Alodia
Dati rati ay hanggang sa mga larawan lang ng Black Fire Trio ako nakamasid at nangangarap. Pero ngayon ay halos abot kamay ko na sila, lalo na ang pinakamamahal kong si Enzo.
Mabuti na lang at napalapit din ako sa good boy ng BFT na si Ethan dahil tinutulungan nya ako para lalong mas mapalapit sa kanilang leader.
Sobrang saya ng puso ko sa tuwing natatanggap ni Enzo ang mga regalo ko. Alam kong balewala pa sa kanya ang mga ito ngayon pero naniniwala ako na isang araw ay magigising sya sa katotohanan na mahal na pala nya ang babaeng nagtatago sa isang katauhan.
Alam kong hahanapin nya rin ako. Alam kong mananabik din syang makasama at makita ako. Naiisip ko pa lang ang bagay na ito ay talagang kinakalampag ng husto ang puso ko.
Habang nakaupo kami sa isang mahabang mesa sa may cafeteria ay nakamasid ako kay Enzo. Nakangiti ako habang pinagsasawaan ko ang napakagwapo nyang mukha. Harap-harapan ko na syang nakikita ngayon.
Madali namang nawawala ang mga ngiti ko kapag nasasaksihan ko kung paano nya alagaan ang kaibigan kong si Athena. Para kasing totoo? Para kasing may pagtingin na sya sa kaibigan ko? Napapailing na lang ako sa aking sarili at pilit na inaalis ang mga naiisip kong hindi maganda.
“I bought some yogurt. Baka gusto mo?”
Nakangiti pa rin ako habang nakamasid sa mahal kong si Enzo. Isang sulyap lang at isang ngiti lang mula sa kanya ay talagang kuntento na ako. Baka nga himatayin pa ako kapag nangyari iyon eh.
“Hey..”
Saka lamang ako napatingin kay Ethan. Kanina pa siguro sya sa tabi ko. Halos hindi ko na nga napansin na nakahain na pala ang mga binili nyang lunch para sa aming dalawa.
“Ang sabi ko, I bought some yogurt.” Wika nya sa akin.
Napakurap ako ng dalawang beses. May sinabi ba talaga sya?
“Huh? Ah, oo sige. Dyan mo lang, kakainin ko yan mamaya.” Sabi ko
Bumalik muli ako ng tingin kay Enzo. Pero sa pagkakataong ito ay kitang-kita ko kung paano nya pagmasdan ang kaibigan kong si Athena. Alam kong masama ang mainggit pero ito talaga ang nararamdaman ko. Sana ay ako na lang ang pinili ni Enzo eh. Ako sana ang inaalagaan nya ngayon at pinagmamasdan ng ganun.
Kagaad akong sumubo ng pagkain dahil tila naiinis ang puso ko.
“May problema ba?” tanong ni Ethan
Si Ethan ang parang naging bestfriend ko ngayon at sa kanya ko nilalabas ang lahat ng saloobin ko lalo na kung tungkol kay Enzo.
Napabuntong hininga ako at pakiramdam ko nga ay wala na akong ganang kumain.
“Nagseselos ako.” Sabi ko
Natulala lang si Ethan. Maya maya ay sumubo na rin sya ng pagkain. Bahagya akong nainis sa kanya kasi parang wala syang pakialam sa mga sinabi ko.
“Hey, wala ka man lang reaksyon? Ano bang dapat kong gawin? Parang sasabog ang puso ko sa sobrang sakit.” Paliwanag ko
Kinuha nya ang plato ko at nagsandok sya ng kanin at ulam. Itinutok nya ang kutsara sa bibig ko. Ikinabigla ko ang ginawa nya.
Susubuan ba nya ako? Ibang klase ring magpakilig si Ethan eh, simple pero ang lakas magpakalabog ng dibdib. Hindi ko tinanggihan ang pagkain sa harapan ko kaya ibinuka ko ang bibig ko at walang pagdadalawang isip na isinubo iyon.
Ngumiti sya.
“Mas maganda siguro kung sa akin ka mag-focus. Ako ang boyfriend mo di ba? Malay mo ma-inlove ka sa akin. Sasaluhin naman kita-- promise.” Seryosong wika nya
Parang tumigil ang mundo ko dahil sa mga narinig ko. Hindi ko maialis ang mga mata ko sa mga mata nya. Hindi ko alam kung totoo ba ang mga sinasabi nya o nabanggit lang nya iyon dahil nga ginagampanan lang nya ang pagiging boyfriend ko sa loob ng isang buwan.
Pero ang laki ng epekto nito sa puso ko. Hindi ko alam ang itutugon sa kanya.
“Sobrang seryoso mo naman. I’m just kidding.” Banggit nya
Napabuntong hininga muli ako. Mabuti na lang at nagbibiro lang sya. Hindi ko kayang ipagpalit si Enzo sa kahit na sinong lalaki, kahit kay Jungkook pa noh!
Pero infairness muntikan na rin akong bumigay kay Ethan. Buti na lang at napigilan ko.
“Ikaw talaga oh. Marunong ka rin palang magbiro.” Banggit ko
Inakbayan nya ako at pinakatitigan nya ang mga mata ko.
“Oo naman, anong akala mo sa akin laging seryoso?” sambit nya
Matutunaw ako sa mga tingin nya. Nakakaakit ang kanyang amoy na syang naiiwan sa aking ilong. Nakakainis naman itong si Ethan eh, ang lakas mag-wreck sa nararamdaman ko para kay Enzo.
Sabi ko pa naman ay hindi ko kayang ipagpalit ang baby Enzo ko kahit kay Jungkook pa, pero kay Ethan pa lang ay parang lumilihis na ang puso ko ng kaunti eh.
Iniwas ko ang mga tingin ko sa kanya. Kapag nagpatuloy akong tignan pa sya ay alam kong mahuhulog talaga ako sa kanya. Hindi naman mahirap mahalin si Ethan, kaya lang ay mas gusto ko talaga si baby Enzo.
Ambisyosa at mataas na ang pangarap ko pero sya talaga ang gusto ko. Gagawin ko ang lahat para mapansin nya ako. Kahit gaano kahirap ay susubukan ko pa rin basta mahalin nya lang ako.
Pero sadyang sinusubok yata ni Ethan ang loyalty ko kay Enzo. Naramdaman ko na lang na bumaba ang kanyang mga kamay patungo sa aking braso hanggang sa marating nya ang palad ko. Mahigpit nya itong hinawakan.
Alam ko naman na parte lang ito ng game kaya wala akong dapat na ipangamba. Hindi ko lang alam kung paano mapipigilan ang kilig na dumudungaw sa puso ko. Ayoko lang nung ideya na hindi pa nga kami ni Enzo ay pinagtataksilan ko na sya. Kainis talaga!
Pasimple kong sinulyapan si Ethan.
Pero nanlaki ang mga mata ko dahil nakatingin na kaagad sya sa akin. Wala na talaga akong kawala kapag ganito ng ganito ang eksena naming dalawa.
“Ahhm, pwede bang samahan mo ako mamaya sa bakeshop? Nagpareserve kasi ako ng heart shaped cake na strawberry flavor para kay Enzo.” Bulong ko kay Ethan
Tumango naman sya sa akin. Mabuti nang nagkakaintindihan kami. Mabuti na lang din at suportado naman nya ang kabaliwan ko kay Enzo. Kung si Amara lang ang kausap ko ay baka kanina pa nya ako nabatukan.
--
Pagkatapos ng klase ay kaagad naman kaming nagtungo ni Ethan sa bakeshop na sinasabi ko. Ang plano ko ay maiabot na dapat ito ni Ethan kay Enzo ngayong gabi.
Hindi na maaari pang ipagpabukas.
Isang oras din ang byahe namin nang marating namin ang bakeshop na iyon.
“Seriously? Nakarating ka rito para lang magpareserved ng cake?” pagkagulat ni Ethan
Napanguso naman ako dahil sa mga sinabi nya ay para bang pinapahiwatig nya sa akin na desperada na talaga ako dahil narating ko ang lugar na ito. Pero taas noo ko syang hinarap.
“O-oo naman! Bakit? Anong masama? Kapag mahal mo ang isang tao walang malayo, lahat malapit.” Sagot ko
Biglang naging seryoso ang kanyang awra. Marahil ay naabot na nya ang nais kong iparating sa kanya. Na kapag nagmamahal ka ay walang mahirap gawin para sa taong tunay na mahalaga sayo.
Sobrang ligaya ko nang makuha ko ang strawberry cake. Ang ganda ng cake at mukha talagang napakaespesyal nito.
Kagaya ng nabanggit ni Ethan ay fruity flavored cake talaga ang gusto ni Enzo kaya naman ang isang ito ang pinareserved ko.
Nang makalabas ako ng bakeshop ay nasaksihan ko si Ethan na nakasandal sa kanyang kotse at matiyaga akong hinihintay. Mabuti na lang at hindi mainipin si Ethan.
Mabuti na lang at sumasabay din sya sa trip ko. Paano na lang kaya kung si Galvert ang pumili sa akin? Panigurado na hindi nya ako masasabayan ng ganito. At siguradong ililiko nya sa ibang daan ang sasakyan nya at dadalhin nya ako kung saan nya dinadala ang mga nagiging lucky girlfriend nya. Nakakatakot!
Maswerte pa rin ako kahit paano dahil si Ethan ang kasama ko ngayon. Ang pinakamabait na miyembro ng Black Fire Trio.
“Okay na?” tanong nya
“Yes, nakuha ko na.” masayang wika ko habang ipinapakita ko sa kanya ang magandang box ng strawberry cake.
Napakamot lang sya sa kanyang batok. Nangingiti na lang sya sa kabaliwan ko sa kaibigan nya.
“Let’s go!” pagyaya nya
Nang makasakay kami sa kotse…
“Mag-dinner muna tayo? Sa Hyact Hotel? Remember?” alok nya
Nagulat naman ako. Akala ko ay hindi na matutuloy ang dinner date na iyon dahil ang hirap kumbinsihin ng dalawang kaibigan ko na wala namang pakialam sa mga boyfriend nila.
Sobra-sobra na ang ginagawa ni Ethan para sa akin. Hindi na nya ako dapat ilibre ng dinner. Hindi naman kailangan na laging umarte na magkarelasyon kami dahil game lang naman ito.
“I am inviting you in a dinner date not because of the game. Gusto kong magdinner tayo bilang magkaibigan?” paliwanag nya
Umusbong ang mga ngiti sa labi ko. Sobrang swerte ko kay Ethan. Hindi lang lucky girlfriend for one month ang turing nya sa akin kundi gusto nya akong maging kaibigan. Napakabuti nyang tao.
“Okay, sabi mo eh. Basta pagkain hindi ko tatanggihan yan.” Wika ko
Kaagad na nyang binuhay ang makina ng kanyang sasakyan. Dinala nya ako sa isang eleganteng hotel na ngayon ko lang napasok.
Bahagya akong nahiya sa aking sarili dahil ang layo ng itsura ko kumpara sa mga babaeng naririto. Lahat sila ay halatang galing sa mayayamang pamilya. Nakakahiya.
Dinala ko rin ang strawberry cake para kay Enzo dito sa loob ng restaurant dahil ayokong maiwan ito sa loob ng sasakyan ni Ethan.
Baka masira ang quality nito at matunaw lang.
Ngunit pagpasok namin doon ay kaagad kong natanaw si Enzo? Biglang nabuhayan ang puso ko dahil sa presensya nya. Pero kaagad din namang binawi dahil kasama nya rin si Athena, ang pinakaswerte sa buong mundo na girlfriend nya. Ang akala ko ay hindi sya payag sa dinner na ito pero nakakapagtaka at naririto sya.
Kaagad kong itinago ang box ng cake sa likuran ko. Hindi kailangang malaman ni Enzo na ako ang babae sa likod ng mga nagbibigay sa kanya ng regalo at sulat araw-araw.
"Athena!" Pagtawag ko sa aking kaibigan.
Ikinagulat ko ang naging itsura ngayon ng aking kaibigan. Napakaganda nya. Malayo sa Athena na halos kutyain ng mga estudyante sa Golden Valley. Talagang inaalagan sya ni Enzo.
"Hi!" Nahihiyang pagbati ni Athena sa amin.
Ramdam na ramdam ko ang malaking paghanga nya kay Ethan. Hindi ba iyon napapansin ni Enzo? Manhid ba talaga sya? Si Athena at Ethan ang dapat na magkasama ngayon eh.
Panay ang hawi ko sa aking buhok habang nakamasid kay Enzo. Pero kahit anong gawin ko ay talagang hindi nya ako pinapansin. Talagang na kay Athena ang buong atensyon nya.
Kaagad na akong iginiya ni Ethan sa kabilang mesa. Bagsak balikat akong sumunod sa kanya. Hawak ko pa rin sa likuran ko ang itinatago kong strawberry cake para kay Enzo.
Kahit nasa kabilang lamesa na kami ay kapansin pansin ang mga tingin ni Athena sa ka-date kong si Ethan. Hindi nya talaga maitago ang paghanga nya sa boyfriend ko.
Kung pwede lang talagang magpalit ng sitwasyon ay gagawin ko talaga ngayon.
"Hey! Baka matunaw ang kaibigan ko kakatingin mo." Banggit ni Ethan
Bigla nyang hinawakan ang kamay ko na nakapatong sa mesa.
"Focus on me. Please.. ako muna sa ngayon." Ani Ethan na halos namamaos ang boses.
Bigla na lamang akong napalunok ng dalawang beses. Nanigas din ang kamay ko na hawak nya.
Matipid akong ngumiti sa kanya.
"Sorry." Matipid kong sagot sa kanya.
Hinagod nya ng marahan ang aking kamay at hindi nya pinakawalan ang mga titig sa akin. Hindi ko alam kung ano ba ang ginagawa nya? Hindi naman nya kailangang magpanggap eh. Sa ginagawa nya ay baka mahulog lang ako sa kanya. Pero ayoko! Gusto kong pigilan dahil nais kong maging loyal kay Baby Enzo.
Kapag nalaman nya na nahuhumaling ako kay Ethan ay baka hindi nya ako lalong magustuhan. Kailangan kong magtiis muna. Kailangan kong magpigil ng nararamdaman.
"Basta huwag mong kalimutan ang strawberry cake para kay Enzo huh?" Pagpapaalala ko sa kanya
Kinurot nya ang ilong ko.
Pinanggigilan nya ito na para bang naiinis sya sa akin. Bakit kaya? Pabago bago naman ang mood ng lalaking ito.