2027
Iniwan muna nila ang sasakyan ni Ricky sa mekaniko para maayos ang anumang sira na natamo nito sa enkuwentro nila sa lalaki. Na-ambagan sila sa bayad ng pagpapaayos nito.
“Ano’ng nangyari rito?” tanong ng mekaniko sa kanila.
Si Ricky ang sumagot. “Ginamit kasi ‘yan sa ano... sa pelikula. Eh nadale ng totoong bala. Paayos ko na lang daw muna sabi ni direk.”
“Ano’ng pelikula?”
“Basta.”
Kumuha sila ng puwesto sa isang motel para may mapagpapahingahan sila kung kailangan nila ng pahinga. Ang lugar ay may guwardiya at kinausap ito ni Vincent na tawagan ang telepono sa kuwarto niya kung may lalaking pumasok na pasok sa deskripsiyon niya sa mamamatay-taong humahabol sa kanila o di kaya kung may berdeng pick-up truck. SInabihan din niya ito na huwag sabihin na nandito silang apat kung sakaling may magtanong.
Mahigit alas dos na sila nakahiga ng kama. Nakatulog naman sila dala ng matinding pagod sa pakikipaghabulan kay kamatayan. Lahat sila ay sinulit ang orasng pahinga sa kanilang tulog. Walang tumawag sa telepono nila sa kuwarto tungkol sa pagpasok ng isang lalaki o ng isang berdeng pick-up truck. Maaaring hindi sila sinundan ng lalaki o hinayaan lang sila nito na makapagpahinga.
Pinakaunang nagising si Vincent. Alas nueve siya pumunta sa kainan malapit sa motel para mag-almusal. Pinagmasdan niya ang mga taong nag-aalmusal din do’n. Wala ang tumutugis sa kanila. Mahigit sampung minuto ang lumipas ay bumaba na rin si Benjie na nakabihis na.
“Oks ba tulog mo?” tanong ni Vincent habang humihigop ng kape.
“Binangungot,” sabi ni Benjie. “Sino ba namang hindi babangungutin sa gano’n? Para akong nasa horror movie. Walang hiya.” Umorder si Benjie ng almusal at kumain sa table kung saan nakapuwesto si Vincent.
“Okay na ‘yung sugat mo?”
“Okay na. Magaling naman ‘yung nurse dito. Medyo makati lang ngayon.”
Di nagtagal ay bumaba na rin sina Ricky at Jerry. Nakabenda na rin ang mga sugat ni Jerry. Pinahiram siya ng tungkod dahil kumikirot pa rin ang paa niya. Habang nagtatago siya kagabi, hindi masyadong sumakit ang paa niya dala ng adrenaline rush. Pero nang makapagpahinga siya ay bumalik ang kirot. Inasikaso na ito ng nurse at ngayong umaga ay medyo humupa na ang sakit.
“Mga pakers kayo, di kayo naghintay,” sabi ni Ricky.
“Gutom na ako eh,” sabi ni VIncent habang ngumunguya ng longganisa.
Nag-almusal na rin ang dalawang kakarating pa lang. Pagkatapos nilang lahat mag-almusal ay nagpahinga muna silang apat sa parke malapit sa simbahan sa bayan. Sinulit nila ang oras na iyon para magpahinga at magkuwentuhan. Siyempre, hindi maaalis sa kuwentuhan nila ang pagbabalik-tanaw sa mga inosente nilang buhay nu’ng mga binata pa lang sila. Iniiwasan nila ang mga mapapait na yugto.
“Nando’n pa kaya ‘yung binibilhan natin ng fishball sa likod ng palengke?” tanong ni Jerry.
“Hindi ko lang alam,” tugon ni Vincent. “Twelve years na rin nagdaan. Baka wala na ro’n. Baka nga napalitan na ng kung anu-anong negosiyo.”
“Tingnan kaya natin?”
“Pamaya-maya na lang. Mainit.”
“Nasa’n na ‘yung dala mong sasakyan?” tanong ni Ricky.
“Ah, nando’n pa rin kina Mang Ramon. Saka hindi ko sasakyan ‘yun. Inarkila ko lang ‘yon.”
“Nakakapagtaka lang,” sabi ni Benjie. Pumihit ang leeg ng tatlo at humarap sa kanya. “Kung sa Baliuag mo siya huling nakita, ba’t napunta siya agad dito sa San Ildefonso? Kung tine-trace na niya tayo, alam niyang wala sa ‘tin ang nakatira rito sa SI.”
“Malakas hinala ko nasundan si Vincent,” sabi ni Ricky.
“Kung nasundan niya ako,” sabi ni Vincent, “bakit hinintay pa niya akong makarating dito sa SI? Puwede namang do’n na lang niya ako sa Baliuag itumba. Saka isa pa, hindi rin naman niya alam kung bakit ako pupunta rito. Imposibleng alam niya na magkikita-kita tayo rito. Hindi talaga siya tao. Tingin ko talaga bloodhound siya na anyong tao.”
“Isa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit hinintay ka niyang makarating dito at hindi ka niya tinuluyan sa Baliuag,” sabi ni Jerry. “Somehow, alam niya na magkikita-kita tayo rito. Sinundan ka niya kung saan tayo magkikita-kita para matipon tayo sa isang lugar. Para hindi na siya mahirapang hanapin tayo. ‘Yun lang ang nakikita ko.”
“Pero imposible talagang malaman niya. Puwera na lang kung nasa loob siya ng bahay ko at narinig ‘yung mga sinabi ko nu’ng tinawagan ko kayo. Imposible talaga ‘yon kasi hindi ko naman nakitang nasundan ako nu’ng gabing ‘yon.”
“Baka hindi lang siya nakahanap ng tiempo no’ng gabing ‘yon,” sabi ni Benjie. “Eh alam naman natin na laging sa gabi ang trabaho niya. Kaya kinabukasan sinundan ka niya, at hinintay niyang maggabi bago siya kumilos. Eh no’ng gabing ‘yon, nandito ka na sa SI. Naka-tsamba lang siya na magkikita-kita tayong apat.”
“Kung gusto niya talaga akong patayin no’ng gabing ‘yon, gagawin niya. Wala namang ibang tao sa bahay no’n kundi ‘yung asawa’t anak ko. Kayang-kaya niyang pasukin ‘yung bahay ko, kaya nga praning na praning ako no’n. Si Louis nga, nakitang patay sa opisina niya, malamang eh may guardiya pa ‘yung building. Ibig sabihin, napasok din siya. Hindi lang natin alam kung pa’no.”
“Ibig sabihin ba, nu’ng nakita mo siya sa Baliuag no’ng gabing ‘yon eh nakilala ka niya kaya sinundan ka hanggang sa bahay mo?”
“Ako o ‘yung sasakyan ko. Kaya nga ako nag-arkila ng bagong sasakyan para hindi niya makilala, eh kita naman nasundan pa rin ako. Kaya malamang sa malamang na sinundan ako mula sa bahay, at alam niyang nagpalit ako ng gamit na sasakyan.”
“Naniniwala ka ba talaga na pinili lang niyang hindi ka patayin no’ng gabi na ‘yon, kasi gusto ka niyang sundan papunta rito?” tanong ni Ricky.
“May punto rin si Jerry.”
“Nabalitaan ko ‘yung tungkol kay Louis,” sabi ni Jerry. “Tiningnan ko ‘yung profile niya sa f*******: at nakita ko kung ano’ng nangyari. Hindi ako naniwala no’n na binaril niya ‘yung sarili niya. Nalaman ko agad kung ano’ng totoong nangyari.”
“Kaya ka ba sumunod sa amin?” tanong ni Vincent.
“Oo. Sa totoo lang kasi, naniniwala akong malabong may mangyari sa ‘kin. Pero no’ng nakita ko ‘yung nangyari kay Louis, nag-sink in sa ‘kin kung gaano kadelikado ‘yung sitwasiyon ko ngayong nagbalik na siya. Delikado ako kasi mag-isa ako. Kailangan ko kayo, at kailangan kong maipaghiganti si Louis. Pinilit kong pinaniwalaan ‘yung sinabi mo na hindi idadamay ng demonyong ‘yon ‘yung pamilya ko kaya nagawa ko silang iwan para rito.”
“Sinisigurado ko sa ‘yong matatapos na natin ‘to, at kapag natapos na, balik na sa normal ang lahat.”
“Nakatingin siya sa ‘tin ngayon, ’no?” mahinang sabi ni Benjie. Nakatitig siya sa mga taong lumalakad-lakad sa bayan. “Kung sinusundan niya tayo, ngayon mismo, nakatingin siya sa ‘tin.”
Tumindig ang balahibo nila sa katotohanang iyon. Naghihintay lang ng tamang pagkakataon ang agila para madagit ang apat na daga. Kapag nahiwalay ang isang daga, sigurado na ang hapunan nito. Nilingon nila ang likod nila. Kung pareho pa rin ang formula ng lalaki, kung sinusunod pa rin nito ang kontrata nito kay Kapitan Jojo, wala muna silang dapat ipag-alala ngayon tirik pa ang araw.
“Jerry,” sabi ni Vincent, “pa’no niya nalaman na nasa school ka? Pagdating kasi namin do’n kagabi di ba nando’n kayong dalawa. Nakaparada mga sasakyan n’yo.”
“Hindi ko alam. Naghihintay ako no’n sa school. Pamaya-maya, huminto ‘yung pick-up truck. Akala ko nga kayo ‘yun eh.”
“No’ng tumawag ka sa ‘min, binabaril kami n’un. Kita mo naman ang daming tama ng sasakyan ni Ricky. No’n ko sinabi na sa school ka na lang pumunta at susunduin ka na lang namin.”
“Ang gusto mo bang sabihin eh alam ng lalaki na pinapunta mo si Jerry sa school?” tanong ni Ricky.
“Hindi... hindi ako sigurado. Imposibleng malaman niyang do’n ka pupunta. Kaya ba tumigil sa kagabing habulin tayo kasi—“
“Kasi palabas na tayo no’n sa highway. Maraming tao. Maraming sasakyan. Saka ano sabi mo, Jerry? Nasa harap ka lang ng school naghihintay.”
“Oo,” tugon ni Jerry.
“Malamang habang nagmamaneho siya nakita niya si Jerry na nakatambay sa harap ng school. Kung tine-trace niya tayo, kilala niya na mukha natin. At isang tingin lang niya kay Jerry kagabi, nakilala na niya.”
“Sabagay...”
“Ikaw naman kasi, Vincent. Masyado mo siyang ino-overate. Kahit ano ang mga nagawa niya, tao lang siya. Hindi siya powerful being. Oo, iba siya sa pangkaraniwan, pero tao pa rin siya. Tandaan mo ‘yan. At ngayon, alam niyang hindi siya ubra sa ‘tin kapag magkakasama tayo. Akala siguro ng maderpaker na ‘yon kagabi eh mga binata pa rin tayo. Kahit ba sabihin mong gumagamit na siya ng baril, siya pa rin ang dapat matakot sa ‘tin. Baligtarin natin ang sitwasyon.”
-----------------------------------------
Kumikirot pa rin ang sugat niya, pero nalinis na niya ito’t nagamot. Hindi naman malala ang tama niya.
Kinakain niya ngayon ang masarap na lugaw na nasa disposable na cup habang pinapanood ang apat sa parke. Gustong-gusto talagang malaman ang pinag-uusapan nila, pero kailangan niyang panatilihin ang distansiya.