Chapter 3

1107 Words
Lihim kong pinagmasdan si CJ habang kumakain kami ng hapunan. Maalaga siya sa mga nakababata niyang kapatid at parati niyang tinutulungan ang mga iyon. Napasimangot naman ako nang dumako ang mga mata ko kay JC na walang pakialam sa kaniyang paligid habang kumakain. "Huh! Nakakainis talaga ang mokong na 'to. Wala man lang nakakatuwa sa ugali niya. Mabuti pa ang mahal ko bukod sa gwapo na nga, mabait pa!" sambit ko sa isipan saka inismiran ko si JC. "Nakita ko 'yon!" bulong sa akin ni Mommy. "Kulang na lang ibaon mo na si JC sa ilalim ng lupa," patuloy na saad pa nito. "Mommy!" nandidilat ang mga matang suway ko sa ina. Wala ako sa mood makipag-asaran ngayon sa aking ina dahil kota na ako kay JC kanina. Natatawang itinaas ni Mommy ang dalawa niyang kamay bilang pagsuko sa akin. Naagaw naman namin ang atensyon nila Tita Jana dahil sa ginawang iyon ng aking ina. "May problema ba, Ice?" malamyos ang tinig na tanong ni Tita Jana kay Mommy. "Wala naman!" nakangiting sagot naman ni Mommy kay Tita Jana. "Pero nararamdaman kong magkakaproblema ang anak ko sa pananatili niya rito sa inyo ngayong summer," patuloy na pahayag pa nito. "Mommy!" pabulalas kong maktol sa ina na tinugon lang niya ng malakas na halakhak. "Anong problema?" kunot noong tanong pa ni Tita Jana. Mabilis akong tumayo mula sa upuan at saka lumapit kay Mommy upang takpan ang bibig nito ng 'di na siya makapagsalita pa. "Huwag kang pasaway, Mommy!" bulong ko sa ina. "Okay!" Itinaas nitong muli ang mga kamay niya bilang pagsuko. Napatingin ako sa kinauupuan nina Tita Jana at Tito Steven ng sabay silang tumawa. "Ang cute niyong mag-ina!" ani sa amin ni Tita Jana. Tinanggap kong papuri iyon sa amin ni Mommy dahil si Tita Jana ang nagsabi. Pero kung sa ibang tao ko iyon narinig, katakot-takot na ismid ang aabutin nila sa akin. "Iiwan mo pala si Stella rito, Ice?" tanong ni Tito Steven kay Mommy. "Yes! Para matuto siyang maging independent mula sa amin," sagot ni Mommy kay Tito Steven. "I see! Mabuti pumayag si Rafael?" muling tanong naman ni Tito Steven. "Pumayag siya dahil kaibigan namin kayo. Isa pa, alam ko namang pabor sa anak ko ang ideyang ito," makahulugang wika ni Mommy. "Mommy!" magkadikit ang mga ngipin kong nagsalita upang sawayin ang ina. Alam kasi niyang crush ko si CJ dahil minsang naabutan ko siya sa loob ng kwarto na binabasa ang slambook ko. "Pabor din naman sa amin ni Steven na nandito si Stella para may kasama sina CJ at JC na kaedaran nilang dalawa," ani naman ni Tita Jana. Napangiti ako sa sinabi ni Tita Jana at lihim na nagdiwang ang puso ko dahil pakiramdam ko ay boto sa akin sila bilang anak. Feeling ko lang naman! Nagawi ang mga mata ko kay JC at nakita ko ang panliliit ng mga mata nito sa akin. Pasimpleng binelatan ko siya bilang ganti sa kagaspangan ng ugaling ipinakikita niya sa akin. "Excuse me! Mauuna na po ako sa kwarto, Ma, Pa, Tita Ice," paalam ni JC saka tumayo mula sa pagkakaupo. Lumapit siya kina Tita Jana at Tito Steven upang humalik sa pisngi ng mga magulang niya. "Masama ba pakiramdam mo, Anak?" may pag-aalalang tanong ni Tita Jana at sinapo pa nito sa leeg si JC. "Wala po, Ma. Naalala ko lang po na may tatapusin pa pala akong project," tugon naman ni JC sa kaniyang ina. "Sige tapusin mo na iyon para makapaglaro tayo mamaya ng basketball," saad naman ni Tito Steven. Tipid na ngumiti si JC sa kaniyang magulang saka lumapit siya sa mga kapatid niya upang guluhin naman buhok ng mga 'to. "Namana ni JC ang pagiging tahimik ni Christian," komento ni Mommy ng tuluyan nang makalabas si JC ng kusina. "Yeah!" sang-ayon naman ni Tito Steven. "Namana naman ni CJ kay Christian ang pagkahilig niya sa mga bata," dagdag pang sabi ni Tito Steven. Tumingin ako sa gawi ni CJ at hindi ko siya kinakitaan nang pagkainsulto sa sinabi ni Tito Steven, bagkus ay proud na proud pa nga siya sa sinabi ng kaniyang ama-amahan. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang katotohanan tungkol sa kanilang pamilya dahil makikita sa bawat pader ng bahay ang malaking protrait ng ama nina CJ at JC. Hanga nga ako sa pamilya nila dahil kahit ganoon ang kanilang sitwasyon ay masaya silang nagsasama-sama. "Kung tapos ka nang kumain CJ, pakisamahan mo na muna si Stella sa kaniyang silid para makapagpahinga na rin siya," utos ni Tita Jana kay CJ. "Tara na, Stella!" nakangiting aya sa akin ni CJ saka lumapit siya upang alalayan ako. Palihim kong inismiran si Mommy nang makita ko ang kinikilig nitong anyo. "Anong kinuha mong kurso?" tanong ko kay CJ habang umaakyat na kami sa may hagdan. "Education!" nakangiting tugon niya sa akin. "Mahilig ka pala talaga sa mga bata," naiiling kong saad sa kaniya. Tipid na ngumiti lang sa akin si CJ saka nagpatuloy lang din kami sa paglalakad hanggang sa marating namin ang silid na tutuluyan ko ng ilang araw. "Maiwan na muna kita rito Stella at may tatapusin din kasi akong project," paalam sa akin ni CJ matapos niya akong igiya papasok sa loob ng silid. "Sige, salamat sa paghatid!" pasasalamat ko sa kaniya. Tumalikod na sa akin si CJ at tinanaw ko pa muna ang papalayong bulto ng katawan niya bago ko tuluyang inilapat pasara ang pinto. "Kung tulad mo rin lang naman ang madalas kong makikita sa buong panahon ng summer, aba'y mabuti pang makipag-usap na lang ako sa pangit naming kapitbahay." Napaigtad ako sa pagkakatayo nang magsalita si JC buhat sa aking likuran. "Sino ba ang nagsabi sa iyong makipag-usap ka sa akin sa buong panahon ng summer?" mataray kong turan sa kaniya. "Wala!" pabulalas niyang tugon. Tumaas ang isang sulok ng labi nito at dahan-dahang humakbang siya palapit sa akin. Umatras naman ako palayo sa kaniya. Nakakalokong ngumiti sa akin si JC nang makulong ako ng mga braso nito sa may pader. Napalunok ako ng laway dahil sa gahiblang pagitan ng aming mga mukha. Nalanghap ko ang mabangong hininga niya na sumasabay sa ihip ng hangin. "Siguraduhin mo lang na hindi kita makakausap sa buong panahon ng summer dahil tinitiyak ko sa iyong hindi mo magugustuhan ang gagawin ko, Stella." Hindi ko alam kung ano ang itutugon ko sa kaniyang sinabi kaya napatanga na lamang ako sa kaniya. Pinagdikit ng mga daliri ni JC sa kamay ang nakaawang kong bibig saka pinisil niya muna ang pisngi ko bago siya natatawang umalis sa aking harapan. Nagngingitngit sa inis na naiwan ako sa loob ng silid. "Pangit!" malakas kong hiyaw kay JC.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD