TUMINGIN si Hannah sa suot na wristwatch. Alas-sais na ng gabi at kanina pa siya nasa kalsada nagmamaneho at walang direksyon ang pupuntahan. Iilan na lamang ang sasakyang nakikita niyang dumaraan sa lugar na iyon. Nasa kalagitnaan siya ng tulay na binabaybay nang biglang tumirik ang kotse niya.
"Oh, God! Not here..." usal niya.
Bigla kinabahan si Hannah sa isipin na baka may masamang tao ang mapadaan sa lugar na 'yon at gawan siya ng masama. May gas pa naman ang sasakyan kaya hindi niya alam kung bakit tumirik ito.
Ilang minutong nanatili muna siya sa loob ng sasakyan. Maya't maya ang sulyap niya sa side mirror, nagbabakasakaling may sasakyang dumaan para makahingi ng tulong.
NAKAPIKIT si Duwayne nang marinig niyang magsalita ang kanyang personal driver. Papunta silang probinsya dahil sa kahilingan ng kanyang abuela.
"Mukhang may nangangailangan ng tulong, sir."
Idinilat ni Duwayne ang mga mata.
"Baka mag-lovers ang nasa loob ng kotse na 'yan at ayaw maistorbo," halos pabulong niyang sabi. Pagod siya dahil galing sa trabaho. Gusto niyang matulog sa biyahe para makapagpahinga.
"Babae, sir."
Muli siyang napadilat ng mga mata.
"Huwag mong ihinto ang sasakyan at baka masamang tao 'yan," utos niya kay Mang Roberto, edad kuwarenta. May mabuting puso talaga ang drayber kaya nga tumagal ang serbisyo nito kanya.
"Sir, baka nangangailangan ng tulong ang babae."
"Sundin mo na lang ang sinabi ko, Mang Roberto. Mahirap na't baka tayo pa ang mapahamak. Baka miyembro 'yan ng malaking sindikato."
Nakinig naman sa kanya si Mang Roberto pero hindi na niya nagawang pumikit ulit. Sumilip siya sa side mirror, nanlaki ang mga mata niya sa nakita.
Samantalang si Hannah ay kanina pa naghahanap ng signal upang matawagan ang ina at makahingi ng tulong.
"Jeez! Wala man lang akong mahagilap na signal sa lugar na ito!" Kanina pa siya pabalik-balik sa railing ng tulay.
May nakita siyang paparating na isang kotse. Sinubukang parahin 'yon ngunit nilagpasan lang siya. Naisip niyang sumampa sa ibabaw ng railing ng tulay baka sakaling makahanap ng signal.
Napalunok siya nang makita ang ilalim ng tulay. Hindi siya sigurado kung ang nakikita ay dagat, o ilog. Sa takot na baka mahulog ay itinaas na lamang ulit ang kanyang braso para maghanap ng signal.
"Miss! Huwag mong ituloy 'yan!"
Nagulat si Hannah nang marinig ang sigaw na 'yon mula sa likuran niya. Tila nagpa-panic ang boses nito.
"S-sino ka?" tanong niya sa lalaki, base na rin sa boses. Hindi makita ang mukha nito dahil may kadiliman sa tulay na kinaroroonan niya.
"Maghunos dili ka! Huwag mong ituloy ang pagpapatiwakal!"
Magpapatiwakal?
Napamaang siya sa sinabi ng lalaki. Wala naman siyang balak na gano'n. Ang gusto niya'y makahanap ng signal upang makahingi ng tulong sa kanyang ina't mga kaibigan. "Huwag kang lumapit sa 'kin!"
Napasigaw si Hannah nang makitang balak siyang dambahin ng lalaki. Nabitiwan ng dalaga ang cell phone sa labis na pagkataranta.
"Got you!" sigaw ng lalaki.
Parang nabingwit na isda si Hannah, panay ang kawag makawala lang sa matipunong mga bisig ng lalaki. Sinubukan niyang itulak ito sa dibdib.
"Ang cell phone ko!" Parang gusto niya nang umiyak dahil nahulog ang cell phone niya sa ilalim ng tulay. "Let go of me!"
"Masama ang binabalak mo!" singhal nito sa kanya. "Kung may problema ka, hindi solusyon ang pagpapakamatay!"
"Wala akong balak na gano'n, okay?" iritadong sagot niya. Ang isip ay nasa kanyang cell phone pa rin.
Paano pa niya matatawagan ang ina?
Paano pa siya makakahingi ng tulong?
"Kung gano'n, ano'ng ginagawa mo rito?" Mahigpit pa rin siya nitong yakap sa baywang.
"Nandito ako sa tulay dahil tumirik ang kotse ko at nangangailangan ako ng tulong. Hindi ko alam kung anong lugar ito. Kanina ko pa sinusubukan maghanap ng signal pero wala akong mahagilap."
"Ang totoo?" duda pa sa kanya ang lalaki.
"Bitiwan mo nga ako!"
Binitiwan naman siya ng lalaki. Saktong may napadaan na sasakyan kaya nahagip sila ng headlight.
"Hannah?!" gulat ang boses na sambit nito.
Inipit ni Hannah sa gilid ng kaliwang tainga ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang mukha. Ikakaila pa ba niya ang sarili? Maaaring napanood nito ang ilang movies na pinagbidahan niya. Pinagsalikop niya ang mga bisig at tinitigan ang mukha ng kaharap.
"Y-you look familiar," pagkasabi niyo'y bahagya siyang lumapit sa lalaki. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang ex-boyfriend ni Maricar. Ang lalaking pangahas na hinalikan siya.
Hindi naman umimik si Duwayne. Iniiwas nito ang paningin sa kaharap.
"Yes, ikaw nga iyon!" muling bulalas ni Hannah. "Ikaw ang boyfriend ni Maricar!"
"At ikaw naman ang girlfriend ng lalaking mang-aagaw!" ganti nito sa kanya. Hindi niya alam kung brusko lang talaga ang tono ng boses o galit ito.
Napamaang siya nang talikuran ng lalaki. Kanina lang umasta itong superhero. At ngayon naman ay wala yatang balak tulungan siya.
"H-hoy!" Hinabol niya ito. "Hoy! Sandali!"
"Hindi 'Hoy' ang pangalan ko," walang emosyong sagot naman ni Duwayne.
"What is your name?"
"Duwayne!" pakilala nito. Binuksan ang pinto ng kotse at agad pumasok.
Nataranta naman si Hannah. Halos takbuhin niya ang nakaparadang kotse sa gilid ng kalsada.
"Duwayne! I need help, please?" Kinalampag niya ang pinto ng sasakyan. "Please, help me!"