Kabanata 14: Eskuwelahan

1266 Words
2027 Pinagtataka ni Jerry kung bakit gano’n ang kausap niya sa cell phone. Parang may hinahabol o nagmamadali. May narinig din siyang ibang taong sumisigaw. Pero hindi na niya masyadong inisip ‘yon. Nagtuon na lang siya sa pagmamaneho. Pagkatapos ng ilang minuto pang pagmamaneho, lumabas na siya sa highway ng San Rafael. Ilang minuto ang lumipas, narating na niya ang San Ildefonso. May bagong arkong nakatayo. Matingkad ang pagkakapintura sa mga disenyong gulay. Sa magkabilang poste naman ay may disenyo ng poon ng San Ildefonso. Makikita rin ang mga malalaking salita sa itaas na bahagi ng arko; “MALIGAYANG PAGDATING SA SAN ILDEFONSO.”  May ilang nagbago sa bayan. May mga bagong negosiyong nakatayo na wala noong labing dalawang taon nang nakalipas. Nabawasan ang mga puno sa paligid. Ang mga dating bukirin ay naging lote ng mga inpastraktura. Sinabihan siya ni Vincent na sa Colegio de San Ildefonso pumunta at susunod sila. Nilingon niya sandali ang biniling palakol na nakapatong sa katabing upuan. Ayaw niyang gamitin iyon. Ayaw niyang mabahiran ng dugo ang mga kamay niya. Pero kung pipilitin siya ng tadhana, wala siyang magagawa. Makalipas ng ilang minuto pang pagmamaneho ay narating na niya ang eskuwelahan. Biglang bumalik sa kanya ang mga umagang papasok siya ng eskuwelahan. Napangiti siya sa mga alaala na ‘yon. Kung puwede lang na hindi na sila tumanda... Ang dating kulay pulang pintura na pader ng eskuwelahan ay napalitan ng kulay berde. Ang main gate ay bago na ang disenyo. Makikita sa bandang itaas nito ang pangalan ng eskuwelahan. Sa gilid ay may malaking espasiyo na nagsisilbing paradahan ng sasakyan ng mga pumupunta sa eskuwelahan. Nagparada siya roon at pinatay ang makina ng sasakyan. Bumaba siya bitbit ang cell phone at biniling palakol. Tiningnan niya ang oras. Mahigit alas-dose na. Pumuwesto siya sa harap ng gate. Walang guwardiya. Nakakandado ang gate. May isang mahabang upuang kahoy ang nakapako sa isang puno ng manga. Wala ito noon noong nag-aaral sila rito. Sinubok muna niya ang tibay ng upuan bago umupo. Tiningnan niya ang mga sanga ng puno. Matataba’t mukhang matitibay. Balewala ang pagkandado sa gate dahil maaari pa ring mapasok ang eskuwelahan. Aakyat lang sa punong ito, hahakbang sa pader, at saka bababa nang nasa loob na. Tinawagan niya ang number ni Vincent para sabihing nasa Colegio de San Ildefonso na siya, pero hindi sinasagot ang tawag. Nag-iwan na lang siya ng mensahe sa kaibigan. Umupo lang siya at naghintay. Nasa harapan niya ang highway at may mangilan-ngilang dumadaang sasakyan. Panay rin ang lingon niya sa paligid. Tinago niya sa likuran niya ang palakol, maya’t-maya niya kinakapa. Pagkatapos ng mahigit sampung minutong paghihintay, may isang sasakyan na huminto sa harap ng paradahan ng eskuwelahan. Sina Vincent na ata ‘yon. Tumayo siya, binitbit ang palakol at lumapit sa nakahintong sasakyan. Isang pick-up. Kulay berde. Hindi niya makita ang nagmamaneho dahil tinted ang salamin. Pinangsalag niya ang kamay sa nakakasilaw na headlights ng sasakyan na agad ding namatay. Kumaway-kaway siya sa harap ng sasakyan. Bumukas ang pinto at bumaba ang nagmaneho. Isang lalaking maskulado at may malagong buhok. Hindi niya nakilala ang lalaki hanggang sa nilingon siya nito. Nakilala niya ang mga tingin na ‘yon na parang mga palaso ng pana na tumatama sa kanya. Ang mukhang walang emosiyon ay nakilala niya. Kumabog ang kanyang dibdib at nanlaki ang mga mata. Hindi niya akalain na ang lalaking tinatakasan niya ay nasa harap na niya mismo. May hawak itong revolver sa kaliwang kamay.  Umangat ito. Alam niya kung saan tututok ito. Kailangan niyang kumilos. Hindi puwedeng mamatay siya sa ganitong paraan. Hindi niya puwedeng gamitin ang palakol niyang hawak dahil hindi sapat ang lapit niya sa lalaki. Ang natitira na lang niyang armas ay ang hawak na cell phone. Patuloy pang umangat ang kamay na may hawak na baril. Tila sobrang bagal ng mga nangyayari. Wala pang isang segundo ay tatapat na ito sa kanyang ulo at makakalabit an gatilyo, puputok ang baril, at tatagos sa bungo niya ang bala. Mayro’n siyang kulang isang segundo para mag-isip. Walang anu-ano’y binato niya ang cell phone na hawak sa lalaki. Hindi na niya nakita itong tumama sa lalaki dahil lumingon siya agad at kumaripas ng takbo, pero narinig niya ang pagtama nito at ang mahinang pag-igik ng lalaki. Tinamaan niya ito sa mukha, sigurado iyon. Alam na niya agad ang gagawin niya. Mabuti’t pinag-aralan niya ang puno ng mangga at ang mga sanga nito. Humakbang siya sa upuang kahoy, ginamit ang braso para hilahin ang sarili paangat, humakbang sa matatabang sanga, hanggang sa nakahakbang siya sa pader na pumapalibot sa eskuwelahan. Medyo nalula siya sa taas ng babagsakan niya. Wala siyang makitang puwedeng kapitan pababa, wala siyang makitang malambot na babagsakan. Wala siyang ibang nagawa kundi tumalon. “Ah, lintek!” mali ang pagbagsak niya. Napuruhan ang kanyang kanang paa. Pinilit niyang tumayo. Hindi siya puwedeng abutan ng lalaking iyon. Paika-ika siyang naglakad-takbo. Nakita niya sa sulok ng paningin na may anong kumislap sa gate at may narinig siyang kung anong tumama sa bakal. Sinubukan siyang barilin ng lalaki, pero nailigtas siya ng gate o ng kawalan ng kakayahang umasinta ng pumupuntirya. Nagpatuloy siya sa lakad-takbo, ngumingiwi sa bawat pagkakataon na maihahakbang niya ang napuruhang paa. Nasa halos sampung metro na ang layo niya sa main gate. May isang putok pa siyang narinig, pero hindi na tumama sa bakal ng gate, bagkus tumama sa isang pader sa harap niya-- pader ng library. Nakaramdam siya ng matinding hapdi sa kanang braso niya. Nadaplisan siya ng bala. Hinawakan niya nang mariin ang sugat. Akala niya katapusan na niya, pero hindi siya pumayag. Hindi siya puwedeng pumayag. Nagawa niyang itago ang sarili sa gilid ng library matapos ang isa pang putok. Naramdaman niya ang bala na dumaan lampas sa ulo niya. Sa palagay niya’y isang pulgada lang namintis. Kaunting pag-ayos pa ng tutok ng baril ay matatamaan ang ulo niya. Namumuo na ang pagsisisi niya sa pagpunta sa San Ildefonso. Inisip niya na sana nanatili na lang siya sa bahay at nakahiga ngayon. Pero wala nang silbi ang iniisip niyang ito. Wala nang atrasan. Narinig niya ang tunog ng mga sanga at kaluskos ng mga dahon. Papasok din ang lalaki at tatapusin siya sa loob ng eskuwelahan. Kailangan niyang magtago at makahanap ng pagkakataon na magamit ang sandata niya. At sana dumating ang mga kaibigan niya at iligtas siya. Tama si Vincent. Hindi niya kayang mag-isa. Lumakas pa ang t***k ng kanyang puso habang naghahanap ng pagtataguan. Tagaktak ang pawis niya. Malaking sagabal ang mali niyang pagbagsak dahil hindi siya makatakbo nang maayos. Maraming nabago sa loob ng eskuwelahan. May mga bagong poste ng ilaw. Sa ngayon, ilan lang ang gumagana. May bago ring mga gusali para sa mga bagong kurikulum o kurso. Tulad ng dati, wala pa ring dormitoryo. Mukhang hindi natuloy ang pino-propose na proyekto ng presidente ng student council. Sa bawat lingon niya ay may mga silid, pero mababa ang tsansa na mapasok niya ang mga ito para magtago dahil kung responsable ang mga estudyante at maintenance person ng eskuwelahan ay nakakandado ang mga pinto. Kailangan niyang maging matalino sa pagtatago. Kailangan niyang mabuhay. Hindi ako puwedeng mamatay. May pamilya ako. At nangako ako sa sarili ko na paghihiganti ko sina Louis at Paul. Hindi ako puwedeng mamatay nang walang laban. Paulit-ulit niya itong sinasabi sa isip niya na parang nagro-rosario. ------------------------------------------------ Sablay na talaga siya pagdating sa gamit na baril. Kung nakapag-ensayo siya ay siguradong matatamaan niya ito. Papatayin kita, pangako niya sa sarili. Hindi siya puwedeng sumablay ngayon. Limitado lang ang bala ng dala niyang baril. Apat na lang. Tig-isa sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD