2015
Magkasabay na dumating sina Miguel at Louis, mahigit dalawampung minuto pagkarating ni Benjie sa eskuwelahan. Ipinakita ni Miguel ang isang f*******: post ni Jimboy. Kasalukuyan silang bumibiyahe papuntang Panggasinan para maligo sa dagat kasama ang buong pamilya at ilang kamag-anak.
“Taena ligtas ka pa ngayon,” sabi ni Miguel. “Made-delay ‘yung pagbugbog sa ‘yo.”
“Sagot ko na ang fishball mamaya!” sigaw ni Benjie. Halos mapunit ang pisngi sa lawak ng kanyang ngiti. Hindi maiwasan ng mga kaibigan niya na mahawa.”Sagot ko na pati gulaman!”
“Ba’t naman kami maniniwala sa ‘yo?” sabi ni Louis. “Ilang beses mo nang sinabi ‘yan, wala rin. ‘Kaw pa? Aasahan naming manlibre?”
“Buti alam mo,” sabi ni Benjie, saka tumawa.
“Kailan kaya balik nila?” tanong ni Vincent.
“Ewan lang. Sana matagal pa para may prep time pa ‘ko.”
“Ganyan. Sulitin mo ‘yung mga araw na wala siya.”
Sinara na ni Vincent ang binabasang libro at ibinalik sa bag. Sa tuwing darating si Miguel, tumitigil na siya sa pagbabasa dahil sa kadaldalan at kaingayan nito na nagiging dahilan ng kawalan niya ng tuon sa binabasa. Kay Louis naman ay wala siyang problema dahil tahimik lang ito. Tinabihan ni Miguel si Vicent sa bangko. Nanatiling nakatayo si Louis at naglalaro sa cell phone at nakikitingin si Benjie.
“Boi,” sabi ni Miguel kay Vincent. “Nakita ko si Ariel. ‘Yung crush mo.”
“Wala akong pakialam,” matigas na sabi ni Vincent habang gumuguhit sa lupa gamit ang isang mahabang stick. “Sa’n mo nakita?”
“Nasa tindahan. Nakasabit. Katabi ni Surf at Tide.”
“Bugok.”
“Mas bugok ka. Pero seryoso. Nakita ko siya. Di ba taga Poblacion siya?”
“Ewan.”
“Tangina nito, kinakausap nang maayos, eh.”
Ayaw nang pakinggan ni Vincent si Miguel dahil kahit kailan ay hindi ito naging matinong kausap. Lumipad na lang ang isip niya sa pagdo-drawing at mga libro. Nakita niya ang teacher nila sa Programming na si Sir Rico. Halos hindi nakapagturo nu’ng first sem ng programming si Sir Rico dahil naaksidente ito at naging matagal ang recovery. Wala ring nakita ang eskuwelahan na puwedeng maging substitute. Nilapitan ni Vincent ang guro at tinanong, “sir, mamaya na po ba ipapasa ‘yung Flowchart?”
“Oo,” sabi ng guro. “Nagawa mo na ba? Madali lang naman, di ba?”
“Opo,” tugon ni Vincent. “Salamat po.” Pagkatapos, nilapitan niya si Benjie. “Boi, nagawa mo ba ‘yung flowchart.”
“Hindi,” sabi ni Benjie na tila walang pakialam. Abala ito sa panonood ni Louis ng mobile game.
“’Tarakyo ka.”
“Hindi mo nagawa?” sabi ni Miguel. Technical drafting ang piniling specialization nina Miguel, Louis, Paul, at Jerry. Sina Vincent, Benjie, at Ricky naman ay Programming ang pinili. “Ala ‘to. Tamad ka kasi.”
Tatlumpu’t lima sila sa kanilang seksyon. Dalawang specialization ang nagsama sa section A. Luna. Ang mga pangalan ng seksyon ng mga grade 12 ay base sa bayani ng mga nakaraang panahon; Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Mabini, Jacinto, at iba pa.
Nahihirapan ngayon sa Programming si Vincent dahil wala siyang background nito no’ng nakaraang school year. Animation ang Specialization niya at nina Benjie at Jerry. Ang lima naman ay Programming. Ngayong school year, hindi nakapagturo masyado si Sir Rico kaya nahirapan din sina Benjie at Vincent. Ang alas lang nila ngayon ay si Ricky, na nasa Junior High School pa lang ay may interes na sa Programming kaya nag-excel ito ngayon. Si Ricky ang takbuhan kapag may hindi alam na program ang mga kaibigan. Ngayon, si Benjie at Vincent na lang sa tropa ang humihingi sa kanya ng tulong dahil ang iba ay lumipat na sa technical drafting.
“Papaturo na lang ako kay Ricky.”
“Dali-dali lang niyang flowchart,” sabi ni Miguel, sinasadyang magtunog mayabang. “Kayang gawin ‘yan nang limang minuto.”
“Eh ba’t di mo ‘ko tulungan?” tanong ni Vincent.
“Hu! Pinakopya mo ba ‘ko kahapon sa activity kay sir Joaquin?”
“Ala ‘to. Traydor ka.”
“Si gago, hano. Ayun! ‘Yun na ‘yung tagapagligtas mo?”
Pumasok si Ricky sa eskuwelahan na nakatutok sa cell phone. Muntik pa nitong mabangga ang teacher nila sa 21st century na si Ma’m Medina, na tinatawag nilang Medusa dahil sa pagiging terror nito at sa mahaba nitong kulot na buhok na parang mga ahas. Nang makalapit si Ricky sa tropa, nagtanong siya, “Ano, boi? Aba, maaga ata si Benjie?”
