Chapter 1 | Part 1

1702 Words
[SIMON] "NAGMAMADALI KA ata, anak?" wika ng isang babae sa likod ko. Tinignan ko siya, si Mama lang pala. Pinaikutan niya ako ng mga tingin na may halong suspetiya. "Napa'no ka, ‘Ma? Ngayon mo lang ba nakitang ganitong gwapo ang anak mo? Napasobra ba? Bawasan ko na ba kagwapuhan ko?" Pabiro niya akong tinapik sa aking kanang balikat. "Tumigil ka nga. Para sa 'kin, kahit hindi ka magbihis ng gan'yan, gwapo ka na sa mga mata ko." Napangiti siya sa ‘kin. Ganito ang araw-araw na ganap sa bahay namin. Gigising ako ng maaga at magigising na rin si mama kapag nakita niya akong gising na. Napakurap-kurap ako ng aking mga mata. "Gwapo lang ba talaga? Hindi ba ako 'yung pinakagwapo?" Tinignan niya lang ako ng taimtim na tila ba ayaw akong sagutin. "Ma, sagutin mo ‘ko…” ma-drama kong ani. "Pangalawa ka lang, ang tatay mo pa rin ang pinakagwapo sa mata ni Mama." Siguro ay nakita niya akong sumimangot kaya kaagad niya akong niyakap ng mahigpit. "Pogi ka pa rin naman, ayos lang rin naman ‘yon, ‘di ba?" "Ano pa bang magagawa ko? Halata namang hindi ako mananalo kung si Tatay ang kalaban," sagot ko habang inangat ang aking kilay. Ini-ayos kong muli ang aking polo at nag-pose pa ng pogi sign gamit ang aking kamay. "Kanino pa ba ako nagmana?" "Sa nanay mo, siyempre at ako 'yon," sagot niya na tila proud na proud pa. Ibang klase talaga si Mama, kaya mahal ko 'to e. "Kanino ka pa ba magmamana?" "Alangan namang sa kapitbahay, 'di ba, ‘Ma?" tanong ko at napangisi. Sinabayan niya rin akong tumawa. Kahit mahirap anng buhay, puno pa rin kami ng kasiyahan rito sa bahay at ‘yon lang ay sapat na sa ‘kin. Basta ba makakain kami ng tatlong beses sa isang araw at walang lumaking hindi busog sa pagkain at pagmamahal, ayos na sa ‘kin ‘yon. Pero may ibang part sa sarili ko na gusto ko silang makaalis sa kahirapan at ‘yon ang sunod kong gagawin… kaya hindi ako tumitigil sa pagtatrabaho hanggang hindi pa napupudpod ang mga buto ko. "Alis na po ako, ‘Ma. Raket muna ako, para may pambili ako ng pagkain natin mamayang hapunan. Huwag ka masiyadong magpapapagod, ha? Magsaing ka na lang ng kanin at pag-uwi ko ay may ulam na tayo." "May bigas pa naman diyan at may naiwan pa akong pera galing sa iniwan mo sa ‘kin kahapon, sapat pa ‘yon. Mag-iingat ka, anak," ani Mama at kaagad akong niyakap. Sinuklian ko na lamang ang mahihigpit niyang yakap. "Mahal na mahal kita." "Mahal din kita, ‘Ma. Kayong lahat ng mga kapatid ko. Kaya nga ako puspos sa trabaho para hindi kayo magutom araw-araw." "Pero ikaw naman ang naghihirap." Kita ko sa ekspresiyon ni mama ang pag-iiba nito. Kailan ba siya titigil sa pag-aalala sa 'kin? "Pasensiya na at matanda na rin ang nanay mo, 'nak. Pati ang tatay mo, matanda na rin kaya napipilitan kang magtrabaho kahit nasasaktan ka na. Kahit pa may sakit ka—" "Shh," kaagad ko siyang itinigil. Bakit ba palagi siyang nage-emote kapag nag-uusap kami? Hindi ko naman maiaalis sa kaniya na mag-alalasa ‘kin pero sana ay huwag niyang araw-arawin at makaapekto pa sa mental health niya. "Huwag mo akong alalahanin, ma. Ang alalahanin mo ay ang katawan mo. Nanghihina ka na pero tumatanggap ka pa ng labada, sabi ko naman sa 'yo, kaya ko pa naman." Napayuko