2027
Hindi pangkaraniwang tanggihan ni Jerry ang anak na maglaro ng chess. Wala siya sa kondisiyong pagbigyan si Cyrus. Hindi siya nakakain nang maayos. Hindi halos nagsasalita. Napansin ito ng asawa niyang si Joan. Tinanong siya nito kung ayos lang ba siya. Kung may nararamdaman ba siyang hindi maganda. Hindi niya pinapansin ang mga tanong ng asawa. Wala muna siyang gustong kausapin ngayon.
Kung may pinakanaaapektuhan sa inaasal ngayon ni Jerry, iyon ay ang anak niya. Labis na ikinasama ng loob ng bata ang pagtanggi ng tatay. Humiga’t natulog ito nang malungkot. Nauna nang matulog ang asawa niya sa kanya. Hinayaan na lang siya ni Joan.
Naupo lang siya sa sofa ng sala ng kanilang bahay. Malamang ay tagaktak na ang pawis niya kundi lang sa lamig ng panahon at sa electric fan na nakatutok sa kanya. Hinawi niya ang mga kurtina ng bintana at siniguradong nakakandado ang pinto. Ayon kay Vincent, nasa Baliuag pa ang lalaki. Pero kung gugustuhin nito na puntahan siya, magagawa nito lalo na’t isang araw na ang nakalipas.
Sinubukan niyang matulog sa sofa, pero hindi siya dinalaw ng antok. Hindi siya mapakali. Maya’t maya ang kanyang pagtayo at paglakad-lakad. Maya’t-maya niyang sinisilip ang labas ng bahay para tingnan kung may anumang palatandaan ng tumutugis sa kanila.
Akala ko, tapos na, sabi niya sa isip niya. Akala ko ligtas na ‘ko... kami.
Nagdesisyon na lang siyang hindi matulog para bantayan ang tahanan. Hindi niya kakayaning matulog sa kabila ng banta ngayon sa buhay niya, maging sa pamilya niya. Hindi siya mapanatag sa sinasabi ni Vincent na hindi madadamay ang pamilya niya. Ayaw niyang maniwala dahil ayaw niyang maging pabaya.
Nag-init siya ng tubig at nagtimpla ng kape. Sinubukan niyang libangin ang sarili sa pamamagitan ng panonood ng pelikula sa laptop niya, pero tinigil na niya bago pa man din magsimula. Binuksan niya ang kanyang f*******: account at tumingin-tingin ng mga post. Naisip niya na bisitahin ang mga profile ng kaibigan niya. Nalulungkot siya dahil wala silang naging koneksiyon sa nagdaang mahigit isang dekada. Hindi man lang nila naisipang magsama-sama para lang magsaya, hindi para gawin ang napakapeligrong bagay na pinoproblema niya ngayon.
Bago ang f*******: account niya. Na-hack ang luma niyang account kaya naobliga siyang gumawa ng bago. Ang bagong account niya ngayon ay itinalaga na lang niya para sa trabaho at iba pang agenda. Hindi na niya napadalhan ng friend request ang mga f*******: friend niya sa lumang account, kabilang ang mga kaibigan niya. Ito ang dahilan kung bakit wala siyang nagiging balita sa kanila. May ilang pagkakataon na nakikita niya sa internet ang ilang kaibigan dahil sa kung ano mang may kinalaman sa trabaho o negosyo, pero hindi niya naisipang kausapin ang mga ito.
Binisita niya ang mga profile ng tropa. Nakita niya ang bagong buhay nina Vincent, Benjie, at Ricky. Masaya siya para sa kanila dahil may kanya-kanya na silang buhay at pamilya. Nalulungkot lang siya para kay Benjie dahil sa pagkamatay ng asawa nito. Naiinis siya sa sarili dahil naisip niya na masasayang ang mga buhay na ito dahil sa balak nilang gawin. Mas mainan nang hindi siya sumama, ang mahalaga, mabubuhay pa siya at masasamahan pa ang pamilya. Hindi baling hindi niya samahan ang mga kaibigan. Ang kailangan lang niya gawin ay magtiwala sa mga ito na matatapos na nila ang problema. Dahil kung hindi nila matapos, mag-iisa na lang siya, at garantisado na ang kapahamakan. Pero inalis niya sa isip iyon. Ayaw niyang isipin.
Hindi na niya tiningnan ang kay Miguel dahil wala na siyang ibang mababalitaan dahil namatay na ito sa cancer, lalo na ang kay Paul na mahigit isang dekada nang walang balita sa f*******:.
Biglang kumabog nang malakas ang dibdib ni Jerry nang makita ang profile ni Louis. Ito ang huli niyang tiningnan. Inulan ng mga tagged post ang timeline ni Louis, nagpapahayag ng pakikiramay sa iniwan nitong pamilya. Sa patuloy pang pananaliksik, nalaman niyang pagpapatiwakal ang naging dahilan ng pagkamatay ni Louis. Sa ilang replies sa mga komento sa mga post na may kinalaman sa pangyayari, nalaman din ni Jerry na binaril ni Louis ang sarili.
Biglang pumasok sa isip niya ang sinabi ni Vincent tungkol sa pagbabalik ng lalaki na nakita nito sa Baliuag. Sa Baliuag nakatira si Louis. Nangyari ang insidente no’ng araw bago kahapon. Walang nakikitang motibo ang pamilya sa pagpapakamatay ni Louis, dahil wala naman talaga. Hindi nagpakamatay si Louis. Pinatay siya ng hayop na ‘yon.
Nawalan ng gana si Jerry na magkape. Kumirot ang kanyang tiyan. Nanginginig ang mga braso at binti. Nahihirapang huminga. Ngayon lang niya naramdaman ulit ang ganitong takot. Naalala niya nu’ng una siyang nakaramdam nito; nang malaman ang pagkamatay ni Paul maraming taon na ang nakalipas.
Dalawang buhay na ng kaibigan ang nasayang. Kailangan niyang sumama sa tatlo. Gusto niyang sumama hindi dahil sa nag-uumapoy na kagustuhan na makapaghiganti, kundi dahil sa takot. Kailangan siya ng mga kaibigan, lalo niyang kailangan ang mga ito.
Mahigit alas-nuwebe na. Ganitong oras ay nagkita-kita na ang tatlo panigurado. Sana hindi pa siya huli. Ibinulsa niya ang pitaka niya na nilagyan niya ng extrang pera. Kinuha niya ang bag niya at naglagay ng ilang damit. Hindi niya alam kung para saan. Naglagay rin siya ng ilang pagkain, inumin, at powerbank para sa cell phone niya. May karga pa ang baterya ng cell phone niya kaya hindi pa niya kailangang i-charge. Dahan-dahan siyang pumasok sa kuwarto ng anak at nakitang katabi ni Cyrus si Joan sa pagtulog. Malamang ay kinausap ng asawa ang anak para lumuwag ang loob nito. Nilapitan niya ang mahimbing na natutulog na mga mahal sa buhay at hinalikan sa sari-sariling noo. Pagkatapos ay lumabas siya at dahan-dahang isinara ang pinto ng kuwarto.
Nagbanyo muna siya saka umalis dala ang sasakyan. Dumaan siya sa isang hardware store para may bilhin. Alam niyang kailangan niya iyon. Aabutin ng halos dalawag oras ang biyahe niya kung sa Angat siya dadaan. Ngayon lang uli siya pupunta ng Bulacan kaya kinailangan niyang gumamit ng isang Navigation Software app. Pero kapag nakapasok na siya ng San Ildefonso, siguradong babalik sa memorya niya ang mga daan at liko.
Habang nagmamaneho at malapit na sa San Ildefonso, tinawagan niya si Vincent. Hindi niya tinawagan si Vincent habang nasa bahay dahil ayaw niyang pigilan pa siya nito. Pero ngayon, hindi na siya puwedeng pigilan ng kaibigan. Wala na itong magagawa. Wala nang atrasan.
-----------------------
Hindi pa masyadong malinaw sa kanya kung saan pupunta ang tatlo.
Sayang lang talaga at wala ‘yung isa nilang kasama. Pero di bali na. SIya na ang bahala sa isa na ‘yon kapag natapos na siya rito sa tatlo sa San Ildefonso.