Kabanata 15

1356 Words
"GOD! Anong mangyayari sa career nating dalawa, ha?" Hindi pa rin mapakali si Maricar. "Can you please sit down? Nahihilo ako sa palakad-lakad mo," sita ni Froilan sa nobya. "Blanko pa ang isip ko. Hindi ko alam kung bakit may mga press sa labas ng suite." Naupo naman si Maricar sa sofa sa tabi ni Froilan. "Tawagan mo kaya si Miss Rebecca, sabihin mo sa kanya ang sitwasyon natin dito." "Tama!" sang-ayon ng lalaki at tinungo ang kinalalagyan ng telepono. "You are very unprofessional!" ito agad ang bungad kay Froilan ni Miss Rebecca. "Gagawa ka ng maling desisyon pero hindi mo kayang lusutan!" "Miss Becca, hindi ko alam kung bakit maraming press sa labas ng suite." Narinig ni Froilan ang marahas na pagbuga ng hangin ng kausap. "Hindi mo alam ang dahilan?" tila inis na sabi ng nasa kabilang linya "Iyan ang tinatawag na karma, Froilan!" "Please, hindi ko kailangan ng sermon ngayon. Kailangan mapaalis ang mga press sa labas." "Sumasakit ang ulo ko sa 'yo. Hindi ka kasi nakikinig sa binibigay kong mga instructions sa 'yo. Wala naman sa usapang sisiraan mo sa interview si Hannah." "Iyon ang naiisip kong paraan para malihis ang mga katanungan ng mga press at netizens kapag nalaman nila ang tungkol sa amin ni Maricar. Gumana naman ang paandar ko, 'di ba? Si Hannah ngayon ang pinag-uusapan ng mga tao sa lahat ng social." "Froilan!" gigil na sambit ni Miss Rebecca. "Isang scandal ang ginawa mo kay Hannah. Kinuyog siya ng netizens kahapon sa TVC studio! Masisira ang career mo at 'yon ay dahil din sa 'yo. Nagawa mong ibaling kay Hannah ang atensyon ng mga netizens pero panandalian lang. Ngayon, kayo ni Maricar ang laman ng talk shows sa telebisyon, viral sa social media at maging sa mga tabloid!" "I'm sorry. Ang kailangan namin ngayon ay tulong, Miss Becca. Hindi kami makaalis ng suite hangga't nasa labas pa ang mga press," mapagkumababang wika ni Froilan. "I promise, I'll fix it." "Alright. All you have to do is stay inside your unit. I'll be there in an hour, I'll bring some policemen to get rid of them," pagsuko nito. "Stop your nonsense and don't make another scene that will ruin your career. Get it?" "Yes. Thank you." Nang mawala sa kabilang linya si Miss Rebecca ay nilapitan ni Froilan si Maricar. Tila nakakita ng multo ang babae habang nakatutok ang paningin sa screen ng cell phone. "It can't be!" umiiling ang ulo na bulalas ni Maricar. "Bakit, ano ba iyan?" Bilang tugon ay inabot ni Maricar sa nobyo ang cell phone at inis na nagsalita. "Watch it!" Iyon nga ang ginawa ng lalaki. Mariin na ikinuyom nito ang mga kamay habang pinapanood ang viral video sa social media. "Ngayon, alam mo na ang dahilan kung bakit maraming press sa labas! Pahamak talaga ang ex-girlfriend mo!" "Puwede ba? Huwag muna natin pagtalunan ang tungkol dito. Napanood mo naman ang video 'di ba? Sa mismong bibig mo nanggaling ang salitang may nangyari sa atin at malinaw na naririnig sa live video ni Hannah." Halata sa tono ng boses ni Froilan ang pagkairita. Muli naupo ito sa sofa. "Kailangan nating magtulungan para makaalis sa isyung ito." Hindi umimik si Maricar. Pasalampak na umupo sa sofa. "Halika nga rito," tila paglalambing ng lalaki, inakbayan ang nobya. "Maayos din ang gusot na ito." Tumango-tango naman ang babae, isinandal ang ulo sa matipunong dibdib ni Froilan. KUNG si Duwayne ay nagulat nang magising, kabaliktaran naman 'yon ng nararamdaman ni Hannah. "Mang Roberto, ano'ng nangyari? Bakit kasama pa rin natin ang babaeng ito?" Hindi maitago ang pagkadismaya sa mukha ng lalaki. "Sir, pasensya na po," hinging paumanhin naman ng drayber. Mahigpit na hawak ng matanda ang manibela. Itinabi nito ang sasakyan sa gilid ng kalsada. "Sinubukan kitang gisingin kagabi pero sabi mo'y huwag kang istorbohin. Kaya itinuloy-tuloy ko na lang ang pagmamaneho hanggang makarating tayo sa Matnog." Matnog –daungan ng mga barko kung saan makikita ang mga nakaparadang ferry boat. "Sana ginising mo na lang ako kaysa makasama ko ang babaeng ito," halos pabulong na sabi ni