Paulit-ulit ko na ngang nalait sa utak ko ang lalaking 'yon. Kaya ito at nakatulugan ko ang pag-iisip tungkol dito.
Huli na akong nagising kinabukasan dahil nakabalik na rin si Lian galing sa bukid. Tapos na raw siyang maglinis do'n at hindi niya na rin ako ginising dahil sa mahimbing kong pagtulog.
Sinabihan din yata siya ni Lola Anding na hayaan akong magpahinga upang humilom ang sugat.
"Hindi mo man lang ako ginising, Lian? Paano kung napahamak ka sa bukid?" nag-aalala kong tanong na ngiting ikinailing niya.
"Bata pa lang ako ay nandito na ako, Ate Tanya. Wala pa naman pong masamang nangyayari sa akin," saad nito.
"Hihintayin mo pa bang may masamang mangyari sa iyo?"
"Huli naman na po 'yon kanina dahil babalik na rin ang mga manggagawa ro'n bukas. At isa pa po, wala pong kaso ng krimen dito sa La Isla de Amore," pagmamalaki nito. "Maayos ang pamamalakad ng gobernador sa isla."
Napaiwas ako ng tingin. Hindi ako sang-ayon dito. Sapagkat sino pala ang kupal na naghasik ng lagim kahapon? Sigurado ako na takas ng kulungan o 'di kaya ay mental 'yon!
Napasandal ako rito sa rehas ng tindahan habang hinihintay si Lian na makabili ng rekado na iniutos ni Lola Anding. Pero naalerto ako nang marinig ang pag-uusap nila Aling Melinda na nandito rin sa tindahan upang maghasik ng maling balita kasama ang ilang matatanda.
"Hindi n'yo pa narinig? Nagkakagulo ang munisipyo dahil sa may pinapahanap ito kay Mayor," saad ni Aling Melinda na nagpapaypay ng abaniko.
"Sino ba kasi ang hinahanap nila?" tanong ng kasama nito. "May napadpad bang kriminal muli sa isla? Matagal na simula noong huling may nangyaring masama dahil sa dalawang turista na 'yon. Mabuti na lamang talaga ay naayos agad 'yon ni Gobernador, ano?"
"Hindi ko sigurado kung bagong krimen ito. Pero may nakita raw na babaeng mukhang espiya at tumakas papuntang bundok," mahiwagang kuwento ni Aling Melinda na animo'y nasa kaganapan. "Mababa at maputi pala ang babae sabi ng nagsumbong. May kaunting kurba ang katawan pero wala raw dibdib..."
Napaawang ang gilid ng labi ko. Hindi kaya ako 'yon? Pero excuse me... hindi gano'n ang dibdib ko, 'no!
Pero sigurado na ako ang pinapahanap nila dahil sa galing sa munisipyo ang anunsyo na 'yon. Ako lang din naman ang babaeng nasa bukid kahapon bukod kay Lian.
Napatakip ako ng bibig nang may maalala ang kailaliman ng utak ko.
Sh*t. Kaya pala nagsumbong ang loko sa munisipyo dahil nakalimutan kong sumipot kanina!
Pero kung ang Diyos nga ay mapagpatawad, siya pa kaya na 'di hamak tao lamang? Kaya ang nangyari kahapon ay kahapon na lang. At isa pa, malaki ang isla kaya impossible naman na magkita kami muli.
"At hindi raw kagandahan. Mahaba at itim na itim ang medyo kulot nitong buhok," dinig kong paglalarawan ni Aling Melinda.
Pasimple kong tinali ang buhok ko dahil kumpirmado na ako nga 'yon. Pero ang bobo naman niya magsumbong. Hindi niya buong inaakma sa pisikal na kaanyuan o baka naman may problema siya sa mata.
"Oh, nandi pala kayo, Lian! Ito nga pala 'yong sinasabi kong bagong apo ni Lola Anding," biglang sambit ni Aling Melinda nang mapansin ako. "Siya 'yong galing sa siyudad na bumisita rito pansamantala. Hindi ba napakaganda ni Maria Tanya Aceveda?"
Napatigil ako sa tinuran ni Aling Melinda at nahihiyang ngumiti na lamang. Binugaw pa nga.
"O-Oh, hindi ka nga nagkamali sa kuwinento mo ukol sa bagong dating na apo ni Lola Anding," gatong ng katsismisan nito. "Ngayon ay sang-ayon na ako sa sinabi mo na mas maganda siya kumpara kay Lian, ano?"
Napatigil ako sa sinabi ng isang ginang habang ngiting tumango naman si Lian na tila payag sa opinyon nito.
"Mas maganda po si Lilian," ngiting sambit ko agad na ikinabigla ni Lian nang tumingin ito sa akin. "Mapagkumbaba lamang siya na mas ikinaganda niya. Akalain mo 'yon maganda ka na at mabait pa. Tiba-tiba talaga ang mapapangasawa niya, hindi ba?"
"A-Ate Tanya, huwag po kayo magbiro," nahihiyang sambit na lamang ni Lian.
"Kailan pa ako nagbiro? Totoo naman na mas maganda ka kaysa sa amin lalo na sa kanila!" seryosong sambit ko na ikinatahimik nilang lima kasama si Lian.
Walang patumpik-tumpik na hinatak ko na si Lian paalis sa bilihan na 'yon nang nagulat ito sa inasal ko.
Hindi ako nagpasalamat sa mga sinabi nilang papuri. Pinuri nga nila ako pero tila nilait naman nila si Lian. Hindi maganda na ipagtimbang ang dalawang magkaibang tao dahil iba-iba naman tayo ng katangian.
Pagkabalik namin sa bahay ay naulinigan ko na inutusan muli ni Lola Anding si Lian na maghatid ng pagkain sa inaapo nito na nasa may kapitolyo.
Hindi na nila ako pinasama dahil malayo raw 'yon. Pero naawa tuloy ako kay Lian na kahit ano talaga ang iutos dito ay gagawin nito na walang pag-aalinlangan.
"May apo po kayo na nagtatrabaho sa gobyerno?" tanong ko kay Lola Anding habang pinagpipilian nito ang bigas na nasa bilao.
Ngiti itong tumango. "Kaibigan ko ang kaniyang lola noong nabubuhay pa ito. Gayunpaman kahit na inaapo ko lamang siya ay tinatrato ko na itong tunay na apo tulad n'yo," tugon nito na nasa ginagawa ang atensyon.
"Nagtatrabaho po ba siya sa kapitolyo?" usisa ko muli. "At bakit kailangan n'yo po siya padalhan ng pagkain? Wala po ba siyang makain?"
"Gobernador siya, Maria Tanya," tugon nito na ikinatigil ko. "Nakasanayan ko na siyang padalhan ng pagkain. Hindi rin kasi siya kumakain nang maayos kaya namamayat na ang batang 'yon."
Napatango na lamang ako nang dismayado itong naapailing. Pero ang taray naman ng inaapo niya at gobernador pala. Malakas talaga ang kapit nila sa kinauukulan.
Pero tila napangiti ako nang mapagtanto ko na mukhang may koneksyon pala sila sa mga opisyal. Sapagkat kung gobernador ang inaapo ni Lola Anding ay maituturing na kamag-anak niya na rin ito. Kaya kung sakaling makasuhan ako sa kapangahasan ko kahapon ay may tutulong naman pala sa akin.
Hays, nabahala pa ako kagabi. May koneksyon naman pala akong paiiralin. Sigurado akong hindi ako mapupuksa ng lalaking nasagupa ko kundi siya pa ang pupuksain ko!
Hindi ko na dinaldal pa si Lola Anding. Medyo may pagkamatipid pala ito tumugon. Nakikipag-usap naman siya subalit limitado lamang ang pagkukuwento niya.
"Kailangan n'yo po pala ng tulong?" alok ko rito dahil isang kaban pa ng bigas ang kailangan niyang pagpilian.
"Salamat sa iyo, Maria Tanya. Subalit mabuting ipagpahinga mo muna ang sarili mo," ngiting sambit nito na abala sa ginagawa.
Napatango na lamang ako. Pero ayoko talaga magpahinga. Kapag nagpapahinga ako ay mas napapagod ako dahil sa hindi abala ang utak ko. Kaya kung ano-anu ang mga naiisip ko.
"Eh, itong labahan po, Lola Anding? Si Lian po ba ang maglalaba nito?" tanong ko agad sa isang planggana na ikinatango niya. "Ako na lang po ang maglalaba nito at baka pagod na po si Lian pagkabalik nito..."
"Sigurado ka, Maria? Kaya mo bang kumilos?" paninigurado nito na ngiting ikinatango ko.
Grabe sobra pala talaga ang pasanin ni Lian lalo na ngayong ito na lamang ang mag-isang naiwan dito matapos itong iwan ng isa pa nitong pinsan.
Wala kasing araw na hindi ito nauutusan. Iyong mga manggagawa kasi nila ay sa bukid lang nakatoka tulad ni Aling Melinda na sa may taniman lang dito sa hacienda ang trabaho. Kaya wala talaga silang personal na mauutusan kumbaga.
"Opo, kayang-kaya po. Saan ko po ba lalabhan ito?" tanong ko na binuhat ang isang plangganang labahin.
"Sa may ilog, Maria."
Napatigil ako. Sa ilog sila naglalaba? Ayon ba 'yong nadaanan ko kagabi kung saan ako nadulas?
"Kailangan po ba sa ilog maglaba?" paninigurado ko.
Mukhang maling boluntaryo yata ito parang maling biro ko lamang nakaraan.
Napalunok ako sa kaba. Hindi ko naman siguro makakasalubong ang lalaking 'yo kagabi ngayon? Sapagkat anong oras na at sigurado akong umuwi na 'yon sa lungga niya!
"Walang tubig kapag katapusan ng buwan ng Abril dahil panahon ng tag-tuyot. Kaya sa ilog naglalaba o 'di kaya ay naghuhugas ng pinggan," saad ni Lola Anding. "Kapag ganito kainit ay lagi talagang may problema sa irigasyon ng tubig..."
Hindi na ako umangal pa. Nakapagsabi na ako na lalabhan ito kaya dinala ko na lang sa ilog.
Natandaan ko naman ang lugar patungo ro'n kaya 'di na ako naligaw. Gano'n din katalas ang memorya ko sa pagkabisa ng mga lugar.
Pagkarating ko sa ilog ay may dalawang babae na kakatapos lang maghugas ng pinggan.
Pinasadahan pa nila ako ng tingin na tila iniisip kung saang lupalop ako nagmula at ngayon lang nila nakita.
Tanghaling tapat na rin pala. Kaya siguro walang katao-tao rito sa ilog dahil sa baka lumalamon pa ang lahat.
Kaunti lang naman din ang lalabhan ko. Mga nasa limang damit lang ni Lola Anding at may ilang damit din ni Lian ang kasama rito. Mapapansin naman kasi kung kanino ang mga damit dahil sa istilo.
Marunong naman din ako maglaba. Pero hindi nga lang sa labas. Sa lababo lang kasi kami naglalaba sa siyudad kaya nga muntik na kaming mapalayas. Sapagkat barado na raw ang lababo sa kakalaba nito.
"O-Oh, sinuot talaga ni Lian ang panty ko?" tangang sambit ko nang madampot ang kulay kremang salawal.
Naalala ko ay nanghiram ito ng panty nakaraan dahil hindi raw ito nakapaglaba.
Isang beses ko lang naman nasuot ito kaya ito na lang din ang ipinahiram ko.
Mabango naman din ang pechay ko kaya walang problema. Hindi naman ito maarte lalo na siya naman ang nanghiram ng gamit.
"Pati ba naman panty ng iba ay inaangkin mo pa, Tanya?"
Napatigil ako sa boses na 'yon at naiwan sa ere ang kamay ko na may hawak ng salawal.
Natatakot na sinipat ko ang pinanggalingan ng boses na 'yon.
Tila tumigil ang mundo ko nang makita ang ingkantong 'yon sa ibabaw ng malaking bato habang pirmi itong nakaupo ro'n at ngising-ngising nakatingin sa akin.
Ang ngisi nito ang nagpakaba sa dibdib ko. Ngising matagumpay kasi ito na makita ako muli. Pero bahagya akong binagabag ng kakaibang dating niya ngayon.
Hindi ko itatanggi na hindi siya guwapo. Bagay na bagay sa kaniya ang pormal niyang suot. Ang kaniyang abo na polo at ang maskulado nitong bisig na pumuputok sa manggas niya.
Mas napasadahan ko rin ang mukha nito dahil sa maliwanag na paligid. Hindi tulad kahapon na padilim na.
Pero sh*t talaga. Anong ginagawa niya rito? Huwag niya sabihing natulog siya rito sa ilog para lang abangan ako? Tutal dito niya ako huling nakita ay malamang dito talaga siya babalik.
"Kumusta, Maria Tanya Aceveda?" ngising tanong nito. "Nakatulog ka ba?"