"Do I look, okay?" nanginginig ang boses na balik-tanong niya kay Danica. Pinilit niyang huwag maiyak sa harapan nito kahit naninikip ang kanyang dibdib dahil sa labis na sama ng loob.
Masama ang loob niya sa lalaking minahal. Dahil sa lalaki ay nagawa siyang saktan ng mga taong minsa'y nagmahal sa kanya. Tiyak, siya na naman ang nasa celebrity news at number one trending sa lahat ng social media. Iyon ay dahil sa nangyaring pananakit sa kanya ng fans ng 'love team' nila ng dating nobyo. Naging katawa-tawa siya!
Bigla siyang nakaramdam ng habag sa sarili.
"Binalaan na kita, Miss Hannah. Nasaktan ka pa tuloy," apologetic na turan nito sa kanya.
"Bakit gano'n, Danica? Ako na nga ang niloko, ako pa ang lumabas na masama sa mga tao." Nakagat niya ang ibabang bahagi ng kanyang labi upang pigilan ang luhang kanina pa gustong umalpas. "Nagmukha tuloy akong tortang itlog na may kamatis. Nakakadiri! Sirang itlog pa talaga ang ibinato sa 'kin, nakakasuka ang amoy!"
Pigil naman ni Danica ang matawa dahil sa sinabi niya.
"Gusto n'yo ho bang ako ang mag-drive para sa 'yo, Miss Hannah? Ihahatid kita sa bahay n'yo."
Sandaling napatitig siya sa mukha nito. Saka pilit na ngumiti. "No, thanks. Okey na itong nagmukha akong tortang itlog, kaysa naman mabasag pa ang mukha ko kapag naaksidente tayo."
"Grabe ka naman, Miss Hannah. Marunong naman ako magmaneho ng sasakyan. 'Yon nga lang, 'di bihasa."
"I appreciate your concern. Thank you, Danica. If you get out of my car here, maybe someone will throw eggs and tomatoes, I will get hit in the forehead again. So, I'll drop you off not far from the studio."
Tumango naman ito.
In-start na nga ni Hannah ang engine ng sasakyan. Narinig pa niya ang kalampagan sa bubong at pagkatok sa bintana ng kotse niya. Ang ibang press ay humarang pa sa daraanan niya. Marahil sa takot na baka totohanin niyang banggain ang mga ito'y gumilid din naman.
HINDI agad umuwi sa bahay nila si Hannah. Dumaan siya sa condo ni Froilan pero wala na raw ito roon. Tinawagan niya si Danica para tanungin kung may alam ito kung saan ngayon nakatira ang actor.
"Si Ms. Rebecca ay naka-leave. Pero nakasalubong ko sa lobby ang make-up artist ni Sir Froilan," pabatid sa kanya ni Danica sa kabilang linya.
"May nakuha ka bang impormasyon kung saan ngayon nakatira si Froilan?"
"Opo, Miss Hannah," pabulong na sagot nito. "Narito po ang address. Snow Condominium Building, Unit 4-B, Quezon City."
Napatango-tango siya kahit hindi niya kaharap ang kausap.
"Thank you, Danica. Malaking tulong itong ginawa mo sa 'kin. Hayaan mo't makababawi rin ako sa 'yo."
"Ano ka ba, Miss Hannah? Balewala lang po ito sa mga naitulong mo sa 'kin."
"Alright, I'll end this call. I'm going to his condo now."
"Mag-ingat po kayo sa biyahe, Miss Hannah. Mag-text lang kayo sa 'kin kung kailangan n'yo ng backup."
Natawa siya sa sinabi ni Danica. Pagkatapos niyang magpaalam ay in-end call na nga niya ang pag-uusap nila. Napabuntong-hininga siya habang seryosong nagmamaneho. May naisip na siyang paraan kung paano makaganti kay Froilan.
Ilang oras din ang naging biyahe niya papuntang Quezon City. Hindi naman siya tinanong ng security guard kung saan siya patungo nang makarating siya sa lobby ng condominium complex. Akala siguro nito'y doon siya nakatira. Lihim siyang natuwa dahil hindi niya na kailangan humabi ng kasinungalingan kung ano talaga ang sadya sa lugar na iyon.
