2027
Nakasakay silang tatlo sa sasakyan ni Ricky, si Benjie ang nagmamaneho. Nasa backseat sina Ricky at Vincent. Inilabas ni Ricky ang dala niyang .45. Itinuro ni Vincent kay Ricky ang mga basic sa paggamit ng dinala niyang baril. Nag-iingat sila na hindi aksidenteng mapaputok ang baril.
“Alam mo naman Benjie ‘yung daan pa-Baliuag, di ba?” sabi ni Vincent sa nagmamaneho. “Highway lang ‘yun.”
“Teka,” sabi ni Ricky. “Alam ko ‘yung liko na ‘to.” itinuro ito ni Ricky. “Naaalala mo, Vincent?” umiling si Vincent. “Papunta ‘to sa bahay ni Paul saka ni Mang Pol.”
“Naisip ko lang,” sabi ni Benjie. “Ilang taon na nating hindi nabibisita si Mang Pol. Siguro dalawin muna natin. Nagmamadali ba tayo, boi?”
“Hindi,” sagot ni Vincent kahit salungat ito sa katotohanan. Pero nangibabaw ang kagustuhan niyang mabisita ang matandang kaibigan. “Hindi naman. Sige, dalawin muna natin. Buhay pa ba siya?”
Umalis sila sa Highway at lumiko sa daanan sa Sapang Putol.
“Tinanong ko si ka Erwin kanina. Mahigit otsenta na siya ngayon. Medyo mahina na raw pero nakakausap pa. Medyo malabo na raw ‘yung paningin kaya hirap makakilala. Do’n pa rin daw siya nakatira. Hindi siya natuloy lumipat ng Bacolod. Hindi rin naman siya mapuntahan ng anak niya.”
“Sino si Erwin?” tanong ni Vincent.
“Pamangkin ni Mang Pol sa Bacolod. Dito na tumira sa Bulacan para may kasama ‘yung matanda,” tugon ni Benjie. “Nakilala ko siya no’n sa trabaho. Isang linggo lang siya nagtagal.”
“Ano na raw balita sa kanya? Wala ba siyang sakit?”
“Minsan daw may iniindang kaya minsan hindi nakakatulog.”
Pagkatapos ng ilang liko sa mga kalye, natunton nila ang bahay ni Mang Pol. Halata na ang edad ng bahay. Nababakbak na ang mga pintura. Pinutol na ang ilang puno ng manga. Ipinarada nila sa harap ng bahay ang sasakyan.
“Dadalhin ko ba ‘tong baril?” tanong ni Ricky.
“Oo, itago mo na lang sa likod ng damit mo. Pati ‘yung sa ‘yo Benjie ha.”
Dinaanan nila ang bakuran hanggang makalapit sa bahay. Naalala nila ang ilang pagkakataong pumunta sila rito gaya no’ng kaarawan ni Mang Pol. Dito nila unang narinig ang tungkiol sa taong banta sa kanilang buhay. Hindi nila makakalimutan ang emosyion na inilabas ni mang Pol nang ikuwento niya ang nasaksihang pagpatay sa kaibigang si Mang Danny, pero may hihigit pa sa trahedyang iyon. Dumating sa matanda ang pinakamatinding pagsubok ng kanyang buhay, at ang pagsubok na iyon ay tumama rin sa mga magkakaibigan.
Kumatok si Benjie sa pinto. Si Erwin ang nagbukas. Siya ay nasa kuwarenta ang edad, base sa obserbasiyon ni Vincent. Maitim ang kulay ng balat, may bigote, at may malaking nunal sa bandang baba. Naisip ni Vincent na kamukha siya ni Manny Pacquiao.
“Benjie. ‘Musta na?” tanong ni Erwin. Tiningnan niya ang mga kasama ni Benjie at nginitian. “Magandang gabi po.” Sinuklian nila siya ng bati.
“Gising pa ba si Mang Pol?” tanong ni Benjie
“Oo. Nakaupo ro’n sa may sala. Nanonood ng pelikula sa TV. Tara pasok kayo.” Pumasok ang tatlo sa loob ng bahay. Bumaling si Erwin kay Benjie. “Do’n ka pa rin ba nagtatrabaho kay Boss Lorenzo?”
“Hindi na. Medyo matagal na ‘kong umalis do’n.”
“Ah... gano’n ba,” tinuro ni Erwin sina Vincent at Ricky. “Kilala rin ba sila ni Mang Pol?”
“Ah, oo. Kilala rin sila.”
Pinagmasdan ng tatlo ang loob ng bahay. Naiba na ang ayos mula nang huli nilang nakita ito. Inalis na ang poon ng Sto. Niño at pinalitan na ng isang vase. Iba na rin ang kulay ng mga kurtina. Ilan lang ito sa mga pagbabago ng bahay. Nakita nila si Mang Pol na nanonood ng pelikula ni FPJ sa TV habang kumportableng nakaupo sa nalulumang sofa. Nakatalikod ito sa direksiyon nila.
“’To, may bisita,” sabi ni Erwin sa matanda.
Nilingon sila ng matanda. Bakas na sa muka nito ang mga nagdaang panahon. “’Musta na, ‘tay?” sabi ni Vincent.
Hindi sila nakilala agad ng matanda. “Sino kayo?”
“Vincent po ako. Ito po si Benjie. Tapos ito si Ricky.”
Ilang segundo silang tinitigan ng matanda bago nakapagsalita. “Ah... kayo ‘yung mga binata rito no’n?”
“Opo.”
Gumuhit ang napakatamis na ngiti sa labi ng matanda. “Upo, upo kayo,” mahinang sabi nito. Sa kabila ng edad nito, malinaw pa rin ang mga salita nito. Hindi pa siya nakaratay sa kama. Maayos pa itong nakakakilos. Umupo ang tatlo sa mahabang upuang kahoy. Hindi na kasya si Benjie kaya sa monoblock na lang siya umupo. “Di ba, lima kayo? Alam ko patay na si ano... ‘yung madaldal?”
“Si Miguel po?” tanong ni Ricky.
“Oo. Si Miguel. ‘Yung namatay sa Cancer. Nabalitaan ko ‘yon. Nasa’n si ano... ‘yung medyo maliit n’yong kasama no’n? ‘Yung medyo mahiyain. Nakalimutan ko na ’yung mga pangalan n’yo. Saka may isa pa. ‘Yung mataba.”
Si Vincent na ang sumagot. “Si Jerry po, di sumama. Si Louis po, ‘yung mataba no’n,” nilingon ni Vincent ang dalawang kaibigan. “Si Louis po kasi—“
“Kape?” tanong ni Erwin. Magalang na tumanggi ang tatlo saka lumabas ito.
“Di rin sumama, hano?” sabi ng matanda. Hindi na nagsalita pa si Vincent. “Sayang, tatlo lang kayo. Ano meron at napasyal kayo rito?”
Muling tiningnan isa-isa ni Vincent ang mga kasama. Nang tumango ang mga ito, sinabi na rin niya ang totoong nangyari kay Louis at labis na dinamdam ito ng matanda. At nabahala naman nito nang malamang hindi pa tapos ang kanilang enemigo.
“Ibig sabihin... buhay pa siya?”
“Opo,” malungkot na tugon ni Vincent.
“Bakit? Akala ko tapos na.”
“’Yun din po akala namin, eh,” sinabi na rin ni Vincent ang totoong pakay ng pagbisita nila sa bayan. “Wala naman po kaming magagawa. Hindi niya kami titigilan.”
“Delikado ‘yang gagawin n’yo. Pero hindi ko kayo pipigilan. Nu’ng nangyari ‘yung nangyari kay Paul, wala akong magawa. Gusto kong ipaghiganti ‘yung apo ko, pero hindi kaya ng katawan kayo. Pero kayo, naniniwala akong matatapos n’yo na ngayon ito,” huminto sandali sa pagsasalita ang matanda saka umubo. “Hindi ko pa sa inyo nasabi. Nakita ko siya rito sa San Ildefonso. Tatlong buwan na ata nakalipas. Akala ko kamukha lang, pero nang narinig kong sinabi n’yong buhay pa siya, sigurado akong siya ‘yung nakita ko na ‘yon. Naikuwento n’yo sa ‘kin no’n ang tungkol sa kontrata. Hindi niya hinahayaang hindi matapos ang pinapagawa sa kanya, sa abnormal na paraan. Nu’ng makita ko siya, alam kong hinahanap niya kayong natitira pa rito sa San Ildefonso. Buti lumipat na kayo ng bayan kaya hindi napadali ang paghahanap niya sa inyo. Pero alam kong malapit na niyang tapusin ang kontrata niya. Tapos na siya sa isa n’yong kasama kaya nakita n’yo siya sa Baliuag. Hindi malabong mahanap pa niya kayong apat.”
Pumasok si Erwin na may bitbit na plastic ng mani. “Buti bukas pa ‘yung nagtitinda riyan sa kanto,” sabi niya. Inilagay niya ang laman sa mangkok at iniahin sa mga bisita saka umalis uli. Isa-isa silang dumukot saka kinain.
“Humanga ako sa inyo nu’ng mga binata pa lang kayo. Natalo n’yo siya. Pero hindi pa pala tapos do’n. Ngayon, nagtitiwala akong matatapos n’yo na. Gawin n’yo lalo na para sa mga maaari pang mapahamak. Iyon na dapat ang pangunahin n’yong motibasiyon. Hindi na kasi maibabalik ng paghihiganti ang mga buhay na nawala.”
“Kami pong bahala,” sabi ni Ricky. “Gagawin din po namin para sa hustisiya ng apo n’yo.”
Natawa nang bahagya matanda. “Ibang klaseng hustisiya iyan. Hindi sakop ng batas. Pero kung tingin n’yong walang magagawa ang mga tao sa paligid n’yo, kumilos na lang kayo base sa paraan n’yo. Basta’t walang matatapakang inosente. Minsan, talagang mga pagsubok lang ang nagtutulak sa ‘tin para gawin ang mga bagay na hindi natin inaasahang magawa.”
“Basta, kami po’ng bahala,” sabi ni VIncent. “Saka na po tayo magkuwentuhan kapag natapos na namin ‘to. Babalikan ka po namin.”
“Asahan ko ‘yan. Hihintayin ko kayo. At gusto ko dumating kayo nang kumpleto.”
Nagpaalam na ang tatlo sa matanda. Niyakap nila ito, nag-iingat na hindi masyadong higpitan ang yakap. Dumating si Erwin sa bahay na may dalang supot ng mangga. “Aalis na kayo?” tanong nito. “Meryendahin sana natin. Masarap ‘to sa bagoong na may sili.”
“Saka na natin kanain ‘yan,” sabi ng matanda. Pinilit niyang tumayo at lumapit sa tatlo na nakatayo malapit sa pintuan. “Babalik pa naman sila. Masarap ‘yan samahan ng beer.”
“Sige,” sabi ni Erwin. Hiningi ni Vincent ang mga biniling mani ni Erwin at inilagay ito sa supot para baunin na lang. Nakigamit muna siya ng banyo dahil muli na namang humilab ang tiyan niya.
Muli silang nagpaalam sa matanda. Nahuling lumabas si Ricky. Nahagip pa ng kanyang paningin ang litrato si Paul na naka-frame. Hindi niya ito napansin pagpasok nila. Tila nginingitian siya ng yumaong kaibigan. Hinubad niya ang salamin at pinunasan ang mga mata nang makalabas na ng bahay.
Sumakay ang tatlo sa sasakyan. “Ang hilig mo pa rin talaga sa mga ngatain, hano,” sabi ni Benjie saka binuhay ang sasakyan. “Sasakit na naman tiyan mo niyan.”
“Eh mabango eh. Natakam ako.”
“Nakakaawa si Mang Pol,” sabi ni Ricky. “Parang gusto ko na lang magpaiwan para samahan siya. Halatang apektado pa rin siya sa nangyari kay Paul.”
Pinaandar na ni Benjie ang sasakyan.”Siyempre. Talagang napamahal na si Mang Pol sa apo niya. Kahit naman sinong lolo na katulad ni Mang Pol, gano’n din mararamdaman,” sabi ni Vincent.
“Sana medyo sumaya siya kahit papa’no nu’ng makita tayo.”
“Sigurado ‘yon.”
“Buti nga di niya tayo sinisi sa nangyari sa apo niya. Sa totoo lang kasalanan natin. Kung di lang natin ginawa ‘yung...” hindi na natapos ni Ricky ang sasabihin. Iba ang sampal sa kanilang tatlo kapag naaalala nila ang ginawa nila at ang naging mga kapalit nito. Tinanggap na nila na kasalanan nila ang nangyayari. Pero nasasktan sila kapag iniisip na sila ang dahilan ng lungkot ni Mang Pol. Ang matandang tinuring na silang apo. Ibinabaling na lang nila ang sisi sa aktwal na pumatay kay Paul.
Ilang minutong nakakabinging katahimikan sa loob ng sasakyan ang naghari bago ito binasag ni Benjie. “Malayo pa ‘yong Baliuag, ‘no.”
“Oo. Mahigit isang oras siguro. Wala pa nga tayo sa highway ng San Ildefonso eh,” sabi ni Vincent. Bago sa kanya ang daanang ito. Walang halos dumadaang sasakyan. Bukid ang magkabilang gilid ng sementadong daan. “Ba’t parang di ko alam ‘yung daan na ‘to?”
“Ito ‘yung daan mula Sapang Putol papuntang Matimbubong. Mas mapapabilis kung dito tayo dadaan. Hindi pa ‘to sementado noon eh.”
“Ah, oo. Naaalala ko na,” sabi ni Vincent. Hindi niya naaalala ang daan.
“Ano nga plano natin sa Baliuag, Vincent?” tanong ni RIcky.
“Pareho natin siyang nakita malapit sa SM Baliuag. Do’n natin tingnan kung nando’n siya. Pagkatapos, paputukan natin kapag nakita natin. Simple. Basta nakita niya tayong nando’n, sigurado magpapakita siya.”
“Nge, gano’n lang? Maririnig tayo ng mga tao. Saka pa’no kung maling tao madale natin?”
“May mga silencer naman ‘yung mga pinadala kong baril sa inyo. At sigurado akong di tayo magkakamali. Nakilala natin siya kahit medyo nagbago na hitsura niya. Syempre di tayo papahalata sa gagawin natin. Malalaman natin ang dapat nating gawin kapag nakarating na tayo ro’n.”
“Ano na hitsura niya?” tanong ni Benjie.
“Basta ituturo ko na lang sa iyo.”
“Vincent,” sabi ni Ricky. “Medyo duda ako sa plano mo. Hindi kongkreto. Pinag-isipan mo ba?”
“Hindi.”
“Eh pakshet pala—“ tumunong ang cell phone ni Vincent. Ipinakita nito kay Ricky kung sino ang tumatawag. “Si Jerry? Nagbago kaya ang isip?”
SInagot ni Vincent ang tawag. “Jerry?” ilang segundong nakinig si Vincent sa kausap sa kabilang linya. “Sige sige. On the way kasi kami sa Baliuag, punta ka na lang muna sa—“ hindi natapos ang sinasabi niya nang biglang may kung anong tumama sa salamin ng sasakyan sa likod. May mga malilit na bubog na tumalsik. Napamura si Ricky sa gulat.
Hindi nila napansin kanina ang isang sasakyang sumusunod sa kanila. May isa pang tumama sa salamin ng sasakyan. Yumuko sila, pati si Benjie, pero patuloy pa ring nagmamaneho. Mas binilisan pa niya ang andar. “Ano ‘yon?” tanong niya.
Tiningnan ni Vincent ang mga tama sa salamin sa sasakyan. May mga balang nakabaon sa salamin, pero di tuluyang nakapasok. “Bala ‘to. Bala ng baril!”
“SHIEEEEEEEEEET!” sigaw ni Ricky. Pagewang-gewang na ang andar ng sasakyan nila sa pagbabakasakaling iwasan ang tama sa kanila. “Benjie! Ayusin mo pagmamaneho!”
Mas lumalakas pa ang headlight ng sasakyan sa likod nila, hudyat ng lalo pang paglapit nito. Isang bala pa ang tumama sa sasakyan. “Sa school ka muna, Jerry,” sabi ni Vincent sa kausap sa cell phone. “Susunod kami.” Tinapos niya ang tawag. Kailangan muna nilang makatakas mula sa kung sino man ang pumupuntirya sa kanila.
Pero kilala na nila ito. Hindi na nila kailangang pumunta ng Baliuag.
Hinihiling nila na tigilan sila nito kapag nakarating na sila sa Highway. Kilala nila ang taong ‘to. Hindi nito hinahayaang masaksihan ng publiko ang kaniyang pagtatrabaho.
-----------------------------------
Salamat sa tangang hindi kinandado ang pintuan ng sasakyan, nagawa niya ang plano niya. Pinagpilian niya kung papasok ba siya sa loob ng sasakyan para do’n sila patayin o hindi. ‘Yong una ang pinili niya.
Sa una ay medyo nagsisi siya sa desisyon, pero nang marinig niyang papunta pa ang isa nilang kasama, nawala na ang panghihinayang. Kung pinatay niya sila agad, hindi niya malalaang susunod pa ang isa nilang kasama. Tama ang desisyon ko at desisyon mo, isip niya.
Ngayon, sinusubukan niyang puntiryahin ang gulong ng sasakyan, pero nabibigo siya, malaking dahilan na rin ang paliko-liko nito ng tinutugis niyang sasakyan. Saka matagal na rin mula nu’ng huli siyang gumamit ng baril.