Tumigil na kanina si Benjie sa panonood dahil tumigil na sa paglalaro si Louis. “Syempre. Hinihintay kita. Papaturo ako ng assignment.”
“Eh ba’t di ka kay Vincent nagpaturo,” tumingin si Ricky kay Vincent at nginitian siya nito. “Pakingshit kayo, boi. Puro kayo asa sa ‘kin.”
“Eh ang hirap eh,” sabi ni Vincent.
“Sabihin mo tamad ka lang,” sabi ni Miguel pero di siya pinansin ni Vincent.
“Ano, boi. Patulong ako. Kahit ‘wag na si Benjie.”
“Mga pakers talaga kayo. Labas n’yo ‘yung notebook n’yo.” Dalawang flowchart ang gagawin nila. Isang flowchart para sa program na manghihingi ng radius at idi-display ang circumference, diameter, at area ng circle at program na nanghihingi ng length at width ng rectangle at idi-display ang area at perimeter. “Lagay mo diyan ‘yung… hindi ganyan… Lagay mo na muna ‘yung mga varia—mali! Di ganyan!..‘Pag ganyan ‘yung shape, ‘yung input ang nasa loob… paking stupid naman nito, una muna ‘yung process, sa loob ng rectangle, hindi diyan!” sinikap ni Ricky na turuan ang mga kaibigan, pero napikon at sumuko na rin ito at pinakopya na lang silang dalawa.
“Ayan kasi,” sabi ni Miguel. “Ginagalit n’yo si Boss Ricky. Dahil diyan, lilibre n’yo siya mamayang break.”
“Sige, ako bahala,” sabi ni Benjie. Alam ng lahat na walang patutunguhan ang mga ganitong pangako ni Benjie. “Lilibre kitang isang max.”
Dumating ang isa pa nilang kaklase sa programming na si m*******e. Ang tinuturing na pinakamaganda sa grade 12. Maputi. Mahaba ang buhok. Maganda ang hubog ng katawan at mukha, pero isa sa mga pinakamakitid ang utak, ayon sa opinyon ng tropa. Ika nga nila, ‘beauty without brain’. “Uy Ricky, pakopya din ako.” Sabi nito na may kaunting lambing.
“Shatap. Hanap kang kausap mo, m*******a,” ganito lagi tumugon si Ricky sa mga babaeng katulad ni m*******e. Ayaw niya na pinapakinabangan siya, lalo na ang mga katulad ng kaklaseng babae. Pero ang pagtulong ay handa niyang ibigay para sa mga kaibigan, dahil alam niyang hindi lang siya pinapakinabangan ng mga ito. Minsan lang talaga ay nagkakataon lang na may pangangailangang teknikal ang mga kaibigan kaya siya ang takbuhan. Pero may mga pagkakataon din na siya ang nangangailangan at siya naman ay natutulungan din nila. Ganito ang gusto niya. Kahit papa’no may balik. ‘Pag walang kailangan, hindi naman siya pinapansin ni m*******e kaya nag-iinit ang dugo niya rito. Code digger ang tawag niya sa kaklaseng babae.
Pamaya-maya pa ay dumating na sina Paul at Jerry. Nagkuwentuhan uli sila gaya ng pangkaraniwang umaga ng Colegio de San Ildefonso. Napag-usapan nila ang pag-alis ni Jimboy at ng pamilya niya sa Pangasinan. Naginhawaan sila dahil maaatras pa ang pagdating ng kanilang problema.
Ilang minuto pa ang lumipas, nagsimula na ang klase. Unang subject nila ngayong huwebes ay Contemporary arts. Si Sir Glen ang teacher nila. Nag-attendance ang guro at isa-isang tinawag ang pangalan ng mga estudyante, kasama ang pangalan ng pito.
“Paul Benedicto.”
“Present, sir.”
Tumawag pa ng ibang pangalan.
“Benjie Calderon.”
“Absent po, nagdyi-GTA,” sabi ni Benjie. Tumawa ang halos buong klase. Minarkahan siya ng guro na absent, “Sir, joke lang. Ikaw naman.” Hindi na siya pinansin ng guro. Tumawag pa ito ng ilang pangalan.
Binatukan siya ni Miguel na katabi niya. “Puro ka kasi kagaguhan.” Ngumisi si Louis at Paul.
“Jerry Cruz.”
“Present po.”
Tumawag ng ibang pangalan.
“Ricky Jemuel De Guzman.”
“Present po.”
“Louis Marco De Jesus.”
“Present.”
Tumawag pa ng iba pang mga pangalan.
“Miguel Juan.”
“Present.”
Tumawag pa ng ibang pangalan hanggang samatawag si Vincent, ang pangalawa sa huli ng listahan ng mga estudyante ng A. Luna. “Vincent Umania.”
“Present.”
Pagkatapos ay nagklase na sila. At sumunod pa ang mga ibang subject. Dumaan ang nakakapagod na araw. Puro activity at panay kopyahan. Si Paul at Jerry lang ang hindi nangongopya dahil iniingatan nila ang dignidad nila. Sa mga break nila, gaya ng umaga, tambay sila sa silong ng puno ng acacia at kuwentuhan habang naghihintay ng susunod na klase. Para bang nirerespeto ng ibang estudyante ang katotohanang ang puwesto na ‘yon ay para lang sa pito.
Sa kabuuan, mayro’n silang apat na klase nagyong araw. Apat na subject. Nakakapagod, nakakaburyong, nakakatamad, pero masaya. Isang araw na walang Jimboy.