siya. "Kaya ko pa naman, ‘nak. ‘Yon na nga lang ang maitutulong ko sa ‘yo." Tinapik-tapik ko ang balikat niya. "Para naman makatulong ako sa 'yo, 'nak. Nakakahiya maging pabigat." "Hindi kayo pabigat ng mga kapatid ko at ni Tatay, ‘Ma." Niyakap ko na lamang siya. Mukhang pabuhos na naman ang maiinit na likido sa mga mata niya. "Hindi sa responsibilidad ko ang tumulong pero gusto ko. Gusto ko rin namang suklian lahat ng paghihirap ninyo sa 'kin ni Tatay. Hangga't kaya ko, tutulungan ko kayo." Lumabas na ako ng bahay pagkatapos no'n. Ayaw kong makita pa akong maiyak ni Mama. Hindi ko mapipigilan ang emosiyon ko kapag kaharap si mama. Isipin man ng mga tao na madrama kami o ano, wala na akong pakialam. Ganiyan kami magpakita ng pagmamahal naming sa isa’t-isa. Matanda na si Mama. Mags-singkuwenta na ata siya sa darating na mga taon, pero pursigido pa ring tumanggap ng labada kasi kapos din kami, e. Maliit lang din ang baryo ng San Roque at malayo sa kabihasnan kaya wala masiyadong trabaho dito. Paraket-raket na lang din kami. Suwertehan rin kung saan makakakuha ng alok na trabaho. Suwerte ka na kung may makuha kang trabaho sa isang linggo ng tuluyan. Si Tatay naman ay matanda na rin. Hindi rin siya ang tunay kong ama. Ang papa ko ay isang hapon, nabuntis niya si Mama no'ng nagtrabaho si mama sa Japan. Dahil nga do'n, umuwi si mama nang wala sa oras. Hindi na rin siya nakabalik sa Japan pa kaya hindi na namin nakita ang kung sino mang ama ko. Simula do'n, wala na akong balita tungkol sa totoong papa ko. Naniniwala akong kung gusto niya akong makita, hahanapin niya ako, pero kung hindi, kahit huwag na. Kung magpakita man siya, tanggap ko siya. Pero kung ayaw niya, e, 'di huwag. Kung hahanapin niya man ako, okay lang rin, kung hindi, okay lang. Masaya na ako sa buhay na mayroon ako. Ayaw ko namang maghanap pa sa ayaw magpahanap. At lalo na, baka may pamilya na rin 'yon. Baka isipin pa nila na pera lang ang habol ko sa totoong papa ko. Nang maipanganak ako ni mama, nakilala niya si Tatay Ruben, ang stepfather ko. Mabait si Tatay, tinuturing niya akong anak kahit na hindi naman talaga niya ako anak. Sa side ni Tatay, may tatlo pa akong kapatid. Dalawa sa kanila ang nag-aaral pa at 'yung isa, kagaya ko, nahinto na rin sa pag-aaral at maagang hinarap ang hamon ng buhay. Katulong kami ni Tatay Ruben sa pagtatrabaho, dahilan kaya sa awa ng diyos, hindi naman kami nagugutom sa araw-araw. "Simon!" Napatingin ako sa tumawag sa 'kin. Nakita ko si Evan na papunta sa 'kin, suot-suot ang ngiti niya na madalas makita kapag maghahasik ng lagim. "Sa'n punta natin? Mukhang bihis na bihis tayo, ah?" Inakbayan niya lang ako. Kaibigan ko 'tong si Evan simula no'ng bata pa kami kaya wala namang malisya. Sa baryo namin, pamilya nila ang isa sa pinakamayaman kaya petiks lang 'to masiyado. Pero dahil kaibigan ko 'to, palagi akong libre kapag gagala kami. Bagay na masaya kapag may kaibigan kang mayaman. "Raraket muna, siyempre hindi ako puwedeng magpa-petiks-petiks lang tulad mo," sagot ko na nagpatawa sa kaniya. Napahinto ako ng paglalakad at inakbayan siya. Halos magkapareho lang kami ng tangkad kaya hindi naging mahirap na akbayan siya. Ilang pulgada lang ata ang agwat namin, dahil kitang mas matangkad siya sa 'kin. "Kailan ka umuwi? Hindi ka man lang nagpa-abiso." "Alam kong busy ka at maaga ka pang gigising kaya hindi ako dumiretso sa bahay ninyo. Umuwi ako kaninang alas tres ng umaga lang," sagot niya. "No'ng nalaman kong namatay si Tatang Isko, umuwi agad ako galing Maynila. Kasama ko pa ang mga kaibigan ko na nagpupumilit pumunta sa burol ng tatang." "Patay na si Tatang Isko?" tanong ko na tinanguan niya lang. Kahapon lang masaya pa 'yung nagkukuwento tungkol sa bagay-bagay, tapos patay na siya ngayon lang? Hindi sa close ko masiyado si Tatang Isko pero kilala siya sa buong baryo, isa siyang mabait na matandang mayaman, at nakakadaupang-palad ko rin siya araw-araw. "Totoo talaga?" hindi makapaniwala kong ani. "Sabagay, matanda na rin si tatang, dapat na rin siyang magpahinga. Pero teka nga, bakit parang masaya ka pa na namatay ang lolo mo?" Napangiti siya ng pa-sikreto. Mukhang alam ko na ‘tong ngitian na ‘to. Isa si Evan sa mga makulit at medyo tarantadong apo ni Tatang Isko, at hindi ko nga alam kung bakit ko ‘to nagging kaibigan. "Siyempre, bilang si Mama lang ang anak ni Tatang na nandito, kay Mama ang pamana. Wala namang pake ang mga tita’t tito ko na mayayaman na sa iba’t ibang lugar. At kapag sinabi na kay mama ang pamana, sakop din ako." Binatukan ko na lamang siya. "Gago ka talaga kahit kailan, e, 'no? Lolo mo pa rin 'yon. Kahit naman papaano, ipakita mo na malungkot ka na umalis na siya sa mundo." "Ang seryoso mo naman. Joke nga lang, e." Pabiro niya akong tinapik sa aking balikat. Iba na talaga ata ang tama nito, simula no'ng magsimulang mag-aral sa Maynila. Napabarkada ata at nawala sa tamang landas. "Ito talaga, ni minsan, hindi mabiro. Joke lang talaga ‘yon… slight. Siyempre masaya ako na may sakop ako sa pamana, hehe." Dahil mayaman sina Evan, madali lang sa kanila na ipadala siya sa Maynila para do'n mag-aral. Nangako kami dati sa isa't-isa na sabay kami kung saan man pumunta ang isa pero hindi natupad pagtungtong ng college. Gustuhin ko man na mag-aral do'n at tapusin ang kolehiyo, wala akong magagawa dahil salat kami sa pera. "Bakit mo nga ako tinawag?" tanong ko sa kaniya na tila hindi mapakali. "Hindi mo naman ako tatawagin kung wala kang kailangan. Ano na nga? Ba't hindi ka mapakali?" "Miss ko lang bestfriend ko," aniya bago ako niyakap ng mahigpit. Kaagad ko siyang iniwasan nang makitang maraming tao ang nakatingin sa 'min. "Ito naman, parang diring-diri, ah? Sabay pa nga tayo magpatuli no'n e." "Kaya kasi iniisip ng mga tao na may namamagitan sa 'tin kasi ang clingy mo," sagot ko sa kaniya na pangisi-ngisi lang. Ito ang iniiwasan ko, e. Sa sobrang clingy ni Evan sa ‘kin, na-issue na kami isang beses na may relasiyon kami. Hindi ba pwedeng magkatuwaan ang magkaibigan. "So, ano nga?" Napakamot siya ng ulo niya at kaagad na lumapit sa 'kin. "Aalukin sana kita ng raket." Ngumiti siya sa ‘kin na tila inaasar ako. Sa edad kong ‘to, raket ang kasiyahan ko. "Anong raket?" Napa-angat ako ng aking kilay. "Sige lang. Basta ba legal lang, seryosohin mo 'to, Evan, ha? Kapag ako ni-prank mo, pa-prank din kitang puputulin ko dalawang ulo mo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD