"Salamat, Ama." Isang ngiti ang ibinigay niya sa akin nang marinig niya ang pagpapasalamat ko sa ginawa niyang pagtulong upang mapagaling ang mga sugat ko. "Salamat po." Sabay kaming napatingin ni Ama kay Jay na nasa tabi ko. Nanunuod siya habang pinapagaling ako ni Ama. Sa katunayan ay hindi na siya umaalis sa tabi ko mula pa kanina. "Halika. Puntahan na natin si Marco," pagyayaya ko sa kanya. Alam kong kanina pa siya nag-aalala para rito. Malaki rin ang utang ko kay Marco. Kung hindi dahil sa kanya, baka napahamak na si Jay dahil sa pagsasagupaan namin ng lakas ni Imperius kanina. Habang naglalakad kami patungo sa kumpulan ng mga anghel kung saan nila inaasikaso ang ilang sugatan ay napapatingin ako sa paligid. Wala na ang Panginoon. Bumalik na ito sa langit kasama ang ibang ang

