2027
Kulang ang kinain nilang Alibaba kaya bumili pa si Vincent ng isang plastic. Bumili na rin siya ng gamot para humupa ang hindi magandang pakiramdam niya sa kanyang tiyan.
“Umiinom ka ba, boi?” tanong ni Ricky. “Nagtitinda ba sila ng beer diyan sa loob?”
“Tumigil na ‘ko,” sagot ni Vincent. “Matagal na. Madali kasi akong malasing. Eh pinapagalitan na ‘ko ni Ariel.”
“Ariel Gregorio? ‘Yung pinapantasya mo no’n? Ano’ng nangyari sa kanila ni Kenneth?”
“Wala. May ibang kinasama si Kenneth. Maagang nakabuntis kaya naobligang pakasalan ‘yung babae. Tapos sa ‘kin ang bagsak ni Ariel. Ayos nga. Sa Baliuag pala talaga siya nakatira, hindi rito sa SI.”
“Hindi naman siya napilitan lang kaya sa ‘yo?”
“Tukmol. Hindi naman siguro,” nilamukos ni Vincent ang walang laman na plastic ng sitsirya. “Boi, nakapagdala ka ba?”
“Ng ano?”
“’Yung sinabi ko sa ‘yong dalhin mo,” lumingon-lingon si Vincent sa paligid.
“Alin? ‘Yung ano... ah... Oo. Pinuntahan ko kanina ‘yung kakilala ko. Bigay na lang. Gusto na niyang i-dispose, kaso walang gustong kumuha, kaya ako na lang.”
“Ano ba siya dati?”
“Nagtatrabaho siya sa pabrika.”
“Ah...”
“Matagal na sa kanya ‘yon. Tinanim lang. Eh hindi niya ma-report sa pulis.”
“Bakit?”
“Hindi ko rin alam, eh.”
Isang bus ang huminto sa harap ng waiting shed malapit sa convenience store. Isang matipunong lalaki ang bumaba. May dalang bag.
“Sa gym ata nakatira ‘yun,” sabi ni Vincent. “Laki ng katawan. Baka instructor.”
“Sino?”
“Ayun.” Tinuro ni Vincent ang lalaking kakababa lang ng bus. May suot itong pulang t-shirt at kupas na maong na pantalon. Naglalakad ito papalapit sa kaniya. “Isang suntok sa ‘kin nito, durog ang buto ko.”
Tumigil si Vincent sa pagsasalita nang makalapit ang lalaki. Tumigil din ito sa harap ng convenience store na parang may hinihintay. Sa harapan ng dalawa ito tumigil. Hindi naalis ang tingin nina Vincent at Ricky sa lalaki. Patuloy na kinaiinggitan ito sa magandang hubog ng katawan. Napansin ni Ricky ang mahabang peklat na nakaguhit sa braso nito. Mula ilalim ng siko hanggang malapit sa pulso. Tinuro ni Ricky kay Vincent ang peklat ng lalaki.
“Pamilyar sa ‘yo?”
“Hindi… teka...”
Kinuha ng lalaki ang cell phone nito mula sa bulsa at itinatapat sa tenga. Biglang nag-ring ang cellphone ni Vincent. Nagtitigan sila ni Ricky. Kinuha ni Vincent ang cell phone niya sa bulsa ng jacket at tiningnan kung sino ang tumatawag. Naka-display ang pangalan ni Benjie at ang number nito.
“Pakshet,” bulong ni Ricky. “Si Benjie ba ‘yun?”
Hindi sumagot si Vincent. Sinagot niya ang tawag. “Hello?” pabulong na sabi ni Vincent.
“Boi,” sabi ng matipunong lalaki sa harapan nila. “Sa’n na kayo? Nandito na ‘ko sa harap ng convenience store.”
“Nandito na kami,” pabulong pa rin ang pagkakasabi ni Vincent. “Kasama ko na si Ricky.”
