2015
Tumigil na sa pag-iyak si Louis, pero hindi pa rin tumitigil ang kanyang panginginig. Iniisip niya ang magiging kahihitnatnan ng ginawa niya. Hindi na siya minor de edad. Mananagot na siya sa batas. Ilang taon siyang mananatili sa kulungan. Hindi rin niya alam ang sasabihin ng mga magulang ang kamag-anak. Ituturing siyang kriminal ng mga ito. Pero higit na kinakatakutan niya ay ang magiging parusa ng Diyos sa ginawa niya. Hindi lingid sa kaalaman niya ang batas daw ng Diyos na itinuturo sa mga misa na nadaluhan niya noong bata siya.
Nanatili muna sila sa bahay ni Miguel. Hindi natuloy umuwi ang nanay niya ngayong sabado kaya wala pa ang mga ito sa bahay. Ang loob ng bahay nina Miguel ay katulad lang din ng mga pangkaraniwang bahay sa bayan. Ang kasama lang ni Miguel ngayon ay ang kanyang dalawang batang kapatid. Pinahiram muna sila ni Miguel ng cell phone para magkulong sa kuwarto at maglaro. Sa dining table silang pito nakapuwesto. Nagluto sila ng pancit canton para sa meryenda nila.
Ginamot ng mga sugatan ang natamo nilang sugat kanina. Ang pinakamaraming sugat ay si Miguel. Nang tanungin ng mga kapatid kung napa’no siya, sinabi lang niya na tumama ang mukha niya sa isang puno. Humupa na ang p*******t ng leeg at balikat nina Ricky at Jerry. Maayos na rin ang pakiramdam ni Benjie. Hawak pa rin ni Vincent ang yelong nakabalot sa panyo at nilalapat sa mga tama niya sa mukha.
Matagal din bago huminto sa pag-iyak si Louis. Kinailangan ang sari-saring pagpapalakas ng loob mula sa anim para kumalma ang kaibigan. Hindi nila sinisisi si Louis sa nangyari, sa halip ay pinapasalamatan siya ng mga ito sa ginawa niyang pagsagip kay Benjie. Pero hindi pa rin naaalis ang katotohanan na nakapatay sila. Napagkasunduan nilang pito na akuin ang responsibilidad.
Hindi dapat nangyayari sa kanila ito, naisip nila. Dapat nagsasaya lang sila, ginagawa ang mga responsibilidad, sinusulit ang kabataan. Pero heto’t nasangkot sila sa isang krimen. Wala silang balak sumuko sa ngayon.
Pinagpahinga muna nila ang kanilang sarili bago kaharapin ang parusa ng kanilang ginawa. Tanggap na nilang pananagutan nila ito. Ang pinakamagandang mangyari na lang sa kanila ay makulong, maliban kina Ricky at Miguel na wala pa sa legal na edad. Hindi pa naisasabatas sa Pilipinas ang parusang kamatayan. Homicide lang ang magiging kaso at maaari silang makulong ng labing dalawang taon at isang araw hanggang dalawampung taon. Hindi nila maatim kapag iniisip nila na gugugulin nila sa kulungan ang maraming taon ng buhay nila. Hindi nila matatakasan ang batas.
Sinasabi nilang mainam nang makulong dahil naalala nila ang nangyari kay Mang Danny. Nabunggo lang niya ng motor si Jimboy, buhay niya ang naging kapalit. Pa’no pa kaya sila na napatay ito. Kung titingnan ito, sigurado na rin ang kanilang kamatayan. Kaya siguro tumakbo na agad ang apat na kasama ni Jimboy, para magsumbong kay Kapitan Jojo.
Hindi malabong matagpuan ang bangkay ni Jimboy sa lugar na kanilang pinagliguan. At anumang oras ngayon ay matatagpuan ng mga otoridad ang katawan nito at dadakpin silang pito. Ang proteksiyon na lang ng batas ang pag-asa nila para mabuhay.
Dahil sa suliraning ito, lalo nilang mas kailangan ang isa’t isa. Halos walang nagsalita sa kanila habang kumakain, lahat sila ay walang gana. Iniisip nila kung paano makikiayon nang maayos sa parating nilang bagong buhay. Habang kumakain, hindi napigilan ni Ricky ang umiyak. Hininaan lang niya ang hagulgol para hindi marinig ng mga batang kapatid ni Miguel. Walang dumamay sa kanya. Hinayaan lang siya ng mga kaibigan na ilabas ang sakit, kahit na hindi naman ito mawawala. Habang naririnig ng anim ang iyak ni Ricky, naluluha na rin sila, pero pinili nila ang itago muna ang nararamdaman at piliting maging malakas. Kung may pinakanahihirapan man sa kanila, iyon ay si Louis.
“HIndi ako papayag,” nanginginig sa sabi niya. “Hindi ako papayag na madamay kayo.”
Si Vincent ang sumagot. “Hindi naman kami papayag na ikaw lang ang magdusa. Ginawa mo ‘yon pa—“
“TANGINA!” sigaw ni Louis sabay kalampag nang malakas ng mga kamay sa mesa. Tumayo si Miguel para sabihan sina Lyka at Andrew na umalis muna’t doon muna tumambay sa kalaro nila.
Hindi pangkaraniwan ang inaasal ngayon ni Louis. Hindi siya palamura. Mahinhin siya. Pero iba ang nagawa sa kanya ng sitwasiyon.
“Boi,” sabi ni Vincent. “Napagkasunduan nam—“
“Napagkasunduan?” matalim ang tingin ni Louis kay Vincent. “Tinanong mo ba sila kung gusto rin nilang magpakamartir? Hindi mo ba napansin na pumayag lang sila sa gusto mo kasi pinilit mo? Kinonsensya mo?”
NIlingon ni Vincent ang mga kaibigan at isa-isa silang tiningnan. Lahat sila hindi sumagot, nakatitig lang sa hindi maubos na pancit canton sa plato.
Binalingan ni Louis si Jerry. “Ikaw? Handa ka bang makulong? Handa ka bang mabalewala ‘yung mga pinaghirapan mo sa school? Handa ka bang ituring na kriminal ng mga magulang mo? Handa ka ba talaga na gawin mangyari lahat sa ‘yo ‘yon para lang masabi na dinamayan mo ‘ko?”
Hindi sumagot si Jerry, pero hindi na nito kailangan dahil alam na ng lahat ang sagot nito.
Isa-isang tiningnan ni Louis ang mga kaibigan. “Gusto n’yo ‘yon?” katahimikan ang isinukli nila. Binalik niya ang tingin kay Vincent. “Kita mo, ikaw lang ang gustong magpakamartir. Hindi mo man lang inisip ‘yung nararamdaman ng mga kasama natin. Kaibigan mo ba talaga sila, o ginagamit mo lang sila?”
Nangilid ang luha ni Vincent sa sinabi ni Louis. Hindi niya akalaing maririnig niya iyon mula rito. Pinunasan niya ang mga mata niya.
“At ikaw, Benjie,” bahagya pang nagulat si Benjie sa pagkakatawag sa kanya ng kaibigan. “’Wag mong isiping papayagan kita sa balak n’yo ni Vincent. Oo, niligtas ko nga buhay mo, pero sa maling paraan. Puwede kong maiwasan na mapatay siya, pero di ko nagawa.”
“Ano ngayon ang balak mong gawin?” tanong ni Vincent.
“Hindi na maiiwasan ang mangyayari. Hindi ako pupunta sa estasiyon ng pulis para sumuko. Pupuntahan nila ako sa bahay, at aamin ako na ako ang may kasalanan. Hindi kayo madadamay. Hindi ko kakayanin na makita kayo na nasa kulungan dahil sa ginawa ko.”
“Hindi ko rin kakayanin na makita kang makulong dahil sa ‘kin,” sabi ni Benjie.
“HIndi ikaw ang may dahilan. Si Jimboy. Wala kang kasalanan.”
“HIndi mo naiintindihan,” may diin na sabi ni Vincent. “’Wag mong kalimutan na tatay ni Jimboy si Kapitan Jojo. Hindi lang pagkakabilanggo ang posibleng maging parusa mo. Hindi mo ba naisip na puwede ka ring mamatay?”
“At ano naman ang gagawin n’yo? Mamamatay para sa ‘kin? Lalo akong hindi papayag na gano’n.”
“Kung wala na tayong magagawa,” sabi ni Paul. “Magtago na lang tayo.”
“Bano ka ba? Hindi ‘to movie.” Inis na sagot ni Louis.
“Eh ano na ang gagawin natin?”
“Hindi ko alam. Basta hindi ko hahayaang madamay kayo.”
Gusto pa sana nilang pito na magkasama, pero kailangan nilang uwian ang kani-kanilang mga pamilya. Napansin ng mga kasama nila sa bahay ang kakaibang kilos ng mga ito. Halatang may pinagdaraanan. Hindi nila sinabi sa mga kasama nila sa bahay ang mga nangyari.
Labis na sinikap ni Louis ang umaktong normal. Napansin ng tatay niya na hindi siya mapakali, nang tanungin siya nito ay hindi siya sumagot. Bahagya siyang napanatag hindi para sa sarili niya kundi para sa mga kaibigan niya. Kakailanganin niya ng oras para tanggapin ang tadhana niya. Nagulat siya sa sarili na ganito ang magiging tugon niya sa pagsubok na ito na binigay sa kanya ng buhay.
Pinilit niyang maging matapang sa harap ng mga kaibigan dahil gusto niya na lumakas din ang mga loob nito. Ngayon na mag-isa na siya, hinubad na niya ang maskara. Patuloy niya pang tinatanggap ang wakas, pero hindi nito naaalis ang takot.
No’ng gabing iyon, ginawa niya ang hindi pa niya nagagawa sa loob ng maraming taon- ang manalangin. Kung may diyos man diyan, sana tulungan mo ‘ko na malampasan namin itong pinagdaraanan namin ngayon. Ingatan mo ‘ko kung makukulong man ako. Kung mamamatay ako, sana mapunta ako diyan sa langit. Patawarin mo ‘ko sa nagawa kong mga kasalanan. Kayo na ang bahala sa mga pamilya at kaibigan ko.
Ginugol niya ang gabing iyon sa pag-iyak, yakap-yakap ang unan. Ang kanyang mga pinaghirapan, mga pangarap para sa sarili at para sa ibang tao ay mawawalan na ng saysay. Hindi niya makakamit ang pinangarap niyang pamilya. Hindi niya makikita ang magiging anak niya. Hindi niya masasaksihan ang pagbabago at pag-unlad ng buhay niya. Hindi niya makikitang tumanda ang mga kaibigan at maging matagumpay sa buhay. Wala nang magagawa ang pagtingin niya sa hinaharap. Ang mayroon na lang ay ang mabagsik na kasalukuyan.