Kabanata 1 - Muli

1500 Words
Isa. Dalawa. Tatlo. Hindi ko alam kung ilang oras ako nagtago sa likod ng malaking bato na 'yon bago ito tuluyang sumuko. Kung hindi pa tumunog ang telepono niya ay wala pa itong balak na magpapuksa. At balak niya pa sigurong halughugin ang buong gubat para lamang hanapin ako. "Alonzo, may nakita akong isa," dinig kong boses ng kupal na 'yon. Isa? Sino namang isa 'yon? Hindi kaya ako 'yon? Kung makaisa naman siya ay parang isda lang sa ilog ang tinutukoy niya! Hindi ko na narinig ang sumunod pa nitong sinabi sa kausap. Hudyat na lumayo na ito kaya minabuti ko na rin na dahan-dahang tumakas. Dumaan ako sa mababatong parte upang makalabas sa masukal na daang ito na parte ng gubat. Pero dahil sa maling pagkakahakbang ko sa mga batuhan ay bigla na lamang akong napasigaw. "S-Shuta!" inda ko sa sakit na agad kong ikinatakip ng bibig. Tumama ba naman ang siko at pulsuhan ko sa magaspang na bato nang dumulas ako. Kaya sobrang hapdi at pagdudugo nito na siyang binanlawan ko na lamang ng tubig mula rito sa ilog. Matapos 'yon ay tahimik na akong sumuksok sa mga halamanan upang makalabas sa masukal na parte ng gubat. Hindi ko alam kung nasaan na si Lian. Hindi naman kasi ako maaaring bumalik sa bukid dahil mamaya ay nag-aabang ang kupal na 'yon doon. "Pero paano si Lian?" napahinto sa pagtakbong tanong ko at lumingon sa pinanggalingan ko kanina. "Paano kung nakabalik na siya ro'n? Baka mamaya ay may gawing kabastusan ang gagong 'yon sa pinsan ko?" Nabagabag ako. Iniisip ko tuloy kung ihahakbang ko ba ang paa ko paabante o paatras. Kung babalik ba ako sa parte ng bukid na 'yon upang tingnan si Lian o huwag na. Pero mas pinili ko na lamang na umabante at tumakbo palayo na hindi batid kung saan tutungo. "Malaki na si Lian, Tanya! Hindi naman na siya minor de edad," pangungumbinsi ko sa sarili habang tumatakbo sa mahabang daan at sa kalagitnaan ng dilim. "At isa pa, nobyo niya siguro 'yon kasi hindi naman gano'n ang reaksyon no'n kung hindi!" Aaminin ko na naligaw ako sa pagtakbo. Pero hindi ako sumuko na hanapin ang pauwi sa hacienda. Mas mabuti nang tumakbo buong magdamag kaysa naman matulog ako rito sa labas. "O-Oh, Aling Melinda? Aling Melinda!" tawag ko nang maaninag ko ang pamilyar na babae. Kumpirmado nga. Si Aling Melinda nga ito. Nandito ito sa maliit na talipapa na nadaanan ko sa pagtakbo. Natuwa ako agad nang makita ito dahil sa wakas ay may tutulong na sa akin. Naalala ko na inalok niya ako ng tulong noong una kaming nagkita at ngayon ko ito tatanggapin. "A-Aling Melinda, tulungan n'yo po ako!" inuubong takbo ko palapit dito. Dinaig ko pa talaga ang batang dumayo galing sa kabilang baryo at uuwing talunan. Kaya ito at magsusumbong na lamang. "D-Diyos ko po! Anong nangyari sa iyo?" gulat na gulat na tanong nito na isinenyas ang siko at pulsuhan kong dumudugo. "Napaano ka, hija? Napaaway ka ba?!" Napailing ako dahil wala akong balak sagutin ito. Hindi ko ito masasagot. Kailangan ko na umuwi dahil mamaya ay masundan ako ng demonyong 'yon. Ewan ko na lang talaga! "P-Pwede n'yo po ba akong samahan makauwi? Hindi ko pa po kasi alam ang daan pauwi," hingal na pakiusap ko at ikinatango naman agad ni Aling Melinda kahit medyo natataranta pa ito. Ipinatabi muna nito ang binili rito sa talipapa at hinawakan ako sa kabilang braso upang gabayan sa paglalakad. Hindi ko na lamang din pinansin ang nagtataka at nangingilalang tingin ng ilang tao sa akin. "Ano bang nangyari sa iyo, hija? Saan ka ba sumuot?" usisa ni Aling Melinda. "Wala ka bang kasama? Ikaw lamang mag-isa? Saan ka ba kasi galing?" "S-Sa may bukid po ako," simpleng sagot ko sa sandamakmak nitong katanungan. Kung puro bato ng tanong si Aling Melinda ay todo iwas naman ako sa pagsagot. Hindi kasi nito mapreno ang bibig niya. Mamaya ay ikuwento niya pa sa buong isla ang katangahan ko. Hindi pala... hindi ko 'yon kasalanan. Kundi lahat ng 'yon ay kapangahasan ng demonyitong nasagupa ko kanina! Siya pa talaga ang may ganang manghatak sa akin patungong munisipyo? Eh, siya nga itong may atraso! Humanda talaga 'yon sa akin bukas ng umaga sa munisipyo. Magtutuos kaming dalawa at tutusdahin ko pati pagmumukha niya. Sa kabila ng kamalasan kanina ay nagpasalamat ako kay Aling Melinda. Sa wakas kasi ay nakauwi na ako ng ligtas kahit ginabi na. Ang mahalaga ay nakauwi pa rin talaga. "A-Ate Tanya?" Nagulat ako nang makasalubong si Lian dito sa b****a ng hacienda. Mukhang pauwi na rin ito habang bitbit ang ilang mga dalahin. Galing ba siya sa bukid? Kung gayon ay naabutan niya kaya 'yong demonyo... este 'yong nobyo niya? Hindi kaya may sinabi si Lian dito tungkol sa akin? "Maiwan ko na kayo d'yan at magluluto pa pala ako ng hapunan," biglang paalam ni Aling Melinda at iniwan kaming dalawa na nagtatakang nagkatitigan. Walang nagsalita sa amin ni Lian. Ilang segundo pa ang lumipas bago niya pinangunahan 'yon. "Ate Tanya, saan ka po galing?" takang tanong nito. "Saan ka rin galing, Lian?" tanong ko pabalik imbes na sumagot. "Sa may bukid po. Nagdala nga po ako ng pagkain at damit pero pagtungo ko ro'n ay wala na kayo. Tinapos n'yo naman na ang trabaho kaya umuwi na ako dahil baka nainip ka na at nauna ng umuwi," paliwanag nito na ipinakita ang basket. "At hindi nga ako nagkamali. Umuwi na nga pala talaga kayo. Saan ka po ba dumaan at mukhang nagkasalisi po tayo..." Pilit na ngumiti ako. "Ah, naglibot lang ako ta's nakasalubong ko kasi si Aling Melinda sa may talipapa," tipid kong rason. Napatango-tango ito. Pero hinihintay ko na sabihin niya ang tungkol sa lalaking nakasagupa ko kanina sa bukid. Baka kasi naabutan niya ito doon pero mukhang hindi. "A-Anong nangyari sa iyo, Maria Tanya? Diyos ko po at patawarin sana ang gumawa nito sa iyo!" gulat na sambit ni Lola Anding nang makita ang siko at pulsuhan kong natuyuan ng dugo. "Sino ba ang may kagagawan nito sa iyo, Maria?" Parehong nakatingin sina Lola Anding at Lian sa akin na naghihintay ng paliwanag. Sumagot naman ako pero puro palusot nga lamang. Nahihiya kasi akong banggitin sa kanila na tinapunan ko ng dumi ng kabayo ang lalaking nakabuno ko sa bukid nila. Baka madismaya sila sa akin na gano'n pala ang tunay na kulay ko. "Nag-alboroto po kasi ang isa n'yong kabayo. Kaya mabilis ako nitong hinabol at dahil sa takot ay napatakbo ako at nadapa," hindi nagpatinag na paliwanag ko. "Pero huwag po kayo mag-alala dahil kumalma naman na 'yong kabayo at naitali ko po." "Akala ko po ba ay naglibot kayo, Ate Tanya?" takang tanong ni Lian na panandalian kong ikinahinto. Alanganing tumango ako. "P-Pagkatapos kong maitali ang kabayo at matapos ang trabaho sa bukid. Naglibot na po ako at nasalubong ko si Aling Melinda na inihatid ako pauwi." Napatango si Lian habang hindi napanatag si Lola Anding sa nangyari. "Naku, paano na ito?" nababahalang sambit ni Lola Anding. "Mabuti pa at huwag ka na magtungo sa bukid. Hayaan n'yo na ang mga manggagawa doon na gumawa." "Pero hindi po ba nagtungo sila sa bayan, Lola Anding? Pinauwi n'yo po sila sa kanila upang magpahinga. Kaya baka bukas pa po makalawa ang balik nila," saad ni Lian. Ano bang problema ni Lian? Huwag niyang sabihin na babalik pa kami bukas do'n? Kapag nagkita ulit kami ng demonyong lalaking 'yon ay baka ako na ang mapuksa no'n sa mundo. Sa sobrang galit no'n sa ginawa ko sa kaniya ay sigurado akong hinahalughog niya na ang buong isla para lamang hanapin ako! "Kung gayon ay ikaw na lamang muna mag-isa ang pumaroon bukas, Lilian. Ipagpahinga mo muna itong si Maria dahil tingnan mo ang sugat niya at sariwa," utos ni Lola Anding na ikinatango ni Lian at ikinailing ko agad. "Delikado po yata ang mag-isa sa bukid. Mamaya ay malapitan ka ng mga taong may sira sa kukuti," sambit ko agad. "Hindi po ba pwede na kahit bukas ay wala munang maglilinis do'n, Lola Anding?" "Okay lang naman, Ate Tanya. Dati ay mag-isa lang naman akong nagtutungo ro'n," ngiting saad ni Lian. "Sasama na lang po ako bukas kung gayon," mabilis kong saad. "Pero may sugat ka, Maria..." "Babantayan ko lang po si Lian, Lola Anding. Uupo lang po ako sa may ilalim ng puno," sambit ko na walang magawa kundi pumayag na lamang ito. Napakamasunurin naman kasi ni Lian. Dapat pinilit niya ang lola niya na huwag magtungo bukas. Kapag kami naabutan ng lalaking 'yon ay pareho kaming tatlong maglalaro ng takbu-takbuhan. Nagpaalam na ako kanila Lian na papasok na sa kuwarto ko matapos kong makaligo. Nasa sala pa kasi sila at naghahapunan. Humindi na ako sa hapunan dahil hindi pa ako gutom. Busog na busog kasi ang utak ko sa pag-iisip sa nangyari kanina. "Nobyo ba talaga niya 'yon?" dismayado kong tanong habang nakatulala sa may kisame. "Ugali no'n mas magaspang pa sa bato..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD