2015
Birthday ni Mang Pol. Sinabi lang ni Paul nu’ng mag-uuwian na sila. Nakalimutan niyang abisuhan ang mga kaibigan. Nag-aya siya na kumain ang tropa sa bahay nila. Nagluto si Mang Pol ng mga pagkain katulong ang pito kaya napabilis ang paghahanda. Pagkatapos mag-ahin ay sama-sama na silang kumain at nagkuwentuhan. Sinabihan muna ni Vincent sina Louis at si Jerry na huwag munang mag-cell phone habang nakikikain, sa halip ay makipagkuwentuhan lang muna sa matanda bilang respeto sa paunlak nito. Paniguradong halos hindi magsasalita si Louis dahil hindi ito kasing daldal ni Miguel. Kakain lang ito nang kakain at makikinig sa kuwentuhan.
Mamayang gabi pa ang dating ng mga ilang kumpare ng matanda para kumain at mag-inuman. Sa ngayon, ang mga binata muna ang mga bisita.
Masaya silang nagkuwentuhan at nagtawanan. Libang na libang ang mga binata sa kuwento ng matanda, lalo na kapag nagkukuwento ito ng mga nakakahiyang karanasan ni Paul no’ng bata pa ito. Hindi naman nahihiya si Paul sa kinukuwento ng lolo dahil kilala naman niya ang mga nakikinig. “’Yang si Paul, nu’ng bagong tuli ‘yan nu’ng ten years old, tiniis niya ang sakit ‘wag lang mapahiya du’n sa kras niya. Nakita siya ng kras niya na hawak-hawak ‘yung saluwal kasi nga bagong tuli. Ang ginawa eh hindi niya hinawakan. Ede dumikit ‘yung sugat do’n sa tela ng shorts. Ayun. Ngawa sa sakit.”
Nagtawanan sila, ang ilan ay inasar pa si Paul. Hindi naman nito pinapansin ang mga nakababatang kaibigan. Masaya siya’t masaya sila, iyon ang mahalaga. Ibibigay niya lahat para sa ganito kasayang buhay ng tropa. Mga nakababatang kapatid na ang turing niya sa kanila.
“Mang Pol,” si Benjie ang nagsalita. “Bakit po magkapangalan kayo ni Paul? Naiba lang ang spelling?”
“Eh tungaw kasi tatay nito,” sabi ni Mang Pol. “Napagkatuwaan lang. Para raw malito kami at ‘yung mga kamag-anak. Malakas ang topak n’on, eh. Kung alam kong gano’n ang ipapangalan niya kay Paul, dapat ‘hadhad’ na lang ang pinangalan ko sa kanya. Tingnan ko kung matuwa siya.”
“Ede dapat ‘yun na lang pinangalan n’yo kay Paul para hindi na kayo magkapareho,” sabi ni Benjie.
“Siraulo,” sabi ni Paul, sabay bato ng isang pirasong hiwang hotdog kay Benjie.
Nagtawanan uli sila sa biruang ito. “Apolinario talaga ako. Kapangalan n’ong lumpo.”
“May balita po ba kung kailan mauuwi ‘yung nanay at tatay ni Paul?” tanong ni Jerry.
“Alam ko next year sila pareho,” si Paul ang sumagot. “Tama ba. ‘lo?”
“Sa 2017 pa ‘yung mama mo.”
Nagkuwentuhan pa sila tungkol sa buhay. Karamihan ng sinasabi ng matanda ay may laman. Para siyang matandang pilosopo. Ang mga binata naman ay parang mga batang natututo sa isang marunong na guro. Masaya rin ang matanda na muling makipagkuwnetuhan sa mga mas bata sa kanya nang husto. Gaya ng karamihan ng matatanda, kasiyahan ni Mang Pol ang ibahagi ang kanyang nakaraan sa bagong henerasiyon, sa pagbabakasakaling may mapulot ang mga ito na aral o para mas maintindihan pa nila ang buhay nila ngayon at sa hinaharap. Lubos na makulay na sana ang hapong iyon kung di dahil sa nalikuang paksa.
“Ah,” sabi ni Miguel. “Bale mga ka-edad n’yo na po ‘yung mga bisita n’yo mamaya?”
“Oo,” tugon ng matanda. “Matatanda na kami nu’ng maging magkakasama kami. SIguro nasa trenta na kami no’n. Nagkakilala lang kami sa trabaho. Hindi naman kami madalas nagsasama-sama gaya n’yo, pero ‘pag may okasyon, do’n kami parang magre-reunion. Maglalasing, puwera ako. Madali nang sumakit ulo ko. Naaalala ko nga ‘yung grupo namin sa grupo n’yo. Medyo mas kaunti lang kami. Umonti pa kailan lang.”
“Bakit po?” tanong ni Vincent.
“Eh kamamatay lang ng isa naming kasama. Ang hirap tanggapin eh. Buti sana kung pangkaraniwang sakit lang sana… kaso…” napansin ng pito ang pagkabahala ng matanda. Saglit itong tumayo at tinabing ang pinto para isara. “Mapagkakatiwalaan ko ba kayo?”
Bumakas ang pagtatanong sa mukha ng pito. Nararamdaman ni Paul na may sasabihin ang lolo na makakabahala sa kanila. Nagtinginan at tumango ang mga binata.
“May hula ba kayo kung sino ‘yung sinasabi kong kamamatay lang na kumpare?” nagtinginan uli ang mga binata at umiling. May kutob si Vincent kung sino ang tinutukoy ng matanda. Kung may nakakakilala man sa kanila, iyon ay si Paul. Pero hindi siya nagsalita. Alam niya ang nangyari, pero itinikom niya ang bibig, ayon na rin sa utos ng lolo. Ayaw niyang malaman na may koneksiyon sila kay “Daniel Hidalgo. Pareng Danny.”
“Si Mang Danny po?” tanong ni Ricky.
“Oo. Alam n’yo naman di ba kung ano ang nangyari sa kanya? Nakita siyang walang buhay. Sa sarili pa namang bahay. Inaakusahan ng mga tao si Kapitan Jojo. Wala lang silang mailapag na ebidensya laban sa kanya,” saglit na umubo ang matanda. “Wala rin namang nakakita sa nangyari. Iyon ang akala nila.”
“Ha?” sabi ni Paul. “May nakakita?” Hindi na kumportable ang magkakaibigan sa usapang ito.
“Hindi ko sinabi sa ‘yo na nakita ko mismo ‘yung nangyari kay pareng Danny.”
“Alam mo ‘yung nangyaring pagkamatay?” tanong ni Vincent kay Paul.
Ang matanda na ang sumalo sa tanong ni Vincent. “Kilala talaga ni Paul si pareng Danny. Napupunta kasi ‘yon dito minsan. Syempre, nakakapag-usap sila ni Paul. Sinabihan ko siya na huwag sabihin na may koneksyon kaming dalawa kay pareng Danny. Hindi ko alam kung ano’ng panganib kapag nalaman ng mga tao na may koneksyon kami sa namatay. Pero mainam nang ligtas. Hindi namin alam ang takbo ng isip ng punyetang kapitan na ‘yon. Baka madamay kami ni Paul o ano.”
Hindi nakapagsalita ang mga bisitang binata, hindi makatingin nang diretso sa nagkukuwentong matanda. Pinagmamasdan lang nila ang sahig, pader, o kaya ang kisame ng bahay.
“Nakita ko mismo ‘yung taong pumatay kay Pare,” nagpakabog ito sa dibdib ng mga magkakaibigan. Hindi hango sa pelikula o sa kathang-isip na libro ang kanilang naririnig. Buhay ito ng totoong tao, at kababayan pa nila. At ang antagonista ay totoo rin. May posibilidad pa na sila ang isunod dahil sa naging problema nila kay Jimboy. “Medyo nag-away kami no’n ni Danny nu’ng nalasing siya. Kinabukasan ng gabi, o baka madaling araw na no’n, di ako makatulog. Ayaw ko kasing nakikipag-away sa kahit na kaninong kasama ko, lalo na kay Danny. Mabait ‘yan. Pinautang niya ‘ko no’n nu’ng minsang naospital ako dahil sa pulmunya. Hindi na nga niya pinabayaran. Kaya nu’ng oras na ‘yon, pumitas ako ng mga mangga diyan sa gilid. Paborito kasi ni Danny ‘yon, lalo na ‘yung maasim kasi bagay sa bagoong. Pinuntahan ko siya para humingi ng pasensya,” bumuntong hininga ang matanda. “Mag-isa lang siya no’n sa bahay kasi nagbakasiyon ‘yung asawa at anak niya sa Bataan. Kagalit kasi ni Danny ‘yung mga angkan ng asawa niya ro’n kaya hindi siya sumama. Pakuha nga muna ako ng tubig, Paul.”
Si Louis ang pinakamalapit sa basyo ng mineral water kaya siya na ang kumuha at nag-abot sa matanda.
“Salamat,” sabi nito saka lumagok nang kaunti. “Nu’ng makalapit ako sa bahay, may narinig akong kakaiba. Di ko malaan, pero nu’ng mas pinakinggan ko pa, parang may umiiyak. Kilala ko ‘yung iyak na ‘yon kasi naririnig ko rin ‘yun minsan kapag nag-iinuman kami. Hindi muna ako kumatok. Baka ‘ka ko nag-uusap nang masinsinan ‘yung mag-asawa, baka umuwi nang maaga. Medyo iyakin kasi si Pareng Danny. Minsan umiiyak siya kapag nag-aaway sila ng asawa niya. Sumilip muna ako sa bintana. Nakaupo si Danny sa sofa. May nakatayo sa harap niya. Hindi ‘yung asawa niya. Lalaki. Kalbo. Medyo macho. Di ko makilala kasi nakapatay ‘yung ilaw sa loob. ‘Yung liwanag lang sa mga poste sa kalye ‘yung nagpapaliwanag sa loob ng bahay. Pero nakilala kong si Pareng Danny ‘yung nakaupo sa sofa. Di ko kilala kung sino ‘yung lalaki at kung ano’ng ginagawa niya sa bahay ng kumpare ko… tapos…”
“Okay lang po ba kayo?” tanong ni Vincent. Hindi pinansin ng matanda ang tanong niya.
“Nagulat ako no’ng sinunggaban ng lalaki si Danny. May narinig akong tunog na naririnig ko sa pinagtatrabahuhan ko no’ng katayan sa Matimbubong. Narinig ko ang huling sigaw ng kumpare ko. May halong tunog ‘yung sigaw niya, basta hindi ko masabi. Pagkatapos no’n, hindi na siya umiiyak at gumagalaw. Nakatayo lang ‘yung kalbo. Parang tinititigan ‘yung ginawa niya sa kumpare ko. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Talagang nanlambot ‘yung tuhod ko. Binitiwan ko ‘yung bitbit kong mangga saka ako kumaripas ng takbo. Ewan ko, para akong kasing edad n’yo nu’ng tumakbo ako. Dala siguro ng takot,” pinunasan ni Mang Pol ang mga mata gamit ang suot na t-shirt. “Nainis ako sa sarili ko, wala akong nagawa. Umuwi ako sa bahay, para akong paralisado. Nu’ng lumiwanag na, saka ako pumunta sa estasyon ng pulis. Ako ang nagturo sa pinangyarihan ng insidente. Kaya natagpuan ‘yung bangkay ni Danny. Biglang napauwi ‘yung pamilya niya. Hindi ko sinabi sa kanila na nakita ko ‘yung nagyari. Delikado na kung gagawin ko, baka madamay pa ‘tong si Paul. Kung alam ko lang na gano’n ang mangyayari, sana nakipag-ayos na ‘ko nang maaga sa kaniya.” Hindi pa rin maalis sa isip ni Mang Pol ang tunog ng iyak ng kumpare. Para bang humihingi ito ng tulong na hindi niya naibigay. Kung kailan kailangan siya ng kaibigan, saka siya walang nagawa.
Sumagi agad sa isip ni Vincent si Jimboy dahil pareho sila ng deskripsyon ng lalaki. “Nu’ng nakita n’yo po ‘yung lalaki, tingin n’yo po ba binata?”
“Hindi. ‘Yung katawan, pang-trenta o kuwarenta. Mas matangkad pa sa ‘yo, sigurado. Hindi. Mas matangkad kay Paul.”
Mas matangkad si Paul kay Jimboy. Hindi ang anak ng kapitan ang tinutukoy ng matanda.
Sa mga sumunod na minuto, walang nakapagsalita. Hindi nila alam kung ano ang gagawin nila ngayong napasakanila na ang impormasyong ibinigay ng matanda. Ilang minuto pa ang nagdaan at nagpaalam na sila. Ipinangako nila sa matanda na walang makakaalam ng ibinahagi nito. Kailangan nilang maging responsible sa pagtago ng impormasiyon para kay Mang Pol at kay Paul.