11

1090 Words
“IT’S GOOD that you came here in the summer, Jullie. Walang masyadong hassles sa pamamasyal natin.” Inilabas ni Alodia ang sariling kotse sa unfenced na solar. Matagal na siyang nakabukod sa mga kapatid. Bagaman nandoon rin sila sa iisang state. “Hindi ka naiinip dito, Toni? Nag-iisa ka lang,” sabad ni Don Antonio na nakaupo sa backseat. “Madalas sa akin si Ingle, Dad.” Sinulyapan niya sa rearview mirror ang ama. “Iyong sasabihin ko sana kagabi, Alodia,” mayamaya ay wika ni Jullie. “Saka na lang.” Nagmenor siya nang malapit na sila sa intersection. Wala silang suspicion na nang mga sandaling iyon ay tinalasan ng don ang pakikinig sa kanila. Wala silang alam na gusto nitong kumpirmahin ang isang bagay na nauna nang ipinagtapat sa kanya ng binatang doctor. “Hanggang noong oras ng graduation ko where he was our guest speaker, he saw to it that he talked to me, even for only a few minutes. He was asking for you,” boluntaryong wika ni Jullie kahit na nga ba pinagsikapan niyang magmukhang hindi interesado sa sasabihin nito. But she knew she was just fooling herself. Imposibleng hindi siya maging interesado sa kung anumang bagay na may kinalaman sa kaisa-isang lalaking binigyan niya ng espesyal na lugar sa kanyang puso. “HANGGANG ngayon ba naman, naroon pa rin ang guilt feelings niya?” Marahas niyang nilingon ang kaibigan. She wished she was more effective to hide her feelings this time. Hindi niya nakakalimutang nasa backseat lang ang kanyang ama. “Pero iba na siya. Sa tono niya ay halos magmakaawa na sa akin para lang ituro ko sa kanya kung nasaan ka.” “Sana sinabi mo, nasa Africa. Habang-buhay na sasama sa safari,” paismid niyang wika. “Ow?” Isang tingin niya sa kaibigan ang nagbababalang nasa likuran lang nila ang sariling ama. “Don’t sound like that, Alodia.” Hininaan nito ang boses. “Oo nga pala,, before Tito and I flew here, siniguro kong tama ang dadalhin kong latest na balita para sa iyo. I don’t know the exact reason but his engagement with his doctor girlfriend had been broken.” Sa narinig ay dumiin ang pagtapak niya sa silinyador. Sa likod ay ibinaling ni Don Antonio ang paningin sa mga dinadaanan. Nanatili itong walang kibo. Walang kamalay-malay ang dalawang dalagang sapat na rito ang mga narinig mula sa kanila ang kumpirmasyon sa sinabi rito noon ni Neil. NAMIMIGAT ang ulo ni Alodia nang bumangon. Masakit na nga ang ulo niya ay alinsangang-alinsangan pa ang kanyang pakiramdam gayong todo ang hanging ibinubuga ng air conditioner. Kung hindi nga lang niya kailangang tuparin ang pangako kay Jullie na sasamahan itong mag-shopping ay gugustuhin pa niyang bumalik sa higaan. Bakit ba kasi hindi masanay ang katawan niya sa pag-inom ng alak? Mabuti pa si Jullie. Alam niyang mas marami ang nainom nito ngunit ipupusta niyang kung tatawag siya sa flat nito ay gising na ito at malamang na nakaligo na at naghihintay na sa kanyang pagdating. Nag-i-stretching pa siya nang tumunog ang doorbell. Walang pagmamadaling lumapit siya sa pinto at sumilip sa peephole. Si Anton, ang eldest half brother niya. Umagang-umaga ay sumulpot ito sa apartment niya; daig pa nito ang may nalugihang rancho. Ini-unlock niya ang pinto. “Pack your things, Toni,” matigas na sabi nito. Tila ipuipo itong pumasok. “Matutuloy na tayo sa Hawaii?” tanong niya at tumuloy sa kitchen, kinuha ang cereal at gatas sa ref. Matagal na nilang planong pumunta sa Hawaii, pero wala sa tono ng kuya niya ang excitement. Pero kung pakikinggan niya ang kanyang kutob at ibabase sa ekspresyon ng mukha nito ang mensaheng dala nito, imposibleng ang tungkol sa pagbabakasyon ang ibabalita nito. “Uuwi ka na sa Pilipinas, whether you like it or not,” walang kaabog-abog na lahad nito sa kanya. Bumitin sa ere ang dalawang coffee mugs na kinukuha niya sa rack. “For what reason?” matabang niyang tanong. Ayaw niyang ipahalata sa kapatid na hindi na niya talaga gustong bumalik sa Pilipinas. Hinila nito ang isang silya at naupo sa harap niya. Habang pinagmamasdan nito ang kanyang kilos ay pinag-iisipan naman niya ang maaaring gamiting excuse para makapanatili siya sa America. “Inatake ang daddy, Toni. Alam nating pare-pareho na hindi ito ang unang pagkakataong nangyari sa kanya ang gayon. But this time, labis siyang pinahina ng atake niya.” Bakas sa tinig nito ang pag-aalala. “Bakit hindi ako ang tinawagan dito?” nagtatampo niyang tanong. “Dahil wala ka rito!” Bahagyang tumaas ang boses ni Anton. “Pagod na pagod na ang answering machine mo sa kasasagot para sa iyo at naisip ni Manang Juana na useless lang ang mag-iwan ng message dito.” Saglit siyang na-guilty. Siya mismo ang namilit kay Jullie na lumabas silang nang sinundang gabi. At kahit nag-aaya na itong umuwi ay hindi siya pumayag. Kung hindi pa sila na lang halos ang babae sa bar na iyon ay hindi pa niya gugustuhing umalis. Kung tinangka man ni Manang Juana na mag-leave ng message sa answering machine ay hindi rin niya malalaman kaagad. Hindi pa siya nagtse-check ng mga pumasok na messages mula kaninang madaling-araw na umuwi siya. “Kung kinakailangang gamitin ko ang pagkapanganay ko sa iyo ay gagawin ko. Ako mismo ang magsasakay sa iyo sa eroplano `pag nagmatigas ka. The old man needs you.” Sa huli nitong sinabi ay lumambot ang tono nito. ANG ANUMANG balak niyang pakiusapan ang kapatid na ang ama ang papuntahin sa America upang doon nila ito ipagamot ay naburang lahat nang kinabukasang sila mismo ni Don Antonio ang nagkausap sa telepono. Sa pakiusap ng ama ay hindi na niya ito makakayang tanggihan. Her father was neither requesting her to go home nor was he convincing her; he sounded as if he were begging her—begging to feel a daughter’s love. At iyon ang hindi niya kaya—ang konsiyensiyahin siya ng sariling ama. Hindi natapos ang linggong iyon ay lulan na siya ng eroplanong papunta sa Pilipinas. Labag man sa loob niya ang gagawing pag-uwi ay wala na siyang magagawa. Malalim ang ginawa niyang pagbuntong-hininga bago niya inihilig ang ulo sa headrest ng inuupuan. Nang i-announce ng stewardess ang pagkakabit nila ng seat belt ay tumalima siya. Nang nasa alapaap na sila ay pumikit na siya sa halip na tanggapin ang magazine na inialok ng isang flight attendant. Pakiramdam niya ay kailangan niya ng ekstrang lakas—at inihanda ang sarili sa muling pagtuntong sa Pilipinas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD