“Yohan,” ang pangalan na paulit-ulit na sinasambit ng aking labi at ang lalaking madalas kong nakikita sa aking panaginip. Ngunit sa tuwing naririnig ko ang malakas na putok ng baril ay agad naman akong nagigising na pawis na pawis at hingal sa paghinga.
“Ayos ka lang ba?” napalingon naman ako sa gawing kanan ko nang marinig ko ang boses niya. Si Paeng. Sa mahigit tatlong buwan kong pananatili dito sa bahay niya at simula nang mapadpad ako sa malayong islang ito ay siya na ang palagi kong kasa-kasama at siya rin ang nag-alaga sa akin nung mga panahon na mahina pa ang aking katawan.
“Napaginipan mo na naman ba siya?” aniya sabay inabutan niya ako ng maligamgam na isang basong tubig na agad ko rin naman ininom dahil sa panunuyot ng aking lalamunan. “Sino ba kasi ang lalaking iyon?” dagdag niya ngunit sa mahinang boses na tila ay naiinis siya. Dahan-dahan naman akong umangat ng tingin sa kaniya at napansin ko ang kakaibang ekspresyon sa kaniyang mukha na tila ba ay may sumira sa araw niya. Palaging ganoon ang ekspresyon ng kaniyang mukha sa tuwing nababanggit ko sa aking panaginip ang pangalan ng lalaking iyon, ngunit kahit kailan ay hindi ito nagpakita sa akin o hindi ko pa nasisilayan ang kaniyang mukha. Sa madaling salita, hindi ko siya kilala o hindi ko alam kung ano ba ang kinalaman niya sa buhay ko. Isa ba siyang mabuting tao? o baka siya ang dahilan kung bakit ako napunta sa lugar na ito at nawala ang aking alaala.
Oo, nabura lahat ng alaala ko. Mula sa umpisa hanggang sa mapadpad ako rito sa isla. Hindi ko alam ang aking pagkakakilanlan, hindi ko alam kung saan ako nakatira, sino ba ako o kung ano bang misyon ko sa mundong ito. Wala akong matandaan kahit isang letra sa pangalan ko kaya naman pinangalanan na lamang nila ako bilang si Lisa. Si Paeng ang nagbigay sa akin ng palayaw na iyon gayung hindi niya alam kung paano niya ako tatawagin o ano ba ang dapat niyang itawag sa akin.
Sa tatlong buwan kong pananatili dito ay laging kong nararamdaman na para bang may kakaiba sa akin. Sa tuwing nakatitig ako sa alon ng karagatan ay para bang sinasabing hindi ako nababagay sa ganitong malaparaisong lugar. Lahat ng mga taong nakatira rito sa isla ay mabubuting tao, masiyahin at punong-puno ng pangarap sa buhay. Simple lamang ang pamumuhay nila ngunit para sa kanila ay sapat na ito at wala na silang ibang mahihiling pa kundi ang manatili ng matagal sa lugar na ito.
“Lisa, handa ka na ba?” ang nagtanong sa akin ay si Erika. Malapit siyang kaibigan ni Paeng at siya rin ang gumabay sa akin gayung wala akong ibang kakilala rito at wala akong kaalam-alam. Masasabi kong mabuti siyang tao at napakasimpleng babae. Maganda siya kung titignan ng maigi lalo na ang mga inosenteng ngiti sa kaniyang labi at mga mata na para bang aakalain mong wala siyang problemang dinadala.
Dito sa isla, tuwing pagsikat ng araw ay sumisisid kami ni Erika sa pinakailalimang bahagi ng dagat. Minsan para manghuli ng mga isda pero madalas ay ginagawa lang namin itong isang pagsasanay upang mailibang ko ang aking sarili at maipokus ko ang aking isipan. Makakatulong daw kasi ito upang mabalik ang mga nawala kong alaala pero para kay Erika, ang pagsisid sa karagatang ito ang nagbibigay ng kapayapaan sa kaniya at enerhiya upang magpatuloy sa buhay. Madalas niyang sinasabi sa akin na hindi raw makukumpleto ang kaniyang araw kapag hindi siya nakakasisid dito sa dagat at sa tuwing nakakaramdam naman siya ng pagkayamot o lungkot ay binabaling na lamang niya ito sa paglangoy at paghuli ng mga isda. Naikwento niya rin sa akin na siyam na taong gulang lamang siya noong natuto siyang lumangoy kasama ang kababata niyang si Marry. Ngunit nabalitaan ko rin na matagal na palang patay si Marry, labing siyam na taong nakakaraan. Hindi ko alam kung ano ang totoong dahilan ng kaniyang pagkamatay sapagkat iba't ibang kwento ang sinasabi sa akin ng mga tao rito. Siya raw ay nalunod, nagpakamatay, ginahasa at pinatay o kaya naman ay nagkaroon ng malubhang karamdaman. Walang makapagsabi man lang kung ano ba ang totoong nangyari sa kaniya, tila napakamisteryoso ng kaniyang pagkamatay na halos wala ni isa sa kanila ang nakakatiyak kung paano ba siya namatay. Sa tuwing tinatanong ko naman si Paeng tungkol doon ay iniiwasan niya ako o kaya naman ay iibahin niya ang usapan. Kapag si Erika naman ang tinatanong ko tungkol sa matalik niyang kaibigan ay bigla na lang siyang nalulungkot at lumuluha hanggang sa hindi na niya masabi sa akin ang sagot sa aking katanungan. Dahil doon ay pasikreto kong inalaman ang tungkol doon. Ewan ko ba pero parang kakaiba ang aking nadarama sa tuwing naririnig kong pinag-uusapan iyon ng mga tao o binabanggit. Ang weird pero parang may nabubuhay ang diwa ko at nasasabik na tuklasin ang tungkol sa misteryong iyon. Hindi ko pinaalam kahit kanino ang tungkol sa pag-iimbestiga ko mula sa nakaraan ni Marry. Hindi ko ito sinabi kahit kay Paeng o kay Erika. Tiyak na pipigilan lang nila ako at ikukulong sa bahay kapag nalaman nilang binubuksan ko muli ang katanungan na naiwan sa isipan nang lahat ng tao na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan.
Ano ba talaga ang tunay na nangyari sa kaniya? Siya ba ay nagpakamatay o pinatay?
Sinubukan ko namang kalimutan ang tungkol kay Marry, sinubukan kong alisin siya sa aking isipan ngunit hindi ako mapakali, nababalisa ako at sobra akong nauusisa tungkol sa kwento ng buhay niya. Kaya naman mag-isa kong inalam ang buo niyang pagkatao. Mula sa pagkabata niya, sa pamilya niya, sa naging una niyang kasintahan hanggang sa kung paano na lang siya biglang naglaho.
Nalaman kong sikat si Marry sa islang ito. Hindi dahil isa siyang mahusay na maninisid ng karagatan kundi dahil maladyosa ang kaniyang kagandahan. Maraming kalalakihan ang umiibig sa kaniya at umaakyat ng ligaw ngunit marami rin namang kababaihan ang naiinggit sa kaniya at naiinis sapagkat kahit saang angulo mo siya titigan, ang kagandahan niya ay hindi maikukumpara sa kahit na sino man. Makinis, mestisa, matangkad, mapungay ang mga mata, marikit at higit sa lahat walang kaarte-arte sa katawan. Halos nasa kaniya na nga raw ang lahat pati husay sa iba't ibang larangan ng talento ay nasalo rin niya. Hindi rin lang siya maganda kundi matalino rin pagdating sa akademiya. Ngunit sa kasamaang palad, ang isang anghel na gaya niya ay bigla na lang naglaho na parang bula. Ang mga matatamis na ngiti sa kaniyang labi ay napalitan ng dugo at itim na kulay sa labi. Ang magandang hubog niyang katawan na kinaiinggitan ng mga kababaihan dito ay naging isang malamig nang bangkay. Natagpuan na lamang siya sa kahuyan na basang-basa ang buong katawan, maputla ang mukha, nakadilat ang mga mata at hindi na humihinga. May hiwa siya sa kaniyang leeg at may hawak siyang patalim sa kanang kamay niya na nagsasabing pinatay daw niya ang kaniyang sarili, ngunit may nagsasabi rin namang pinalabas lamang na nagpakamatay siya pero ang totoo ay pinatay ang magandang dalaga. Alinman sa dalawang iyon ang tunay na dahilan, wala pa ring makakapagsabi kung bakit niya iyon ginawa o bakit siya pinatay ng taong iyon gayung ayon sa mga tao rito kahit maraming naiinggit sa kaniya ay wala siyang nakakaaway sapagkat napakabuti niyang tao. Wala rin makakapagturo kung sino ang maaari nilang sisihin tungkol sa kaniyang pagkamatay. Ngunit may isang nakapagsabi sa akin na may nakakita sa pangyayaring iyon at tanging siya lamang ang nakakaalam kung ano ba talaga ang nangyari kay Marry. Kaya naman agad ko itong pinuntahan at napagtanto ko na nandito siya ngayon sa loob ng simbahan, isang sakristan. Kasama ko ngayon si Paeng dahil tuwing sabado ay nagsisimba kami rito ngunit wala akong ideya na ang susing hinahanap ko ay nandito lang pala sa simbahan. Habang nagdadasal si Paeng at nakapikit ang mga mata ay hinanap ko naman ng tingin ang tao na sinasabing naka-witness sa pagkamatay ni Marry. Agad ko naman siyang nakita dahil sa litratong ibinigay sa akin, namukahan ko siya kaagad at sa hindi inaasahan ay nagtama ang mga tinginan namin sa isa't isa kung saan napatayo na lang ako bigla pero agad naman siyang umalis at lumabas ng simbahan. Tipong susundan ko sana siya pero nabigla ako nang pigilan ako ni Paeng mula sa kanang kamay ko. Napalingon ako sa kaniya habang nagtataka naman siyang nakatingala sa akin.
“Saan ka pupunta?” aniya sa mahinang boses sabay dahan-dahan kong inalis ang kamay niyang nakahawak sa akin.
“Gagamit lang ako ng banyo sandali, babalik din ako kaagad.” Nakangiting tugon ko naman.
“Sasamahan na kita.” Pagkasabi niya ay nanlaki naman ang mga mata ko at tila nawindang ako kung paano ko susundan ang taong iyon kung kasama ko siya.
“Hindi na, kaya ko naman mag-isa e. Saka wag kang mag-alala hindi na ako maliligaw.” Ang sinabi ko na lamang sa kaniya kahit kinakabahan ako kung maniniwala ba siya sa akin o hindi. Nakita kong bumuga siya ng malalim na paghinga at para bang nag-aalinlangan siyang hayaan akong mag-isa kaya naman tinapik ko siya sa balikat at bumulong sa tenga niya, “Hindi ko na kasi matiis e, lalabas na yata.” Pagkasabi ko non sa kaniya ay tila biglang nag-iba ang ekspresyon ng kaniyang mukha na para bang naaawa siyang nandidiri sa akin at dahil doon ay pumayag na siyang umalis akong mag-isa na hindi siya kasama. Nang makalabas na ako ng simbahan ay agad ko namang hinanap ang taong iyon ngunit bigla na lang itong nawala sa aking paningin.
“Nasaan na siya? saan siya nagpunta?” bulong ko nang bigla akong nahinto nung maramdaman kong may taong nakatayo ngayon sa aking likuran. Hindi ko siya agad na nilingon bagkus ay hinintay ko muna siyang magsalita.
“Ano ang ginagawa mo rito?” ang salitang narinig ko mula sa kaniya.