Mixed emotion ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Pagkasabik na muling makita ang dating nobyo at ang nadarama niyang pagkamuhi rito. Pinangako niya sa sariling hindi na ang puso ang pakikinggan ngayon, kundi ang utos ng isip. Patong-patong ang sakit na ipinadama ni Froilan sa kanya.
Lumabas ng elevator si Hannah sa fourth floor at agad tinungo ang unit 4-B. Hinanda rin niya ang kanyang cell phone at nag-live siya sa fizbook. Isinuksok niya ang cell phone sa loob ng suot niyang white tube top na pinatungan ng maong na jacket. Sinigurado niyang hindi ito makikita ni Froilan.
Makailang ulit na pinindot ni Hannah ang doorbell. Walang nagbukas ng pinto. Sandali siyang naghintay.
No! usal niya sa isip. Hindi puwedeng wala roon si Froilan. Ayaw niyang masayang ang pagkakataong iyon.
Inis na muli niyang pinindot ang doorbell. May narinig siyang mga yabag na papalapit sa pintuan kaya lihim siyang natuwa.
Isang babae ang nagbukas ng pinto at pareho silang nagulat. Nakasuot lamang ito ng bra at sexy G-string thong panty. Magulo ang kulot nitong mahabang buhok na parang nakipaglampungan sa isang dosenang maligno.
"Love, sino ba'ng istorbo na iyan?" tanong mula sa loob ng suite. Nakilala niya ang boses ng lalaki. Si Froilan.
Pinasibad ni Hannah ang paningin sa kabuuan ng babaeng kaharap, walang iba kundi si Maricar. Tingin pa nga niya ay ipinagmamayabang sa kanya ang taglay nitong kaseksihan.
Who cares? sa loob-loob niya. Sexy rin naman siya. Kung tutuusin ay higit na sexy siya sa kaharap. Kung dibdiban ang labanan, tiyak na maghahanap ito ng malaking size ng bra.
Awtomatikong nagtikwasan ang mga kilay niya dahil sa pumapasok sa isipan. Malamang, katatapos lang mag-sexy time ng dalawa.
Napabuga siya ng hangin. Bakit ba paulit-ulit na lang kusang kumikirot ang puso niya tuwing pumapasok sa isip ang ginawang romansahan ng dalawa sa kama?
Erase, erase, erase! Hindi siya naroon para mag-emote.
Nakita niya ang sumilay na ngiti sa mga labi ni Maricar. Parang kontrabida ito sa paningin niya
"Love, guess who's here?" sa malanding boses na turan ni Maricar.
Saglit pa'y lumapit na rin sa pintuan si Froilan, nakasuot lamang ito ng brief. Tulad ni Maricar, magulo rin ang buhok nito. Dinampot pa ng lalaki ang tuwalyang nasa sahig at pinulupot sa baywang.
"Hannah?" May pagtataka sa mukha ni Froilan nang makita siya.
"Yes, ako nga!" mataray niyang sagot. "Surprise!"
"Ano'ng ginagawa mo rito?" balik-tanong nito. Nakita niya ang pagyakap nito sa baywang ni Maricar.
Ang manhid talaga! Hindi man lang naisip ng lalaki kung ano ang maaari niyang maramdaman lalo na't dati siya nitong karelasyon.
"Kailangan pa ba itanong 'yan, love?" singit ni Maricar. "Head over heels yata ang pagkagusto sa 'yo ng desperadang babaeng 'yan."
Ngumisi naman si Froilan sa sinabi ni Maricar. Muli itong humarap kay Hannah. "Don't tell me, hindi ka pa rin maka-move on sa nangyaring hiwalayan nating dalawa?"
"Wow! Sabagay, libre lang naman mag-ilusyon," inis na reaksyon ni Hannah. "Narito ako para makausap ka ng personal. Bakit sinabi mo sa interview na masama akong babae? Na nahuli mo raw akong may ibang ka-date?"
Hindi niya nagustuhan ang ginawang paghalakhak ni Froilan. Bumitiw ito sa pagkakayakap kay Maricar.
"Because I want you to get out of my life!" tahasang sabi nito.