2027 Nakaptingin kay Vincent ang walang buhay na mata ni Ricky. Tila sinisisi nito si Vincent sa maagang pagkamatay. Nakaluhod siya sa tabi ng bangkay at hindi maialis ang tingin sa nagawa. Hindi siya pinatay ng lalaki. Ako ang pumatay sa kanya. Kasalanan ko. Pumatak ang mga luha niya sa tuhod at sahig. Gusto niyang mamatay. Gusto niyang patayin ang sarili. Walang kapatawaran ang ginawa niya. Kinuha niya ang kanyang baril at bago pa man niya ito matutok sa kanyang sentido ay marahan siyang pinigilan ni Benjie na hawak pa rin niya ang Flashlight na nakatutok sa bangkay ni Ricky. Niyayakap sila ng dilim. “Pa’no na?” nanginginig na tanong ni Benjie. Pinupunasan niya ang mga basa niyang mata. Pinipilit huwag humikbi. Hindi sinagot ni Vincent si Benjie. Nakatitig pa rin siya kay Ricky.

