Kabanata 12: Ilog

2351 Words
2015 Sabado.  Matagal na nilang gustong maligo sa ilog na sinasabi ni Jerry. Makikita iyon sa Bulusukan sa San Ildefonso. No’ng biyernes nila plinano ang lakad na ito. Si Benjie ang nag-aya. Pumayag naman ang mga kaibigan sa aya niya, pero kinailangan pang pilitin si Ricky dahil gusto lang niyang sa bahay lang muna at mag-ayos ng program dahil sa dinedevelop nila ni Vincent na laro para lang sa libangan. Si Vincent sa mga drawing at design at si Ricky naman ang sa program. Pero pumayag din siya sa pagpipilit ng mga kaibigan. Ang gamit nilang sasakyan ay dalawang tricycle at isang motor. Sa isang tricycle nakasakay sina Paul na magmamaneho, si Benjie, at si Miguel. Sa isang pang tricycle, sina Vincent, Ricky, at Jerry, ang magmamaneho. Mag-isa naman sa isang motor si Louis.  Nagbaon sila ng mga damit at mga pagkain. Inabot nang mahigit isang oras ang biyahe nila dahil bukod sa malayo ang pupuntahan, mali ang naiturong direksiyon ni Benjie. “Tanga talaga nito,” sabi ni Miguel saka binatukan si Benjie. “Magkamukha kasi ‘yung daan na naturo ko saka papunta ro’n sa ilog,” depensa ni Benjie. “Siguraduhin mo lang na maganda ‘yung liliguan natin. Kapag parang imburnal, lulunurin kita.” “’Wag ka mag-alala. Sa ganda no’n parang paraiso. ‘Di ka bagay. Pang-impiyerno ka, eh.” “Gago.” Nang sa wakas ay marating nila ang destinasiyon, nakita nilang tama ang sinabi ni Benjie. Malinis at malinaw ang tubig. Walang halos makikitang bahay sa paligid. Puro mga magagandang puno at porma ng mga bato. Wala ring tao maliban sa papaalis na sa tingin nila ay dalawang magkasintahan.” “Hehe,” sabi ni Benjie. “Nag-good time sila.” Bahagya siyang siniko ni Paul. “’Wag kang magaso.” Nagpahinga muna sila sandali dahil medyo napagod din sila sa biyahe lalo na ang mga nagmaneho. Pagkatapos magpahinga, naghubad na sila ng damit at naligo. Ang mga marunong lumangoy gaya ni Joshua, Paul, Ricky, at Benjie ay sumisid at lumangoy-langoy sa mga malalalim na bahagi ng ilog. Ang tatlong di marunong lumangoy ay naiwan sa mga mabababaw na parte ng ilog. Nagsaya sila. Nagtulakan. Nagbiruan na may buwaya. Ang pinakamahilig manloko ay siyempre si Benjie. Sumisisid siya at hinihila ang paa ni Miguel tuwing nasa malalim na parte sila. “Tangina mo, Benjie. Lagot ka sa ‘kin kapag naabot kita.” “May dugong sa gilid, oh!” sabi ni Benjie sabay turo kay Louis. Tumawa sila. “Boy, ba’t ayaw mo maghubad?” tanong ni Ricky kay Louis. “Eh bakit ba? Ayaw ko eh!” inis na sabi ni Louis, pero sanay na siya sa mga ganitong biruan. “Baka raw kasi makita ‘yung abs niya,” sabi ni Benjie. “A very big stomach.” Tawa sila, pati na rin si Louis. “Nasa’n ang letter V sa Abs?” tanong ni Louis. Hindi agad nakaisip ng ibabanat si Benjie. nang makaisip, sinabi, “Ayaw mo lang maghubad kasi naiinggit ka sa mga maskels ko!” “Maskels. Akala ko nga kanina para kang lumulutang na bangkay sa ilog. Sobrang payat mo.” “Basta Louis ‘wag ka rito sa malalim. Baka hindi ka lumutang.” Hindi na masyadong nakakatawa ang mga biro ni Benjie, pero tumatawa pa rin sila para lang sa kasiyahan. Nagsabwatan sina Paul at Miguel na gumanti kay Benjie sa pamumuwisit nito sa kanila. Kumuha si Miguel ng makapal na malambot na sanga na parang baging. Iniabot niya iyon kay Paul. Hinagis ito ni Paul kay Benjie sabay sigaw ng “AHAS!” Tumili si Benjie. Nagtawanan sila. Muntik na itong malunod dahil sa paghawi sa hinagis na sanga na sumabit sa balikat niya. “Ala ‘tong mga ‘to. Di n’yo sinabing gaganti kayo.” “Magaso ka kasi,” sabi ni Miguel habang tumatawa. “Puro ka kagaguhan.” Nagtampisaw pa sila sa ilog. Gusto nilang maulit itong masayang gala. Hindi maalis sa kanila ang mga ngiti. Sinusulit nila ang pagkakataong ito. Siguradong mas susulitin pa nila kung alam na nilang hindi na ito mauulit. Saglit silang nagpahinga sa paliligo at kumain. Halos matuyo na ng mainit na sikat ng araw ang kanilang mga basang katawan. May isang porma ng bato malapit sa ilog. May ukit itong parang hagdan na maaaring maakyat papunta sa tuktok. May taas itong mahigit sampung talampakan. Patag ang tuktok nito, kakasya ang sampung tao. Doon nagpahinga ang pitong magkakaibigan pagkatapos kumain. Bilad sila sa araw kaya tuluyan nang natuyo ang mga katawan nila. Nasa pagitan ng malaking porma batong iyon at ng espasiyo ng lupa na pinagbabaan at pinaradahan nila ng tricycle ang ilog na kanilang nililiguan. Kaya para makapunta sa batong iyon, kinailangan nilang lumangoy sa malalim na parte ng ilog. Inalalayan ng mga marunong lumangoy ang mga hindi. “Naiihi ako,” sabi ni Louis. “Samahan mo ‘ko, Benjie. Di ba sabi mo baka hindi ako lumutang.” “Aba eh hindi kita kayang buhatin. Saka gamitin mo ‘yang built-in mong salbabida.” “Eh bahala ka. Dito na lang ako iihi sa ilog.” tumayo si Louis at pumuwesto sa gilid ng malaking bato at popormang iihi. “Salahula naman ‘to,” sabi ni Ricky. “Naiihi rin ako,” sabi ni Paul. “Tara, samahan ka namin ni Benjie.” “Oh, ba’t ako? Si MIguel na lang.” “Tara na kasi.” Napapayag din si Benjie. Bumaba sila at inalalayang tumawid ng ilog si Louis hanggang sa makarating sila sa kabila. “Hindi ka ba naiihi?” tanong ni Paul kay Benjie. “Do’n ako sa isang puno ro’n.” Pumuwesto sina Louis at Benjie sa napili nilang mga puno na pag-iihian. Si Benjie ang pinakamalapit sa ilog. “Hoy Louis!” sigaw ni Miguel mula sa patag ng bato. “Nakikita ko! Ang liit!” Nagtawanan ang apat doon. “Hindi ka ba naiihi?” tanong ni Vincent kay Jerry. “Umihi na ‘ko kanina riyan sa ilog.” Nag-aasaran lang sina Benjie at Miguel. Sumali na rin si Ricky. “Miguel!” sigaw ni Benjie. “’Wag mong silipan si Louis!” “Si Paul sinisilipan niya!” sabat ni Ricky. Nilingon ni Miguel si Ricky. “Mamaya ka sa ‘kin. Lulunurin ko kayo ni Ben—“ “BENJIE! SA LIKOD MO!” Nagulat ang lahat sa sigaw ni Vincent. May kung anong tumama sa likod ng ulo ni Benjie na nagpatumba sa kanya at bahagyang nagpahilo. Hindi niya napansin agad kanina ang nasa likuran niyang si Jimboy. May kasama itong apat na halos kasingkatulad ng katawan. “Oh, tumba,” sabi ni Jimboy. Napatayo sa pagkakasalampak ang apat na nasa patag ng bato. Hindi nila alam ang gagawin. Nasa pagitan nila ang ilog na hindi matatawid nang mabilis. “Tumigil ka, Jimboy!” sigaw ni Vincent. HIndi siya pinansin ni JImboy. Tinaas lang nito ang nakasarang kamay at tinaas ang hinlalato. Nakasalampak pa rin si Benjie sa lupa. HIndi agad narehistro sa utak niya ang nangyari. Bumaba ang apat at nagsimulang lumangoy patungo sa kabilang panig. Hindi nila agad mararating dahil kainailangan alalayan nina Miguel at Ricky sina Jerry at Vincent. Hindi puwedeng si Miguel at Ricky lang ang pupunta dahil hindi nila kakayanin ang lima. “Medyo nahirapan kaming sundan ‘yung mga tricycle at motor n’yo,” sabi ni Jimboy. Kumikinang ang ulo niya gawa ng sinag ng araw na tumatama rito. “Kung di kayo nakita nitong si Harold eh hindi namin malalamang may gala pala kayo rito.” Si Jimboy lang ang nagsasalita. Tahimik ang apat niyang kasama. Bakas sa mukha nila ang pag-aalangan na pumunta rito. Papalapit na sina Vincent nang bigla silang harangin ng apat na kasama ni Jimboy. Lumuhod si Jimboy at hinila si Benjie patayo, saka sinikmuraan. Natumba uli si Benjie. Hinatak niya ito hawak ang payat nitong braso papunta sa ilog. “Hoy gago ka, ano’ng gagawin mo?” sigaw ni Miguel. Naabot na sila ng apat na kasama ni Jimboy at tinulak sila papalayo. Nanlaban sila at pilit na sinasalag ang mga atake. Nasa mababaw na parte na sila ng ilog kaya nakakakilos na nang maayos ang dalawang hindi marunong lumangoy. Nang hanggang baiwang na ni Jimboy at Benjie ang ilog, nilubog niya ang ulo nito. “Putangina mo, ha. tatawagin mo pa ‘kong ‘damulag.’” Pilit na nagpupumiglas si Benjie sa kapit ni Jimboy, pero wala itong magawa. Mahigpit na hawak ni Jimboy ang dalawang kamay ni Benjie sa isang kamay at sa batok ang isa pa. Nakita ni Vincent sa mga mata ni Jimboy na hindi lang nito basta ipapasilip kay Benjie ang liwanag. Pursigido itong patayin ang kaibigan. Walang laban ang apat sa mga kasama ni Jimboy. Isang sapak ang tinamo ni Miguel at nahilo. Kumonekta ang isang suntok ni Vincent sa dibdib ng isa sa mga katunggali, dalawang suntok sa sikmura ang naging kapalit nito. Nakapalibot naman sa leeg ni jerry ang malaking braso na tinawag ni jimboy na Harold. Si Ricky naman ay hindi makawala sa ‘Full Nelson’ ng nakatapat na kalaban. Wala silang magawa kundi makita si Benjie na magpumiglas. Hindi naman natitinag si Jimboy. Nakaguhit sa labi nito ang malademonyong ngisi. Kung hindi na kayanin ni Benjie ang pagpigil ng hininga, mapupuno na ng tubig-ilog ang kanyang baga. Hindi magtatagal, susuko na ang katawan niya. “Ganito ang mangyayari sa inyong mga putangina kayo kapag ako ang ginago n’yo,” sigaw ni Jimboy. Nababawasan na ang lakas ng pagpiglas ni Benjie. Napapagod na ang katawan nito. Sumigaw si Vincent at naging agresibo sa pagkawala sa kalaban. Tumatalab na ang adrenaline niya. Pero wala siyang nagawa nang suntukin siya sa mukha ng kaharap. Umikot at bahagyang nandilim ang kanyang paningin. Akala niya tutumba siya, pero pinilit niya ang katawan. Hindi siya pupuwedeng mawalan ng malay. Hindi niya puwedeng pabayaan si Benjie. Dinaya niya ang kalaban. Sinuntok niya ito sa maselan at sensitibong bahagi ng katawan. Yumukyok ang lalaki, hawak-hawak ang pundya. Abala pa ang tatlo niyang kaibigan, kailangan niyang kumilos agad. Siguradong makikita na ni Benjie ang kanyang manlilikha. At may isang tunog ang tila umalingawngaw sa magubat na bahagi ng bayan na iyon. Tunog ng parang nabaling sanga. Napahinto ang lahat sa ginagawa. Nakita ni Vincent sa hanggang bewang na parte ng ilog si Benijie na naghahabol ng hininga at ubo nang ubo. Nando’n din si Louis. May hawak na isang makapal na cocolumber. Si Paul naman ay may bitbit na mga bato. Hindi na niya nakikita ang Jimboy. Ilang segundong katahimikan. Walang kumilos. Si Louis ay nakatitig lang sa isang bahagi ng ilog, parang estatwang nanlalaki ang mga mata, kitang mahigpit ang hawak sa cocolumber, iniintindi pa kung ano ang nangyari. Nakita nila ang hawak ni Louis na cocolumber, hindi ito bali. Hindi rito galing ang tunog. Nakita ni VIncent ang pagkagulat sa mukha ng apat na kasama ni Jimboy. Binitiwan ng mga ito sina Ricky at Jerry at tinigilan na si Miguel. Umahon ang mga ito kasama ang nakaharap ni Vincent, hawak-hawak pa rin ang alaga. Tumakbo sila at umalis sa lugar. Hindi na nila hinintay pa si Jimboy. Iniwan na nila ito kung nasa’n man ito. Nasa’n si Jimboy? Ano’ng nangyari? Binitiwan ni Paul ang mga hawak na bato at inalalayan si Benjie habang umuubo. Hindi maganda sa pandinig ang mga ubo nito, parang mamamatay. Lumapit ang apat sa kinaroroonan ng tatlo. Hindi pa rin gumagalaw si Louis. Nanginginig ang kamay niya, lalo na ang may hawak sa cocolumber. Nilapitan nila si Benjie. “Ayos ka lang, boi?” sunud-sunod nilang tanong kay Benjie. Hindi ito nakakasagot dulot ng tuloy-tuloy na pag-ubo. Kita sa mukha nina Miguel at Vincent ang mga pasa. Hawak-hawak naman ni Jerry ang leeg, kumikirot pa rin dahil sa pagkakasakal sa kanya. Iniinat naman ni Ricky ang mga balikat niya. “Ayos lang ba kayo?” tanong ni Paul. “Ano’ng nangyari,” si Vincent ang nagtanong. Tumingin siya kay Louis. “Ikaw ba ang may gawa?” Tumango si Louis. Nangingilid ang luha niya, ipinagtaka naman ito ni Vincet. Nakapa ng paa ni Vincent ang nakalubog na walang malay na si Jimboy. Inakay ni Paul at Miguel si Benjie papuntang lupa at pinagpahinga roon. Sumunod na rin sina Ricky at Jerry. Sina Louis at Vincent ang naiwan sa puwestong iyon. “Niligtas mo si Benjie. Ba’t ganyan histura mo?” Hindi sumagot si Louis. Wala sa mga kaibigan niya ang nagsalita. Tiningnan ni Vincent ang hawak na cocolumber ng kaibigan. “May narinig ako. Malakas. Parang may nabali. Hindi diyan galing sa hawak mo.” Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Louis. Nabitawan na niya ang bitbit na kahoy. “Sa likod ko lang dapat siya hahampasin.” sabi nito. “Hindi ko sinasadya...” Nagtaka si Vincent sa ikinikilos ng kaibigan. “Dapat lang ‘yung ginawa mo. Kung di ka kumilos, baka kung ano na ang nangyari kay Benjie.” Hindi na sumagot pa si Louis. Tinawag ni Vincent si Paul para magpatulong iahon si Jimboy. Hindi maganda kung hahayaan lang siyang nakalubog. Tig-isa nilang hinawakan ang mga paa ni Jimboy at hinila papunta sa tuyong lupa. “I-CPR mo nga!” sabi ni VIncent kay Ricky. “Pakshet ka boi hindi ko ima-mouth to mouth ‘yang paker na ‘yan.” Ginulong ni Vincent ang katawan at tiningnan ang batok. Kulay ube. Tiningnan ni Vincent si Louis na patuloy pa rin ang panginginig at pagluha. Pinuwesto nina Vincent at Paul si Jimboy nang paupo. Halos masuka si Jerry nang bumitin patalikod ang ulo nito na parang walang buto ang leeg. Bigla nilang binitiwan ang katawan. Kumabog ang dibdib nila. Hindi normal ang flexibility ng leeg ni Jimboy. Pinakiramdaman ni Vincent ang pulso ni Jimboy. Tiningnan ni Vincent ang mga kaibigan isa-isa. May takot sa kanyang mga mata. Naghihintay ang mga kaibigan niya ng sasabihin niya. Umiling lang siya. Alam na ng mga kasama niya ang ibig sabihin niya. Nagsimula na ang lahat. Tapos na ang kanilang kamusmusan. Mamumulat na sila sa hindi pangkaraniwang lupit ng buhay. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD