Simula

3766 Words
Simula - Naaninag Wala sa sariling napaupo ako sa lupa nang maramdaman ko ang panginginig ng mga kalamnan ko. Kanina pa kasi kaming umaga na nandirito sa bukid at malapit na maghapunan pero hindi pa rin kami umuuwi. Wala yatang balak umuwi itong si Lian. Balak siguro nitong samahan namin na matulog at maghapunan ang mga alagaing kabayo nila. Hindi naman sa nagrereklamo. Pero kasi overwork ang tawag dito. Araw-araw na lang kaming nagtutungo rito sa bukid para lang sandukin ang mga dumi ng kabayo. Hindi ba uso sa probinsya ang rest day? Kahit gaano ako kapagod at kairitado ay pinanatili kong maging kalmado. Wala kasi akong karapatang magreklamo lalo na wala pang isang buwan simula na nagtungo ako rito. Kailangan ko magtiis dahil hindi lang buwan ang itatagal ko rito kundi taon. Napahiga na lang ako sa lupa at napabalik-tanaw na lang sa nangyari no'ng nakaraang linggo. Kung kailan ay unang napadpad ako rito sa La Isla de Amore. Parang kahapon lang kasi ay nakaupo lang ako sa opisina namin. Nagtitipa sa kompyuter pero ngayon ay ito at nagdadakot na ng tae. Pero iyong tila kahapon na 'yon ay hindi ko na siguro maibabalik. Kailangan ko nang harapin ang reyalidad... na tuluyan na nga akong natalo sa buhay. "Hello, Lilian Valencia?" tanong ko sa isang babae na tila mas bata sa akin. Maaliwalas itong ngumiti at tumango. "Kayo po ba si Ate Maria Tanya Aceveda?" tanong nito na ikinatango ko rin. Nabigla ako nang mabilis niya akong niyakap at tila natutuwa na makita ako sa personal. Si Lilian Valencia o mas nais tawaging Lian ay kamag-anak ko sa side ng mama ko. Pero hindi ko sigurado kung sino ang magulang niya. Ang banggit nito ay ang ama niya ay pinsan ng mama ko kaya magiging pangalawang pinsan ko siya. Maagang kasing namatay ang magulang ko. Kaya lumaki ako noon sa bahay-ampunan dahil sa walang kamag-anak na nakontak at kumupkop sa akin. Kaya iyong kakilalang madre namin ang nagpasok sa akin sa bahay-ampunan noong bata pa lamang ako. Kalaunan noong nasa tamang edad na ako ay nagdesisyon akong mag-aral sa kolehiyo bilang sikolohiya. At sa edad na bente ay nakapagtapos naman ako sa awa ng Diyos at nakapagtrabaho. Ngunit matapos nang mahigit limang taon ay minalas dahil sa natanggal ako. Hirap akong makahanap ng trabaho at bago pa ako malubog sa utang ay hinanap ko na ang mga kamag-anak ko upang mahingan ng tulong. "Balak n'yo po bumalik muli sa siyudad? Pero bakit naman po? Hindi ka pa nga po nakakarating nang tuluyan dito pero iniisip n'yo na agad ang pag-alis," saad ni Lian na tinulungan akong magbuhat ng gamit ko. Malungkot akong ngumiti na lamang. Binaybay namin ang patungo sa bahay nila na may kalayuan sa daungan. Kung sisipatin ang paligid ay walang mga nagtataasang gusali na hindi tulad sa siyudad. Probinsya talaga ang dating. Tila binalik tuloy ako nito sa matagal na panahon. "Hindi n'yo pa nga po nakikita ang ganda ng La Isla de Amore," dagdag nito. "Natuwa pa naman po ako na may makakasama na ako muli..." Napatingin ako sa huling sinabi nito. "Nabanggit mo sa usapan natin sa telepono na may unang pinsan ka pala at umalis nakaraan lamang upang mag-aral sa siyudad? Kung gano'n ikaw at si Lola Anding na lang ang magkasama rito? Nasaan na ang iba pang mga kamag-anak natin?" usisa ko. "Hindi ko po alam. Medyo matanda na po kasi si Lola Anding at may pagkakalimutin na rin kung minsan. Kaya hindi niya na naikukuwento sa amin," mahinhin na boses nito. "Pero ang magulang ko po ay hiwalay na at parehong nasa ibang bansa. Kaya nandito ako sa kalinga ni Lola Anding." Napatango-tango ako. "Ilang taon ka nga pala, Lian? Nag-aaral ka pa rin ba?" tanong ko dahil sa kanina pa ako nagtataka sa edad niya. Inosente kasi ang dating nito. Mahinahon magsalita. Tila mukha itong mas bata. Pero hindi naman nalalayo ang height namin dahil sa kinapos ako sa tangkad. Kulay kayumanggi rin pala ang balat niya at maamo ang mukha na kabaliktaran sa akin. "Bente anyos na po ako. Hindi po ba bente singko ka po, Ate Tanya?" balik nitong tanong na ikinatango ko. "Nag-aaral pa rin po ako at sa may bayan ang paaralan namin. Bakasyon lang po ngayon pero kapag may pasok na ay sa apartamento sa bayan ako kadalasang nananalagi po." "Eh, paano 'yan? Kapag may pasok ka pala ay naiiwan mag-isa si Lola Anding?" Umiling ito. "Hindi po, nandiyan naman po lagi ang inaapo niya." Inaapo? Akala ko ba ay kaming tatlo na lang ang magkakamag-anak dito sa isla? Pero hindi na ako nagtanong pa dahil mamaya ay magtaka na ito. Nakakapagod din magtanong dahil sa nakakahingal ang init. Summer kasi ngayon. Pero mukhang magiging maayos naman ako sa puder nila dahil sa nagkagaanan agad ang loob namin ni Lian. Pagkarating namin sa malaking bahay o mas akmang tawaging hacienda na gawa sa makuwalidad na materyal. Doon ko lamang napagtanto na may kaya pala sila Lola Anding. Mula kasi rito sa kinatitirikan ng bahay nila hanggang sa magkabilang dulo ay sakop ng lupain nila. "Maria Tanya, ikaw na ba 'yan? Diyos ko po! Napakaganda mo naman sa personal!" mahinhin na pambobola ni Lola Anding na naabutan naming naghahanda ng mga pagkain. Kahit na tila mga nasa edad sisenta na si Lola Antonette Valencia ay mukhang malakas pa ito. Lalo na nang ipabida nito na siya lamang ang nagluto ng mga pagkain. "Si Melinda pala, Maria. Siya ay isa sa tagapangalaga ng hacienda," pakilala ni Lola Anding sa kasama nito kanina pa. "Kaagapay ko rin siya sa pagluto kung minsan." "Magandang hapon, hija. Kung may kailangan o problema ka ay maaari mo naman akong lapitan. Huwag ka mahihiya," ngiting saad nito na siyang nakangiting ikinatango ko rin. "Bakit mo nga pala naisipang magtungo rito? Ang balita ko ay maganda sa siyudad dahil maraming oportunindad." Napahinto ako sa tanong niya. Pero sinagot ko naman 'yon nang totoo. Inamin ko na natanggal ako sa trabaho at nawalan ako ng kakayahang mamuhay sa siyudad. Kaya pansamantala ay umuwi muna ako rito sa isla. "Balak mo ba mamasukan dito? Pero karaniwan sa trabaho rito ay kasambahay o kaya sa palayan..." "Ano ka ba, Melinda. Hindi na kailangan ni Maria ang mamasukan kung kani-kanino. Dahil kailangan ko ng katuwang sa paggawa rito sa bahay. Sapagkat itong si Lian ay babalik na ulit sa eskuwela," kontra ni Lola Anding. Napuno ng kuwentuhan ang hapag-kainan. Samu't saring