Lumingon sa kanilang dalawa ang lalaki saka lumingon sa iba pang direksiyon. Nililibot ng paningin nito ang buong espasyo ng silong ng tolda para sa mga customer ng convenience store. “Wala naman kayo,” hininaan ng lalaki ang boses niya. “Dalawang lalaking mukhang tulisan lang ang nakita ko. Mukhang mga kriminal. Baka dukutin ‘tong cell phone ko. Ang babaho pa ng mga hitsura. Mukhang bayag ng aso.”
Tumayo si Ricky at binatukan ang matipunong lalaki sa harap niya. “Pakshet ka, di ka na nagbago.”
Nilingon siya ng lalaki. “Kilala ba kita? Saka ba’t mo ‘ko binatukan?”
“Ano ba, Vincent? Itumba na ba natin?”
Tumayo na si Vincent at nilapitan sina Ricky at Benjie. “’Musta ka na, boi? Di ka pa rin nagbabago. Late ka pa rin lagi dumadating. Mag-aalas-diez na.”
“Ay, kayo pala ‘yan,” sabi ni Benjie. “’Kala ko dalawang miyembro ng ano... nakalimutan ko pangalan n’ung terrorist group.”
Umupo ang tatlo sa tinatambayan ni Vincent kanina. Malaking ginhawa na di na siya nag-iisa. Pakiramdam niya, mas ligtas na siya, pero hindi pa lubusang ligtas. Maya’t maya pa rin niyang nililingon ang likuran at paligid sa anumang palatandaan ng lalaking gustong pumatay sa kanila. “Pakshet ka, boi,” sabi ni Ricky. “Ano ba iniinom mo. Hiyang na hiyang ka, ah.”
“Gym lang saka maraming exercise at kain. Medyo naging health conscious ako bigla no’n. Ewan ko kung bakit.”
“Ayos. Laki ng pinagbago mo,” sabi ni Vincent. “Dati napakapayat mo pa. Kayang-kaya kong baliin ‘yung backbone mo sa isang pitik lang. Ngayon, baligtad na.”
Tumawa si Benjie. “Ngayon ako angasan ni Jimboy saka nu’ng kalbo. Tingnan natin kung di siya ma-comatose,” walang tumawa sa biro ni Benjie. Naalala ng tatlo ang dungis ng kanilang nakaraan. Ang kasalanang pinilit nilang tinago sa loob ng mahigit isang dekada. At ngayon ay gumaganti sa kanila ang tadhana.
Iniliko ni Ricky ang paksa. “Saka hindi ka na mukhang bungo. Dati para kang Zombie na medyo payaso. Ngayon, medyo nag-improve na ang mukha mo.” Tumawa siya sa sinabi.
“Kaya patay na patay sa ‘kin ang asawa ko,” nabigla si Benjie sa lumabas sa sarili niyang bibig.
“Bakit?” tanong ni Ricky, nagtataka kung bakit biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ng kaibigan.
“Ano kasi,” sabi ni Benijie. “Namatay kasi si Emilyn. ‘Yung asawa ko. Three years ago na ata.”
“Pakshet, sorry boi. Di ko alam.”
“Pasensya na sa nangyari,” sabi ni Vincent.
Tumingala si Benjie sa madilim na langit. “Sorry, mahal ko. Di na mauulit.”
Nakikita pa rin ni Vincent sa mukha Benjie ang pagiging masayahin nito. Ang nag-iisa sa tropa na nagbibigay ng kulay sa naging madilim nilang karanasan. Magiging malaking kalbaryo ang pagharap sa pagsubok nila kung wala ang payaso na ito. Pero ngayon, sa kabila ng saya nito, makikita ang bakas ng trahedyang bumugbog sa kanya. Humanga si Vincent sa kaibigan sa pagsisikap nitong panatilihin ang ugaling kailangan nila ngayon. Kailangan nila ng kulay lalo na’t mas madilim na ang kanilang kakaharaping pagsubok, o parusa ng kanilang itinagong kasalanan.
“Ano kinamatay?” tanong ni Vincent.
“Nasagasaan ng motor. Hindi pa sanay ‘yung nagmamaneho kaya nabangga siya. Papasok pa lang siya no’n sa trabaho. Nu’ng nabangga siya, natumba siya saka tumama ‘yung leeg sa gutter. Eh dead on arrival na sa ospital.”
“Ano ginawa nu’ng driver?”
“Namatay rin. Kawawa nga. Twelve years old lang na nagpapraktis magmotor.”
“’Sensya na, boi,” sabi ni Ricky. “Wala akong asawa kaya di ko alam ‘yung sakit. Pasensya na.”
“Di ko alam gagawin ko kung mangyari ‘yon sa asawa ko,” sabi ni Vincent. “Buti malakas ka pa rin. Kailangan ka ng anak mo.”
“Syempre naman,” pinunasan ni Benjie ang mga mata niya. “Iniwan ko na muna si Layla kay tita do’n sa Cabanatuan kaya medyo natagalan ako. May hinihintay pa ba tayo?”
“Wala na. Sinubukan kong tawagan si Jerry, kaso ayaw talaga. Hindi naman natin siya puwedeng pilitin.”
“Eh pa’no ‘yon? Mag-isa lang siya?”
“Kaya kailangan na nating tapusin agad bago pa niya madale si Jerry. Dala mo ba ‘yung pinadala ko?”
“Nandito sa loob ng bag ‘yung akin,” sabi ni Benjie. “Muntik nang makita nu’ng katabi kong pari sa bus.”
“’Yung sa ‘kin nasa loob pa ng sasakyan. Pero hindi naman ako marunong gumamit no’n.”
“Ang mahalaga dala mo. Tuturo ko sa ‘yo ‘yung basics habang nasa biyahe tayo. Isang sasakyan na lang gamitin natin. ‘Yung sa ‘yo na lang, Ricky. Iniwan ko muna ‘yung sasakyan ko diyan kay Mang Ramon.”
“Buhay pa pala ‘yon?” sabi ni Ricky.
“Ano ba’ng plano? Siya ba susugod sa ‘tin o vice versa?” tanong ni Benjie.
“Huli namin siyang nakita ni Ricky sa Baliuag. Malamang hindi pa nakakaalis do’n ‘yun, kung hindi niya ako nasundan dito.” Nilingon-lingon nina Benjie at Ricky ang paligid. “Kung nando’n pa siya, ako ang hinahanap niya. Tapos na siya kay Louis,” biglang kumabog ang dibdib nila. Malaking pinsala sa kanila ang pagkamatay ni Louis. Pakiramdam nila, palpak silang mga kaibigan. “Ako naman ang sunod niyang pupuntiryahin. Panigurado alam niyang nando’n ako, at di na muna siya aalis ng Baliuag.”
“Ede tayo nga ang susugod?”
---------------------------------
Aaminin niya, medyo nagulat siya. Akala niya isa lang estranghero ang maskuladong lalaki, iyon pala ‘yung binatang patpatin dati. Malaki na ang pinagbago. Malaki rin ang magiging problema niya rito.
Pero hindi na siya umaasa sa mga patalim. Kailangan niyang suwayin ang isang kondisiyon ng kontrata. Wala siyang magagawa. Huli nang pagbabago iyon.
Masaya silang nagkukuwentuhan, pero alam niyang may impormasiyon siyang makukuha ro’n. Isa na lang ang baon niyang mikropono. Kung nagamit lang niya sana ito, maririnig niya ang usapan nila. Mamaya na lang niya gagamitin.
Teka... aalis sila. Sumakay silang tatlo sa itim na sasakyan. Tumayo siya at sumakay sa pick-up truck niya. Pinaandar niya ito at sinundan ang sasakyan ng tatlo.