa celebrity news.
"Good morning, Ma," bati ni Hannah sa ina. Humalik muna siya sa pisngi nito bago muling nagsalita. "O, bakit pinatay mo ang telebisyon, Ma?"
"Ha?" Agad nag-isip si Amor ng idadahilan sa anak. "Wala naman magan–"
"Ma, don't worry. Alam ko na," tukoy niya sa celebrity news na napanood nito kanina. May pa 'The Who?' kunwari, obvious namang siya ang tinutukoy ng celebrity anchor sa kabilang channel. Blurred ang mukha niya sa ipinakitang litrato sa TV screen pero binanggit naman na long-term girlfriend ng actor na si Froilan Dantes. "Aalis muna ako, Ma."
"Saan ka naman pupunta?" nagtatakang tanong sa kanya ng ina. "Akala ko ba'y ayaw mo munang lumabas?"
"Itatama ko lang ang mali, Ma."
Nahulaan naman ni Amor kung ano ang ibig sabihin ng anak. Napatingin naman si Hannah sa kamay ng ina nang hawakan nito ang isang braso niya.
"Anak, huwag mo na lang patulan. Lilipas din naman 'yan. Makalilimutan rin ng mga tao ang gusot na kinasadlakan mo ngayon." Pinisil-pisil pa ni Amor ang palad ng anak.
"No, Ma!" matigas na sagot niya. "Sumosobra na ang lalaking 'yon! Hindi pa siya masayang nasaktan ako. Tapus ngayon nilaglag niya ako para lang sa kanyang sarili? Para pagtakpan ang relasyon nila ni Maricar Asuncio at nang sa gano'n ay sa 'kin magalit ang netizens. Para palabasin na ako ang masama!"
"Samahan na lang kaya kita, anak?"
"Hindi na po, Ma. Sige, aalis na po ako."
Tumalikod na siya. Malalaki ang hakbang na tinungo ang pinto ng bahay nila.
"Anak!" Napalingon siya sa kanyang ina nang marinig ang pagtawag nito. "Mag-almusal ka muna"
"Hindi na po, Ma."
"Hindi, puwede! Hintayin mo ako. Magdala ka ng sandwich at hot coffee. Kailangan may laman ang sikmura mo't baka kung ano ang lumabas sa iyong bibig mamaya."
Pasimple siyang natawa sa sinabi ng kanyang ina. Sasagot pa sana siya pero nawala na ito sa harapan niya. No choice, kaya hinintay niya ang kanyang ina.
Hindi naman nagtagal ay nakita niya ang ina at may dala itong isang maliit na paper bag.
"Anak, kainin mo ito habang nasa biyahe ka, huh? Ang coffee, hindi masyadong mainit kaya maiinom mo agad."
"Salamat po, Ma." Inabot niya ang paper bag mula rito. Muli siyang humalik sa pisngi ng ina at tinungo ang garahe.