Duwayne. Hindi nakaligtas sa matalas na pandinig ni Hannah ang sinabi nito. "Nasaan po ba tayo, Mang Roberto?" singit ni Hannah sa pag-uusap ng dalawa. Hindi mapagkit ang paningin niya sa malawak na karagatan. May nakita siyang anim na ferry boat. Itinuro niya ang isa. "Saan galing ang isang barko na iyon at tila maraming sakay na pasahero?" "Narito po tayo sa Matnog, ma'am. Ang mga barkong nakikita n'yo, iyan ang sakayan ng mga tao na papuntang Samar province at pabalik sa Manila." "Talaga?" tuwang bulalas ng dalaga. "Ibig sabihin wala na tayo sa Manila? Yes!" "Anong yes?!" mabilis na reaksyon ni Duwayne. "Isasama ka ni Mang Roberto pabalik sa Manila." Napangiwi naman si Hannah sa sinabi ni Duwayne. Nakasimangot na pinagmasdan na lamang niya ang dalawang lalaki habang nag-uusap. Hanggang sa maisipang pumuslit sa kotse. "Mang Roberto, isama mo siya pagbalik sa Manila." Tukoy ni Duwayne sa babae. "Yes po, sir. Pero ihahatid ko muna kayo hanggang sa bayan ng Allen." "Hindi na kailangan. Sasakay na lang ako ng bus. Ang mahalaga ay kasama mo ang babaeng 'yan pabalik–" Gulantang si Duwayne, wala na ang babae sa tabi niya. "Nasaan na ang babaeng iyon?" "Naku! Nasalisihan ka, sir!" Pigil ni Mang Roberto ang sariling matawa. Ang totoo ay nakita nito sa side mirror ng kotse nang bumaba ang babae. Alam naman nitong hindi rin makakatiis ang amo. Hindi nakasagot si Duwayne. Hindi maipinta ang mukha nang bumaba siya ng kotse. Lakad-takbo ang ginawa habang hila-hila ang kanyang trolley luggage bag. Tanaw niya ang babae na nakikipag-usal sa isang lalaking mataba na may hawak ng ferry boat ticket. "Please, pasakayin mo na ako sa barko. Naiwan ang bag ko sa kotse ng kasama ko at naroon po ang wallet ko. Sige na po, sir…" pagsusumamo pa ni Hannah. Lihim din siyang nagpasalamat dahil halatang hindi siya nakilala ng kausap na isa siyang artista. "Pasensya na talaga, Miss Ganda. Pero hindi talaga puwede, e. Trabaho lang po. Kapag kasi pinagbigyan kita, magiging masama ako sa paningin ng ibang mga pasahero." Natigilan si Hannah nang may biglang humaklit sa isang braso niya. Bigla ang sulyap sa taong may hawak sa kanya. Si Duwayne ang nakita niya, gusot ang mukha nito. Alanganin ang ngiting sumilay sa labi niya. H-hi! Ikaw pala, Duwayne." "Bakit ba ang tigas ng ulo mo, ha?! 'Di ba sinabi ko nang hindi ka pwedeng sumama?" "Mag-lover's! Huwag kayong mag-away. Mahaba ang pila at nagmamadali kaming makarating sa aming pupuntahan!" sigaw ng isang babae. "Oo nga!" hiyawan din ng ibang naroon. Tiim-bagang tinitigan siya ni Duwayne. Lumaban siya ng titigan. "A-aray ko naman!" hiyaw niya. Hinatak kasi siya nito. "Bitiwan mo nga ako!" "Ihahatid kita sa kotse!" anito, saka binitawan siya. "Kailangan ibalik ka ni Mang Roberto sa Maynila!" "Ayoko nga, e!" matigas niyang sabi. "Besides, I'm not coming with you. I'm going to look for a house where I can stay for a while. I have some money in my bag and I left it in your car." "Is that so? Come on, get your bag from my car," ani Duwayne, may namumuong plano sa isip. Kung pwedeng gumamit siya ng puwersa, maipasok lang sa loob ng kotse ang babae ay gagawin niya makabalik lang ito sa Manila. Biglang nagliwanag ang mukha ni Hannah sa tuwa sa pag-aakalang pumapayag ang lalaki na makasama siya sa pupuntahan nito. Naunang naglakad si Duwayne habang nakabuntot naman si Hannah. "Mang Roberto!" sigaw ni Duwayne sa kanyang driver. Mukhang paalis na ito. "Sandali!" "My bag!" nanlalaki ang mga matang bulalas ni Hannah. "My money!" "Hindi pa nakakalayo si Mang Roberto. Halika, habulin natin siya," suhestiyon ni Duwayne. Mabilis na hinubad ni Hannah ang stilletos nang makitang tumakbo si Duwayne. Tumakbo rin siya para habulin ang papalayong kotse. "Kailangan ko ang bag ko!" sigaw ng dalaga habang nakataas ang dalawang kamay at iwinagayway sa ere ang hinubad na stilletos. Oh, no! Nawalan na nga siya ng cell phone, mawawalan pa yata siya ng pera! Paano na siya ngayon? hiyaw ng isang bahagi ng utak niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD