Kabanata 26

907 Words
MARAMI ng tao sa basketball court ng sila ay dumating. Bawat isa ay nakapostura at masaya. Hindi pa man nagsisimula ang sayawan pero naririnig na ang masayang tugtugin. "Apo, ayon ang ating table!" Itinuro ni Señora Candida ang isang long table. May ilan na ring nakaupo do'n. "Makakasama natin sa table ang respetadong alkalde ng Maxvilla Masayahin." Tumango-tango si Duwayne. Samantalang si Hannah, hindi maalis-alis ang paningin sa isang batang lalaki, tingin niya'y edad limang taon. Todo sayaw ang paslit sa gitna ng bulwagan kahit mag-isa lang ito. Nakaramdam siya ng pagnanais na panggigilan ang namimintog nitong mga pisngi. "Baka madapa ka, kung saan-saan ka nakatingin." "Ang cute kasi ng bata," sagot ni Hannah, hindi siya nag-abalang tapunan ng tingin si Duwayne. . Nang marating nila ang table na itinuro ng senyora, biglang tumayo ang isang lalaki. Hula ni Hannah nasa middle age ito. Kung ilalarawan ang lalaki, gwapo at matikas ang pangangatawan nito. "Magandang gabi, Señora Candida!" masayang bati nito at nakipag-hands shake sa matanda. "Magandang gabi rin, hijo," ngiting tugon ni Señora Candida. "Nasaan si Mayor Escudero?" "Papunta na po sila rito." "Siya nga pala, hijo, kasama ko ang aking apo." Tumingin ang senyora kay Duwayne. "Apo, ito nga pala si Alex Escudero, panganay na anak ni Mayor Isko Escudero. Nagkamay ang dalawang lalaki at nagpalitan ng ngiti. Naramdaman ni Hannah ang pagkapit ng senyora sa isang braso niya. "Ito naman si Hannah. Nobya siya ng aking apo," pakilala nito sa kanya. "Hi, Hannah!" nakangiting bati sa kanya ni Alex at inilahad ang isang kamay. "Ikinagagalak kitang makilala. Ako pala si Alex. You can call me, Lex." "Nice to meet you, too." Nakangiting tinanggap Hannah ang palad nito. Inalalayan ni Duwayne na umupo ang abuela. Sabay na lumapit kay Hannah sina Duwayne at Alex para sana alalayan ang dalaga sa pag-upo nito. Naupo ang dalaga sa nakitang silya nang makaramdam ng tensyon sa pagitan ng dalawang lalaki. "Magtititigan na lang ba kayo. Wala ba kayong balak maupo?" sita ni Señora Candida sa dalawa. Umupo sa tapat ni Hannah si Alex. Mababasa sa mga mata nito ang lihim na paghanga sa dalaga. At lihim na ikinaiinis iyon ni Duwayne na kasalukuyang nakaupo sa tabi ng dalaga. Ilang minuto pa ang dumaan ay dumating na rin ang alkalde, kasama ang misis nito. Muli, ipinakilala sila ng senyora sa mga bagong dating. MARAMI pa ang proseso bago simulan ang sayawan. Umalingawngaw ang isang awitin na hindi maintindihan ni Hannah ang lenggwahe. Sumisimsim ng alak si Hannah sa hawak na kopita nang matanaw ang isang matandang lalaking naglalakad patungo sa table nila. "Kapitan!" Narinig ni Hannah na bati ng senyora sa matandang lalaki. "Senyora, maaari ko bang maisayaw ang magandang dilag na kasama ninyo?" paalam nito kay Señora Candida. Parang siya yata ang tinutukoy ng matandang lalaki. Apat lang naman silang babae ang naroon sa table at siya lang ang medyo bata pa. Nagtatanong ang mga matang napasulyap siya sa katabing si Duwayne. "Sige po, kapitan," si Duwayne ang sumagot. "Magaling pong sumayaw si Hannah." Biglang napatuwid nang upo ang dalaga. "Nagpapatawa ka ba?" sikmat niya kay Duwayne. "Hindi ako marunong sumayaw." "Sige na, hija, paresan mo nang sumayaw si Kapitan Mumog. Huwag kang matakot sa kanya," ani Señora Candida. Hindi naman siya natatakot, mukha namang mabait ang kapitan. Nahihiya lang talaga siya dahil parehong kaliwa ang paa niya. Hindi siya marunong sumayaw. Higit sa lahat, baka makita sila ng asawa nito at sugurin siya bigla. "Baka magalit po ang misis mo, sir," pagdadahilan ng dalaga sabay lagok ng alak. "Single si Kapitan Mumog. At saka sasayaw lang naman kayo," si Duwayne ulit. Ipinagtutulakan talaga siya nito na makipagsayaw sa kapitan. Mangani-nganing batukan niya ito. Tumayo si Hannah. Bilang paggalang na rin sa kapitan ay pinaunlakan niya ito. Palakpakan pa nga ang mga kasama nila sa mesa nang sumama siya ritong pumagitna sa bulwagan. Lalo na si Duwayne, nagawa pang mag-thumbs up pa sa kanya. "Music, please!" sigaw pa ng kapitan. Halatang lasing ito, base na rin sa boses at kilos. Pinatikas pa nito ang dibdib. Isang folk dance ang pumailanlang. Birahe-waray-waray, ayon sa kapitan nang tanungin niya ito kung ano ang sasayawin nila. Nagulat siya nang nagsimulang sumayaw si Kapitan Mumog. Para itong manok na handang ilaban sa sabong. Nakadipa ang dalawang bisig nito habang sumasayaw. Lilipad pa yata si Kapitan Mumog! Hindi napigilan ni Hannah ang mapahalakhak habang pinapanood ang matandang lalaki sa pagsayaw. Sa laki ng bulwagan, kinulang 'yon kay kapitan. Paikot-ikot ito sa kanya habang sumasayaw. Samantalang siya nama'y panay lang ang palakpak sa gitna ng bulwagan. Natanaw ni Hannah si Duwayne, walang tigil ito sa pagtawa habang nakasapo pa ang isang kamay sa tapat ng tiyan nito. Mukhang nag-e-enjoy ang mokong na panoorin siyang sumasayaw kahit paatras at pasulong lang ang ginagawa niya. May mga sandaling nagugulat siya kapag nakikitang parang susugurin siya ni kapitan, tapos bigla naman itong iiwas. Bigay todo talaga ito sa pagsayaw. Tila natutuwa naman ang mga manonood dahil tuwang-tuwang naghihiyawan ang mga ito. "Birahe, Kapitan Mumog!" masayang sigaw ng mga naroon. Pagkatapos ng tugtuging 'yon, inihatid pa siya ng kapitan sa kanilang mesa. Nagpasalamat ito sa kanya dahil sa pagpapaunlak na sumayaw kasama ito. "Kabagan ka sana katatawa!" inis na puna ng dalaga kay Duwayne. "Nakakatuwa kayong panoorin ni Kapitan Mumog!" Hagalpak muli ng tawa si Duwayne. "Tingin ko nga. Kanina ka pa walang tigil diyan sa katatawa!" Kulang na lang ay ibaon niya ito sa labis na inis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD