Kabanata 01 : Hadiya's POV
"Huwag!"
Nagkamalay at nagising na lamang ako matapos kong mapaginipan ang isang lalaking bigla na lang bumitiw sa aking kamay kaya nahulog ito sa malalim na bangin.
Bumangon ako at nilibot ng tingin ang buo kong paligid.
"Nasaan ako?" ang unang salitang bumigkas sa aking bibig.
Natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa malayong isla habang basang-basa at walang maalala tungkol sa aking mga nakaraan. Ni hindi ko rin matandaan kung sino ako at kung papaano ako napadpad sa lugar na ito.
"Ayos ka lang ba?"
Napalingon na lang ako sa boses na aking narinig.
"S-sino ka?"
Bumilog ang aking mga mata at agad akong umatras sa kaniya.
"Huwag kang matakot. Hindi naman ako masamang tao. Ako nga pala si Raphael, Paeng na lang for short. Ikaw, ano pala ang pangalan mo? nga pala, ayos ka lang ba? wala bang masakit sa iyo?" aniya at tipong hahawakan sana niya ako sa kamay pero agad naman akong umiwas sa kaniya.
Sa totoo lang, mukha naman siyang mabuting tao pero iba ang pakiramdam ko sa kaniya.
Para bang may bumubulong sa tenga ko na hindi ko siya dapat pagkatiwalaan.
"Pasensya na kung nabigla kita. Nag-aalala lang kasi ako sa'yo dahil napakaputla ng mukha mo." Dugtong niya habang minamasdan ko ang mukha niya.
Nag-aalala? bakit naman siya mag-aalala sa akin? e, mukha namang hindi kami magkakilalang dalawa.
Bulong ko sa aking isipan.
Hindi ko na lang siya sinagot at tumayo na ako. Pero wala pang isang minuto ay agad ding nanghina ang aking mga tuhod at tipong babagsak sana pero agad naman niya akong naisalo.
"Naku po! may tama ka ng baril sa likod. Huwag kang masyadong gumalaw at dadalhin kita kaagad sa manggagamot."
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay bigla na lang niya akong kinarga sa braso niya at itinakbo sa kung saan.
Hindi ko alam kung saang lugar niya akong dinala dahil pagkatapos niyang akong buhatin ay agad naman akong nawalan ng malay.
Pagkamulat ko ng aking mga mata ay napagtanto kong nasa loob na ako ng isang kubo. Sinubukan kong bumangon pero parang napakabigat ng likod ko at may kumikirot mula sa kanang balikat ko, kung kaya't hindi ko magawang makaupo o makatayo man lang.
"Gising ka na pala. Teka, huwag mong puwersahin ang 'yong sarili. Masyado pang sariwa ang mga sugat mo."
Muli na namang sumulpot sa paningin ko ang lalaking nakita ko kanina sa dagat. Umupo ito sa tabi ko habang may dala siyang isang plangganang tubig at puting bimpo na nakababad doon.
"Nasaan ako?" usisa ko sa kaniya.
"Ahh, nandito ka ngayon sa bahay ko. Pasensya na kung hindi kita nadala kanina sa ospital. Masyado kasing malayo ang ospital dito, kailangan pa nating tumawid ng dagat para makarating sa kabilang bayan at saka mukhang nag-aagaw buhay ka na kanina kaya dito na lang kita diniretso. Huwag kang mag-alala, mahusay namang manggagamot si Manong Berting. Tignan mo nga, napagaling niya ang sugat mo kahit hindi pa 'yan masyadong naghihilom. Pero paniguradong wala pang isang buwan ay babalik na rin kaagad 'yang lakas mo." Aniya habang pangiti-ngiti ito sa akin.
Hindi ko na lang gaanong pinansin ang mga sinabi niya sa akin at nagpumilit akong bumangon kahit nahihirapan pa ako.
"Teka, sandali!"
Tipong pipigilan sana niya ako pero nagmatigas pa rin ako at ininda ang kirot na nararamdaman ko.
Pagkatapos non ay humawak ako sa pader at saka tumayo habang nakasunod siya ng tingin sa akin.
"Saan ka pupunta?" tanong niya sabay hinawakan ako sa braso, kaya natigilan ako at lumingon sa kaniya.
"Bitawan mo 'ko." Mahinang sambit ko rito.
Bumitiw din naman siya kaagad kaya tumalikod na ako at naglakad palabas ng bahay niya.
"Saglit lang!"
Sa pangalawang pagkakataon ay muli na naman akong nahinto sa paglalakad. Pero hindi dahil tinawag niya ako kun'di dahil bigla akong nakaramdam ng pagkahilo.
"Magpagaling ka na muna rito kahit tatlong araw lang. Hindi pa masyadong magaling ang mga sugat mo at mahina pa ang katawan mo. Baka mapano ka niyan kapag-"
Bigla na lang siyang nahinto sa pagsasalita nang lumapit siya sa akin at sinalo ako sa pamamagitan ng mga braso niya.
Kamuntikan na kasi akong matumba pero mabuti na lang ay mabilis niya akong nasalo. Kung hindi ay baka hindi lang likod ko ang napuruhan kun'di pati ang ulo ko at kung magkataon ay baka mas lalong mawala ang mga alaala ko at hindi ko na makilala ang tunay kong pagkatao.
Muli niya akong kinarga at marahang hiniga sa kama. Hinipo niya ang aking noo gamit ang isa niyang kamay at saka piniga-piga ang puting bimpo bago niya itong ipinatong sa noo ko.
Sa mga sandaling iyon ay nakapikit lang ang aking mga mata at sobrang lamig ng pakiramdam ko. Nakatakip naman ako ng kumot pero parang ginaw na ginaw ako at nanginginig ang buong katawan ko.
Tila napansin niya na mas lalong lumalala ang kondinsyon ko kaya muli niya akong hinawakan sa noo, pati sa kamay at napansin na mas lalo akong giniginaw. Kaya saglit siyang tumayo at sinara ang mga bintana't pinto, upang hindi makapasok ang malakas na hangin mula sa labas.
Gayunpaman ay hindi pa rin iyon naging sapat upang bumaba ang aking temperatura. Kaya muli siyang tumayo at kumuha ng isa pang kumot para ipantakip sa akin pero hindi pa rin humupa ang lamig na nararamdaman ng aking katawan.
"Sandali lang, tatawagin ko lang si Manong Berting."
Bigla siyang tumayo at tipong aalis na sana siya pero agad ko siyang napigilan at hinawakan sa kamay niya.
Natigilan naman siya kaagad at lumingon sa akin na may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha.
"Dito ka lang... huwag mo akong iwan." Mahinang sambit ko sa kaniya.
"Pero,"
Hindi ko siya pinatuloy sa pagsasalita at tumingala ako sa kaniya.
"Yakapin mo ako." Saad ko na ikinagulat naman niya.
"Huh? a-anong sinabi mo?" aniya habang bumibilog ang kaniyang mga mata.
"Humiga ka dito at tabihan mo ako." Ang huling salitang nasabi ko sa kaniya bago ako manghina at pumikit muli.
"Ano?! tama ba yung narinig ko sa'yo? pero,"
Hindi niya tinuloy ang sinasabi niya at saka tinaboy ang kamay kong nakahawak sa kamay niya.
"Hindi bale. Iisipin ko na lang na wala akong narinig sa iyo kaya maghintay ka lang diyan at tatawagin ko si Manong Berting." Dugtong niya.
Pagkatapos non ay tumalikod siya ulit sa akin pero agad din naman siyang nahinto nang makarating siya sa tapat ng pinto.
Lumingon siya sa akin at saka bumuga ng malalim na paghinga.
"Okay, sige. Pero huwag mo akong sisisihin kapag magaling ka na ah?" aniya sabay hinubad ang suot niyang pantaas na damit, pagkatapos ay humiga ito sa tabi ko sabay niyakap niya ako.