[SIMON]
INABOT NG isang buong linggo bago dumating ang araw ng day-off ko. Nasa loob ako ng kuwarto ko nang makauwi galing sa trabaho. Pareho kaming kauuwi lang ni Ali galing sa trabaho at kaagad na pumunta sa kaniya-kaniya naming kuwarto. Balak ko sanang umuwi sa probinsiya ngayong gabi para kitain si nanay at gawin ‘yong pangako kong uuwi ako bawat day-off ko. Hindi bale nang makatulog sa biyahe basta makauwi. Nagdala lang ako ng ilang gamit ko at nagbihis na rin para lumabas ng unit. Nagdala lang ako ng iilang gamit at lumabas na rin.
Pagkalabas ko ay nakita ko si Ali na nakaupo sa dining table kahit na walang ilaw. Nakatulala lang siya ro’n at parang may malalim na iniisip. Nang maramdaman niya sigurong lumabas na ako sa kuwarto ko, inilingon niya ang ulo niya at nginitian ako. “Oh, you’re off to go?” tanong niya sa ‘kin. Kinuha niya ang kaniyang jacket at ang susi sa ibabaw ng mesa bago ako tinignan nang taimtim. Ano kayang balak niyang gawin? Huwag mong sabihin sa ‘king… “What are you standing still there for? It’s getting late, Simon. Let’s drive to your place already. Babalik pa pala ako after ng drive papunta doon.”
“Ha?” tanong ko sa kaniya. Balak niya lang naman akong ihatid sa baryo naming, sa ganitong oras. Tinawanan niya lang akong parang tangang nakatulala dito. Kahit na alam ko nang sa ngiti niyang ‘yon, ‘yong mga mata niya ay halatang pagod at kulang na kulang talaga sa tulog. “Huwag mo nang balakin pa, Ali. Kaya ko naman mag-isang umuwi papunta sa ‘min.”
Tinignan niya lang ako. “But I want to see you safe. That will make me in relief.”
Lumapit ako sa kaniya at tinapik ang balikat niya. “Ali, alam kong pagod ka sa trabaho ngayong araw kaya mas mabuti pang magpahinga ka na lang. Kayang-kaya naman ng sarili kong paa na umuwi sa ‘min. Hindi ko kailangang mag-alala sa ‘kin. Mas kailangan mo ang pahinga.”
“But I’m okay with it, if you’re being careful that I might be making any mistake while driving, I promise I won’t,” sagot niya sa ‘kin. “Mas gusto kong hatirin ka papunta sa baryo ninyo kaysa ang matulog. Mas importante ka sa ‘kin kaysa sa tulog.”
Dahil ba kulang kami pareho sa pahinga kaya kung ano-ano na lang ang naririnig ko at nasasabi niya? Tunay ba ‘yong mga sinasabi niya sa ‘kin? “Huwag ka nang makulit, Ali. Pumunta ka na lang sa kuwarto mo at magpahinga ka na. Day-off natin bukas kaya kaysa hatirin ako papunta doon, sulitin mo na lang ‘yong oras.”
“Pero…” Natigilan siya nang tignan ko siya at tinanguan. Mas mabuti na ‘yong aalagaan niya ‘yong sarili niyang kalagayan kaysa ang mag-alala sa ‘kin. Hindi rin ako mapakali kapag alam kong gano’n na lang na nag-aalala sa ‘kin ang isang tao. “Let me, at least, get you to the terminal, please?”
Huminga ako nang malalim. “Huwag na,” sagot ko sa kaniya. Ibinaba ko sa mesa ang bag na dala ko at inakbayan siya, paunti-unting dinadala si Ali papunta sa kuwarto niya. “Halatang-halata naman ang pagod sa mata mo, Ali. Grabe ‘yong trabahong inasikaso mo kanina, at sa buong linggo, at deserve mo ang magpahinga. Mas mapapanatag ako na nandito ka at nagpapahinga.”
Tumalikod ako at akmang lalabas na nang hilahin niya ang kamay ko. “Susundin ko ang sinasabi mo at magpapahinga na ako, ang gusto ko lang ay mag-ingat ka sa biyahe. Enjoy your day-off with your family,” aniya at tinignan ako nang marahan. “Bukas na hapon, I will come fetch you from there. Having you go with the public bus is troublesome for you. I will not have you decline this.”
Tinapik ko nang dalawang beses ang balikat niya. “Sige.”
Nginitian ko siya bago lumabas ng kuwarto niya. Hindi na rin ako nagpalipas ng panahon at kaagad na lumabas sa condo at dumiretso kaagad sa terminal ng bus. Tumingin ako sa relo ko, hindi pa naman lumalagpas sa alas-nueve ng gabi kaya marami pang bus na dumadaan.
Napatagal ang paglabas namin kanina sa trabaho dahil sa ibang issues at errors sa report na nagpagalit lalo kay Ali. Kitang-kita ko siyang nangangalit kanina, lalo na sa mga member ng marketing team. Though, alam ko naman na ginagawa naman nila ang best nila, hindi ko pa rin maiaalis kay Ali ang galit. And ending ng kuwento, siya ang tumapos ng reports at hindi na hinintay pa ang revised reports. Nag-overtime pa siya ng isang oras para tapusin ‘yon pero hindi pa sapat ‘yon.
Hindi ko siya hinayaang mag-isa sa opisina niya at sinamahan ko siya, dahil ano pa ba ang maitutulong ko sa kaniya maliban sa samahan siya. Dahil kung alam ko lang kung paano baa ng mga trabaho niya, e, ‘di sana tinulungan ko na siya, sa una pa lang. Nang mapansin kong humihikab na siya, nag-aya na akong umuwi na siya at magpahinga na. Hindi niya pa tinanggap ang pag-aaya ko pero kaagad ring bumuwag.
Napag-usapan naming na uuwi ako ngayong gabi kaya siguro siya nag-abang para lumabas ako nang maihatid niya ako. Sa halip na matulog at sarili niya ang isipin niya, ang mas inisip niya ay ang ihatid ako sa pamilya ko. Hindi ko alam pero ‘yong katiting na concern niya sa ‘kin kanina… pinakabog niya ang puso ko. Hindi lang talaga ako makatanggi sa mga taong may malalim na concern sa ‘kin, tulad ni Ali.
Kung babae nga ako, malamang nahulog na ako sa kabaitan at sa pagkatao ni Ali.
Dumating na ang bus at kaagad akong sumakay sa loob nito. Mahaba pa ang biyahe at halos nasa Maynila pa kami kaya tinuon ko ang sarili ko sa pagtulog para ihabol ang pagod sa trabaho pero sa oras na ipinipikit ko ang mga mata ko, ang nakikita ko ay ang imahe ni Ali na nakaupo sa kaniyang kama. Ibinukas ko ang mata ko habang iisang tanong lang ang umuukopa sa isip ko: nagpapahinga kaya siya ng maayos ngayon? Sana lang hindi siya nag-aalala sa ‘kin at ituon na lang ang atensiyon niya sa pagtulog.
Alam kong nag-aalala ako kay Ali, at hindi na bago ‘to kapag may mga bagong mga tao na nagiging malapit sa ‘kin. Pero, bakit parang ibang pag-aalala ang ginagawa ko sa kaniya? Tila ba isang pag-aalala na hindi buhat ng pagkakaibigan at buhat ng isa pang rason na halatang mas malalim kaysa sa pagkakaibigan.
Pero dahil naghintay ako kay Ali sa loob ng opisina niya nang ilang oras pa, hindi ko na rin napigilan ang sarili ko na matulog. Iniwan ko na muna ang lahat ng iniisip at concern ko sa hangin at hinayaan ang sarili ko na matulog. Ang huling naaalala ko ay inilagay ko sa bintana ang ulo ko at sa oras na ‘yon, nakatulog na rin kaagad ako.
Nagising ako nang may tumapik sa balikat ko, ‘yong konduktor pala, humihikab. “Boy, nandito na tayo sa last stop ng bus namin.” Tumingin ako sa labas ng bus, madilim pa. Tumingin ako sa relo ko at nakitang alas tres pa lang ng madaling-araw. “Hindi ka pa bababa? Nakalagpas ka ba?”
“Hindi, boss,” sagot ko sa kaniya bago kinuha ang bag ko sa ibaba ng upuan ko. “Saktong-sakto lang, boss. Dito talaga ako baba. Salamat.” Kinuha niya ang ticket ko at binutasan iyon gamit ang isang equipment niya. Lumabas na rin ako sa bus at kaagad na naglakad pauwi. Wala pang tricycle sa ganitong oras kaya nilakad ko na lang, hindi rin naman na bago sa ‘kin ‘tong lugar na ‘to. Ang lugar na kinalakihan ko, hinding-hindi ako makakalimot ng pasikot-sikot nito.
Ilang minutong paglalakad pa, nakaabot ako sa bahay namin. Hindi ko magawang kumatok dahil baka natutulog na sila nang mahimbing kaya sinubukan ko na lang buksan. Nang hindi ko pa rin mabuksan, kaagad itong bumukas at bumungad ang mukha ng nanay. “Anak, nandito ka na pala.”
“Kadarating ko lang, nay,” sagot ko at yumakap sa kaniya. “Paano ninyo nalaman na nasa harap ng bahay ninyo ang pinakaguwapo mong anak?”
Natawa siya. “Mother’s instinct lang, nak,” aniya at yumakap ulit sa ‘kin. “Noong naging ina ako, alam ko ang lahat ng bagay sa mga anak ko. Naglalakad ka pa lang papunta dito, rinig na rinig ko na ang mga yabag mo. Hindi na ako nag-atubili pang buksan ang pinto at tama nga ako, ikaw nga. Kumusta ang biyahe?”
Ngumiti ako sa kaniya. “Okay lang naman po, nay. Medyo pagod lang ng kaunti.”
Inilakad niya ako papunta sa kuwarto ko pagkatapos isara ang pinto. “Matulog ka na muna at ibawi ang pagod na nakuha mo. Mag-uusap tayo bukas,”
Iniwan niya na ako sa loob ng kuwarto ko. Wala akong ibang nagawa kung ‘di ang tanggalin ang sarili kong sapatos at nahiga sa kama ko. Ibang-iba ang kama ko sa Maynila pero mas gusto ko pa rin talaga ‘to. “Ano na kayang ginagawa ni Ali doon? Natutulog na kaya siya?” tanong ko sa sarili ko. Wala na akong ibang maisip na iba kung hindi si Ali. Bakit ba puro Ali na lang ang nasa isip ko ngayong araw?
Hindi ko na lang pinansin ulit. Hindi ko maitutuloy ang tulog ko kapag patuloy kong inalala o inisip si Ali. Malamang hindi rin ‘yon makakatulog kapag patuloy ko siyang inisip. Hinayaan ko na lang ang sarili ko na madala ng kaantukan at natulog na lang. Naipikit ko na ang mga mata ko at natulog na lang nang walang inaalala.
Anong oras na no’ng nakauwi ako sa bahay namin kaya hindi rin naman nagtagal ay nagising na rin ako. Hindi na rin bago sa ‘kin ang ganitong setup. Nagigising ako nang maaga noon kahit natutulog ako ng late na para sa trabaho. Hindi na bago sa ‘kin ang magpuyat.