tanong ang sinasagwan ko mula sa kanilang tatlo lalo na kay Aling Melinda. Hindi ko alam kung ano trip nito o sadyang mausisa lang talaga ito. "Marunong ka ba magluto?" tanong ni Lola Anding na alanganing ikinailing ko. "Ayos lang 'yan at matututo ka rin kagaya ni Lian. Pwedeng samahan mo muna si Lian sa paghahatid ng mga pagkain, ano?" Paghahatid ng mga pagkain? Kanino? Sa mga nagtatrabaho ba sa kanila sa bukid? "Pwede rin po. Kahit saan n'yo po ako ilagay at kahit padakutin n'yo pa po ako ng tae ng kalabaw ay kayang-kaya ko po," biro ko sa kanila na hindi nila ikinatawa at sa halip ay tinotoo 'yon ni Lola Anding. Kaya ito kami ni Lian at magdamag na dinadakot ang dumi. Hindi sa kalabaw kundi sa kabayo. Hindi ko naman kasi batid na wala pala silang sense of humor! Mas pipiliin ko pa yatang mamalimos sa siyudad kaysa magdakot ng dumi ng iba. Tuluyan akong napabalik sa ulirat nang maaninag ko si Lian na palapit sa akin. Kasalukuyan pa rin kasi akong nakahiga sa lupa habang pinagtatanto na itong si Lian nga ay walang reklamo. Kahit ano ang iutos mo sa kaniya ay talagang susunod. "Ate Tanya!" tawag sa akin ni Lian. "Bakit nahiga ka sa lupa? Eh, may dumi riyan ng kabayo!" Hindi ako kumibo dulot ng pagod kaya hinatak na lang ako nito paupo. "Hayaan mo na, Ate Tanya. Maligo ka na lang pag-uwi," ngiting sambit nito na isinuot sa akin ang salakot bago ako binitiwan muli at siyang ikinabagsak ko sa lupa. "Suotin mo po muna 'yan para hindi ka masyadong matirikan ng araw." "O-Oh, saan ka pupunta, Lian? Aalis ka?" mabilis kong tanong at napatayo. "Iiwan mo ako mag-isa rito?" "Kailangan ko po bumalik sa bahay kasi malapit na maghapunan. Baka makalimutan ni Lola Anding ang gamot niya sa hika," tugon nito na inalis ang guwantes. "Babalik po ako agad dahil kailangan malinis natin ito." "Pero malapit na gumabi kaya dapat ipagpabukas na itong paglilinis. Kaya sasama na ako sa iyo pauwi..." "Ate Tanya," pigil nito. "Magagalit sila sa atin. Inako natin ang paglilinis ng dumi kaya kailangan nating tapusin." "Hindi ko kaya inako ang pagdadakot. Sinabi ko sa inyo nagbibiro lang ako," depensa ko na ikinatawa niya. "Kung gayon maling biro po kayo," banat nito na handa ng umalis. "Dadalhan ko na lang kayo ng damit at pagkain. Babalik din po ako agad, Ate Tanya!" Wala akong nagawa kundi maiwan dito sa bukid habang inaaninag ito na tumatakbo palayo sa akin. "Bilisan mo lang, Lian! Hindi ko pa kabisado ang daan pauwi!" sigaw ko sa kaniya na ikinakaway nito hudyat na narinig niya ang sinabi ko. "Hays, ayoko pa naman matulog kasama ang mga alagain nilang kabayo..." Pero tiwala lang at may tiwala naman din ako kay Lian dahil sa masunurin ito. Hindi naman niya siguro ako makakalimutan na balikan dito, ano? Kinampante ko na lamang ang sarili ko at kinumbinsi na tapusin ang natitirang trabaho. Para kapag bumalik si Lian ay kaunting linis na lang at makakauwi na agad. Kinuha ko ang pala at mabilis na pinala ang dumi ng kabayo bago inilagay sa timba na may sako. "Bakit ba kasi kailangan n'yo dumumi, huh?" tangang tanong ko habang nabibigatan sa hawak kong pala. "Eh, ang mga pusa nga naililigpit ang sariling dumi. Kayo pa kaya na mas malaki kaysa sa pusa?" Nakailang pala na ako sa dumi at binuhat ko pa ang sako papunta sa gilid dahil iniipon nila 'yon bilang fertilizer. Pero tila infinity ang dumi nila o sadyang baguhan lang ako para sa gawain na ito dahil hindi ko kayang punuin ang sako. Mas lalo lang akong hindi makahinga sa suot kong salakot pero pinanatili ko 'yon. "Napakawalang modo n'yo talaga," sambit ko sa mga kabayo na hindi naman nakakaunawa. "Hindi n'yo dapat pinapaligpit ang dumi n'yo sa ibang tao at hindi 'yon makatao!" "Mukhang wala ka rin sa katauhan." Napatigil ako sa pagpapala nang may marinig akong magsalita. Malalim ang boses nito at tila may mahika 'yon dahil sa hindi ako nakagalaw ni hindi ko ito nalingon upang iproseso lamang ang narinig. Sigurado ako na ang boses na 'yon ay galing sa matipunong tao. Impossible naman na galing lang 'yon sa kabayo unless na mukha itong kabayo. "Para kausapin ang mga kabayo," dagdag nito. "Hindi mo na ba kasama si Tope?" Nagtaka na nilingong sinagot ko ito. "Tope? Sino naman 'yon..." Napatigil ako muli nang tuluyang maaninag ko na ito. Mabuti na lang ay hindi niya nakita ang mukha kong nakabalot sa tela at salakot. Hindi niya nakita kung paano umawang ang labi ko sa makamandag na itsura at tindig nito. Holy f*ck. Sino namang tagalikha ang gagawa ng ganito kaamong mukha? Parang anghel na bumaba mula sa kalangitan! At daig pa ang makasalanang taong umakyat mula sa impyerno sa sobrang hot nitong tingnan. Sobrang tangkad kasi niya. Hindi kaputian pero bagay na bagay 'yon sa kaniya. Mapula at tila hugis-puso na labi. Mapupungay ngunit maalindog na mata. Matangos na ilong at makakapal na kilay gayon din ang pilik-mata. Pero higit sa lahat ay ang katawan nito ang mas napansin ko. Sobrang maskulado kasi nito na tila kayang mangabayo buong magdamag. "Lian, tinatanong kita," tawag nito na ikinabalik ko sa sarili. Lian? Hindi ako si Lian. Pero paano nagkaroon ng ganitong kakilala ito? "Lilian," tawag niya muli. "H-Huh?" mahinang sambit ko dahil tuluyan akong nahibang sa itsura at boses niya. "Ang sabi ko kung may kasama ka ba ngayon? Huwag mong sabihing ikaw lamang ang mag-isa na nandito?" abanteng paninigurado nito na ikinatango ko. Sh*t. Bakit siya lumalapit? Huwag niyang sabihin na nobyo siya ni Lian? Dahan-dahan akong napaatras habang ito ay nakangising lumapit sa akin hanggang sa mapasandal ako sa kung saan. "Delikado ang mapag-isa kapag bisperas ng gabi at lalo na babae ka pa," mahinahong suway nito na ikinakunot-noo ko. "Sang-ayon ka ba sa sinabi ko, Lian?" Tumango ako pero binawi ko 'yon at umiling. Hindi nito makita ang mukha ko lalo na bahagya akong nakayuko. Kaya siguro akala nito ay ako si Lian. Pero si Lian man ako o hindi. Hindi niya pwedeng gawin ito sa akin. Porket kami lang ang nandito sa kabukiran ay aakitin na niya ako? Napalunok ako nang inokupado na nito nang tuluyan ang espasyo sa pagitan naming dalawa at tila inambahan ako ng halik. Pero puwersahan ko siyang itinulak dahilan kaya ito napaatras. "Hindi ako si Lian!" naisigaw ko at tumakbo palayo pero agad niyang hinawakan ang pulsuhan ko. "A-Aray ko... iyong kamay ko!" "Tangina, sino ka?" gulat nitong tanong na pinigilan akong makalayo. "Tinatanong kita kung sino ka..." "Pakialam mo?!" pambabara ko at pilit na inaalis ang mahigpit na hawak niya sa kaliwang pulsuhan ko. "Nasaan na si Lian? Bakit suot-suot mo ang salakot niya?" marahas na tanong nito. Binabawi ko na. Mukha siyang anghel pero iyong ugali niya ay mas demonyo pa sa demonyo! Sigurado ako na isa itong tikbalang na nag-anyong tao lamang. At ang kulit din naman kasi ni Lian. Sabi ko na huwag akong iiwan! "Bakit si Lian lang ba ang may ganito?!" sigaw ko pero sobrang lakas niya at kulang na lang ay idapa niya ako sa lupa para lang hindi tumakas. "Ako ang nagbigay n'yan kay Lian! Kaya nasaan siya? Sino ka ba?" Napainda ako sa sakit nang walang alinlangang pinaluhod ako nito. Kaya nasa likuran ko ito at mahigpit niyang kinandado ang mga kamay ko sa likuran ko. At habang ang isang kamay nito ay nakahawak sa batok ko upang pigilan akong lumingon. Dinaig ko pa ang kriminal kung tratuhin nito. Eh, kung tutuusin ay siya pa nga itong kriminal sa aming dalawa dahil sa ginagawa niya sa akin. Kahit na sabihing mukha itong alagad ng kabutihan dahil sa mabiyaya nitong pagmumukha. "Hindi ako sinuka! Hindi rin ako pulis para hanapan mo ng nawawalang tao!" galit kong sigaw dahil sa muli niya akong itinayo at isinandal sa puno habang kaunti na lang ay mababalian na ako ng buto sa braso. "Bitiwan mo nga ako! Nasasaktan na ako! Baka gusto mong saktan din kita..." "Isa pang pabalang na sagot mo. Hindi ka matutuwa sa susunod kong tugon!" Hindi ko na natiis ang sakit na iginagawad nito. Kaya sumuko na lang ako dahil pakiramdam ko ihihiwalay talaga nito ang braso ko sa katawan ko. "O-Oo na, sasabihin ko na! Pinahiram lang sa akin ni Lian ito. Kung nagagalit ka na isinuot ko ito. Ito na at huhubarin ko na!" pakiusap ko na hindi nito ikinatinag. "A-Aray ko! Huwag mo idiin! Kapag ako nabalian ng buto kahit anong uri ng buto mo sa katawan ay babaliin ko rin!" "Hubad," biglang utos nito. "Hubarin mo na. Huwag mong hintayin na ako pa ang gagawa... kundi buong damit mo ang aalisin ko." Sh*t. Ang dumi ng bibig niya. Mas madumi pa kaysa sa dumi ng kabayo. "Bobo ka ba?" pabalang na tanong ko sa kaniya. "Eh, hawak mo 'yong dalawang kamay ko! Paano ko huhubarin, aber?" Galit niya akong pinakawalan. Kaya habol tuloy sa paghingang napasandal ako sa puno. Matalas ang mga tingin niya sa akin habang nagpupuyos naman sa galit ang mata ko. Siya pa ang may ganang talasan ako ng tingin? Eh, kung tusukin ko ang mata niya? Makakita pa kaya siya? Kung tunay na nobyo ito ni Lian. Madidismaya talaga ako nang husto. Sa sobrang bait ni Lian ay sa isang malademonyong pag-uugali lang siya mahuhulog? Hindi ako papayag! Inis kong inalis ang tabon ko sa mukha at ibinato sa mukha niya ang salakot nang senyasan niya akong hubarin ko na. "Masaya ka na? Isaksak mo sa baga mo 'yan, ha!" galit kong sambit. Pero tila natigilan ito sa sinabi ko. Naiwan kasi ang sarili niya na nakatingin sa akin habang hinayaan niyang mahulog lamang sa lupa ang panakip-ulong 'yon. Ano na naman bang problema niya? Akala ko ba ay salakot lang ang nais niya? Eh, bakit pinabayaan niya lamang itong masawsaw sa dumi? Hindi ito kumibo sa sinabi ko. Kaya nilayuan ko na lamang siya habang matalas ang mga tingin ko sa kaniya. Dinampot ko na lamang ang pala upang matapos na ang trabahong ito. Dapat din pala ay hinampas ko sa kaniya ito kanina. Edi, sana mahimbing siyang natutulog ngayon. Tuluyan nang kinain ng dilim ang buong kalangitan habang ako ay ipinagpatuloy ang pagpapala. Ilang sandok na lamang ay makakauwi na ako pero wala pa ring Lian na dumarating. "Bagong salta?" tanong ng kupal na ito na hindi pa pala napuksa. Hindi ako tumugon kaya mas lumapit ito sa akin at pinanood niya lang ako habang hinihintay na kumibo. Kaysa titigan niya ako ay bakit hindi niya na lamang ako tulungan? Baka mapatawad ko pa siya sa karahasan niya kanina! "Pangalan mo?" seryosong tanong niya muli pero hindi ako kumibo. "Wala kang pangalan?" Tingnan mo ang ugali niya. Ganiyan ba dapat ang nagtatanong? Inagrabyado niya na ako! Kaya imbes na mangusisa siya ay dapat humingi na siya ng kapatawaran. "Huwag mo akong pauulitin..." "Huwag mo rin akong pilitin," depensa ko. "Pribado ang pangalan ng tao. Kung ayaw niyang sabihin sa iyo, makuntento ka." "Walang pribado sa lugar na ito," mariin na sambit niya na nainis kong ikinatawa. "Sino ka ba sa akala mo? Presidente?" pagsusungit ko. "Ikaw ba ang pinuno ng lugar na ito? Eh, mukha ka lang namang tambay o 'di kaya ay lakwatsero!" Wala akong pakialam kung tambay ito o ano. Kung mabait lamang siya ay baka sinamahan ko pa siyang tumambay, 'di ba? "Bago ka magsalita, babae. Bakit hindi mo subukan tumingin sa salamin?" depensa niya na ikinalukot ng kilay ko sa galit. Loko ito. Sinasabi niya ba na mukha akong palaboy? Porket madungis lang ako dahil nahiga ako sa dumi kanina. Idagdag pa na pinaluhod ako nito sa lupa. Anong aasahan niya? Magiging kasing sariwa ako ng pechay matapos ako nitong isubsob sa putikan? Nakakainis. Kuhang-kuha niya ang inis ko. Hindi na lang ako kumibo at tinalikuran ito upang makauwi na. Bahala na kung saan ako dadalhin ng paa ko, basta mailayo lang ako sa demonyong ito. "A-Aray ko!" inda ko nang bigla siyang sumunod at marahas akong hinila sa pulsuhan upang ipasakay nito sa magara niyang sasakyan. "Hoy, saan mo ako dadalhin? Anong gagawin mo sa akin?!" "Sumama ka sa munisipyo," saad niya habang puwersahan akong hinahatak at puwersahan din akong pumapalag. "Sigurado ako na nag-espiya ka lamang dito..." "Ang galing mo mambaliktad, ah!" pambabara ko. "Kailan pa naging pag-espiya ang pagdadakot ng tae, aber?!" Hindi ito tumugon. Kaya nagpilitan pa kaming dalawa para lang mapasakay ako sa sasakyan niya na ang istilo ay pang-pickup truck. Ngunit masyado akong palaban para magtagumpay itong dakpin ako. "Pumasok ka..." "O-Okay... Maria Tanya Aceveda!" pagsuko ko na lang. "Hindi mo na ako kailangan dalhin sa munisipyo. Sinabi ko na ang pangalan ko tulad ng nais mo!" Binitiwan niya ako agad. Mabilis pala siya kausap. Ang laki ng problema niya porket hindi lang ito nasasagot. "Hihintayin kita bukas ng umaga sa munisipyo," striktong saad nito na ikinataas ng kilay ko. "B-Bakit sasama pa ako sa munisipyo? Sinabi ko na ang pangalan ko. Hindi ba ayon lamang ang nais mo?" iritadong sambit ko pero nakipaghatakan muli ito. Kaya tumango na lamang ako upang sumang-ayon sa pagtungo bukas sa munisipyo. Kahit hindi ko alam kung saan 'yon at paano magtungo ro'n. Nangalay na rin ang panga ko sa pakikipagbangayan dito. Pagod na ako at gusto ko na lamang umuwi upang ipahinga ang lalamunan ko. "Hindi ka sumasagot..." "Tumango ako!" galit kong tugon. "Paano kapag hindi kita makita bukas sa munisipyo? Anong gagawin ko sa iyo, Maria Tanya Aceveda?" Natigilan ako sa pagbigkas nito ng buong pangalan ko. "M-Makikita mo ako ro'n. Baka nga ikaw pa itong hindi sumipot dahil apat na kaso ang isasampa ko sa iyo," inis kong saad. Makikita niya at isusumpa ko siya. Pabubulukin ko siya sa kulungan kasing bulok ng balat ng saging. Ngumisi ito. "Kahit isampu mo pa, Tanya," hamon nito na ikinaikot ng mata ko. Pinanlilisikan na tinging sinundan ko ito na sumakay sa sasakyan niya. Mukhang kumalma na ang demonyo sa katawan nito at nagpasiya ng umalis nang payapa. Ang kanina rin palang pormal at plantsadong suot nito ay ngayon ay gusot-gusot na. Pero habang pinapanood ko ito na sumakay sa sasakyan niya ay tila nakaramdam ako ng pang-aapi. Gusto ko pala umuwi na may dignidad pa rin. Kaya dali-dali kong dinampot ang pala at sinandok ang dumi ng kabayo. Tutal sa munisipyo rin naman ang bagsak ko ay susulitin ko na. Pinilit kong itinaas ang pala at walang alinlangang isinaboy sa bukas na bintana nito ang dumi ng kabayo. Kaya ngayon ay ligong-ligo ito sa kadugyutan. "T-Tangina... Tanya!" palahaw nito sa gulat na ikinangisi ko. "May problema ka talaga sa utak!" Nakakalokang tinawanan ko siya at sinipa agad ang pinto nang balakin niya pang bumaba. Pero dahil mas malakas ito kumpara sa akin ay muntik pa akong tumalsik nang pigilan ko itong makababa. "M-May ubo ka rin sa utak!" sigaw ko pabalik at mabilis na tumakbo nang habulin niya ako. Pero sumibol ang kaba at takot sa dibdib ko nang sobrang bilis niya palang tumakbo. Tila ang tatlong hakbang ko ay isang hakbang lang para sa kaniya. "Sinasagad mo talaga ako!" malakas na boses niya. Dinaig pa namin ang kabayo na nag-alboroto. Tila determinado rin ito sa paghabol kaya mabilis akong tumakbo sa masukal na daan. "Aceveda!" galit nitong tawag pero determinado akong takasan siya. Hindi ko na alam kung nasaan na ako. Mapupunong paligid at mababatong daan ang narating ko sa kakalusob sa isang padilim na gubat. Dali-dali kong nilapitan ang isang malaking bato nang mapansin ko ito. At hinihingal tuloy akong nagtago rito habang kabado sa kapangahasan ko. "D-Diyos ko po, mas okay pa yatang habulin ng usa kaysa ng ulol," hinihingal na sambit ko. Lumipas ang ilang minuto na mukhang tuluyan kong nailigaw ang gagong 'yon. Pero agad akong napatago muli nang nagkamali ako. Nandito pa rin pala ito at tahimik lamang na naghahanap. Gano'n ito kautak na nilalang. "I know you are here, Tanya," mabagsik na tono niya. "Alam ko naririnig mo ako. I give you one more chance... siputin mo ako bukas kung ayaw mong maging miserable ang buhay mo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD