Natagpuan ko na lang ang sarili ko na nasa loob ng yakap ni Yuri. Nang maramdaman ko na sa wakas ang init ng kanyang katawan ay hindi ko napigilan ang mapahagulgol ng iyak. Hindi na ako nahiya sa aking ginagawa kahit na nasasaksihan din iyon ni Lucian. "Tahan na, Jay. Naririto na ako. Magkakasama na tayo," bulong sa akin ni Yuri. Nang marinig ko ang boses niya ay lalo akong napaiyak at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap ko sa kanya na tila mawawala siya ano mang sandali. "Yuri, totoo ka ba? Hindi ito isang panaginip lang?" naniniguro kong tanong. Tiningala ko pa siya. Bahagya siyang natawa sa katanungan kong iyon. "Oo, Jay. Hindi ito isang panaginip." Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy. "I'm finally back." Muli akong sumubsob sa dibdib niya at yumakap nang mahigpit sa kanya.

