Kabanata 17

1348 Words
NAKATUON ang mga mata ng mga naroon sa nagsalita. "Miss De, hindi naman natin kailangan magsisihan pa. Nangyari na ito. Hindi ba dapat ay magtulungan na lang tayo?" mahinahong saad ni Miss Rebecca. "Alam nating parehong may kasalanan silang dalawa. Hindi sila naging maingat. Hayan, sila ngayon ang pinag-uusapan ng mga tao." "Kailangan makausap n'yo sa mas madaling panahon si Hannah Lindsey. Kausapin n'yo siya hinggil sa live video na ngayon ay trending sa buong pilipinas. Palabasin nating edited 'yon. Subalit, kailangan ding makipagtulungan sa 'tin si Hannah." Sandaling napatitig si Miss Rebecca kay Lady Z. "Kilala ko si Hannah. Natitiyak kong hindi siya papayag." "Gawin ang lahat ng paraan na alam n'yo, mapapayag lang siyang aminin sa publiko na edited ang video," si Lady Z, ulit. "At kung hindi n'yo siya mapapayag, wala tayong choice kundi ibalik si Hannah Lindsey sa cast ng Summer Love. May posibilidad na siya ang maging kapareha muli ni Froilan. Si Maricar naman ang papalit sa role ni Hannah bilang isang kontrabida." "Maganda ang idea mong 'yan, Lady Z," sang-ayon ng direktor. "Na kay Hannah ang simpatya ng mga tao ngayon. Bagay rin ang karakter na kontrabida kay Maricar, 'yon naman ngayon ang tingin sa kanya ng mga netizens. Iyan lang din ang nakikita kong paraan para matapos na ang pelikula." "No!" tanggi ni Maricar. "Hindi ako makapapayag na magpalit kami ng role ng babaeng 'yon!" "Maricar, hindi lahat ng bidang artista ang nagiging best actress. Karamihan ngayon, nagiging best actress ang mga kontrabida." "Pag-uusapan muna namin ng alaga ko ang tungkol sa option na 'yan," nakairap na sabi ni Miss De. "Let's go, Maricar. Let's get out of this room." Nagdadabog na tumayo si Maricar. Nasundan na lang ng tingin ng mga naiwan sa loob ng silid na iyon ang dalawa. "The meeting is over," pagtatapos sa usapan ni Lady Z. Humarap ito kay Miss Rebecca. "Ipapatawag ko na lang ulit kayo. Pero sa ngayon, kailangan mahanap n'yo si Hannah. Pag-usapan n'yo ni Froilan kung anong hakbang ang inyong gagawin." "Yes, Lady Z." Sumenyas si Rebecca sa actor, na nanatili pa ring nakaupo. "May mahalaga tayong pag-uusapan, Froilan." Huminga nang malalim ang actor bago tumayo. Mabigat ang mga hakbang na sinundan nito ang talent manager. ISANG oras din ang naging biyahe sa barko bago nila marating ang unang bayan ng Northern Samar. Sobrang namangha si Hannah sa mga nakikita. Maraming bilihin na pasalubong gaya ng mga pili nuts, isdang bagoong, tuyong pusit at isda, local biscuit at iba pa. Bumili ng ilang pasalubong si Duwayne. Ibinili rin siya nito ng ilang damit na maisusuot at mga undies. Nagkahiyaan pa nga silang dalawa nang makita niya ang ilang pirasong bra na binili nito. "I don't know your size," tukoy pa ni Duwayne sa dibdib ng babae na hindi masambit. "But I think, it fits on you." Ramdam ni Hannah ang pag-init ng magkabilang pisngi niya. Nakaramdam siya ng pagkahiya sa lalaki nang ipakita naman nito sa kanya ang ilang pirasong underwear. Hindi sexy ang dating ng mga 'yon, pero nakakahiya pa ring isiping parang nakikita nito ang pinakatago-tago niya. "Give me those! Huwag mo nang bulatlatin at nakakahiya!" Mabilis na inagaw ni Hannah sa kamay ni Duwayne ang kulay itim na underwear. Lihim na natatawa si Duwayne sa naging reaksyon ng babae. Cute! Pagkatapos nilang mamili ay muli silang sumakay ng bus. Habang nasa biyahe, nakaramdam ng pagod at pagkahilo si Hannah. "Gising!" Mahinang tampal sa kanang pisngi ang gumising kay Hannah. Hindi niya namalayan nakatulog pala siya sa biyahe. "Nandito na tayo sa bayan ng Carmona." Gamit ang likod ng palad ay pinunasan ni Hannah ang gilid ng kanyang labi sa isiping baka tumulo ang laway niya habang natutulog kanina. "Malapit na ba ang bahay ng lola mo?" tanong niya kay Duwayne. "Isang sakay pa," sagot naman ni Duwayne. "Ilang oras ulit ang biyahe?" "Napapagod ka na ba? Ikaw ang nagpumilit na suma–" Itinapat ni Hannah sa mukha ni Duwayne ang hawak na supot para pigilan ito sa pagsasalita. "Exciting nga ang biyahe natin, e. I love it!" sarkastikong sagot niya. "Carmona Luisita!" sigaw ng driver. "Come on, we're here." Lihim na nagpasalamat si Hannah sa ginawang pag-alalay sa kanya ni Duwayne na makababa ng bus. Mukhang sinapian ng mabuting asal ang lalaki. Hindi niya naiwasang hilingin na sana'y 'wag muna umalis ang sumapi rito. May nakita siyang waiting shed na gawa sa kawayan. Naglakad sila patungo roon. Hinihintay nila ang sinasabi ni Duwayne na susundo sa kanila para ihatid sa Maxvilla Masayahin. Kanina pa niya hinahanap ang daan na maari nilang daraanan pero ang nag-iisang eskinita lang ang kanyang nakita. May naririnig siyang mga yabag na tila mabigat. Hinanap niya kung saan 'yon nanggagaling. "Nariyan na ang sundo natin," pabatid sa kanya ni Duwayne. Nagpatiuna itong maglakad. Hindi agad nakahuma sa kinatatayuan niya si Hannah. Nanghuhula pa siya kung ano ang gagamitin nilang sasakyan papunta sa Maxvilla Masayahin. "Ano pa'ng tinatayo-tayo mo? Gusto mo bang maiwan mag-isa rito sa shed?" "Sandali lang!" Lakad-takbo ang ginawa niya para makalapit kay Duwayne. Napasigaw pa siya sa gulat nang marinig ang atungal ng kabayo. "Sasakay tayo sa kabayo," pabatid sa kanya ni Duwayne. Napamaang si Hannah. Napaluno siya habang nakatingin sa dalawang kabayo na parehong may sakay. "S-seryoso ka?!" "Mukha ba akong nagbibiro?" Nakangising tinitigan siya nito sa mukha. Napalunok siya. "B-baka mahulog ako. Hindi pa ako nakasakay sa kabayo." "Aw, gano'n ba? Ngayon ay mararanasan mong sumakay ng kabayo," pinagdiinan pa ang huling sinabi nito. "Hindi ba kayang lakarin papunta sa baryo ninyo?" seryoso siya sa tanong niya. Kaysa naman mahulog mula sa likod ng kabayo, dobleng sakit sa katawan ang mararamdaman niya. Isang nakakairitang tingin ang ipinukol sa kanya ni Duwayne. Saglit pa'y naglakad ito palapit sa kanya. "Kung ayaw mong maiwan mag-isa rito at putaktihin ng mga kalalakihan, sasakay ka sa kabayo sa ayaw at gusto mo." "Oo na!" sagot niyang nakataas pa ang isang kamay, nakatapat 'yon sa mukha nito. Nakita ni Hannah na bumaba ang isang lalaking sakay ng kabayo. Sumampa ito sa isang kabayo na may sakay rin na isang lalaki. "Saan ako sasakay?" nagawa pa niyang itanong kay Duwayne, obvious namang ito ang makakasama niya sa isang kabayo. Bilang sagot ay lumapit ito sa kanya. Para siyang papel na binuhat at isinampa sa likod ng kabayo. Sunod naman itong sumampa at sa likuran niya pumuwesto. "Ligtas ba ako, sa 'yo? Humihinga pa kaya ako bago natin marating ang bahay ng lola mo?" Kinabahan siya. Nararamdaman niya kasing mainit ang dugo sa kanya ni Duwayne. Baka bigla kasing sapian ito ng masamang elemento at ihulog siya mula sa likod ng kabayo. Isang ngisi ang isinagot nito na dumagdag sa nadarama niyang kaba. Naramdaman ni Hannah ang matipunong braso ng lalaki nang hawakan nito ang magkabilang lubid na nasa leeg ng kabayo. Napasinghap pa siya nang dumampi sa kanyang batok ang mainit nitong hininga. Nagbigay 'yon ng boltaheng kiliti sa bawat himaymay ng kalamnan niya. "Kumapit ka sa braso ko," bulong nito sa kanya at hinagupit ang kabayo. Umatungal ang kabayo. Umangat sa lupa ang mga paa at saka kumaripas ng takbo. Natakot si Hannah nang tumagilid ang kalahating katawan niya. Hindi sinasadyang napayakap siya sa lalaki. "Baka mahulog ako, Duwayne!" Nagulat din si Duwayne sa ginawang pagyakap sa kanya ng babae. Mariing nakapikit ang mga mata nito. Bumagal ang takbo ng kabayo kaya malayang pinagmasdan ni Duwayne ang magandang mukha ni Hannah. Naramdaman ni Hannah na bumagal ang takbo ng kabayo kaya dahan-dahang nagmulat siya ng mga mata. Una niyang nakita ang Adams apple ni Duwayne hanggang sa lumipat ang paningin niya sa mapulang mga labi nito. Napalunok siya. Pakiramdam ng dalaga biglang tumalon ang puso niya papunta sa lalamunan nang makitang nakatitig sa kanyang mukha ang lalaki. Hahalikan yata siya ni Duwayne! Nakita niya kasi ang unti-unting pagbaba ng mukha nito. Nakalilito ang nararamdaman niya nang sandaling 'yon, kaya piniling ipikit ang mga mata at hintayin ang pagdampi ng mga labi nito sa labi niya. Ngunit ang inaasahang halik na gagawin nito'y hindi nangyari. Kagat-labing napadilat ng mga mata si Hannah.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD