Vernice's POV
Kaunti lang ang tao sa cafeteria ng mga sandaling ito na ipinagtataka ko. Pagkatapos um-order ni Anthony ng pagkain ay nakisulyap siya sa cellphone ko na tinititigan ko pa rin.
"Nag-reply na ba?" tanong niya sa akin.. Magkasabay lagi kaming kumakain sa cafeteria, simula pa noong nanliligaw pa lang siya sa'kin.
"Hindi pa nga, e." Napabuntong hininga ako. "Nag-aalala na ako 'ron."
"Huwag ka nang malungkot, loves, baka may pinuntahan lang 'yon."
"E, saan naman, aber? Baka nga hindi pa kumakain 'yon, e. Nag-aalala na ako sa best friend ko," sabi ko habang inililibot pa rin ang tingin, nagbabakasakaling makikita siya.
"Chill ka lang, loves, pagkatapos nating kumain ay sasamahan kitang hanapin si Jas," aniya kaya kahit papaano'y napanatag na rin ako. Binilisan ko ang pagkain kaya wala pang limang minuto nang matapos ako, sumilip pa ulit ako sa aking cellphone at nadismaya lang ako dahil wala pa rin reply si Jas.
Habang naglalakad kami ni Anthony ay nakarinig kami nang ilan-ilang bulungan nang dumaan kami sa may lobby.
"Wait, may nabalitaan akong may nahanap na raw ang Undefeated sa grupo ah.."
"Talaga? Sino naman?" Nanatili pa rin akong nakinig sa pinag-uusapan ng dalawang estudyante na mukhang first year pa lang.
"Balita ko 'yong sinasabi nilang transferee."
Napa-iling na lang ako sa narinig ko. Marami talagang chismosa dito sa school. Don't tell me.. si Jas 'yong tinutukoy nila? Well, hindi na ako magtataka.
Naalala ko tuloy bigla nang minsang dumalaw ako sa bahay nila Jasmine nang walang pasabi.
Last two weeks pa yata nangyari 'to bago magpasukan.
Napahakipkip ako nang hindi sinasadyang makita ko siyang sumasayaw! Pero hindi iyon ang ikinagulat ko kundi.. napanganga ako dahil magaling pala siyang sumayaw, hindi siya mahilig sa kembot-kembot pero 'yong galawan niya, e, ang astig!
Bakit niya itinatago ang talent niya? Sa sobrang amazed ko ay pinanuod ko na lamang siya at nagawa ko pa siyang videohan. Kaya mula no'n naging idol ko na ang best friend ko.
Muntikan na akong mapasigaw sa gulat nang dahil sa lalim nang iniisip ko. At nakaramdam ako nang p*******t ng balakang dulot nang pagkakadulas sa sahig.
"Ano ba kasing iniisip mo, loves," tugon ni Anthony habang inaalalayan niya akong makatayo.
Pero bago pa man ako makasagot ay natanaw ko na sa 'di kalayuan ang best friend ko, at sa pagkakataon na 'yon ay nawala ang pag-aalala ko.
Lutang siguro siya kaya hindi niya kami napansin at naka-pokerface pa siya habang naglalakad sa may lobby.
"Jas!" tawag ko sa kaniya at napalingon naman siya sa direksyon namin.
Pero bago pa man ako magtanong sa kaniya ay naunahan na niya ako. "Anong nangyari sa'yo? Bakit iingit-ingit 'yang itsura mo?"
Sandali kaming nagkatinginan ni Anthony at huli na bago pa man ako makasagot dahil nagsalita na ang boyfriend ko. "Nadulas siya."
Hindi ko tuloy maiwasan na mahiya dahil pinaalala pa talaga niya. Napabuntong-hininga na lang ako at saka ibinalik ang tingin kay Jasmine.
"Saan ka nanggaling?" ganting tanong ko.
Pero imbes na sagutin niya ang tanong ko ay tinarayan niya lang ako. "P'wede ba, Vern, mamaya na lang sa room. Male-late na tayo sa next class."
Napanguso ako sa isiping ang sungit niya ngayon. Ano kayang nangyari?
Hinatid kami ni Anthony sa class room namin bago pa siya magpunta sa class room niya at pagkapasok pa lang din namin ay puro bulungan na ang bumungad sa amin.
"Seryoso? Siya ba talaga?"
"Hindi ako makapaniwala."
"E, hindi naman kasi talaga kapani-paniwala!" sabi no'ng isa na may kasabay na tawa.
Pero mayroon din naman mga magagandang komento. "Ang astig niya pala kung gano'n!"
"Ang suwerte niya!"
Teka, naguguluhan na ako. Ano ba talagang nangyayari? At.. nakatingin pa sila kay Jasmine.
"Excuse me?" Bungad ko sa babaeng hindi naman kagandahan. Lumapit pa ako sa kaniya para magpantay ang mukha namin.
"Kung bubulong ka, siguraduhin mong hindi namin maririnig," mataray kong sabi kaya halos matameme siya sa sinabi ko.
Pinagmasdan kong muli si Jas at wala pa rin pagbabago sa itsura niya, mukha siyang pinagsakluban ng langit at lupa, e.
Napanguso na lang ako sa hindi maipaliwanag na dahilan. Pero dahil sa makulit ako at gustong-gusto kong alamin kung ano ba talaga ang nangyayari ay sinubukan ko ulit na kausapin siya.
"Tao po! May tao ba rito?" sabi ko nang makaupo na kami.
Siyang kalabit naman sa akin ni Keith na kakarating lang. "Uy, girl! Anong nangyari kay Jas?"
Pero nginusuan ko lang siya nang mapansin na dumating ang tatlong impakta. As usual, nagparinig na naman, diyan lang naman sila magaling, e!
"Look, I still can't believe na siya ang mapipili, e, 'di hamak naman na mas magaling ako sa kaniya, 'no!" iritableng sabi ni Hanna.
"Well, well, well.. baka naman kasi may itinatagong gayuma 'yan, friend kaya madali niyang napaamo si Diago," sabi pa ni Sabrina dahilan para mapatingin kami ni Keith kay Jas na wala pa rin kibo at napansin ko rin na parang wala lang siyang naririnig.
"Jas, ikaw ba ang pinariringgan nila?" pang-uusisa ko kaya saglit siyang napalingon kila Hanna.
"Kung ako man 'yon ay wala akong pakialam, dahil hindi ko naman ginusto 'yon."
"Ang alin?" napalakas na tanong ko. Napatingin din ang iba sa direksyon namin maging ang grupo nila Hanna.
Agad naman sumabat si Sonia na class secretary namin. "Excuse me? Hindi ni'yo pa ba alam?" Napakunot ang noo namin ni Keith sa itinanong niya.
"Teka nga, huwag ni'yo nga kaming binibitin, direct to the point na kasi!" maarteng sabi ni Keith. May point din 'tong baklang 'to.
At halos manlaki ang mga mata namin sa isinagot ni Sonia. "My gosh! Siya ang bagong member ng Undefeated!" masayang sigaw pa ni Sonia.
Hindi maipaliwanag ang nararamdaman ko nang marinig ko 'yon, para bang mas masaya pa ako sa nararamdaman ng iba.
"Talaga?!" magkasabay pa namin tanong ni Keith.
"Oh my gosh, girl! Sikat ka na!" masayang wika pa ni Keith.
"Nakakatuwa, Jas!" sabi ko pa.
"Tumigil nga kayo. Ang O.A ni'yo, ah, hindi ko naman tinanggap ang offer ni Diago, e."
"H-ha?" mabilis na reaksyon namin dahilan para harapin namin siya.
"Bakit naman?"
"Wala lang," tipid na aniya.
Okay nakaka-touch 'yong sagot niya!
"E, bakit nga kasi? Ang galing mo kayang sumayaw, you deserve it!" proud na sabi ko pa pero naka-poker face na naman siyang tumingin sa akin.
"Nakita mo na akong sumayaw?"
"Ah.. e--" natigilang sabi ko at nalungkot ako sa sumunod na sinabi niya.
"Basta, ayoko."
"Ano ba 'yan, girl, sayang ang papa," ani Keith dahilan para matawa kami.
"Loka ka, Keith!" natatawang sabi ko at parehas kaming natigilan dahil napuna namin na nakikitawa na rin si Jas.
Ngayon alam ko na kung bakit siya lutang..
E, ikaw ba naman makausap mo ng harap-harapan ang crush mo, 'di ba?
Hindi ko maiwasan mapangiti sa isiping 'yon.
Lumipas ang ilang araw at nagsimula na kaming mag-practice ng sayaw para sa Mapeh. Letse kasing Mapeh 'yan, e, bakit kasi kasama pa ang sayaw thingy? E, parehas kayang kaliwa ang paa ko. Pakantahin ni'yo na lang ako!
At dahil p'wede kaming pumili nang magiging partner namin sa sayaw ay si Keith ang ka-partner ko, para hindi rin ako mailang. Si Dave kay Laarni, si Geofferson kay Sabrina, si Hanna kay Topher, habang si Jas ay kay Travis.
Gaya nang sinabi ni Sir Diego ay sina Jas at Travis ang umisip ng step. At bago nila ituro sa amin ang buong sayaw ay ipinakita na muna nila sa amin ang step na nabuo nila. Kaya nang magsimula na silang gumalaw ay hindi ko na naialis pa ang mata ko sa kanila. Dahil habang nagsasayaw sila ay parang may napansin ako..
Parang bagay sila?